webnovel

20

"Bakit hindi pa ikaw nakain, Chanty? Hindi ba ikaw gutom?"

Ibinaling ko ang aking paningin kay Ma'am Chantal nang marinig ang tanong sa kaniya ni Jarvis. Naka-krus ang kaniyang dalawang braso habang nakasimangot na nakatingin sa pagkain.

"'Di ba I told you that I don't want to eat here?" Nag-angat siya ng tingin sa akin at masama akong tiningnan. "Then what is this? You should have just follow me so I won't get mad."

Bahagyang umawang ang aking mga labi dahil sa kung gaano siya ka-fluent sa pagsasalita ng Ingles. Kahit yata ilang taon akong mag-aral, hindi ako makakapagsalita nang ganoon samantalang siya, para bang sa ibang bansa tumira. Nang tingnan ko si Jarvis ay tulad ko ay nakaawang din ang kaniyang mga labi na animo'y manghang-mangha sa narinig.

Peke akong umubo bago pilit na ngumiti kay Ma'am Chantal. "Kasi Ma'am, may ulam naman po rito sa bahay saka nakakahiyang humingi sa Daddy mo—"

"Ayoko nga sabi rito!" Malakas na sigaw niya at nagpapadyak. Dahil malapit siya sa mesa ay bahagya iyong umuga kaya't hindi ko napigilan ang aking sarili sa pagbuntong hininga.

"Sabay ka nalang kasi sa amin Chanty. Tikman mo, sarap ng ulam. Buti nga kayo may ulam, e."

Mas lalo akong napabuntong hininga nang marinig ang sinabi ni Jarvis. Tulad ng inaaasahan, masamang tiningnan ni Ma'am Chantal si Jarvis ngunit tila hindi ito natitinag at nagkibit balikat lamang sa kaniya bago nagpatuloy sa pag-kain.

"Ah basta, ayaw ko rito. Dalhin mo ako sa ibang place. I'm hungry na."

Kinagat ko ang aking ibabang labi bago pasimpleng sumulyap kay Jarvis. Kung aalis kami, maiiwan si Jarvis…

"Dito nalang kayo, Chanty." Nag-angat ng tingin si Jarvis at sumubo ng kanin. "Wala akong kasabay kumain dito 'pag umalis kayo ng Mama ko."

Natahimik si Ma'am Chantal sa sinabi ni Jarvis kaya't humugot ako ng malakas na buntong hininga. Wala sa sarili akong napakamot sa aking ulo dahil hindi ko alam kung sinong pipiliin ko sa kanilang dalawa. Tulad ng sinabi ni Jarvis, kapag sinamahan ko si Ma'am Chantal na kumain, maiiwan naman siya rito sa bahay dahil hindi pa siya tapos kumain. Kapag naman hinintay namin na matapos si Jarvis sa pagkain, baka naman mamatay na sa gutom itong si Ma'am Chantal.

Bakit ba kasi ayaw niyang dito na lamang kumain sa bahay nila? May kanin naman, may ulam naman. Ano bang ikinaaayaw niya at gusto pa ay sa labas kumain?

"Then come with us."

Ibinaling ko ang tingin ko kay Ma'am Chantal nang sa wakas ay nagsalita na siya. "Hindi naman kita pinipigilang huwag sumama. Ayaw mo ba sa restaurant? You're so cheap talaga. Hindi ka pa nakakatikim ng mga foods 'don, ano? You're so kawawa," dagdag na panlalait niya pa.

Ipinikit ko ang aking mga mata upang kahit papaano ay pakalmahin ang aking sarili dahil sa narinig. Maging ang ilang kasambahay na nakakarinig sa sinabi niya ay kapwa napasinghap. Hindi na ako tumingin pa kay Jarvis dahil alam ko na naman kung ano ang reaksiyon niya sa sinabi ni Ma'am Chantal.

Malakas akong bumuntong hininga at akmang magsasalita na ngunit naunahan na naman ako sa pagsasalita ni Jarvis.

