NAGASING AKO'NG NASA kuwarto na ako ng bahay. Nasilaw ako sa liwanag na nagmumula sa malimlim na ilaw sa kisame. Dahan-dahan akong naupo. Ang huling naaalala ko, nakalutang ako sa hangin sakal ng babaeng multo. Nilibot ko ang aking paningin sa kabuuan ng kuwarto para hanapin si Sunshine. Nakita ko siyang nakatayo at nakatitig sa lalaking ngayon ko lang nakita. Hindi multo ang lalaki. Masasabi kong halos kaedad ko lang siya at may kaya sa buhay, 'yong tipong anak mayaman. Nakatayo siya sa gilid ng kama. At nakatayo si Sunshine malapit sa kanya.
"Sino ka?" tanong kong akma akong tatayo palayo.
"Hindi ako masamang tao," paliwanag ng lalaki para pigilan ako at aalalayan ako sa pagbangon. "Ako si, Migs," pagpapakilala niya. Umiwas ako nang hahawakan na niya sana ako sa braso.
"Pa'no ka napunta rito? Pa'no ako napunta rito? Bakit ka nandito?" sunod-sunod na tanong ko.
"Isa-isa lang. Magpapaliwanag ako." Bahagyang ngumiti ang lalaki para siguro pakalmahin ako.
Napatingin ako kay Sunshine na tahimik lang na natitig sa lalaki. Nangungusap ang mga mata niya na tila matagal na niyang kilala ang lalaki at matagal nang pinanabikang muling makita. May lungkot din sa mga mata niya na may pagbabadya pang pagpatak ng luha.
"Papunta ako rito nang may makita akong traysikel na bumangga sa puno." Nilingon ko ang lalaki nang magsimula siyang magpaliwanag. "Agad akong humingi ng tulong nang makita kong may lalaking nakahiga sa lupa at sugatan. Isinakay namin ng mga tagarito ang lalaki sa kotse ko at dinala sa pinakamalapit na pagamutan. Hindi na sana ako tutuloy sa lugar na 'to, pero parang may kung ano'ng tumatawag sa 'kin para puntahan ang lugar na 'to. At doon na kita nakita. Nakita kitang nakadapa malapit sa gate ng bahay na 'to ng mga Sinag."
"Malapit sa gate?"
"Oo," sagot ng lalaki. "Sakay ka ba ng traysikel na 'yon?" tumango lang ako sa tanong ng lalaki. "Pero bakit napunta ka sa may gate? Ang layo no'n sa pinangyarihan ng aksidente."
"Hindi ko rin alam?" yumuko ako. Hindi ko alam kung ano'ng palusot ang sasabihin ko. "Base sa kuwento mo, papunta ka talaga sa lugar na 'to? Ano'ng pakay mo rito?" pag-iiba ko sa usapan.
Hindi agad nakasagot sa tanong ko ang binatang nagpakilalang si Migs. Malungkot siyang ngumiti at huminga ng malalim. "Para magpaalam," malungkot niyang sagot. Si Sunshine napahawak sa dibdib niya na puno ng pag-aalala at nakatitig pa rin sa lalaki. Parang sira si Sunshine. Akala niya naman may tibok ang puso niya.
Nabuo ang malaking katanungan ko sa sinabi no'ng Migs at sa mga ikinikilos ni Sunshine. Gusto ko sanang linawin ang sinabi ni Migs pero napigilan ako nang may biglang pumasok sa pinto.
"Mabuti't gising ka na." napalingon ako sa babaeng nagsalita na pumasok ng kuwarto.
"Jane?" sabi ko nang makilala ko ang lumapit na babae sa 'kin.
"Kumusta ka na, Lukas? Maayos na ba ang pakiramdam mo?" pag-aalala ni Jane. Naupo siya sa kama at hinawakan ang mga kamay ko.
"Okay na ako," sagot ko. Sinulyapan ko si Sunshine, nakatigtig pa rin siya sa lalaki. Buti pa ang dalawang 'to kinamusta na ang lagay ko. Siya hindi. "Bakit pumunta ka rito?" tanong ko kay Jane ng harapin ko siya.
