webnovel

Chapter 3 Sa ilalim ng Maliwanag na Buwan Saksi Ang Buwan

Maagang kumain ng hapunan ang pamilya ni Millet. Parang may sariling mundo habang kasalo ang mga magulang at ang kapatid. Masaya ang mga itong nagkukuwentuhan habang nagkakainan. 'Di pansin ng mga ito ang kakaibang ikinikilos ni Millet. Patuloy lang ito sa pagkain habang nakatingin sa mga miyembro ng pamilya na masayang nagkukwentuhan. Walang kakibo-kibo at tila ba pinapanood na lamang ang biruan ng bawat isa.

Si Millet ang panganay sa dalawang magkapatid habang ang nakababatang kapatid ay si Mia. Magkasundong magkasundo ang bawat miyembro ng kanyang pamilya, pinalaki kasi sila sa pagmamahal at pagaruga na walang hinihinging kapalit. Isang perpektong pamilya.

Matapos kumain ay nagtungo na sa kanyang kwarto si Millet. Kumuha ng mga damit sa drawer at dumeretso na sa banyo. Naligo siya at para bang wala sa sarili habang kanyang ginagawa ang mga bagay bagay sa loob ng kanilang tahanan.

Ilang oras na rin ang nakakaraan, di pa rin siya makatulog. Pumasok sa gunita ang nangyari kanina habang namamasyal siya at si Boz sa isang parke." Gusto kita Millet." Na wari bay patuloy na ibinubulong ni Boz sa kanyang mga tenga ang mga kataga. Napangiti siya.

Matapos ay hinalikan siya nito gayung di pa naman niya ito sinasagot, hay naku! " Biglang lumakas ang tibok ng kanyang dibdib.

Ano na gagawin ko? Paano pagnagkita kami ulit?" tanong ni Millet sa sarili. "Nakakainis naman, bakit ba kasi nangyari yun." Sabay kuha sa unan at inihampas hampas ito sa kanyang paanan na noon ay nakatakip na ng kumot. Malalim na buntong hininga at halos magulo ang kanyang mahabang buhok dahil sa pagkakamot ng ulo. Di niya malaman kung ano ang gagawin.

Sa kabilang panig ng isipan. Ang sarap pala sa pakiramdam kapag kasama mo ang taong nagpapabilis ng tibok ng puso mo, sa isip ni Millet. Para palang nakalutang ka sa mga alapaap, ang gaan gaan sa pakiramdam. May ngiting sumilay sa kanyang mga labi.

Habang nakaupo ay napukaw ng atensyon ni Millet ang nakabukas na bintana, ang laki ng buwan, ang liwanag, ang gandang pagmasdan. Matagal niyang tinitigan ang buwan na wari bay isang malaking screen ng tv at sa gitna ng monitor ay may dalawang aninong tila ba magkasintahan, isang lalake at isang babae na magkahawak ang mga kamay, masayang nagkukwentuhan, naghaharutan di kalaunan ay makikitang nagyakapan at sa huli ay panakaw na naghalikan. Parang panaginip, napahawak si Millet sa manipis at pulang mga labi. Parang natulala sa mga sandaling iyon, bumilis ang tibok ng kanyang puso, hinawakan niya ang kanyang dibdib.

Parang bumalik sa kasalukuyang panahon ng maramdaman ni Millet ang tila ba banayad na paghaplos ng hangin na pumapasok sa bukas na bintana. Parang kinilabutan siya. Natanawan ang kurtinang umiindayog sa saliw ng hanging marahang imiihip. Ang tahimik ng gabi, ni walang munti mang ingay na maririnig sa paligid. Kahit sino ay maaaring maglakbay at malayang mangarap. O kay sarap sa pakiramdam ang mga sandaling ito.

Maya- maya pa ay nakaramdam na ng pagod si Millet dahil sa kung ano- anong sumasagi sa isipan. Nababaliw na yata sya. Marahang inihimlay ni Millet ang sarili sa malambot na kamang tulugan. Ipinikit ang kanyang mga mata at sumambit ng isang panalangin.

"Bukas ay panibagong pagkakataon", bulong ng isip na di niya nais na sayangin ang bawat sandali at parusahan ang sarili dahil sa sobrang pagiisip...