Nabigyan ako noon ng ilang mga kasuotan ng mga kakilala ko. Nagamit ko din naman iyon ngunit hindi ito naging sapat. Sinabi sa'kin noon ni ate Roda na kung gusto mong makaipon ng maraming kasuotan ay sasamahan ka naming maglapsap mamayang gabi. Kasama si kuya Joseph, Jay-r at ate Roda, lumabas kami ng bahay ng gabing iyon. Nu'ng una, wala akong ideya kung anu ang lapsap, ngunit alam ko ang lapsapan. Ito yu'ng black market sa Macau na legal kung saan nakalatag ang mga segunda mano na mga sari-saring gamit sa katawan at sa bahay na binibenta ng bagsak presyo, at pwede ka ding makipagtawaran dito. Yu'ng iba 'don ay may mga kanya-kanyang pwesto at yu'ng iba naman nakalatag lang sa kalsada. Sa madaling salita ito 'yong tinatawag sa'ting ukay-ukay o hukay-hukay. Mawi-windang ka sa dami ng pwede mong mabibili dito sa murang halaga. And'yan na ang mga sari-saring mga damit, t-shirt, pantalon, long sleeve, shorts, jacket, damit pangbabae, pambata, pang matanda, meron din mga coat and tie, mga kobre kama, kurtina. Mga sari-saring sapatos magmula sa mga class D hanggang class A, mga branded na mamahaling sapatos ay 'don din matatagpuan sa murang halaga. Nakabili ako 'don ng black shoes na sapatos na halos wala pang gasgas. Ang sarap sa paa 'non. At Versace ang brand nito. Sa 'di inaasahang pagkakataon, napasama 'yon sa mga gamit kong napadlock. Ilang beses ko lang din itong naisuot at ingat-ingat ako dito. Marami din ditong mga sari-saring accesories, mga relo, may mga cellphone din. Ang ibang mga cellphone doon baka nakaw lang din. Mga gamit sa bahay, mga gamit sa pagluluto, mga gamit sa paglilinis. Mga lumang cd's, may mga chinese porn din. Mga radio, tv at kung anu-anu pa.
Magsasawa ang mga mata mo sa katitingin dito at kakapamili. Napakaraming tao din ang pumupunta dito lalo na kapag umaga, 'don kasi maraming mga bagong lumang paninda.May mga lumang libro din, mga magazine at kung anu-ano pa.
Sumapit ang bandang gabi, mga alas otso na 'non ng lumabas kami ng bahay. Itinuro sa'kin ni ate Roda ang dati nilang ginagawa doon. Iniisa-isa namin ang mga basurahan sa mga kantuhan. 'Yung ibang basurahan naman dito nakasegregate ang mga nabubulok. Meron din naman mga sama-sama na.
Sa unang labas namin 'non nakakuha agad kami ng mga damit. May panlalake, pambabae at mga bambata. Sari-sari ang laman ng mga basurahan 'don. May mga sapatos din at mga pantalon, at ilang mga gamit na pwede pang mapakinabangan ay nasa basurahan na din. Sumakto din noon na malapit ng magchinese New Year kaya umaapaw ang basuran nila. Sabi nila sa'kin, tuwing magcha-chinese new year ay nagpapalit ng mga gamit ang mga intsik. Ang mga lumang mga kagamitan sa bahay ay pinapalitan ng mga bago maging mga damit na din. Marami-rami din ang mga nakalkal namin sa basurahan nila. Siguro, inabot din kami ng dalawang oras sa pangangalkal na iyon. Nakakaaliw din gawin iyon, nalilibang ako sa totoo lang. Although, laking hirap ako kaya sanay na sanay ako sa ganitong gawain, dahil dati din namin itong ginagawa nu'ng kami'y mga bata pa sa aming lugar, sa mga subdivision sa'min. Hindi ako nakaramdam noon ng hiya sa mga taong nakasalubong namin sa halip pa nga ay nabuhayan ako ng loob.
Unti-unti akong nakakarecover sa sinapit ko. Nagkaroon ako noon ng pag-asang makaipon ng mga damit na pwede kong masuot. Nagkaroon ako 'non ng konting pera sa pagsasideline kaya, nakabili din ako ng under wear ko at medyas. Minsan, dumadating na maiisip ko na nalang yu'ng mga gamit ko na naiwan sa dating plot at 'don nakakadama pa din ako ng kalungkutan.