"'Di ako kawawa, ano. Mas lalong kawawa 'yong mga tumatanggi sa foods kahit na may ibang nagugutom," sambit ni Jarvis at umismid bago nagpatuloy sa pagkain.

Pinigilan ko naman ang aking sarili na huwag tumawa dahil sa sinabi ng anak ko. Wala siyang binanggit na pangalan ngunit nang tingnan ko si Ma'am Chantal ay nagpupuyos na ito sa galit—baka natamaan..

"Ma'am Chantal, kumain ka na kasi. Pagkakain mo niyan…" Tumingin-tingin ako sa paligid namin. Nang makitang wala namang ibang malapit sa amin ay saka ako pasimpleng bumulong. "Kapag naubos mo 'yang pagkain mo, sasamahan kita sa playground hanggang mamaya bago umuwi ang Daddy mo."

"R-Really?"

Gumuhit ang mapaglarong ngisi sa aking mga labi dahil sa tanong niya. Dahan-dahan akong tumango bago nilagyan ng ulam ang plato niya. "Kapag naubos mo 'to, promise sasamahan kita."

"Hindi mo ako isusumbong sa Daddy ko?"

"Bakit naman kita isusumbong?" Tumingin ako sa kaniya at tipid na ngumiti. "Ikaw ang Ma'am ko, 'di ba?"

Humaba ang labi niya at nagbaba ng tingin na animo'y nag-iisip kung papayag ba sa alok ko o hindi. Nang makalipas ang ilang segundo ay kinuha na niya ang kutsara bago malakas na bumuntong hininga. "Promise mo 'yan, ha. Kapag hindi mo tinupad, I'll fire you."

"Oo naman," sambit ko at mas binilisan pa ang pagtango.

Napailing siya at sa wakas ay nagsimula ng kumain. Nang magtagpo naman ang mga mata namin ni Jarvis at nag-thumbs up siya sa akin habang malapad na nakangiti. Tinanguan ko lamang siya at nginitian bago siya nag-iwas ng tingin sa akin at nagpatuloy na sa pag-kain.

"Ayan, kain pa kayong dalawa, ha. Pagkatapos niyong kumain, magpahinga muna kayo tapos pupunta tayo sa playground, okay?" Dinagdagan ko pa ng kanin ang plato nilang dalawa at laking pasasalamat ko na lamang talaga nang hindi na sila umimik pa at nagreklamo dahil sa ginawa ko.

Nang masigurong Magana na silang kumakain ay ako naman ang naglagay ng pagkain sa plato ko. Kanina pa ako gutom pero hindi kasi ako puwedeng kumain nang hindi ko pa napapakain si Ma'am Chantal. Baka kasi sabihin ng iba, ako ang yaya pero ako pa ang nauunang kumain kaysa sa amo ko.

"Can I have some pa?"

Tumigil ako sa pag-kain at gulat na tumingin kay Ma'am Chantal. Kalalagay ko lamang ng pagkain sa plato niya ngunit naubos niya kaagad kaya't agad na nanlaki ang aking mga mata.

"Ako rin, Mama!"

Lumingon naman ako sa gawi ni Jarvis nang maging siya ay humihingi pa ng dagdag kahit na kadaragdag ko pa lamang sa pagkain nila. Pinanliitan ko sila ng matang dalawa ngunit nagkibit balikat lamang ang mga ito sa akin at inginuso ang platong wala ng laman.

Napailing na lamang ako bago sila sinunod. Nilagyan ko pa ng pagkain ang mga plato nila at kaagad naman silang nagpatuloy na kumain.

"Wow! May cake pa kayo pagkatapos kumain? 'Di ba para sa birthday lang 'yan?" Manghang tanong ni Jarvis nang humingi si Ma'am Chantal ng cake kay Manang Lerma. Hindi naman kami humihingi ni Jarvis pero binigyan pa rin kami ni Manang Lerma kaya't nahihiya akong nagpasalamat sa kaniya.

"Kung anong pagkain nila, iyon din ang kinakain ng mga katulong dito sa bahay," pasimpleng bulong sa akin ni Manang Lerma nang pasalamatan ko siya. Tumango na lamang ako at ngumiti kahit na ang totoo ay nahihiya pa rin ako.

