webnovel

CHAPTER 11: SPY

ISANG estrangherong nababalot ng pulos itim na kasuotan ang biglang naalerto nang may maulinigang mga ingay mula sa labas ng rest house.

Binabaan pa nito lalo ang suot na itim na sombrero't muli rin nitong tinakpan ng itim na panyo ang mukha kung saan tanging mga mata na lamang nito ang makikita.

Madilim man sa buong kabahayan, hindi pa rin ito nagpapakakampante. Kailangan pa rin nitong makasiguro na hindi papalpak sa ginagawa.

Naging maingat na rin ang bawat kilos nito. At nagmamadaling tinapos ang paglalagay ng mga hidden camera sa ikalawang palapag ng bahay. Ngunit, aalis na lamang sana ito nang aksidente pa nitong natabig ang isang figurine na gumawa ng nakabubulabog na ingay.

"Ano iyon?" Agad na napatayo si Harris nang marinig ang ingay na iyon mula sa ikalawang palapag ng bahay.

Mabilis din nitong inilabas ang dalang baril.

"Diyan ka lang, Misha!" Habilin ni Harris bago pa man ito tuluyang makapasok sa loob.

Mabilis itong nawala sa kanyang harapan bago pa man siya makapag-protesta.  

Dahan-dahang binabagtas ni Harris ang labin'pitong baitang ng hagdanan paakyat sa ikalawang palapag habang nakataas sa may balikat nito ang hawak na baril. Ngunit, nang marating nito ang ikalawang palapag at masuyod ang kabuuan niyon ay wala naman itong nakitang anumang kakaiba maliban sa natumbang figurine sa lapag. Nakasara rin naman ang lahat ng bintana kaya walang panggagalingan ang hangin na maaaring sanhi ng pagkakatumba ng figurine. 

Pinalagay na lamang nitong maaaring daga ang may gawa niyon. At nagpasya nang muling bumaba. 

"Ano iyon?" salubong na tanong ni Misha. Ang tinutukoy niya ay ang ingay na narinig nila kanina. 

"Wala," tipid lamang nitong tugon. Pagkuwa'y sinimulan nang iligpit ang medicine kit. 

Sandaling sinuri ni Misha ang lalaki. At sa nakikita niyang reaksyon sa mukha at kilos nito'y tila wala namang nangyari. Kaya wala siyang dapat na ipag-alala pa. 

'Siguro wala nga talaga...'  Hindi rin kasi niya maiwasang mabahala. Sa klase ng trabahong pinasok niya, palagi na lang negatibo ang unang pumapasok sa isip niya sa tuwing may mangyayari. Baliw nga talaga siya at pinasok pa ang ganito kadilikadong buhay. 

HARRIS FALCON II... 

Mahinang sambit ng babae sa pangalan ng lalaking laman ng larawang hawak nito. Naglalaro ang mapait na ngiti sa mga labi nito't pagkatapos ay mahigpit na naikuyom ang mga kamay kasabay ang nalamukos na larawan ng lalaki. Sinulyapan pa nito sa huling pagkakataon ang rest house na pinasok nito bago tuluyang pinasibad paalis ang sasakyan.

MATAAS na ang sikat ng araw nang magising si Misha. Una niyang tinungo ay kusina dahil bahagya na siyang nakakaramdam ng gutom. Hindi kasi siya nakakain ng mabuti kagabi dahil parang sa bawat subo niya ng pagkain ay binabato siya ng masasamang tingin ni Harris. 

Dahan-dahan niyang binuksan ang refrigerator. Ingat na ingat siyang huwag makagawa ng munting ingay dahil baka mahuli siya ni Harris na nanluloob sa kusina nito para lang maghanap ng pagkain nang hindi rito nagsasabi. 

Ngunit, ganoon na lang ang kanyang pagkadismaya ng walang makitang anumang pagkain sa loob ng ref. Puro tubig at beer lang ang laman niyon. 

"Haist! Anong klaseng ref 'to? Walang kuwenta!" pabulong na maktol niya. At matapos iyong maisara ay ang mga cabinet naman ang kanyang isa-isang tiningnan. 

"Anong ginagawa mo?" 

Isang pamilyar na boses ang biglang nagsalita mula sa pintuan ng kusina na naging dahilan para ma-estatwa siya sa kinatatayuan at hindi na naituloy pa ang ginagawa. Hindi na rin niya kailangan pang tingnan ito para makilala dahil boses pa lang ay masasabi na niya kung sino iyon. 

"A-ah... a-ano k-kasi..." Dahan-dahan siyang humarap dito habang todo ang pagkakayuko. Nang mga sandaling iyon ay hinihiling niyang sana'y kainin na lang siya ng sahig na kinatatayuan dahil sa sobrang kahihiyan. 

Maya't maya rin niyang sinisilip sa pagitan ng pagkakayuko ang reaksyon ng lalaki. Ngunit, nananatili lamang itong nakatayo at nakasandal sa pinto habang hindi inaalis ang mga tingin sa kanya. Kaya lalo siyang nanlumo sa pagkapahiya. 

