webnovel

CHAPTER 17: FIRST TIME, WE LAUGHED TOGETHER

SINADYA ni Celina na maagang magising kinaumagahan para maipaghanda ng almusal ang asawa. Pinilit niya kahit ang totoo'y halos hindi siya nakatulog buong gabi sa kakaisip ng dapat at kung ano ang tamang gawin.

Balik-balikan man niya ng ilang ulit ang mga nagdaang pag-uusap nila ni Aljohn, ay may punto naman ang lahat ng sinabi nito. Ano nga ba ang laban niya sa kasong isinampa sa kanya ng mga Reynolds? Hindi siya mayaman; wala siyang pera. At lalong walang koneksyong nakatataas para tumulong sa kanya. Umaasa na lamang siya ngayon sa pamilya ng mga Gamara. Wala na siyang ibang makakapitan pa sa mga panahong ito kundi sila. Naisin man niyang makawala na sa pamilyang ito'y walang pagkakataong ibinibigay sa kanya ang tadhana.

Kaya naman, wala siyang ibang dapat gawin kundi ang ituloy ang plano nila ni Aljohn. Ito at tanging ito lamang ang taong makakatulong sa kanya ngayon. Wala ng iba pa.

INGAT NA INGAT si Celina na huwag makakagawa ng ingay. Ayaw niyang magising si Ashton ng hindi pa siya tapos magluto. Gusto man niyang ma-appriciate nito ang ihahain niyang almusal, pero ayaw niyang makita siya nito habang inihahanda ang mga iyon. Para sa kanya'y 'epic fail' ang pakiramdam niyon.

Isa pa, nahihiya siya at nakukonsensya rin dahil parte pa rin ito ng kanyang pagpapanggap. 

Nakahain na sa hapag ang fried rice with chopped vegetables and sausages, ham, and fresh oranges. Tinatapos na lang ni Celina ang pinipritong sunny side up na itlog kasabay ng pinapakuluang kapeng barako, nang magtungo si Ashton sa kusina. 

Halatang bagong gising lang ito't bahagya pang kinukusot ang mga mata. Bigla ang guhit nang pagtataka sa mukha ng lalaki sa nasaksihang ginagawa ni Celina. Napadako ang tingin nito sa glass wall para sipatin ang paligid kung tinanghali na ito ng gising. Ngunit, papasikat pa lamang ang araw ng mga oras iyon. 

Ilang segundo ng nakatayo roon si Ashton. Ngunit, hindi pa rin ito napapansin ni Celina dahil sa pagiging abala sa pagluluto. Hindi na rin naman gumawa ng anumang ingay ang lalaki. Nakikiramdam lang ito sa kilos ng asawa at nag-aalangan din na baka magtalo na naman sila. Walang naging maayos na pag-uusap ang namagitan sa kanila matapos ang pagtatalo sa tabing dagat kahapon. O mas tamang sabihin na there's no conversation at all! 

Akmang aalis na sana si Ashton nang siya namang pagpihit ni Celina upang ilagay ang mga napritong itlog sa lamesa. Dali-dali itong tumalikod para itago sana ang sarili. Ngunit, huli na dahil nakita na ito ni Celina. 

"Ashton..." 

Dahan-dahang muling pumihit si Ashton paharap. Pagkuwa'y pilit na ngumiti. "M-magandang umaga..." 

Sandaling hindi nakapagsalita si Celina. Nabigla siya at sobrang nakaramdam ng pagkapahiya. Ano na lang ang iisipin ni Ashton? Matapos niya itong awayin at halos isumpa kahapon... ay heto siya ngayon at ipinaghahanda ito ng almusal. 

"A-ah, mali pala ang d-direskyon ko... H-hinahanap ko sana ang b-banyo. Ngunit, dito ako napadpad," palusot nito't bahagya pang nagkakamot sa ulo. 

"G-ganun ba? Ahm, iyong unang pinto sa gawing kanan nitong kusina... iyon ang banyo," pagtuturo niya ng direksyon. 

"S-salamat. Sige, p-punta na ako ro'n." 

"Ashton, sandali!"Tumalikod na ito at akmang na sanang aalis nang muli itong tawagin ni Celina. "Pagkatapos mo pala... m-mag-almusal na tayo. Habang mainit pa ang mga niluto ko," sa wakas nasabi rin niya. It took her a while just to invite him for breakfast.

"Gusto ko 'yan! Mabilis lang ako." Hindi na nito hinintay pang sumagot si Celina at kumaripas na ng takbo palabas ng kusina. Takot din ito na baka magbago pa ng isip ang asawa. 

Nagtatatalon si Ashton sa loob ng banyo sa sobrang tuwa. "Yes!" Ginaya niya ang kasambahay na si Monica kung paano nito ilabas ang sayang nararamdaman. Ilang ulit na rin niyang narinig ang katagang Ingles na ito sa dalaga, kaya naman, nagagaya na niya.

Habang naghihintay sa pagbalik ni Ashton ay nagtimpla na ng kape si Celina at pumuwesto na ng upo. 

Nakailang higop na siya ng kape nang bumalik ito. "Maupo ka..." aniya, na kaagad namang sinunod ni Ashton. 

"Hindi ka ba nakatulog ng maayos?" pormal na tanong ni Ashton. Pakiramdam ni Celina ay pinipilit nitong pakalmahin ang sarili't sinisikap na pagaanin ang tensyon sa pagitan nilang dalawa. 

