"THAT WAS JUST A KISS, CELINA! Halik lang... Halik lang iyon. Kaya, kumalma ka!" Pagkakalma ni Celina sa kanyang sarili. Wala rin siyang tigil sa kalalakad sa loob ng kanilang silid. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla na lang ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso't masyado siyang binabagabag sa nangyari sa kanila ni Ashton.
Oo. Ilang ulit na siya noong hinalikan ni Ashton sa mga labi. At may namagitan na rin sa kanila na higit pa sa mga halik. Ngunit, hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit umaasta siya na tila bago lang ang lahat. Ayaw niya ng ganitong pakiramdam. Nagbalik siya upang maghiganti. Kaya, dapat ay iyon lang ang maging sentro ng kanilang pagsasama. Wala ng iba pa.
"'Wag na 'wag kang papaapekto sa kahit na ano mang gagawin niya!" muli niyang pagalit sa sarili. "Maliwanag?!" Pagkuwa'y laglag ang mga balikat na nagmartsa siya papasok ng banyo. Makailang ulit siyang naghilamos ng mukha upang kahit papaano'y makalma ang loob niya.
SA KABILANG banda nama'y medyo nababahala rin si Ashton. Hindi siya mapakali sa loob ng kusina. Tapos na niyang abalahin ang sarili. Sa katunayan nga'y siya na ang naghugas ng mga pinggang ginamit nila sa almusal--makaiwas lamang sa pagka-ilang.
Hindi niya malaman kung nagalit ba si Celina sa ginawa niya o nabigla lang. Bigla na lang kasi itong nag-walk out matapos niyang halikan sa mga labi nang walang sinabing kahit na isang salita.
"Sir Ashton..." Sa pag-ikot niya'y ang dalagitang si Monica ang sumalubong sa kanya. Nakayuko ito't hindi magawang salubungin ang kanyang mga mata. "Nagalit po ba si Ma'am Celina sa ginawa niyo? N-nakita ko p-po kasing bigla na lang siyang u-umalis..."
Nakakaramdam ng pagka-guilty ang dalagita dahil ito ang nagturo kay Ashton na halikan si Celina bilang tanda ng pagpapasalamat.
"H-hindi ko rin mabatid kung nagalit siya sa aking ginawa... Wala siyang iniwang salita nang umalis siya," malungkot na sagot ni Ashton. Lalo tuloy siyang naguguluhan sa mga nangyayari. 'Mali bang halikan ang sariling asawa ng walang paalam?'
"Pasensya na po kayo, Sir Ashton. Akala ko po kasi magiging mas close—ay este, malapit pa kayo ni Ma'am Celina kapag ginawa niyo 'yon. Lalo pa tuloy kayong nagka-ilangan. Kasalanan ko po ang nangyari... Patawad po."
Bahagyang napangiti si Ashton. At muling sinariwa sa kanyang alaala ang namagitang halik sa kanilang dalawa ni Celina. Hindi niya napigilan ang mga daliri na tila may sariling pag-iisip at wala sa sariling dinama ang kanyang mga labi. Ramdam pa rin niya roon ang malambot na labi ng asawa na tila nagduduyan sa kanya sa alapaap. Kakaibang pakiramdam ang hatid niyon sa kanya na tila sa buong buhay niya'y ngayon lamang niya iyon naramdaman. At gusto niya ang pakiramdam na iyon... Pagkuwa'y muli siyang napangiti--malapad na pagkakangiti.
"Wala kang dapat na ihingi ng tawad, Monica..." tipid na sagot niya sa dalagita't hindi pa rin mapagkit ang mga ngiti sa kanyang mga labi.
KINABUKASAN ay medyo tinanghali na ng gising si Ashton. Bumawi ang kanyang mga mata sa aga ng gising niya kahapon.
