Lumilipad ang utak ni Jenna Rose habang pinakikinggan ang kanta ni JED ang magiging commercial jingle ng Stallion Shampoo and Conditioner. He was singing the song he sang during the concert years ago. Ngayon pa lang ire-release ang kantang iyon. And it was 'their' song. Ang kantang dati niyang inakala na para sa kanya. It only bothered her.
Bakit naman sa dinami-dami ng pwede niyang kantahin, iyang kanta pa na iyan? Parang nananadya. How could she hate him if he was singing such a romantic song? Parang natutunaw ang puso niya. Kahit nga ang mga babae sa conference room ay nakatulala na lang dito at parang gusto na ring ma-in love. At tukso pa na paulit-ulit na nagpe-playback sa utak niya ang nangyari sa concert doon. Nang protektahan at yakapin siya nito sa harap ng maraming tao.
At dahil ako ang costume designer sa commercial, lagi pa kaming magkakasama. Gusto ni Neiji na siya mismo ang magmo-monitor ng costume sa set para tiyak na maaayos kapag may problema. Lagi silang magkikita.
"Kailan mo kaya ako kakantahan ng ganyan?" narinig niyang tanong ni Marist kay Emrei na nobyo nito.
"Don't count on it," Emrei said grimly. "Ipagpapatayo na lang kita ng palasyo pero hinding-hindi mo ako mapapakanta."
"Kaya nga The Switch ang bahala sa commercial theme at hindi si Emrei," natatawang sabi ni Arnette. "Don't worry, Emrei. Wagi naman ang kaguwapuhan mo. And our endorsers for Stallion Shampoo and Conditioner are two of our grand dream raffle winners, Winry and Marist."
"T-Teka, bakit pati ako kasama sa model?" tanong ni Marist. "Bag designer lang naman ako dito, ah!"
"Marist, you are the symbol of every woman's dream!" paliwanag ni Arnette. "Na natupad ang pangarap mo dahil sa Stallion Shampoo. Complete with your dream guy, of course. Makaka-partner nila ang real life sweetheart nila na member ng riding club na sina Neiji at Emrei. And the concept of our commercial is dreams shine with Stallion Shampoo and Conditioner."
"Kasama ka rin?" tanong ni Marist kay Emrei.
Nahaplos ni Emrei ang batok. "I have no choice." Malaki kasi ang utang na loob nito kay Neiji at sa Stallion Shampoo. Kundi ay di ito mapapalapit sa dating man-hater na si Marist. Kaya di ito makakatanggi.
"Pati ba si Neiji kasali din?" tanong niya at binalingan ang CEO ng manufacturing company ng Stallion Shampoo.
"Yes, kasali siya!" sagot ni Winry na asawa ni Neiji. "Ang totoo, wala kaming talent fee dito kaya naisip niyang kami na lang ang model. Ibibigay na lang daw namin ang talent fee namin para sa The Switch."
Umugong ang tawanan at kantiyawan. Pagdating kasi sa pagkakuripot, si Neiji ang bida. Kaya nga ito patuloy sa pagyaman.
"Why not?" singit ni Eunice. "They are the best."
"Nobody would argue with that," anang si Neiji.
Nagpatuloy ang meeting at ipinakita ang storyboard ng commercial. Sa magagandang lugar sa riding club isu-shoot ang commercial. Ang finale ay isang grand party sa garden ng guesthouse, serenaded by The Switch.
Pagkatapos ng meeting ay nagulat siya nang lapitan siya ni JED. "Congratulations!" bati nito. "Gaya ng sinabi ko dati, magiging successful fashion designer ka. I am looking forward working with you." At inabot ang kamay sa kanya.
"T-Thank you," aniya at napilitang kamayan ito. She was amazed. Natatandaan pa nito na pinuri nito ang creations niya at talent niya sa isang fashion gala noong college siya. O baka naman parte lang iyon ng pambobola nito?
"Do you know that I joined the riding club because my girlfriend wants to wear your exclusive creation?" anang si Martey, ang drummer ng banda. "She's raving about those gowns. Naiinggit siya sa mga kaibigan niya na may boyfriend dito sa loob ng riding club. Kailangan daw matuto rin akong mag-horseback riding."
"Oo. Gusto ko rin ng girlfriend ko ang hand painted gown," dagdag ni Mig, ang lead guitarist. "Di naman kami katulad ni JED na interesado talagang makapasok dito. Dati kasing may ranch ang lolo niya."
"Really? Hindi ko alam iyon," nausal niya.
"My father forfeited it. Magaling kasi siyang magpatalo sa casino," nakangiting sabi ni JED. Subalit nakita niya ang lungkot sa mga mata nito.
"I wonder, si JED mismo ang nagpakita sa mga girlfriend namin ng mga designs mo sa magazine," naghihinalang sabi ni Marty. Weird nga naman para sa isang rockstar na magkahilig sa gawa ng fashion designer na tulad niya na puro feminine ang ginagawang damit.
"Maganda naman talaga ang designs niya," katwiran ni JED. "And you should know what your woman wants. How about you, Eunice? Gusto mo ring magpa-design ng gown?"
"I have a different preference," walang gatol na sabi ni Eunice. "I'll wait for you at the van. We have to go back to Manila. May rehearsal pa kayo."
"I apologize for Eunice behavior,' wika ni JED.
"It is okay. I can't force everyone to appreciate or wear my creations." Sadya namang mainit ang dugo sa kanya ni Eunice noon pa man. "Katulad nang di ninyo mapipilit ang lahat ng tao na magustuhan ang music ninyo."
"Ayaw mo na ba sa music namin?" tanong nito.
Saglit siyang napipilan. She didn't really hate their music. She just stopped listening to them because of personal reason. It was JED himself. "I-I like your new song," nasabi na lang niya. "Iyong gagamitin ninyo sa commercial. A guy would sing that to a woman he loves. I am sure it will be a great hit."
Ginagap nito ang dalawang kamay niya. "Really? You like it?"
"Yes. Magugustuhan din tiyak ng ibang fans ninyo." HIndi siya komportable na hawak pa rin nito ang kamay niya. "See you around, JED."
"See you around," anitong lalo pang hinigpitan ang hawak sa kamay niya.
Tumikhim siya. "My hands. Hawak mo pa rin."
Marahan nitong binitiwan ang kamay niya. "S-Sorry."
Bahagya niya itong nilingon nang naglalakad na siya palayo. Nakatingin pa rin ito sa kanya. Iniwas agad niya ang tingin at dali-daling naglakad palayo. "Don't look back anymore, Jenna Rose. Kapag bumalik ang nararamdaman mo sa kanya, tiyak na masasaktan ka lang ulit. Tama na. Huwag ka nang magpadala sa ngiti niya. O sa maganda niyang boses." Huminga siya nang malalim. "Kahit na mahirap."