"BESTFRIEND, sorry ha? Okay ka na?" nag-aalangang sabi ni Connie. "Kasi naman…"
Itinaas niya ang kamay. "Huwag mo na lang nating pag-usapan. Bilisan na lang nating mamili para di tayo abutin ng breaktime."
Wala na siyang panahon para isipin pa ang bugso ng emosyon niya kanina. It was one of those times that she let her guards down. Nangyayari lang naman iyon kapag pinag-uusapan ang mga bagay na ayaw na niyang pag-usapan.
"Hi, Marist!" bati sa kanya ni Nilo. Pamangkin ito ng Ninong Fidel niya at isa sa mga supervisor ng factory. Pareho lang silang beinte tres anyos nito.
Tinanguan lang niya ito. Habang si Constancia naman ay kumapit agad sa braso nito. "Haller, Nilo! Kumusta ka na? Miss mo na ba ako?"
"O-Oo. Miss ko na kayong dalawa ni Marist." At pasimpleng sumulyap sa direksiyon niya. "Nag-alala nga ako kasi akala ko di kayo dadating."
"Medyo tinanghali kasi ng gising si Connie," aniya habang inililistang isa-isa ang mga items na gusto niyang kunin. Sinadya niyang di tumingin kay Nilo. May gusto kasi ito sa kanya at ayaw niyang I-encourage pa ito. Wala kasi siyang interes sa mga lalaki lalo na kapag kaharap niya ang mga bag na ibebenta niya.
"Gusto ba ninyong mananghalian muna bago kayo umalis? Ako ang bahalang manlibre sa inyo," yaya ni Nilo.
"Gosh! You are so sweet talaga, Nilo!" ani Constancia at hinampas ang binata sa braso. "Siyempre naman. Kakain kami kasama ka. Di ba, friendship?"
Pilit siyang ngumiti. "Salamat na lang. Busog pa ako. Kayo na lang siguro ang kumain. Aasikasuhin ko pa ito. Kasi kanina pa talaga gutom si Connie."
Bumakas ang pagtutol sa mukha ni Nilo. "Pero…"
Hinila na ni Constancia si Nilo palayo. "Come on! Huwag ka nang mahiya sa akin, Nilo. Masyado ka namang shy. Hindi naman ako shy, eh! Isipin mo na lang nagde-date tayong dalawa para hindi ka mailang."
Itinuon na lang niya ang atensiyon sa pamimili ng mga bag. Mabuti ngang wala si Nilo dahil walang asungot na mangungulit sa kanya.
Matapos ang labinlimang minuto ay nakasimangot na bumalik si Constancia. "Tapos ka na agad kumain? Nasaan na si Nilo?" tanong niya. Sanay kasi siya na matagal kumain si Constancia lalo na kapag libre. Ninanamnam nito ang pagkain.
"Iniwan ko na kausap ang mga kasamahan niya. Nabili mo na ba lahat ng gusto mo?" tanong nito. "Gusto ko nang umuwi."
"O-Oo," aniyang nawi-wirduhan dito. "Bakit nakabusangot ka? Hindi ba ikaw ang nagsabi sa akin na nakakapangit iyan?"
"Si Nilo kasi, eh! Akala ko ako ang type. Nung magkausap naman kami, wala na siyang ibang itinanong kundi ikaw. Nakakainis!" mariing bulong nito.
"Type mo pala si Nilo. Akala ko ba Stallion boys lang ang type mo?"
Lumabi ito. "Eh, guwapo naman si Nilo. Kulang lang sa kanya, pera. Di siyang kasing yaman ng mga Stallion boys at di siya member ng Stallion Riding Club. Kaso ayaw naman niya sa akin. Isa akong bigo. Ikaw ang gusto niya."
Marami namang manliligaw si Constancia sa baranggay nila. Pero dahil di kabilang sa Stallion boys ay binabasted nito. Malay ba naman niyang magkakagusto ito kay Nilo? Sa huli ay ito tuloy ang nabasted. Ganoon marahil ang kapalaran. Kapag gusto mo, siya namang ayaw sa iyo.
"Hindi naman ako interesado sa kanya. Kaya wala kang problema."
"Akala ko ba galit ka lang sa mga lalaking mayayaman. Hindi naman mayaman si Nilo. Bakit ayaw mo pa rin sa kanya?"
