Matapos ang pag-uusap namin ni sir Alexander ay muli akong naiwang mag-isa sa loob ng bodega. Kaya bago pa ako muling lamunin ng masamang alaala na iyon ay nagmamadali na akong lumabas at bumalik sa mesa ko.
Nang makaupo ako ay hindi ang masamang bangungot ang umokopa sa isipan ko kung hindi ang pagyaya sa akin ni sir Alexander na sa opisina nito kumain ng tanghalian. Pero hindi ko alam kung susundin ko ba ang gusto nito o hindi lalo na nang maalala ko ang banta nito na hihilain ako patungo sa opisina nito. Na sigurado akong mas aagaw ng atensyon ng ibang naroroon.
"Hays…hayaan na nga. At least makakatipid ako sa gastos." Para abalahin ang sarili ay binasa ko na lang ang mga nakasulat sa record book. Pero walang anu-ano ay tila para bang muli kong narinig ang sigaw ng babae na humihingi ng tulong. Kasunod ang isang nakagigimbal na eksena. Kahit ano ang aking gawin ay hindi ko magawang kalimutan ang mga nakita ko lalo na at alam ko sa sarili ko na totoo ang mga iyon. At maaaring napahamak rin ako kung hindi ko nagawang makahanap ng matataguan.
Hindi ko maintindihan kung bakit nangyari sa akin iyon at kung paano ako napunta sa lugar na iyon samantalang mahimbing lang akong natutulog kagabi.
"Hoy! Natulala ka na riyan!"
"Ay butiki!" Bulalas ko nang kumalampag ang mesa ko. "Melanie! Bakit ka ba nanggugulat?" Naiinis na sabi ko rito sapo ang dibdib.
"Kanina pa kaya ako nakatayo rito sa harap mo at kinakausap ka. Hindi mo naman ako pinapansin." Nakangusong reklamo nito na pinagkrus pa ang mga braso sa dibdib.
"Pasensiya ka na, may naalala lang ako. Ano nga pala ang kailangan mo?"
"Tinatanong kita kung sasabay ka ba sa akin magtanghalian?"
"Hi-hindi, eh," naiilang na sagot ko rito at nag-iwas ng tingin.
"Bakit? May baon ka?" Nagtatakang tanong nito.
"Wala. Ang sabi kasi ni sir sumabay na raw ako sa kaniyang kumain ng lunch."
"What! Totoo ba 'yan? Sinabi niya sa 'yo?" Sunud-sunod na tanong nito na bigla pang hinawakan ang kanang kamay ko na nakapatong sa mesa at may hawak na ballpen. Napangiwi ako ng maramdaman ko ang paghigpit niyon.
"Oo. Aray…"
"Sorry! Nadala lang ako." Nabiglang sabi nito sabay bitaw sa kamay ko. Napatango na lang ako habang hinihimas ang kamay ko. "Ang daya talaga! Ang tagal ko ng nagpapapansin kay sir, pero hanggang ngayon hindi man lang ako napapansin. Samantalang ikaw, kahapon ka lang nakausap close na agad kayo," maktol nito na sinamaan pa ako ng tingin.
Bahagya akong kinabahan dahil hindi ko alam kung nagbibiro lang ba ito o totoong masama ang loob sa akin. Pero bigla itong ngumiti kaya bahagyang napanatag ang loob ko.
"Hindi ko rin naman inaasahan iyon. Baka ngayon lang ito."
"Siguro nga. Mabait naman kasi talaga si sir. Sige babalik na ako sa p'westo ko," sabi nito na mabilis ng tumalikod. Nang tuluyan itong makalayo ay saka lang ako nakahinga ng maluwag.
"Kailangan kong maging maingat sa mga ikinikilos at sinasabi ko. Hindi ko pa kabisado ang ugali ng mga tao sa lugar na ito," naibulong ko na lang habang sinusundan ito ng tingin.
Pero biglang nabaling ang atensyon ko sa pinto ng opisina ni sir Alexander nang makita kong may dumating na tatlong lalaki. At parang namumukhaan ko ang isa sa mga iyon.
Napasinghap na lang ako nang bigla itong lumingon sa direksyon ko at kumindat.
"Jake…" Agad na nag-init ang mga pisngi ko ng ngumiti ito na para bang narinig ang sinabi ko kaya agad akong nag-iwas ng tingin.
Nang muli akong tumingin sa direksyon nito ay wala na ang mga ito sa tapat ng pinto. Pero ilang sandali lang ay lumabas si Ate Marie na patungo sa direksyon ko kasunod ang dalawang lalaki na patungo naman sa kabilang direksyon.
"Liane, pinatatawag ka ni sir," sabi nito ng makalapit.
"Sige, salamat," sagot ko habang bantulot na tumatayo. Ngumiti at tumango naman ito bago tuluyang umalis.
Habang naiwan naman akong nag-aalangang maglakad palapit sa opisina ni sir Alexander bitbit ang record book. Hanggang sa tumapat na ako sa nakabukas na pinto.
"O? Nariyan ka na pala. Halika pumasok ka na, isara mo ang pinto pagkatapos," sabi ni sir Alexander habang inaayos ang mga pagkain katulong ang kapatid nitong si Jake.
Tahimik naman akong pumasok bago isinara ang pinto. At marahang naglakad palapit sa mga ito.
"Halika, maupo ka rito," sabi ni Jake na itinuro ang isa sa dalawang upuang nasa harap ng mesa ni sir Alexander.
"Salamat po…" Mahinang sabi ko matapos umupo. Ipapatong ko sana sa mga hita ko ang dala kong record book ngunit mabilis itong kinuha ni Jake at ipinatong sa bunton ng mga papel.
"Huwag ka ng mahiya. Kumain ka ng marami, ha?" Napatango na lang ako sa sinabi nito habang pinagmamasdan ang ginagawa ni sir Alexander na paglalagay ng kanin at ulam sa plato ko.
"Hindi namin alam kung ano ang gusto mo kaya hinayaan ko nang si Jake ang mag-isip ng mga dadalhin."
"Okay lang po, si — "
"Tsk!"
"Huh?" Tanong ni Jake habang nagtatakang nakatingin sa amin. Dahilan para mag-init ang mga pisngi ko.
"Okay lang. Hindi naman ako mapili sa pagkain," ulit ko na sa plato nakatuon ang pansin.
Ilang sandali pa ay tahimik na kaming kumakain at tanging ang tunog lang ng mga kutsara't tinidor na tumatama sa plato ang maririnig.
"Ah… siya nga pala, Liane. Napansin ko kanina na parang wala ka sa sarili mo habang nakaupo ka sa may mesa mo. Hindi mo nga napansin na nakatayo ako sa harapan mo. Sigurado bang wala kang problema?" Narinig kong sabi ni sir Alexander dahilan para mapahinto ako sa pagsubo at mawalan ng gana sa pagkain.
"Bakit? May nangyari ba? P'wede mong sabihin sa amin kung may gumugulo sa 'yo," nag-aalalang sabi ni Jake na tumigil na rin sa pagkain at itinuon ang atensiyon sa akin.
"Ayos lang naman ako. At tulad nga ng sinabi ko kanina, naninibago lang siguro ako," sagot ko habang palipat-lipat ang tingin sa mukha ng mga ito. Kaya hindi nakaligtas sa pansin ko ang pagkalukot ng ilong ng mga ito na para bang may naamoy na hindi maganda.
"Sigurado ka?" Nagdududang tanong ni Jake kasabay ng pagsuklay palikod ng mahaba at kulay pula nitong buhok. At seryosong tumitig sa mukha ko kaya agad akong napaiwas ng tingin.
"Oo…"