webnovel

Kabanata 4

Sa muling pagdilat ng mga mata ni Samuel. Nakita niya ang pamilyar na paligid sa kwebang tinitirhan niya, kumikirot ng kaunti ang kaniyang ulo. Wala siyang lakas para kumilos, parang nalantang gulay.

"Sammy ano bang nangyari sa 'kin matapos mong itaboy ang mga ibon?"

"Nakatulog ka sa buong araw."

"Ang bigat ng katawan ko, bakit ganito?"

"Ginamit ko ang kaunting pwersa ng buhay mo para isakatuparan ang 'yong gusto kanina."

Ngayon naintindihan niya na kung bakit hindi maayos ang kalagayan niya. Nabawasan daw ng isang taon ang buhay niya, pero hindi naman 'yon problema. Pag nakainom na siya ng gamot na nagpapalakas sa gene, hahaba ang kaniyang buhay.

Lumapit siya sa apoy na nasa harapan niya. Ang lamig kasi, kahit nakasuot na siya ng makapal na balahibo ng hayop sa buo niyang katawan, hindi pa rin siya komportable. Naawa siya sa mga kawal at sa mga mamayan ng lugar na 'to. Paano kaya nila nakayanan ang lamig, gayo'ng ang pribadong parte lang ng kanilang katawan ay may damit.

Kaya siguro kaunti lang ang tao dito, 200 lang ang mamamayan. 302 na kung isasali sila.

May narinig siyang yapak sa pasukan ng kweba. Nakita niya si Ardes, may dala itong inihaw na karne.

"Buti naman at gising ka na Prinsepi Samuel." Gumaan ang pakiramdam ng kawal. Lumapit ito sa kaniya at inabot ang hawak nito.

Nagpasalamat siya. Kahit walang lasa ang pagkain. Hindi siya umangal, gutom na gutom na kasi siya. Tumingin siya sa kawal, napansin niya kasing nakatitig ito sa kaniya.

"Bakit?"

"Wala, patawad kong naging hindi ka komportable dahil sa akin."

"Hindi naman. May itatanong ka ba? 'Wag ka nang mahiya, hindi ako kagaya sa ibang maharlika. Sa totoo nga niyan, ayaw kong maging maharlika. Ang gusto ko lang mamuhay ng tahimik at gawin ang mga gusto kong gawin, 'yon ay ang tumulong sa ibang tao." May batas kasi sinusunod ang mga mayayaman sa lugar na 'to. Bawal silang tanungin ng mga taong hindi nila kauri o kapantay sa lipunan.

Dahil sa narinig, kumunot ang noo ni Ardes. Hindi niya mabasa ang ugali ng prinsepi. Hindi man sila gaanong malapit no'n, alam niyang malamig makitungo ang prinsepi sa ibang tao at parang wala itong pakialam sa paligid. Minsan lang ito magsalita, nabansagan nga itong pipeng prinsepi dahil sa ugaling meron ito. Ibang-iba ang pinakita ng prinsepi ngayon araw, kaninang umaga kitang-kita niya ang saya sa mukha nito habang tinuturuan sila tungkol sa mga halaman. Niligtas din sila sa kapahamakan, naguguluhan siya kung sino ang paniniwalaan niya; ang tsismis o ang nakita niya mismo.

"Malaki ang pasasalamat ng mga kawal sa pagligtas mo sa 'min kanina. Magiging tapat kami sa 'yo palagi, utang namin sa 'yo ang aming buhay."

"Ang drama mo naman, kayong bahala. Paano mo nasabing niligtas ko kayo?"

"Hindi namin alam, basta malakas ang kutob naming ang prinsepi ang nagtaboy sa mga ibon. Ipagpaumanhin mo ang aking kapangahasan Prinsepi Samuel, pwede ko bang malaman kung isa kang blessed? Pangako hindi ko sasabihin sa iba ang maririnig kong sagot mula sa 'yo."

Natigil siya sa pagnguya. Blessed? Hinanap niya sa alaala niya kung alam niya ba ang tinutukoy ng heneral. Interesante. Ang blessed ay ang mga taong malapit sa diyos, may kaya silang gawin na hindi kaya ng normal na tao. Malakas ang kanilang katawan at matalas ang kanilang pakiramdam.

Ang sagot niya'y oo. Pero hindi niya sinabi. Sinabi kasi ni Sammy na. 'Mag iingat ka Samuel. 'Wag mong ipagsasabi sa iba na biniyayaan ka ng diyos. Baka pag nalaman ng 'yong ama na isa kang blessed, pabalikin ka sa syudad at pakinabangan.'

'Sa tingin mo Sammy, pwede ko bang ipasok 'tong si Ardes sa palasiyo. Gusto kong malaman niya kung niya paano magsanay ang mga sundalo sa dati kong mundo.'

