webnovel

The Destined Heiress Of Rabana

Mula sa pagkakaaksidente sa motor kasama ang nobyo ay nagising si Shine sa katauhan ng isang Liwayway na nagpanggap na lalaki sa makalumang mundo, malayo sa mundong kanyang nakagisnan, ang panahon kung saan wala pang mga gadgets, ang kapuluan sa karagatang Pasipiko, ang kapuluang tinatawag na Rabana. Sa katauhan ng isang prinsesang napilitang itago ang tunay na katauhan para lang matakasan ang mortal na kalaban na siyang nagnakaw sa kaharian ng kanyang mga magulang, napilitan si Shine na panindigan ang pagiging si Liwayway sa payo ng kanyang bodyguard na si Agila at hinanap sa mundong iyon ang kanyang nobyong si Miko subalit wala sa kanyang hinagap na magiging kanang kamay ito ni Prinsipe Adonis, ang antipatikong anak ng kanyang mortal na kalaban. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay mahuhulog ang kanyang loob sa prinsipe subalit paano kung malaman ng binatang ang hinanap ng ama nitong tagapagmana sa kaharian ng Rabana ay walang iba kung hindi siya sa katauhan ni Liwayway? Ano ang gagawin niya upang bumalik ang alaala ng kanyang nobyong si Miko at tulungan siyang makagawa ng paraan para makabalik sila sa kasalukuyang panahon? Makakaya ba niyang bumalik kung ang lalaking kanyang minamahal ay naroon sa panahong iyon? Handa ba siyang ipagtanggol ni Prinsipe Adonis mula sa ama nito o tuluyan siyang tatalikuran ng binata kapag nalamang mortal silang magkaaway? Subaybayan ang pakikipagsapalaran ni Shine bilang si Liwayway sa makalumang mundo.

Dearly_Beloved_9088 · Fantasy
Not enough ratings
34 Chs

Ang Anak ni Datu Bagis

"Agila, nasugatan ka ba?" Ang unang lumabas sa kanyang bibig pagkaalis lang ng datu, sampu ng mga alipores nito. Hinawakan niya ang balikat nito, ipinihit paharap sa kanya. Nagpatianod naman ang huli kasabay ng pagkawala ng isang buntung-hininga, tila biglang nabunutan ng tinik sa lalamunan nang masegurong wala na ang datu ngunit kapansin-pansin ang pananahimik ngayon, ni hindi makasulyap sa kanya.

Nakahinga siya nang maluwang nang masegurong walang kaunti mang hiwa sa leeg ng binata, saka lang ito binitawan.

Ang ibang mga naruon ay nagkanya-kanya ng alis, binalikan ang mga bangkang ang ilan ay inaanod na sa baybayin ng dagat. Kahit ang dalawang kasama nina Agila sa pangingisda ay makahulugan munang bumaling sa matanda bago lumayo na rin at nagtungo sa bangkang puno pa ng mga isda.

"Ama, bakit ikaw'y nagsinungaling sa mahal na datu ng Rabana? Hindi ba't sila'y mga dayuhan lamang ng ating barangay? O baka nga'y galing din sila sa pulo ng Dumagit!"

Awtomatiko siyang napasulyap sa babaeng pasupladang nagsalita sa likuran ni Agila, mabuti na lang at walang ibang tao sa paligid maliban sa kanila. Ngunit nauwi sa titig ang sulyap lang sana nang mapagtantong ito ang babaeng lakas-loob na lumapit sa estrangherong lalaki kanina sa dalampasigan.

Kausap nito ang may katandaan nang lalaking nakita niya kaninang kasama ng umalohokan. Ang matanda palang iyon ang nagtanggol sa kanila mula kay Datu Magtulis.

"Magtigil ka! Hindi marapat na ikaw'y magsalita ng ganyan sa ating mga panauhin sapagkat sila'y-" Napahinto ito agad sa gustong sabihin lalo na nang biglang lumingon si Agila at nagtama ang mga mata ng dalawa.

Siya nama'y nanatiling nakatitig sa dalaga, mariin, hanggang sa hindi niya namalayang nakaingos na ang kanyang nguso, nakaarko na rin ang dalawang kilay habang sinisipat ito mula ulo hanggang paa at pabalik sa ulo.

'Hmm... Maganda naman talaga ang babaeng ito,' sang-ayon ng kanyang utak.

Ngunit bakit hindi iyon kayang tanggapin ng kanyang puso, heto nga't ramdam niyang kumulo ang kanyang dugo sa hindi maipaliwanag na inis, nawala lang nang marinig ang matinis na sigaw ni Mayumi mula sa tarangkahan ng kanilang bahay, nang lingunin niya'y kumakaripas na ito ng takbo palapit sa kanila kasama si Makisig na nagsumbong pala agad sa ginang.