Napasimangot si Jane at binitiwan ang mga kamay ko. "Grabe ka naman!" ngiwi niya. "Masama bang mag-alala ako sa 'yo at kumustahin kita? Magkaibigan na tayo, 'di ba?"
Napangiti ako. "Hindi naman sa gano'n. Hindi ba, takot kayong mga tagarito sa lugar na 'to?"
"Oo, takot ako. Pero nang mabalitaan ko ang nangyari sa 'yo, agad akong sumugod dito at nagpasama ako kay tatay," kuwento ni Jane. "Noong una, hindi pumayag si tatay. Pero nang nalaman niyang kasama ka sa aksidenteng 'yon at nandito si Migs na tumulong sa inyo ni Mang Gary, 'yong drayber, pumayag siyang pumunta ako rito. Usap-usapan na naman ng mga tagarito na umaatake na naman ang mga multo."
"Magkakilala kayo?" tanong ko at pinasadahan ko ng tingin sina Jane at 'yong Migs.
Tiningnan ni Jane si Migs. "Halos lahat ng tagarito sa baryo Madulom, kilala siya," sagot niya. Matipid na ngumiti 'yong Migs. Mas lalong nahihiwagaan tuloy ako sa lalaking 'to? "Wala ka na ba talagang nararamdaman? Hindi mo ba talaga kailangang pumunta sa ospital?"
"Maayos na siya, Jane," sabi no'ng Migs. Naaangasan ako sa lalaking 'to. Nakatayo siyang nakapasok ang mga kamay sa bulsa ng pantalon niya. Ang nakakainis pa, 'di mapatid ang tingin sa kanya ni Sunshine. Para na niyang yayakapin at hahalikan? O parang lalamunin?
"Halos tatlong oras kang walang malay. Ayos ka na ba talaga?" tanong pa ulit ni Jane.
Tumango lang ako sa tanong ni Jane. Napaisip ako. Wala akong maramdamang sakit maging sa mga sugat ko maliban sa konting kirot. Bumabalik sa alaala ko ang mga nangyari mula kaninang umaga nang matamaan ako ng mga basag na salamin, nang batuhin ako ng matanda at nang bumangga ang sinasakyan naming traysikel sa puno. Iniligtas ko si Sunshine – isang istupidong aksiyon dahil hindi naman masasaktan si Sunshine sa aksidenteng 'yon dahil isa na lamang siyang multo. Pero nang mga oras na 'yon, ang gusto ko lang gawin ay protektahan siya. Naramdaman ko ang sakit nang tumusok sa likod ko ang matulis na putol na sanga maging ang hapdi ng sugat sa leeg ko dulot ng mahigpit na pagkakasakal sa 'kin ng babaeng multo sa pagtusok ng matutulis niyang kuko. Pero ngayon, ang katawan ko parang walang pinagdaanang sakuna.
***
WALA AKONG PANG-ITAAS na damit na pinagmamasdan ang sarili ko sa salamin sa loob ng banyo. Naiuwi sa bahay ang mga pinamili namin. Naghanda ng pagkain si Jane para sa hapunan naming tatlo. Nagdesisyon sila ni Migs na samahan na ako ngayong gabi. Nagpaalam muna ako na aayusin ang sarili ko bago kumain. Maraming katanungan sa isip ko. Parang ang bilis gumaling ng mga sugat ko at madaling nawala ang sakit ng katawan ko. Nakuwento pa no'ng Migs na dadalhin niya dapat ako sa ospital pero ako mismo ang tumanggi. Habang buhat niya ako papasok ng kotse, sinabi ko raw na sa bahay na lang ako at magpapahinga. Nagulat rin si Migs na mabilis akong naka-recover sa tindi ng mga pinsala kong nakita niya. Nag-aaral siya maging doktor kaya alam niya 'yon. Nagtiwala rin siya sa alam niya kaya siya na lang ang nagbigay ng paunang lunas sa 'kin gamit ang lagi niyang dalang first aid kit. Pero wala akong maalalang nakausap ko ang Migs na 'yon. Ang huling natatandaan ko lang talaga ay sakal pa ako no'ng multo.