'Nararamdaman kong mas tumaas pa ang katapatan niya sa 'yo. Pwedeng-pwede Samuel. Ang hihina ng mga kawal na ibinigay sa 'yo, kailangan nilang lumakas pa para maprotektahan 'tong lupain mo.'

Tama si Sammy. Halatang walang pagmamahal ang ama niyang datu sa kaniya. Ang mga kawal na pinasama sa kaniya ay mga pinakamahina sa mga kawal sa palasiyo. Payat ang katawan, hindi mo makikitaan ng lakas o presensiya ng isang matapang na mandirigma. Si Ardes lang ata ang naiiba, maskulado ang katawan nito, may balbas at tsokolate ang kulay ng balat. Naiingit siya sa mga pandesal sa tiyan nito, gusto niyang magkagano'n. Taba ang meron siya.

Dahil tahimik lang ang prinsepi, napagpasiyahan ni Ardes na umalis na. Napatigil siya sa paghakbang ng narinig niya ang sinabi ng prinsepi.

"Malalaman mo rin mamaya."

Bakit mamaya pa hindi ba pwedeng ngayon. Gusto-gusti niyang malaman, pero hindi siya nagpumilit. Lumabas siya sa kweba at bumalik sa kwebang tinitirhan nila.

Sinalubong siya ng malamig na hangin habang naglalakad. Huni lang ng insekto ang narinig niya sa paligid. Nangungulila siya sa buhay niya sa syudad, do'n pwede siyang makainom ng alak. Maraming magagandang babae at may maraming pagkain. Kahit palagi siyang inaapi ng mga kawal na may mataas na ranggo sa kaniya, mas gusto niya pa rin do'n.

Hindi siya makakabalik do'n hanggat nabubuhay ang prinsepi. Binalak ng ibang mga kawal na patayin ang prinsepi, pero nang maghinala silang isang blessed ang prinsepi winala kaagad nila ang mga plano sa kanilang isipan. Kahit siya ay payag do'n, pero hindi na ngayon.

Gusto niyang malaman ang misteryo sa pagkatao ni Prinsepi Samuel. May kutob siyang may magandang mangyayari sa lugar na ito. Ang prinsepi lang ang makakagawa no'n, gusto niyang makita kong tama man ang kutob niya.

Samantala, sa muling pagpasok si Samuel sa palasiyo. Umupo siya sa gintong upuan nasa harap niya ang android na si Sammy. Nakapatong ito sa puting lamesa.

"Ano bang tawag sa lugar na 'to?"

"Palasiyo Symmetry."

"Tunog libingan ng mga patay."

"Dito napupunta ang kaluluwa ng mga taong namatay."

"Bakit hindi ko sila nakikita?"

"Masyado ka pang mahina para matuklasan ang hiwaga sa lugar na 'to."

"Grabe ka naman, pinamukha mo talaga sa 'king ang hina-hina ko. Sana naisip mong ano ang bata bata ko pa. Labinlimang taong gulang pa lang ako, siyempre mahina pa talaga ang katawan ko."

"Tatlumpu ka na."

"Ang sama mo! Kung sa totoo kong katawan. Pero ako na si Samuel ngayon, isang batang wala pang kamuwang-muwang sa mundo."

"Matanda na ang utak mo."

"Inaaway mo na 'ko ngayon, masama bang mangarap na maging bata?"

"Nagsasabi lang ako ng totoo Samuel."

"Ewan ko sa 'yo." Nagtatampo niyang saad, umarte siyang parang bata na inaway ng kalaro. Natawa siya sa kaniyang kabaliwan. Walang paki ang android.

"Seryoso na nga, paano ko ba maipapasok si Ardes dito?"

"Ang nasa loob ng bolang kristal sa harap mo ay may lamang mga buhay na espirito. Pwede kong hilahin ang espiritu ni Ardes papunta dito."

"Kamangha-mangha naman. Nga pala Sammy, napansin ko lang bakit nag-iba ata ang paraan ko ng pagsasalita. Bakit parang hindi ko na alam mag Ingles?"

"Gusto ng diyos na 'wag mong dalhin ang lengwahe sa dati mong mundo dito. Hindi nagsasalita ng tagalog o kaya'y Ingles ang mga tao dito. Taganese ang wikang kanilang ginagamit, naiintindihan mo sila at nakakapagsalita ka gamit ang lenggwaheng Taganese dahil nasa alaala mo na 'yon simula pa pagkabata."

Tumango siya.

Pumasok si Sammy sa bolang kristal. Tinignan niya kung ano ang nagyayari sa loob. Parang kalawakan ang nakita niya, maraming kumikislap na parang bituin sa langit.

Ilang saglit lang, lumabas si Sammy. May dala itong maliit na liwanag, lumitaw ang lumiwag at napunta sa upuan sa gilid niya. Unti-unti itong nagbago. Unang nabuo ang ulo, pamilyar sa kaniya ang mukha. Ngumiti siya. Ang sunod naman ang katawan hanggang sa nakompleto ang ang buong kabuoan.