"Ahm, hindi naman..." Pagsisinungaling niya at bahagyang umiling. "Naisip ko lang kasi na... hindi pala tayo kumain ng hapunan kagabi. Kaya, maaga akong nakaramdam ng gutom. Ikaw din ba?"

"Ang totoo... ako rin." Malapad na napangiti si Ashton--sapat na para lumitaw ang mga biloy nito sa magkabilang pisngi. "Kaya nga, gumising ako ng maaga para sana ipaghanda ka ng pagkain. Ngunit, naunahan mo 'ko." 

Maging si Celina ay natawa na lang. Hindi lang pala siya ang napahiya kanina, kundi ito rin. 

"Siyanga pala, pasensya na sa inasal ko kahapon..." aniya. Sandali siyang yumuko at hindi nag-aangat ng tingin habang wala pang naririnig na sagot mula kay Ashton.

"Wala iyon, Celina. Naiintindihan ko. Isa pa, huwag na muna nating pag-usapan ang mga suliraning iyon. Hindi na ako magtatanong pang muli. Saka ka na lamang magkuwento kapag handa ka ng sabihin sa akin ang lahat," seryosong saad nito't nilangkapan iyon ng matamis na ngiti. 

Nakahinga ng maluwag si Celina sa sinabi ng asawa. Kahit papaano, sa sinabi nito'y tila makakaya niyang pagtiisan ang isang buwan na kasama nito--ng silang dalawa lang. 

"Okay, kumain na tayo! Ito... para sa 'yo." Kinuha ni Celina ang isang sunny side up na ginawan niya ng mukha gamit ang ketsup. Ang cute ng pagkakagawa niyon. Tila isa itong maliit na Ashton sa ekspresyon ng mukha na galit. Salubong ang mga kilay at naka-ismid ang mga labi. 

Napakunot-noo man si Ashton ay hindi rin nito napigilan ang matawa. At tila nag-aalangan pa itong kainin iyon.

"Bakit? Hindi mo ba nagustuhan?" Medyo nakasimangot na tanong niya.

"Ah, h-hindi! Ibig kong sabihin... nagustuhan ko. Ngunit, bakit ganito ang hitsura?" 

"Dahil palaging ganyan ang ekspresyon ng mukha mo noon sa tuwing haharap ka sa akin. Hmp!" Napa-ismid siya't inirapan ang asawa. Pero, may bahid pa rin ng ngiti sa kanyang mga labi. Tampo-tampuhan kunwari. 

"A-ah, gano'n ba?" Walang anu-anong kinuha nito ang ketsup sa maliit na basket ng condiments at sinimulan namang gawan ng mukha ang isang sunny side up sa serving plate. 

Nakangiting mukha ang iginuhit nito. Pagkatapos ay inilagay iyon sa plato ni Celina. 

"Hayan... Magmula ngayon, ganitong ekspresyon na lamang ang palagi mong makikita sa aking mukha." Malagkit nitong pinakatitigan si Celina--dahilan para pamulhan siya ng mukha. Hindi man niya ginusto'y nakaramdam siya ng kilig sa sinabi nito. Lalo pa nang mabasa niya sa mga mata nito kung gaano ito kaseryoso, kahit pa pilyo siya nitong kinindatan. 

At para maitago ang pakiramdam na iyon ay natawa na lang siya ng malakas. "Natututo ka na, ha! May mga kalokohan ka na ring nalalaman!" biro niya.

"Hindi! Totoo ang sinabi ko. Magmula ngayon... palagi na akong ngingiti sa 'yo. Isa pa, hindi kaya maganda ang hitsura nitong ginawa mo sa mukha ko!" natatawang reklamo ni Ashton. Pagkuwa'y hinati nito sa dalawa ang mukha ng itlog at isinubo ang kalahati niyon. 

Hanggang sa matapos kumain ang dalawa'y hindi nasira ang mood nila. Napuno ng tawanan, biruan, at kuwentuhan ang hapag. Maging ang paghuhugas ng mga pinggan ay pinagsaluhan din nila. 

GAMARA'S RESIDENCE 

["WHAT KIND of stupidity is this?!"] Nagngingitngit sa galit ang boses ng matandang Gamara sa kabilang linya ng telepono. Ito ang Chairman ng Gamara Group of Companies at ama nina Aljohn at Ashton. 

"Dad, just leave it to me. Let me handle this..." ani Aljohn. 

["You should! Dahil wala ako d'yan sa Pilipinas para ayusin ang mga gulong ginagawa ninyong magkapatid! I can't bare to see one of you in jail... Isa iyong malaking kahihiyan! Kaya ayusin mo 'yan, Aljohn. Gawan mo ng paraan!"]

  "Yes, Dad. Gagawin ko po ang lahat." Bakas sa mukha ni Aljohn ang matinding takot mula sa ama. Naroon din ang lihim na galit mula sa kapatid. 

Noon pa man kasi, siya na ang taga-ayos ng lahat ng gulong kinasasangkutan ni Ashton. Dahil sobra mag-alala ang kanilang ama sa kapatid niya. Samantalang kapag siya ang napasok sa gulo'y pinapaayos iyon sa kanya mag-isa ng kanilang ama. Handa na sana siyang tanggapin ang stepbrother noon. Ngunit, dahil sa hindi pantay na pagtrato ng kanilang ama sa kanilang dalawa'y unti-unti iyong naglagay ng pader sa relasyon nila. Hanggang sa hindi na nila makita ang isa't isa bilang magkapatid. 

...to be continued

Next chapter