Sinuri ko ang sugat ko sa leeg na natusok ng kuko ng multo, wala akong maramdamang sakit. At sa halos lahat ng sugat ko. At lahat ay nakababenda maliban sa mga galos lang. Sinipat ko ang sugat ko sa likod na natusok ng sanga ng bumunggo kami sa puno. Bahagya kong binuka ang nakatakip na gasa para silipin ito at tingnan sa salamin. Kanina lang ang sugat pero parang natutuyo na. Tulad rin ng iba ko pang sugat sa iba't ibang parte ng katawan ko.
"Hay, pambihira!" nagulat kong reaksiyon nang biglang lumitaw si Sunshine sa tabi ko. "Hindi ka ba marunong kumatok?"
"Ang wedro mo. Alam mong multo ako, kakatok? Tumatagos kaya ako sa pader," rason ni Sunshine. At parang siya pa ang galit.
"Mas may werdo pa ba sa 'yo rito sa mundo?" komento ko. "At kahit multo ka, dapat may pasabi ka man lang bago ka lilitaw, lalo na rito sa banyo. Wala ba sa alaala mo ang salitang privacy?"
"Bakit? May ginagawa ka bang kababalaghan dito?" pang-aasar na tanong niya.
"Ikaw siguro ang may gustong gawing kababalaghan, Sunshine," nakangising sagot ko sa kanya. "Naalala mo no'ng bosohan mo ako habang naliligo ako?" may pang-aasar na tanong ko. "Grabe 'yon. Piling ko gusto mo akong pagsamantalahan? Nakita ko sa mga mata mo na gusto mo akong sunggaban."
"Talagang piling mo! Pilingero ka! Hindi ko kaya sinasadya 'yon. Malay ko ba na wala kang suot? At hinaan mo nga ang boses mo. Baka marinig ka no'ng dalawa na nagsaalita mag-isa. Isipin pa nilang tinupak ka na dahil sa aksidente."
Napangiti na lang ako. Siya kaya ang malakas ang boses. Pero tama siya. Baka nga marinig ako no'ng dalawa at isipin nilang nagsasalita akong mag-isa at tinakasan na ng katinuan. Tumahimik ako at tumingin sa salamin. Ako lang ang nakikita ko sa salamin, wala si Sunshine na nakatayo sa tabi ko na sa salamin din ang nakatingin.
"Tungkol nga pala sa aksidente. Puwede mo bang ikuwento sa 'kin bago ako nagising, kung pa'no ako nakalabas ng traysikel, at kung ano ang nangyari matapos ako muling mahimatay. Ang natatandaan ko kasi no'n, sakal ako ng babaeng multo," hiling ko.
"Bago 'yon, kumusta ka na? Ayos ka na ba talaga?"
Napatitig ako sa kanya. Hindi ako agad nakasagot. "Ayos na," nakangiting sabi ko. "Eh, ikaw? Hindi ka ba nasaktan?"
Umiling siya. "Malakas ako," may pagyayabang na sagot niya. Pero sa tingin ko nasaktan siya.
"Tsk! Oo na," sabi ko na lang. "Tungkol sa nangyari?" pagbalik ko sa tanong ko. Gusto ko kasi talagang malaman kung ano'ng mga naganap matapos akong mawalan ng malay sa aksidente sa traysikel at nang makaharap namin ang nakaberdeng multo.
"Nawalan ka ng malay habang yakap mo ako." Pagsisimula niya ng kuwento. "Nasugatan ka at dumugo ang likod mo nang matusok ka ng kahoy. Nabagok pa yata ang ulo mo? Ibinigay ko ang buong lakas ko para ilabas kita ng traysikel. Iyak ako nang iyak. Takot na takot ako dahil sa dami ng dugo mo. Gusto kong humingi ng tulong. Pero pa'no ko gagawin 'yon, dahil isa akong multo? Sigaw ako nang sigaw para gisingin ka at umaasa akong may makakarinig sa 'kin dahil may katawan ako nang mga oras na 'yon. Kaso naalala kong nanghihina ka kapag hawak mo ako. Baka mas manganib lang ang buhay mo kaya binitiwan kita." Naramdaman ko ang labis na lungkot at takot na naramdaman ni Sunshine habang nagkukuwento siya. Nakikita ko sa imahinasyon ko ang labis na takot at pag-aalala sa mukha niya nang mga oras na 'yon. "Dumating si Mang Pedro at tinulungan niya akong gisingin ka. Buti pa sa kanya nakikinig ka, sa 'kin hindi."