"What do you mean? Cakes are for desserts," maarteng tanong ni Ma'am Chantal bago sumubo sa cake na hiningi niya. "Dali, eat na. I want to play outside na."

Dali-daling tumango si Jarvis at agad na nagsimula sa pag-kain ng cake. Wala sa sarili naman akong napangiti habang pinapanood siyang sarap na sarap sa pag-kain. Akmang kakainin ko na rin ang kaparte kong slice ng cake nang hindi ko sinasadyang napatingin kay Ma'am Chantal.

Nakatingin siya sa akin na animo'y kanina pa ako pinagmamasdan habang nakatingin kay Jarvis subalit nang magtagpo ang aming mga mata ay agad siyang nag-iwas ng tingin na animo'y kasalanan ang pagtingin sa akin.

Bahagyang kumunot ang noo ko dahil doon subalit ipinagsawalang bahala ko na lamang ang lahat at nagsimula na sa pag-kain dahil baka mayamaya ay mag-aya na ang dalawa na maglaro sa labas.

Mabuti na lamang talaga at naisip ko ang sinabi sa akin ni Manang Lerma kanina—na hindi puwedeng maglaro sa labas si Ma'am Chantal. Alam ko namang hindi siya mapapahamak kapag kasama ako kaya't naisipan kong iyon na lamang ang gawin kong alok sa kaniya. Laking pasasalamat ko na lamang talaga at mukha ngang sabik na sabik siya sa paglalaro sa labas kaya't napapayag ko siya kaagad na kumain.

Nang makatapos kaming kumain ay nagpahinga muna sina Jarvis at Ma'am Chantal sa sala at nanood ng TV samantalang tumulong naman ako kay Manang Lerma sa paghuhugas ng mga pinggan. Ayaw niya pa ng asana akong patulungin ngunit pinilit ko siya dahil ayaw kong makaistorbo kina Jarvis at Ma'am Chantal.

Sinabi kasi sa akin kanina ni Jarvis na gagawin niya ang lahat para lang maging magkaibigan sila ni Ma'am Chantal kaya naman hinahayaan ko na siyang gawin ang mga gusto niya para magkasundo silang dalawa. Saka na lamang ako mangingialam kapag alam kong ayaw naman talagang makipag-kaibigan ni Ma'am Chantal.

Pero tingin ko naman, gustong makipagkaibigan ni Ma'am Chantal kay Jarvis. Nahihiya lang siya saka masiyado kasi silang magkaibang dalawa—sa estado ng buhay saka sa ugali. Kahit na may pagkakahawig sila at parehas sila ng edad, hindi naman mapagkakailang magkaibang-magkaiba silang dalawa kaya't nakakasiguro ako na mahihirapan si Jarvis na paamuin si Ma'am Chantal.

Mabilis akong natapos sa pagliligpit kaya naman inaya ko na ang dalawa na pumunta sa playground para maglaro. Tatlong oras kami roon sa playground at binantayan ko lamang silang dalawa na animo'y mga batang matagal na nakulong at biglang naging malaya.

Tila nakahinga ako nang maluwag dahil pagkarating namin sa bahay ay wala pa rin si Sir Preston. Inihatid ko si Jarvis sa kuwarto ni Ma'am Chantal dahil maglalaro pa raw silang dalawa at hindi pa yata nakuntento sa tatlong oras na paglalaro sa playground.

Sasali sana ako sa paglalaro nilang dalawa ngunit nang kumatok si Manang Lerma at sinabing pinapapunta ako ni Sir Preston sa opisina niya, alam ko nang masesermonan kaagad ako.

Mabibigat ang bawat hakbang ko patungo sa opisina ni Sir Preston dahil sa kaba. Alam ko namang mapapagalitan ako dahil inilabas ko si Ma'am Chantal pero ayos lang… kahit papaano naman kasi, nakita ko nang ngumiti si Ma'am Chantal.