At kagaya rin ng nakaugalian ay sa sofa bed ulit siya natulog. Natatakot kasi siyang makagawa ng bagay na maaaring magdulot ng galit sa kanyang asawa. Naroon din ang pakiramdam na tila may isang malaking pader na nakapagitan sa kanilang dalawa't nagbibigay sa kanya ng babala na huwag siyang lalapit ng lubusan sa asawa. Sa kabilang banda'y natatakot din siya na baka tuluyang lumaki ang pader na iyon at kahit ang makita ito'y hindi na niya magawa pa. Kaya naman, kahit papaano'y masaya na siya't kontento na sa ganitong sitwasyon. Wala na siyang ibang mahihiling pa lalo na't wala siyang maalala sa ngayon.
Pagmulat pa lamang ng mga mata'y ang asawa na kaagad ang kusang hinanap nito. At kagaya ng inaasahan ay nauna na naman siyang nagising. Nasa mahimbing na pagtulog pa rin si Celina. Kahit na nakatalikod ito sa gawi niya'y pansin niya iyon dahil wala man lang itong kaalam-alam na wala na itong kumot. Lantad na sa kanyang mga mata ang makikinis at mahahaba nitong mga binti dahil sa suot na manipis na night dress. Ang mga tagpong iyon ay lubos na naghatid sa kanya ng pagkabalisa.
Bigla siyang napabangon sa sofa bed at sunod-sunod na napalunok ng sariling laway. Nakaramdam din siya ng biglaang pag-iinit sa loob ng kanyang katawan. At hindi niya iyon gusto. Nanginginig man ang mga tuhod sa pagpipigil sa tukso'y pinilit pa rin niyang lumapit sa kama ng asawa. At halos pikit-matang hinawakan ang kumot sa may bandang paanan nito upang takpan ang katawan nito.
Hindi pa man niya lubos na naaayos ang kumot ay ginulat na siya ng marahan nitong pag-ungol. Tila naalimpungatan si Celina. Kaya ganoon na lamang ang pagkukumahog niyang tumayo ng tuwid at agad na binitawan ang kumot. Mabilis din siyang tumalikod upang hindi masalubong ang mga mata nito sakali mang magising.
Pakiramdam niya'y nabawasan ng sampung taon ang kanyang buhay sa sobrang pagkagulat.
Ilang sandali rin siyang hindi nakakilos sa kinatatayuan at walang ibang nagawa kundi ang pakiramdaman ang paligid. Ngunit, nang katahimikan muli ang namayani sa loob ng silid ay dahan-dahan siyang lumingon sa gawi ng asawa. Noon lamang siya nakahinga ng maluwag nang mapagtantong tulog pa rin ito.
Naihilamos na lamang niya ang mga palad sa mukha sa pagbabawi ng kaba sa dibdib. At nagpasyang lisanin na ang silid. Dahil baka hindi na siya makaligtas pa sa susunod.
"Ano ba ang dapat kong gawin?" bulong-bulong niya sa sarili. Halos takbuhin na rin niya ang pagbaba sa hagdanan mawala lang ang kanyang kaba.
Diretso niyang tinungo ang kusina kung saan niya mahahanap si Aling Martha upang hingian na naman ng payo. Mabuti na lamang at narito ang matanda na siyang kanyang takbuhan. Dahil kung wala, baka nabaliw na siya sa kakaisip ng mga bagay-bagay.
ORAS NA NG ALMUSAL. At sa pagkakataong ito'y siya na ang hindi pumayag na muli silang mapag-isa ni Celina. Hindi niya alam kung papaano haharapin ang asawa ng mag-isa matapos ang pag-iiwasan nila kahapon.
Habang kumakain ay wala man lang ni isa sa kanila ang nagtatangkang magbukas ng usapan. Ang mga kasambahay ay nananatiling tahimik na tila pinakikiramdaman ang kilos ng mag-asawa.
Napansin ni Celina ang kakaibang katahimikan na iyon. Maging ang maya't mayang pagsulyap sa kanya ni Ashton na tila may gustong sabihin, ngunit, mas pinili na lamang na manahimik.