"P-P-Prinsepi Samuel? Anong ginagawa ko dito? Panaghinip lang 'to?"

"Nagkakamali ka Ardes, hindi ka nanaghinip ngayon. Ang kaluluwa mo'y dinala ko dito."

"Kaluluwa?"

Hindi nila alam 'yon? Hinanap niya sa alaala niya kung alam ba ng mga tao sa Azul ang kaluluwa sa katawan ng tao. Wala siyang nakita.

"Alam mo mahirap ipaliwanag, basta nandito ka kasi may importante akong ipapagawa sa 'yo. Kumalma ka nga, hindi naman kita aanuhin. Hindi ko ugaling manakit ng walang malaking dahilan. Kalma lang."

Malakas ang pagtibok sa puso ni Ardes, gulong-gulo talaga siya sa nangyari. Kanina nanaghinip siya na nakita niya na ang kaniyang mapapangasawa, tapus bigla itong natigil. May pwersang humila sa kaniya, napunta siya sa lugar na hindi niya alam. Ibang-iba sa syudad, sobrang ganda ng disenyo ng paligid, ngayon pa lang siya nakakita ng ganito.

"Prinsepi Samuel, nasaan ba tayo ngayon. Ang ganda naman dito. Parang dito nakatira ang isang diyos."

"Dito nga."

Napasinghap siya, hindi niya inakalang tama ang sinabi niya.

"Pa-Paanong pinayagan tayong makapasok dito?" Ang sabi ng pari sa simbahan sa syudad. Ang templo daw ng diyos ay sagrado, bawal daw makapasok ang tao ro'n. Gusto kasi ng mga diyos ang katahimikan.

Napailing na lang si Samuel ng makita ang takot sa mukha ng heneral. Hindi niya maintindihan kung bakit gano'n, ano naman kung sa diyos nga ang lugar na 'to? Pinahiram ito sa kaniya, kaya magagawa niya ang mga gusto niyang gawin sa lugar na 'to.

"Huminahon ka muna Ardes. Walang masamang mangyayari sa 'tin dito. Magtiwala ka sa 'kin."

Sumunod naman kaagad ang heneral. Nag tiwala ito sa sinabi niya. "Ayos na ba ang puso mo?"

"Oo, salamat Prinsepi Samuel." Pakiramdam niya sobrang espisyal niya, sa dinami-dami ng tao siya pa ang napili para makapasok sa tirahan ng isang diyos. Kung ikukwento niya siguro ang nangyari ngayon sa iba, masasabihan siguro siyang baliw. Lubos siyang nagpapasalamat sa prinsepi, tama nga ang hinala niya. Misteryosong binata.

"Kaya kita dinala dito kasi gusto kong sanayin mo ang mga kawal gamit ang kaalamang ibibigay ko sa 'yo. Hindi magiging matatag ang isang kaharian kung mahihina ang mga kawal."

"Ikinagagalak kong paglingkuran ka Prinsepi Samuel." Natutuwa niyang saad. Hindi na rin siya makapaghintay kung anong kaalaman ang ituturo sa kaniya ng prinsepi. Sigurado siyang mas mahal pa sa diyamante ang halaga ng mga 'yon.

'Sammy 'yong android ng sundalo nakahanda na ba?'

'Kanina pa Samuel. Gusto mo na bang simulan ang pag-aaral ni Ardes?'

Tumango siya. Pero bago 'yon.

"Gusto kong isekreto mo na napunta ka sa lugar na 'to. Wala kang pagsasabihan na kahit sino. Maliwanag ba?"

"Makakaasa kang hindi ko ipagsasabi sa iba ang nangyari ngayon Prinsepi Samuel."

"Buti naman kung gano'n. Kung sakali mang lumabag ka, buburahin ko sa utak mo ang mga nalalaman mo sa lugar na 'to." Hindi niya binabalaan si Ardes. Pinapaalalahanan lang. Tumango ang heneral.

Inutusan niya si Sammy na papuntahin na ang mga android sa kinalalagyan nila.

May mga sundalong naglakad papunta direksiyon nila, nabigla ang katabi niya.

"Mga kawal?" Napalunok si Ardes ng laway. Ang la-laki ng nga katawan nila at parang mga estatwa, bimilib siya sa disiplina nilang lahat. Ang linya ay tuwid na tuwid, nakasuot sila ng damit na ngayon niya lang nakita. Gusto niyang magkaroon ng gano'n.

"Ang mga taong 'yan ay mga sundalo. Parang kawal na rin pero magkaiba. Kitang-kita naman diba?"

Tumango siya.

"Gusto kong magsanay ka kasama sila. Lahat ng matutunan mo sa kanila, ituro mo sa mga kawal ko."

"Maraming salamat prinsepi Samuel. Hindi ko kayo bibiguin!"