webnovel

The Rajah's Curse

Si Sillanah ay anak ng isa sa pinakamayamang tao sa kapital. Kabigha-bighani, matalino at walang inuurungan. Paano kung ang binibining matapang pa sa oso ng Gubat ng Sinayon ay mapiling asawa ng Rajah ng kanilang bansa? At ano ito.. may nakaraan pa yata ang dalawa? May digmaan sa hangganan ng kanilang lupain at.. may digmaan din ng puso sa palasyo? Ito ang kwentong magpapatunay na hindi lahat ng marupok.. ipinanganak no'ng 2000.

Dreamerdreams · History
Not enough ratings
7 Chs

Sinungaling

Sinadya kong mag-iwan ng sapat na segundo bago sundan ang sinabi. Sapat na sapat lang ang segundong iniwan ko dahil kung mahuhuli pa ko ng ilang sandali, makakalapit na ang kawal at mapupugutan na ko ng ulo.

Iyon ay kung mauunahan nila ang Rajah na patayin ako.

Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa mataas niyang trono. May tatlong baitang ang pagitan namin at nakababa na siya ng dalawa nang magsalita ulit ako.

"Naniniwala po ako, na lahat ng banga ay pantay-pantay, gaya ng kung paanong ang lahat ng tao'y pantay din. Dinala ko ang ginto dahil ang sabi po'y sumisimbolo sa inyo. Pero kung tatanungin ako, wala kang pinagkaiba sa ibang tao, Kamahalan. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawang hindi ang pagiging mayaman mo ang pinagkaiba mo sa amin kundi ang lawak at lalim ng pagmamahal mo sa bansa, doon lamang malalaman ng iyong nasasakupan kung anong tunay na kahulugan ng iyong pagiging Rajah."

Natahimik ang mga tumatawa kanina. Nakita ko ang pagngiti ng Inang Rebarah. Namalagi naman siyang nakatayo at isang baitang ang layo mula sa akin.

"Ang sabi mo'y wala akong laman?" Malamig niyang sabi.

"Ang isang mabuting namumuno ay tulad ng isang bangang walang laman. Nag-iiwan ng puwang para sa kaniyang mga nasasakupan. Kung ihahalintulad ko po ang Kamahalan sa isang sisidlang puno na, hindi ba't katumbas na rin iyon ng pagsasabing walang lugar sa inyong sarili ang inyong bayan? Para sa akin, kayo po ang uri ng namumunong laging dala ang kaharian sa kaniyang sarili, Mahal kong Rajah."

Tumawa ang dating Rajah, ang ama ng lalaking nasa harap ko na tila hindi kumbinsido sa lahat ng naririnig.

"Napakatalinong binibini! Matapang at alam ang mabuting pamumuno!"

"Tama po, Kamahalan!" Sang-ayon ng Inang Rebarah. "Kaytagal na nang huli akong makakita ng dalagang singtatas niya!"

Pati mga opisyal at maytungkulin ng palasyo ay ganoon din ang sinabi. Kahit na sigurado akong ang mga magulang ng karibal ko ay nakangiwi habang sinasang-ayunan iyon.

Pero parang hindi narinig lahat ng papuri, humakbang ang Rajah sa huling baitang at naabot ako.

Mas matangkad siya kaysa huli kong naaalala. Mas malapad ang balikat. Mas mahaba ang buhok. Mas mabigat ang mata.

"Sinungaling," bulong iyon sa pagitan lang naming dalawa.

Akala ko alam ko ang tinutukoy niya. Akala ko tungkol iyon sa pananaw kong mapagmahal siya sa bansa hanggang..

"Sinungaling ka talaga, Sillanah," halos himatayin ako nang ilapit niya ang labi niya sa tainga ko. "Hindi mo mahal ang iyong Rajah."