webnovel

Ako'y Isang Mang-iiwan

Isang magandang umaga, ngayon ay isang paksa ang aking ihahatid patungkol sa pag-ibig. Isang talumpati na ginawan na ng tula ng napakaraming kabataan sa ating panahon. Ako'y daragdag sa bilang ng mga kabataang ito at sana'y ang inyong mga tainga'y ipahiram sandali. Ang paksang ito ay may kaugnayan lalo na sa inyo, aking mga kaedad. Ito'y aking pinamagatang, ako ay isang mang-iiwan.

Naiwan ka na ba? O nang-iwan ka na ba? Anong pakiramdam? Masaya ba? Nakakasakit? O nakakatuwa? Kadalasang tanong ng mga taong hindi sinang-ayunan ng panahon kaya't pinaglayo. Ang isa ay umalis at ang isa'y nanatili. Kadalasan, sinasabing mas nasasaktan ang naiiwan. Bakit, sapagkat ang naiwan ang siyang mananatili sa lugar ng mga ala-alang masaya, ala-ala ng minsang walang hanggan, at ala-ala na gustong kalimutan ngunit hindi magagawa dahil nga ikaw yung naiwan, ikaw yung nanatili. Mas nasasaktan ang naiwan dahil sa mga dahilan ng taong umalis. Lumayo dahil sawa na? ayaw na niya? hahanapin niya sarili niya? personal na desisyon? Mga rason na wala namang malinaw na batayan na gustong tanungin kung bakit? paano? saan? o hanggang kailan? Gustong itanong para malaman kung nagkulang ka ba? sumobra? o sumakto lang? Napakarami niyong tanong. Eh pano naman kaming nagsialisan? Pakikinggan niyo ba ang mga dahilan kahit gasgas na o paulit-ulit? Malamang malimit sa inyo ang magsasabi ng oo. Ngunit bilang isa sa mga lumisan, kami ay biktima rin ng pag-ibig. Hindi dahil ikaw yung umalis ay ikaw yung kumalas. Hindi dahil ikaw yung lumisan ay ikaw yung umayaw. At hindi dahil ikaw yung nang-iwan ay hindi ka masasaktan. Nagsawa kami dahil siguro baka paulit-ulit na sa bawat ulit ay hindi na namin matiis. Baka hindi namin kinaya yung pait, yung inggit, yung sakit, kase baka masyado kayong nakampante. Dahil mahal na mahal namin kayo kaya't naging ayos lang sa inyo na tratuhin kami sa paraang gusto niyo. Umayaw kami dahil nakikita naming iyon nalang ang hinihintay niyo. Binigyan niyo kami ng rason dahil sa mga pinapakita niyo. Hindi naman kayo ganon dati, nagbago lang nung may dumating. Yung ngiti, yung titigan, yung tawanan, na para sa inyo ay wala lang, ngunit tingin ng lahat ay may kahulugan. Pinangunahan lang namin kayo, dun rin naman tayo patutungo diba? Nagdesisyon kaming hanapin ang aming sarili dahil unti-unti na kaming nawawala. Akala namin, mas mabubuo kami dahil nariyan kayo pero hindi pala dahil mas naguluhan kami sa mga nakasanayan naming pilit niyong binago. Gusto naming hanapin ang aming sarili dahil nawawalan na kami ng gana sa lahat. Hindi na kami tulad ng dati, gusto naming magsimula muli. Aalis kami dahil sa personal naming desisyon. Baka yun lang talaga yung kinakailangan. Hindi sa hindi na namin kayo mahal kundi dahil tadhana na ang naglalayo na kung pipilitin natin, may mga pusong magdurugo. Lalaban pa ba tayo kung hindi nga tayo para sa isa't isa? Kung Diyos na ang nagdesisyon na para tayo sa iba. Hindi naman pwedeng pilitin kung ayaw diba? Mas palalalimin pa ba natin ang magiging sugat kung pwedeng maghilom na? Hindi. Ako'y isa sa mga nang-iwan at alam ko ang pakiramdam. Hindi madaling lisanin ang taong minahal mo ng lubusan. Hindi ganon kadaling talikuran ang lugar ng mga ala-alang ayaw mong burahin sa iyong isipan. Hindi madaling umalis upang magsimula muli kung isa pa rin sa mga nakaraan mo ang gusto mong ibalik sa dati. Hindi madaling lumayo kung sa bawat hakbang ng mga paa mo ay gusto mong bumalik. At lalong hindi ganon kadaling magpaalam. Anong sasabihin namin, "Ohh, alis na ako, iiwan na kita. Maghanap ka ng taong hindi gagawin 'tong ginawa ko?" Ganon ba? Alam niyo bang mas masakit kung ikaw yung bibigkas ng salitang paalam? Dahil hindi mo alam kung pagkatapos mong bigkasin yun ay yayakapin mo ba? o tatalikod ka? Mababalikan mo pa ba? Hahabulin ka ba? Pipigilan ka ba? Ang dami rin naming tanong na hindi namin masagot kaya't mas pinili naming umalis na lang at huwag magpaalam. Kahit alam naming mali dahil masakit rin yung maiwan na hindi mo alam yung rason, na parang hindi ka karapat-dapat mabigyan ng paliwanag diba? Alam naming sa gagawin naming yun ay mas masasaktan kayo pero hindi naman yung pagpapaalam ang masakit, kundi yung susunod na mga ala-alang babalik. Hindi lang kayo ang malulungkot at magagalit. Mapupuno rin kami ng pighati at poot na hindi na naming pwedeng bawiin ang mga salitang nasambit. Alam naming hindi lahat ng iniiwan, nababalikan. Hindi lahat ng pinutol, pwede pang dugtungan. Hindi lahat ng tinalikuran ay naroon pa sa iyong paglingon. Hindi lahat ng minsang pinasaya ay pwede mo pang pasayahin sa pangalawang pagkakataon. At hindi lahat ng nasira ay pwede pang maayos. Masakit dahil baka naging ganon kasaya, diba?

Ngunit sa kabila ng lahat, kami ang hihingi tawad. Ako ang magrerepresenta sa mga taong umalis, sa mga taong nang-iwan. Patawad dahil pinili naming lumayo. Patawad dahil kami yung sumuko. Patawad dahil iniwan namin kayong luhaan. Patawad dahil hindi kami nagpaalam. Patawad dahil hindi kami lumaban. Salamat sa minsang kami'y inyong minahal at inalagaan. At sana, sa susunod nating pagkikita, ikaw na ay masaya, at ako'y napatawad na.

Iyon lamang po. At maraming salamat.