'Hindi kaya... nagdudulot na ako ng pagkailang sa kanila? Masyado ba akong naging mean kahapon? Nakakahalata na ba silang may ibang rason ang pagbalik ko rito? Naku! 'Wag naman sana! Kailangan kong ayusin 'to.'
"Ehemmm! Ehem..." Sandali niyang nilinaw ang lalamunan bago nagsalita. "A-ah, Ashton..."
Sandaling natigilan si Ashton sa pagsubo ng pakain nang marinig na tinawag siya ni Celina.
"Ahm, m-mamaya pala... aalis ako. Pupunta ako sa airport para ihatid ang mga magulang ko papuntang States." Isa-isa niyang tinitigan ang mga kasama't binasa ang kanilang mga reaksyon. Nakita niya ang pagkagulat sa mukha ng mga ito.
"A-ah... Sige." Hindi malaman ni Ashton kung papaano magri-react sa sinabi ni Celina. Bukod sa hindi nito lubos na maintindihan ang mga sinabi ng asawa, ay naiilang pa rin ito sa prisensya niya. Ngunit, naroon din ang kaunting pagkadismaya na hindi ito isasama sa lakad niya.
"G-gusto mo ba akong samahan?" Sa wakas ay nasabi rin niya. Bigla ang pag-aliwalas sa mukha ni Ashton nang marinig ang kanyang sinabi. Nang sandaling iyon ay napangiti na rin siya. Nakita kasi niya ang agarang pagkatuwa ng lahat.
"Oo! Oo naman! G-gusto ko... Celina," halos hindi makapaniwalang turan ni Ashton. Para itong batang biglang nabuhayan nang malamang pupunta sa amusement park.
"Okay..." Matamis niya itong nginitian. "Maghanda ka na pagkatapos nating kumain." At muli na rin niyang ipinagpatuloy ang pagkain.
'Hindi ako puweding pumalpak sa pagkakataong ito! Kailangan kong unti-unting bawiin ang lahat ng sa 'yo, Ashton!' Sa loob-loob niya'y naroon pa rin ang galit at puot na kanyang nararamdaman para sa lalaki. Ngunit, kikimkimin na lamang muna niya iyon sa ngayon.
Isa-isa niyang sinariwa ang lahat ng paghihirap niya sa kamay ni Ashton. Magmula sa sapilitang pagpapakasal niya rito, sa paglapastangan nito sa kanya bilang isang babae't asawa, sa pagtrato nito sa kanya na parang hostage, sa paglalayo nito sa kanya mula sa mga magulang, sa pagmamanipula ng kanilang buhay, pagpapahirap sa kanyang ama, at higit sa lahat, ang ilagay nito sa bingit ng kamatayan ang kanyang ina.
Ang lahat ng iyon ay hindi sapat upang mapatawad niya ito ng gano'n-gano'n na lang—magpakita man ito ng sobrang kabutihan. Hindi pa rin iyon magiging sapat hanggat hindi nito pinagbabayaran at lubos na pinagsisisihan ang kanyang mga nagawang kasalanan.
Gusto niya itong makitang lubos na nagsisisi. Hindi rin lang naman iyon para sa kanya. Kundi, para sa mga taong nagawan nito ng pagkakasala, at para na rin sa sarili nito.
Matapos ang almusal na iyon ay nagmamadali ng tinungo ni Ashton ang kanilang silid para maligo. Excited na excited ito sa pagsama sa kanya. Ito pa lang kasi ang pangalawang beses nitong paglabas sa bahay maliban sa una nitong pagpapa-check up noong nakaraan.
"Ah, Celina... Puwede ba kitang makausap sandali?" Susunod na rin sana si Celina, ngunit, sandali siyang pinigilan ni Aling Martha.
Seryoso ang mukha ng matanda't kita niyang importante ang sasabihin nito.
"S-sige po..."
...to be continued