"Miss Dela Merced, nasabi na naman siguro sa 'yo ni Manang Lerma na hindi mo puwedeng ilabas ng bahay si Chantal, hindi ba?"

Kinagat ko ang aking ibabang labi dahil sa bungad na tanong sa akin ni Sir Preston nang makapasok ako sa opisina niya. Marahan akong tumango bilang pagsang-ayon. "Opo, Sir."

"Then care to explain to me why did you let my daughter to play outside? Taga-bantay ka lang niya, Miss Dela Merced. Wala kang karapatang pangunahan ako—"

"Binantayan ko naman po siya, Sir." Nag-angat ako ng tingin sa kaniya at tipid siyang nginitian. "Sabi ko naman ho sa inyo 'di ba? Hindi ho masasaktan si Ma'am Chantal habang kasama niya ako."

Malakas siyang bumuntong hininga at hinilot ang kaniyang sintido. Napalabi naman ako at nagbaba na muli ng tingin.

"Next time, don't do that thing again. Kapag napahamak ang anak ko, ikaw ang malalagot sa akin," banta niya.

Napalabi ako. "Sir, sabi niyo ho ay maldita si Ma'am Chantal at reklamo kayo nang reklamo dahil sabi niyo, masama 'yong anak niyo. Tapos ngayon naman na masaya na siya, nagrereklamo pa rin po kayo. Ano po ba talaga? Mukhang hindi naman po masama 'yong anak niyo, Sir. Kung nakita niyo lang po kanina si Ma'am Chantal saka si Jarvis, babawiin niyo na ang sinabi niyo," kalmadong sambit ko.

Alam kong nainis siya dahil sa pagsagot ko sa kaniya pero hindi ako nagpatinag. Masaya si Ma'am Chantal kanina at kapag palagi siyang masaya, baka hindi na siya magsungit pa.

"Miss Dela Merced—"

"Magtiwala lang po kayo sa akin, Sir," pagputol ko sa sasabihin niya bago ako nag-angat ng tingin. "Hindi ho magtatagal, magiging mabait na bata na ang anak niyo. Ipinapangako ko ho 'yan."

Napailing na lamang sa akin si Sir Preston at sinenyasan na ako na lumabas. Agad naman akong bumuntong hininga nang makalabas sa opisina niya dahil hindi niya sinabi kung pumapayag ba siya sa mga alok ko--- sa pagpayag niyang paglaruin si Ma'am Chantal sa labas kasama si Jarvis.

"Mama, Mama! Tingnan mo po!"

Speaking of Jarvis. Nag-angat ako ng tingin sa pinanggalingan ng boses pero muntik na yata akong mawalan ng balanse nang makita ang katatayuan ni Jarvis.

Kung ikukumpara sa ibang batang lalaki, medyo mahaba ang buhok ni Jarvis; hanggang balikat. Kalimitan ay napapagkamalan pa siyang babae dahil sa buhok niya pero hindi ko pinapapaputol dahil ayaw ni Jarvis.

Pero ngayon…

Wala sa sarili kong naitakip sa aking nakaawang na bibig ang palad ko habang nanlalaki ang mga matang nakatingin sa gawi ni Jarvis. Hindi tulad kanina ay maikli na ang buhok niya na parang si Dora samantalang...

Ibinaling ko ang tingin ko kay Ma'am Chantal na may hawak na gunting na animo'y proud na proud sa ginawa. "Friend na kami ni Chanty, Mama!" proud na sigaw ni Jarvis mula sa hindi kalayuan sa akin at kumaway-kaway pa.

Muntik na akong matumba sa gulat ngunit mas aatakihin yata ako sa puso nang may humawak sa braso ko upang pigilan ako sa pagtumba. Agad na nanlaki ang aking mga mata nang makitang ang kalalabas lamang ng opisina na si Sir Preston iyon.

Ngumisi siya nang makita si Jarvis. "Bagay sa anak mo," bulong niya sa akin na siyang ikinalaglag ng panga ko.

Suminghap ako at muling ibinaling ang tingin kay Ma'am Chantal na abot hanggang tainga ang ngiti. Mag-ama nga silang dalawa.

----