"Agila! Kidlat! Ang aking mga anak!" sa makaisa pa'y sigaw nito nang makalapit na't agad na niyakap silang dalawa ni Agila habang hilam ng luha ang mga mata.

Sa totoo lang, ngayon lang siya nakakita ng babaeng iyakin, hindi tulad sa mama niyang mula umaga hanggang gabi ay parang pwet ng manok ang bibig sa kasesermon sa kanilang magkakapatid lalo na sa kanya dahil sa kanilang dalawa ng kanyang ate, siya itong mahilig sa lakwatsa at barkada.

Tuloy ay napayakap na rin siya sabay hagod sa likod nito.

"Ina, tama na ang iyak. Wala namang masamang nangyari sa'min ni Agila," pag-aalo niya.

Si Agila'y kumawala sa pagkakayakap ng ina, pailalim na sumulyap sa kanya ngunit nang mapansing nakatingin siya rito'y agad na itong bumaling sa matandang nanatili pa ring nakatayo paharap sa kanila katabi ng anak nitong nanunuri ang mga titig sa kanya at nang magtama ang kanilang mga mata'y unarko na rin ang isa nitong kilay.

"Maraming salamat sa iyong pagtatanggol sa amin, Amang. Tatanawin kong isang malaking utang na loob ang inyong ginawa," ani Agila sa matandang napangiti agad bilang tugon.

Pagkatapos tapunan ng isang sulyap ang anak ng matanda ay nagpaalam na ang binata sa ina at nagmamadaling nagtungo sa bangka, hatak si Makisig sa isang kamay na nagpatianod naman sa una.

Naiwan siyang naguguluhn sa ikinikilos ni Agila. Alam niyang suplado ito kahit sa kanya pero nakapagtatakang wala yatang balak kausapin siya mula pa kanina.

"Datu Bagis, hindi ko man batid ang inyong ginawa, nagpapasalamat ako't hindi niyo pinabayaan ang aking mga anak sa harap ni Datu Magtulis." Kumawala na rin ng yakap si Mayumi, nagpahid ng luha sa mga mata at humarap sa matandang hindi na naalis ang ngiti sa mga labi. Isa pala itong datu sa barangay na iyon.

Siya nama'y biglang nagsalubong ang kilay nang mapansing kay Agila naman nakatanaw ang anak ng datu saka makahulugang ngumiti sabay kalabit sa ama.

"Ama, matikas ang pangangatawan ng binatang yaon. Maaari ba natin siyang anyayahan sa ating bahay?" bulong sa katabi.

Hindi niya maiwasang mapaismid.

'Hindi pwede, sa'kin lang siya!' biglang sigaw ng kanyang utak.

Dama niya sa dalagang may crush agad ito kay Agila. Mamaya, magustuhn din ito ng huli, baka hindi na magampanan ng binata ang tungkulin bilang bodyguard niya, ayaw niyang mangyari 'yon.

Siniko ito ng ama.

"Iyong pakatandaang ikaw'y napagkasunduan nang pakasal sa magiting na anak ng datu ng Rabana," pabulong na sagot ng matanda.

Nagpantig bigla ang kanyang tenga sa narinig, lalong kumulo ang dugo sa dalaga.

Kahit noong unang panahon ay may karingking na din palang babae? Aba't may balak pa itong isama si Agila sa mga gusto nitong tuhugin, merun na ngang Adonis na anak ni datu Magtulis, naruon pa 'yong estrangherong lalaki sa dalampasigan?

Hindi maaari!

Hindi na niya naitago ang pagkairita sabay talikod sa dalawa, kunwari ay nakitanaw din kina Agila ilang metro lang ang layo sa kanila.

"Mayumi, kung iyong nanaisin, maari kong kunin bilang kawal ang iyong tatlong anak," suhestyon ng matanda.

Isang matamis na ngiti ang pinakawalan ni Mayumi sabay sulyap sa kanyang nakatanaw kina Agila at Makisig, pagkuwa'y muling bumaling kay Datu Bagis.

"Ikinalulugod kong iyong maging kawal ang aking si Agila, subalit si Kidlat ay mahina ang pangangatawan at yaong si Makisig ay hindi man lang marunong humawak ng sibat," magiliw nitong sagot.

"Kung gayon, si Agila'y akin nang kawal simula ngayon," mariing sambit ng matanda sabay tawa nang malakas, agad na tinanaw si Agila sa kinaroroonan.

Hindi na siya nagsalita, hindi na nga sumulyap man lang sa datu ng barangay na iyon.

Subalit bakit hindi mawala ang inis niya sa anak nitong tila pa kinikilig habang pinagmamasdan si Agila sa kinatatayuan ito.