Napansin din niyang bihis na bihis ito. He is wearing a pair of black slacks and a tucked in white long-sleeve polo shirt—where the sleeves are folded up to his elbow and leaving the two top button undone making him even more hotter. 

"Aren't you going to say anything?" Naghintay pa ito ng ilang sandali para sa kanyang sagot kaya lang hindi na talaga niya kaya pang mangatwiran dahil kahit na ano pa ang sabihin niya'y mapapahiya lang siya.

"Okay! Ayusin mo na ang sarili mo't aalis na tayo," muli nitong saad nang nanatili pa ring tahimik si Misha. 

Labis naman niyang ipinagpasalamat ang mga huling sinabi nito't hindi na nag-usisa pa. Kaya mabilis na siyang tumalima sa takot na baka magbago pa ang isip nito. Halos kasing bilis ng hangin ang kanyang pagkawala sa harapan ng lalaki at nanakbo na papunta sa guest room na ginamit niya. 

Naiwan namang may naglalarong pilyong ngiti sa mga labi ang lalaki. 

HINDI MAPAKALI si Misha sa kanyang kinauupuan. Kanina pa siya pabaling-baling sa backseat sapo ang kanyang tiyan. Pilit na iniinda ang sakit sanhi ng gutom.

Mas pinili niyang sa backseat na lang maupo dahil ayaw niyang ipahiya pa lalo ang sarili sakali mang mag-alboroto ang walang laman niyang tiyan.

"A-ah, Harris..." Kinalabit niya ito sa balikat.

"Bakit?"

"Hmmm, puwede bang mag-request?" nag-aalangan niyang turan.

"Ano?" muling tipid na tugon ng lalaki.

"C-can you play music?" aniya. "B-boring kasi ang atmosphere, e." She displayed a fake smile to hide her embarrassment while finger crossing.

Bakit ba kasi hindi kaya ng pride niyang mag-request dito ng pagkain? Well, music would help though. Para maitago ang maya't mayang pag-angal ng kanyang tiyan sa gutom.

"Please?" muli pa niyang saad nang hindi ito kumibo. Pero, nagsalubong naman ang kanilang mga mata sa rear view mirror.

"O-okay... Ako na ang pipili ng music ah!" Hindi na niya hinintay pang makasagot si Harris at mabilis nang pinakialaman ang car stereo. And it was a relief nang hindi naman siya nito pinigilan.

"Oh! Apple Carplay connected?" Bagong design ito ng modern car stereo at hindi niya alam kung paano gamitin.

"Seri, play music on Spotify," tipid lang na turan ni Harris. At agad namang nagkusa ang device na sundin ang utos nito.

"Wow! Voice-recognition technology! Astig!" Manghang-mangha siya. Noong ma-admit siya sa mental ay umuusbong pa lang ang mga ganitong klase ng teknolohiya. Pero, napag-iiwanan na talaga siya dahil hindi rin siya mahilig sa mga ganitong bagay.

"Ehemm... Seri, play Cardi B songs!" excited niyang utos sa device. Na agad naman nitong sinunod.

Nang pumailanlang ang unang kanta na pinamagatang 'Bodak Yellow' ay agad siyang napaindak sa kinauupuan para sabayan ang upbeat na tugtog. Pero, sandali lang iyon dahil mas lalong nanakit ang tiyan niya sa ginawa. She needs to save her energy para hindi siya mag-collapse.

Maya't maya rin siyang napapa-ismid sa sunod-sunod na pag-iingay ng kanyang tiyan. Buti na lang at may kalakasan ang music kaya kahit papaano'y palagay naman siyang hindi iyon naririnig ni Harris.

Matapos ang ilang sandali ay minabuti na lamang niyang manahimik sa kinauupuan. Bahagya na rin kasi siyang nahihilo sa biyahe sa pag-iinda ng gutom. Ganito siya kapag bumabyahe ng walang laman ang tiyan. Nararamdaman na rin niya ang pangangasim ng dila kaya maya't maya ang ginagawa niyang paglunok ng sariling laway. Ito ang mga palatandaan na malapit na siyang masuka. Kaya kailangan niyang pigilin iyon hanggat makakaya.

Halos mag-iisang oras na silang bumabyahe pero mukhang malayo pa sila sa siyudad. Hindi na rin niya kakayaning magtagal sa ganitong sitwasyon.

'Haist! Hindi na talaga maganda 'to!'

Inihilig niya ang ulo sa sandalan at mariing ipinikit ang mga mata. Halos hindi na rin siya kumikilos para hindi lalong mahilo. Nagkunwari na lang din siyang tulog upang hindi makahalata ang lalaki.

'The struggle is real!' muli niyang saad sa sarili. Pakiramdam talaga niya ng mga sandaling ito ay pinahihirapan siya ng husto ni Harris.

Sa kabilang banda nama'y ang inaakala ni Misha na hindi nakakaramdam sa kanyang sitwasyon ay batid pala ang lahat. Tahimik lamang itong nakikiramdam sa kanya hindi pa man sila nakakaalis ng rest house.