"Lalaki pa rin siya. At wala akong pakialam sa mga lalaki. Mas importante pa rin sa akin ang pera."
Ngumisi ito. "Mag-asawa ka na lang ng mayaman." Matalim niya itong sinibat ng tingin. "Oo na. Ayaw mong matawag na social climber at gold digger."
"Bakit basta ka na lang umalis, Connie?" tanong ni Nilo nang lapitan sila. "Di pa tayo tapos kumain at magkwentuhan, hindi ba?"
"Naalala ko kasi na marami pa kaming kailangang puntahan ni Marist. Saka nagmamadali na siyang umalis. Salamat na lang sa panlilibre mo," ani Constancia at binitbit ang mga pinamili nila. "Sige, aalis na kami."
Mukhang sa sama ng loob kay Nilo ay nabitbit nito ang pinamili nila. Samantalang tamad na tamad itong magbitbit.
"Ako na lang ang magbibitbit niyan. Ihahatid ko na kayo," prisinta ni Nilo.
"Huwag na lang," tanggi niya. "Kaya na namin ito."
Isang malaking plastic ng bag ang pinagtutulungan nilang buhatin. Di na niya ipinalalagay pa sa kahon ang pinamili. Minsan kasi ay may nakakakita ng bag sa sasakyan pa lang at nakakabenta na agad siya.
Di pa sila nakakalayo sa pabrika ay narinig na niyang umangal si Constancia. "Grabe! Ang sakit na ng puso, atay at balun-balunan ko, Marist."
"Cholesterol lang iyan. Baka mabawasan ang taba mo sa katawan at tuluyan ka nang pansinin ni Nilo pagbalik natin. Kaya magbitbit ka lang."
"Kasi naman! Dapat si Nilo na lang ang pinagbitbit natin. Tumanggi ka pa."
"Kailan ba ako nagpatulong sa lalaki? Saka ikaw nga itong broken hearted sa kanya, di ba? Eh, di sasama lang ang loob mo kapag kinausap niya ako."
"Mag-tricycle na lang tayo. Kasi doble ang pinamili mo ngayon."
"Mas marami na kasi tayong order. Saka konting tiis na lang. Konting hakbang pa nasa sakayan na tayo ng bus. Tatawid na lang tayo." Maghihintay na lang sila ng dumadaang bus sa kabilang panig ng highway pabalik sa Maynila.
"Pakainin mo ako nang masarap pag-uwi natin," pahabol pa nito.
Mainit ang araw at nahihilo na rin siya sa init at gutom. Inaantok na rin siya at pagod. Di bale, babawi na lang ako ng tulog sa bus.
Pinapangarap na niya ang magandang panaginip niyang nang maramdaman niyang parang lumaylay ang plastic na hawak. Nang lumingon siya ay wasak na ang plastic at tuluyang bumigay. Nagsabugan ang mga bag sa daan.
"Naku! Ang paninda ko!" sigaw niya at mabilis na umuklo para pulutin ang mga nalaglag na bag. Di na halos siya magkandaugaga sa pagsagip sa paninda niya. Di niya na-check kung may sira o wala ang pinagsilidang plastic bag ng paninda. "Connie, kawayan mo ang mga sasakyan para di nila tayo masagasaan o ang mga paninda natin. Magpupulot lang ako."
"Oo. Ako ang bahala!" anito at nagkakaway sa daan.
Pinagpag niya ang isang napulot na bag. "Wala pang sira. Medyo nadumihan lang pero pwede pa." Saka niya isinilid sa extrang plastic bag na dala niya. "Mabuti na lang may lifesaver ako. Kundi…"
Naputol ang sasabihin niya nang marinig niya ang tili ni Constancia. Bago pa siya makapagtanong ay humaginit ang isang pulang kotse sa tabi niya. Mabilis niyang dinaluhan si Contancia. "Okay ka lang?"
Tumango ito. "Oo. Pero…" Parang lumaki ang ulo niya nang makita ang paninda niya na nasagasaan ng nagdaang pulang kotse.
Don't forget to comment, vote, and rate this chapter.
To be updated on my latest books, events, promos, and more news, send me a "Hi" message to Sofia PHR Page on Facebook.