Noong wala kaming matuluyan ng mapadlakan ang bahay, nu'ng hapon 'yon ay kay kuya Robert kami dumeretso. Matagal na s'yang kilala ni ate Roda at nagupitan ko na din s'ya dati sa bahay nila. Nakasama namin si kuya Robert sa Born Again Church tuwing may gathering sila at preaching. Nakakasama din ako dati ng madalas sa born again nu'ng bago palang ako sa Macau, at yu'ng building na inuupahan ng church ay malapit lang din sa dating bahay namin.
'Yung mga sumunod na araw, hindi na'ko nagpapasama sa kanila. Madalas 'non, ako na lang mag-isa ang naglalapsap. Minsan naman nakakasama ko si Jay-r ngunit kadalasan solo flight ako. Lagi akong may bitbit na sigarilyo sa paghahalukay ko dahil kadalasan ang basurahan nila ay mabaho. May dala din akong bag o eco bag para 'don ko nilalagay ang mga nakukuha ko.
Halos gabi-gabi noon, wala akong palya sa paglalapsap. Sa lugar lang sa'min marami ka ng makukuha, sa mga bawat kanto busog ka na, kaya hindi mo na kailangan pang lumayo. Ang dami kong naipon noon na mga damit na mapapakinabangan pa, pati mga damit pambata at pambabae na magaganda pa ang kondisyon ay kinukuha ko na din. Nakakuha din ako noon ng black leather na coat pangbabae. Mukhang bagong-bago pa 'yon, kaya kinuha ko. Nakakuha din ako noon ng bagong sapatos na hindi pa gamit na kasya sa paa ko at isa pang sneaker na army green ang kulay, maganda din ang kondisyon 'non. Nakakuha din ako sa basurahan ng jacket na cream ang kulay. Ang daming bulsa 'non at may mga secret pocket pa at talagang mukhang bago pa. Nakakuha din ako noon ng mga pantalon na sakto sa'kin ang sukat at pati din ilang shorts. Nakakuha din ako noon ng bagong-bagong long sleeve na dark green ang kulay at may magandang graphics ang design na ngayon ay nasa akin pa din bilang remembrance.
Sa halos sa gabi-gabi kong pangangalkal ng basura ay unti-unting dumadami ang gamit ko. Kapag ako'y nakakakuha ng mga damit, kinabukasan o kapag marami na sila, nilalabahan ko ang mga ito. Minsan, nanghihinayang ako sa mga tinatapon na gamit ng mga intsik. Kung tutuusin, talagang mapapakinabangan pa ang mga ito. Minsan, nakakakita ako ng mga refrigarator sa basurahan, mga tv, electric fan, mga sofa, lamesa, kama, mga gamit sa pagluluto at kung anu-anu pa. Minsan din naman nakakakita ako ng mga pinoy na naglalapsap din. Dati, nakasalubong ko ang tatlong pinoy na may buhat-buhat na malaking sofa. Nagtatawanan sila noon nu'ng makita kung akay-akay nila ang malaking sofa.
Malamang kung sa 'Pinas ito, hindi pa tinatapon ang mga gamit sa basurahan ay nakaabang na ang mga mangangalkal dito, nakakapanghinayang kung tutuusin. Naisip ko din noon na ang mga paninda sa lapsapan ay doon din galing. Pati mga ukay-ukay dito sa'tin, malamang 'don din galing ang iba sa basurahan. Tumigil nalang ako 'non sa paglalapsap ng makaipon na'ko ng maraming mga damit. Ang iba nga 'don iniwan ko na sa plot dahil hindi na magkasya sa maleta kong binigay sa'kin ni Marimar at traveling bag.
Noong umuwi ako sa 'Pinas halos karamihan sa mga nakuha ko ay pinamigay ko. Si Ukos na tropa kong magta-trycle ay nagustuhan ang sapatos kong sneaker na army green ang kulay, kaya binigay ko na lang ito sa kanya, at napakinabangan n'ya ito sa kanyang pagba-bayahe. Pati din ang cream kong jacket na pinagpalit ko kay Paul ng jacket din ay lagi n'ya rin itong suot sa pagbabyahe n'ya ng trycle. Ang bag pack na itim ni Marimar ay nagustuhan din ni ate Dona kaya binigay ko din. Pati na din ang long sleeve kong uniform na kulay orange ng Plani Service ay binigay ko din kay pareng Alex. At ilang damit din kay pareng Barci.
Kung tutuusin, napakinabangan ng iba ang mga nakalkal kong mga kasuotan na tinapon nalang sa basurahan. Kung makabalik pa ako 'don, gagawin ko pa din ang pangangalkal kahit marami na akong pera. 🙃🛒