Napangisi ako sa patampong pahayag niya sa huling sinabi niya. "Ano'ng drama 'yan? Nagseselos ka kay Mang Pedro?" tanong ko.
"Nagpipiling ka na naman! Lukas, 'wag mo ngang ipilit ang sarili mo sa 'kin. Masasaktan ka lang," sabi niya na may awang nararamdaman para sa 'kin. "May tinitibok na ang pusno ko. Ramdam ko 'yon."
"Okay. Magmu-move on na ako?" pabirong sabi ko.
"Umamin ka nga, Lukas. Gusto mo na talaga ako, 'no?" paniniguro niya sa ideyang naisip niya.
Mahinang natawa na lang ako sa tanong niya. "Sunshine, mas gugustuhin ko pang maging girlfriend ang puno ng saging. At least 'yon, may puso. Ikaw, wala. Multo ka na, wala ka na nito." Itinuro ko ang dibdib ko sa tapat ng direksiyon ng puso ko. "Ilusyon lang ang tibok na nararamdaman mong 'yan sa puso mo."
"Oo, na. Grabe ka. Pero may nararamdaman talaga akong tibok sa dibdib ko kapag hawak ko ang kamay mo. Nakikita ko ang 'di malinaw na imahe ng lalaki. Na sa palagay ko, malapit sa puso ko noong nabubuhay pa ako." Nagkatitigan kami mata sa mata. Nangungusap na naman ang mga mata niya tulad habang nakatingin siya kay Migs. "Lukas, puwedeng – "
"Nang sakal ako no'ng multo ano'ng nangyari pagkatapos? Pa'no akong napunta sa may gate at nakapagsalita pa? Wala na talaga akong maalala pagkatapos no'n. Ni 'di ko alam na may dumating at tinulungan ako," pagputol ko sa dapat na sasabihin ni Sunshine. Parang natutunugan kong may hihingin siyang pabor na may kinalaman sa lalaking 'yon – kay Migs. Pero 'di naman siguro ako nagseselos? Bakit naman? Hay, pambihira! Ito na naman kasi ang kakaibang nararamdaman ko! Werdo nga siguro ako tulad ng sabi niya. Pati ako 'di ko maintindihan ang sarili ko!
"Nawalan ka ng malay habang sakal ng babaeng 'yon. Akala ko wala ka na. 'Yon ang nagtulak sa 'kin para... para magmistulang halimaw... at ipaghiganti ka."
Nilingon ko si Sunshine. Nakayuko siya habang nagsasalita. Ewan ko kung ilusyon lang, pero may pumatak na luha sa mga mata niya at tila hirap siyang ikuwento sa 'kin ang lahat. Nilingon niya ako, 'di ako kumibo. Gusto kong ituloy niya ang kuwento niya. Gusto kong nakikitang nag-aalala siya sa 'kin at nasasaktan. Gusto kong makita ang takot niya – takot na baka iwan ko na siya. Hindi ko na talaga maintindihan ang sarili ko? Parang mas lalong lumalala kung anuman 'yong nararamdaman ko!
Ikuwenento niya ang pakikipaglaban niya sa multo para sa kaligtasan namin. Na-picture ko sa utak ko ang hitsura niyang halimaw at kung paano sila naglaban. Siguro mas nakakatakot pa sa mga ipinakita na niya sa 'kin. Walang nanalo sa laban nila. Ang importante lang kay Sunshine sa mga oras na 'yon, ligtas ako. Nang masiguro niyang nawalan lang ako ng malay, pagprotekta sa 'kin na lang ang ginawa niya habang akay ako papunta sa bahay. Nagawa niyang mabuhat ako dahil hawak niya ang kamay ko. Sinasalag niya ang bawat atake ng nakaberdeng multo. Nararamdaman niya raw ang sakit hanggang sa mabitiwan niya ako. Pero lumaban pa rin siya kahit nanghihina na siya. Ang nasa isip niya lang, ang makapasok kami sa bahay. Naglaban sila malapit na sa gate at nakahandusay ako. Pilit niyang itinataboy ang multo. Ako pa rin daw kasi ang pinupunterya nito. Ang sabi pa ng halimaw na nakaberdeng multo sa kanya, kapag nawala na ako, wala nang pag-asang mabuhay siya. Sa gano'ng eksena raw sila nang may dumating na kotse. Madilim na nang mga oras na 'yon. Agad bumaba ang lalaking sakay ng kotse at sinaklolohan ako. Huminto sa pagsasalita si Sunshine nang nabanggit na ang lalaking dumating na nagpakilala sa 'kin kanina na si Migs at bisita namin ngayon.