Mayamaya pa'y inihinto nito ang sasakyan sa nadaanang gas station.

"Hey, gising!"

Mabilis namang naalimpungatan si Misha. "Hmmm?"

"Magpapa-gas ako ng kotse. Baka gusto mo munang magpunta sa restroom o kung ano pa man. Bilisan mo na. Hindi tayo magtatagal dito."

Noon lamang niya napansin na nakahinto na pala ang sasakyan kaya medyo naibsan ang pananakit ng kanyang ulo. Pero, hindi pa rin nawawala ang kanyang pagkahilo at mukhang masusuka na siya.

"O-okay!" Nagkukumahog siyang lumabas ng kotse at halos madapa-dapa pa nang takbuhin na ang daan patungong public restroom.

Naiiling na lang siyang nasundan ng tingin ng lalaki.

"HAAAY! HEAVEN!" bulalas ni Misha matapos maghilamos. Nailabas na rin niya ang lahat ng kaya niyang isuka. Kaya kahit papaano'y guminhawa na rin ng kaunti ang kanyang pakiramdam.

Ngunit, kailangan na talaga niyang kumain dahil nanghihina na siya. Hindi na niya gugustuhin pang muling sumakay sa kotseng iyon nang wala pa ring laman ang kanyang tiyan.

"Buwisit na Harris na 'yon! Balak ba niya akong patayin? Kumain siya ng hindi man lang ako niyayaya o kahit tirhan man lang, wala! Porke busog na wala ng pakialam sa kasama niya! Alam naman niyang wala pang laman ang tiyan ko tapos ura-urada siyang nagyayang bumalik sa institute. Naku talaga!" Wala siyang tigil sa paglalabas ng sama ng loob habang minamadali ang pagri-retouch ng makeup sa mukha.

"Dapat ko nang bilisan! Kailangan ko pang bumili ng pagkain." Tinapos na niya ang paglalagay ng lipstick at dali-dali nang lumabas para dumiretso sa katabing convenient store.

Sa una'y palinga-linga siya sa paligid at pilit na iniiwasang makikita siya ni Harris. Itinatago pa niya ang mukha gamit ang mahaba niyang buhok. Ayaw niyang pagtawanan siya nito dahil simula pa kanina'y pagkain na ang hanap niya.

Ngunit, nang akmang papasok na siya sa pintuan ay bigla naman siyang ginulat ng malalakas na pagbusena ng sasakyan.

Parang nabawasan ng isang daang taon ang buhay niya sa sobrang pagkagulat. Lalo pa nang mapagtanto kung saan nagmumula ang malalakas at paulit-ulit na pagbusenang iyon.

Kay Harris. Siya nga!

Nakabukas ang bintana nito sa may driver seat at matamang nakatitig sa kanya. Nasa daan na rin ang sasakyan nito't handa ng umalis.

Ngunit, nagbingi-bingihan siya't nagkunwaring hindi ito nakita. Muli sana niyang kakabigin ang pinto ng convenient store nang gulatin uli siya nito ng isa pang malakas na pagbusena.

"Misha, sa'n ka pa ba pupunta? Halika na!"

"Geez!" inis niyang palatak at sinamaan ito ng tingin. Ngunit, agad naman niyang inayos ang ekspresyon sa mukha at pilit na ngumiti nang makita ang seryoso nitong mukha. "Ah, ikaw pala ang nagbubusena. Pasensya na. Akala ko iba, e. Sandali lang... m-may bibilhin lang sana a—"

"Pero, nagmamadali tayo. Tara na!"

"E, kasi—"

"Gusto mo bang iwan kita dito?" May iritasyon na sa boses nito.

"Oo! Nandyan na! Nandyan na!" Wala siyang nagawa kundi ang sundin na lang ito.

Ang lakad-takbong ginawa niya papunta sa kotse ng lalaki'y may kahalong pagdadabog. Hanggang sa pagpasok niya sa may backseat ay halata ang kanyang pagka-inis dahil sa mukhang hindi maipinta.

Agad iyong napansin ng lalaki. Kaya, walang anu-ano'y inihagis nito sa kanya ang isang supot na agad naman niyang nasalo kahit bahagyang nagulat.

"A-ano 'to?" nagtataka niyang tanong.

"Kumain ka. Ayokong masukahan mo ang loob ng sasakyan ko kaya binilhan na rin kita ng white flower para hindi ka mahilo. May extra plastic bag na rin d'yan just in case," seryosong turan nito. At hindi man lang nag-abalang tumingin sa kanya kahit sa rear view mirror.

Bigla siyang natigilan sa mga narinig. Tila hinaplos ang puso niya't nawala na lang bigla ang galit niya para sa lalaki. "S-salamat! Pero..."

"No! 'Wag mong isiping ginawa ko 'to dahil naaawa ako o concern ako sa 'yo!" anito. "Sa susunod na sundan mo pa uli ako... papatayin na talaga kita sa gutom! Isaksak mo 'yan sa isip mo!"

...to be continued

Next chapter