"Pa'no ka nga pala nakapasok ng bahay? Malamang hindi kita hawak no'n kung 'yong lalaki ang nagpasok sa 'kin sa bahay." Pagtataka ko.
"Hindi ko rin alam? Basta nakasunod ako sa inyo no'n. Tapos nagulat na lang ako na nasa loob na ako. Sinubukan ko ngang lumabas ulit, pero 'di ko na nagawa."
"May tumutulong sa 'tin," sabi ko.
"Siguradong hindi 'yon si Mang Pedro," sabi niya.
"Tama ka." Saglit kaming natigilan. "Siya nga pala. Hindi n'yo ba siya nasaktan – si Migs? 'Di ba niya kayo nakita o naramdaman? Hindi ba siya tinangkang saktan no'ng multo?" tanong ko.
Malungkot na umiling si Sunshine. May tila kung ano na namang gumugulo sa kanya. "Lukas?" mahinang sabi niya.
"Sunshine, sinabi kanina ni Migs na tumanggi akong magpadala sa ospital? Nakapagsalita pa ba ako nang mga oras na 'yon?" tanong ko. Ayaw ko pang ituloy niya ang sasabihin niya na sa palagay ko ay may kinalaman sa lalaki naming bisita kaya pinutol kong muli ang dapat niyang sasabihin.
"Sinikap kong pigilan siya na dalhin ka sa kung saan. Dahil alam kong sa bahay na 'to na ikaw pinakaligtas. Wala na sa 'kin no'n kung makita niya ako. Pero hindi niya ako makita't marinig. Tumatagos lang ako sa kanya. Sinubukan ko ring hawakan ka at hilahin, pero marahil dahil sa panghihina ko, wala na akong enerhiya para mahawakan ka o ikaw mismo wala ng lakas pa. At nagdalawang isip din akong gawin pa 'yon. Baka kasi lalo lang gumulo kapag nakita niya ako. Sinubukan ko ang sumanib sa 'yo kung magagawa ko, pero 'di ko nagawa."
"Mabuti't hindi mo nagawa. Alam mo bang isa sa pinakaayaw kong maranasan ay ang may tumagos na multo sa katawan ko? Lalo naman kung may sasanib. Isipin ko pa lang nangingilabo na ako. Naranasan ko na kasing may tumagos sa kawatan ko noong bata pa ako at ayaw ko nang maranasan uli ang kahindik-hindik na pangyayaring 'yon. Mabuti wala akong malay ng tumagos ka sa 'kin. At mabuting hindi mo nagawang saniban ang walang malay kong katawan." Napahinga ako ng malalim matapos kong magsalita.
"S-Siguro dapat mo 'yang sabihin kay Mang Pedro 'pag nagkita kayo," napayukong sabi ni Sunshine.
"Ano'ng ibig mong sabihin? Bakit nasali si Mang Pedro?" tanong ko. Nanatiling nakayuko lang si Sunshine at hindi sumagot. Nandilat ang mga mata ko sa naisip ko. "Hindi ikaw ang nagsalita no'n?" nakayukong umiling si Sunshine. "Hindi rin ako?" nakayuko pa rin siyang umiling na 'di ako matingnan. "'W-Wag mong s-sabihing – " ni hindi ko matuloy ang dapat na itatanong ko dahil ayaw ko talagang isiping 'yon ang nangyari.
Nilingon ako ni Sunshine at tumango siya. Para akong mapapaluhod sa panghihina. Si Mang Pedro, sumanib sa katawan ko. Siya ang nagsalita gamit ang katawan ko para tumangging dalhin ako sa ospital. Sumanib siya? Sinapian niya ako?!