webnovel

PAANO MAGING TAO? (mga aral, leksyon, biro at sekreto ng buhay)

May isang dakilang nilalang ang sumagip sa'kin sa tiyak na kamatayan!.. Marahil utang ko sa kanya ang lahat-lahat!.. Magmula sa paghihirap hanggang sa kaginhawaan na muli n'ya sa'king pinaranas... "HINDI KO ALAM at KUNG PAPAANO!!??", na ang dati ng patay ay muli pang nabuhay. Isang malaking palaisipan o sabihin man nati'y maging isang "MISYON" man na gumugulo sa magulo kong isipan. O, sadyang "MASAMANG DAMO LANG!". ITO ANG AKING KWENTO, LASAPIN N'YO. At tulungan n'yo akong hanapin iyon... [ANG DAKILANG LUMIGTAS SA AKIN SA TIYAK NA KAMATAYAN]

Axl_Carbonell · Realistic
Not enough ratings
71 Chs

Ang aking "Depresyon" at ang aking "Kalungkutan"... Ang aking "Kabiguan" at aking "Pagsusumikap" sa buhay.

Paano nga ba maging tao? Maging ako man ay naguguluhan din. Ito ba ang sumpa sa'tin ng Maykapal ng suwayin ni Eba at Adan ang tagubilin ng Diyos. Tayo bang mga tao ang dapat managot sa lahat ng kanilang kasalanan noon???

Maraming bagay ang nagdadala sa'kin sa ganitong emosyon. Mga bagay na wala sa akin at mga bagay na inaasam-asam ko. Magmula sa pagiging sawi sa pag-ibig hanggang sa mawalan ako ng matalik na kaibigan. Lahat ng iyon ay lubusan kong dinamdam. Dumarating na lang sa puntong ganito ang mga naisusulat ko o ang pagiging minsa'y isang negatibo sa buhay.

May mga puntong nakokwesyon ko ang Diyos sa mga paghihirap na dinaranas ko sa buhay magmula ng maliit pa ako. At minsan, tinatanong ko S'ya kung bakit pa N'ya ako binuhay noon, gayong puro kabiguan na man ang dinadanas ko.

Makailang ulit ako noong nawalan ng trabaho. May mga pagkakataong natatanggal ako sa mga naging trabaho ko. At masakit 'yun sa damdamin kung iisipin. Ang mga nadanasan ko ding rejection o pagtanggi sa'kin ng ibang taong nilalapitan ko ay sumasapol din mula sa kailaliman ng puso't isipan ko. Madalas, iniisip ko din na bakit ako nagkakaganito. Bakit wala man lamang ni isa ang magbigay sa'kin ng pag-asa!!??

May mga pagkakataon din sa buhay ko na nawalan na ako ng gana sa sarili ko. Hindi na rin ako nagsisimba, hindi na rin ako lumalapit sa Diyos. Hindi na rin ako lumalabas ng bahay, at tila ba ayoko ng makakita ng mga tao. At lalong napakababa na ng tingin ko sa sarili ko na para bang isang basura na lang. Minsan nga, iniisip ko na lang din na mas mahirap pa ako kaysa sa isang pulubi. At mas masaya pa s'ya kanya sa akin!

Hindi ko na rin kayang ngumiti. Lagi lang akong nakapanglaw sa kawalan at paulit-ulit na nag-iisip. Tanging naging takbuhan ko ang alak at sigarilyo na bahagyang nakatulong sa'kin. May punto din na halos araw-araw akong nag-iinom ng alak mag-isa para lang makalimutan ko ang sarili ko at mga problema. Dumating din sa puntong parang gusto ko ng tapusin ang sariling kong buhay. Kumuha ako noon ng tali at nilagay 'yon sa aking leeg. Ngunit, hindi ko nagawa 'yon dahil bigla ko din naisip na hindi rin naman 'yon makakatulong sa problema. Mamamatay lang ako at hanggang doon na lang din ang magiging kapalaran ko. At nalaman ko din na wala pala akong lakas ng loob o courage na gawin ang bagay na 'yon na nagagawa naman ng iba.

Madalas ko din sisihin ang Diyos kung bakit pa ako pinanganak na mahirap. Kung bakit ko pa kailangan danasin ang mga paghihirap, pasakit, kalungkutan, at kabiguan sa buhay. Mahirap ang maging isang MAHIRAP talaga!!!

Maraming bagay ang paulit-ulit na pumapatay sa'kin kahit hanggang ngayon. Hindi ko rin kayang mapagtagumpayan ang sarili ko. At pakiwari ko'y nauubusan na ako ng pagkakataon at panahon. Marami ring mga bagay ang hinahanap sa'kin na wala naman ako. At tanging isang musmos na lang din ang naniniwala sa'kin. Dinadaya ko na lang ang sarili na masaya ako ngunit sa kaloob-looban ko ay malungkot ako!

Madalas kong kausapin ang Diyos. Tumingin sa langit sa gabi ng katahimikan. Nananalangin ako sa Kanya na sana makayanan ko pa ang mga ganitong pangyayari sa buhay. "O, Diyos ko! Nahihirapan ako! Nawa'y tulungan Mo naman ako at dinggin ang mga panalangin ko." Totoo ka ba?

Marami akong gustong gawin at baguhin ngunit, wala akong kakayahan na gawin 'yon. Marami akong gustong puntahan at marating ngunit, wala akong galing para mangyari 'yon. Marami akong gustong balikan at tulungan ngunit, maging sarili ko ay hindi ko kayang tulungan. Marami akong mga pangarap at mithiin ngunit hindi ko ito kayang abutin. Marami akong gustong simulan at tapusin ngunit, papaano ko 'yon uumpisahan? Naliligaw ako at hindi ko matagpuan ang kapayapaan! Minsan, iniisip ko rin na hindi ako nababagay sa mundong aking ginagalawan. "At minsan mas gugustuhin ko pang maging isang bato na lang. Walang damdamin, walang emosyon! At hindi nasasaktan."

Tama nga ang mga magulang ko noon na hindi ako magtatagumpay sa pagdodrawing o pagpipinta. TAMA NGA SILA!! Hindi daw ako yayaman dito! At totoo nga ang sumpa. Hindi naman talaga ako nagtagumpay dito. Naalala ko pa nu'ng may inaplayan akong isang art shop noon. Hindi ko maintindihan sa kanya kung bakit n'ya ako hinusgahan agad at hindi tinanggap sa trabaho. Maraming beses ko ding inilapit ang mga likhang sining ko sa mga art community noon ngunit hindi nila ito pinansin. Kaya nawalan na din ako ng ganang magpinta ngayon. Hindi ko makita ang mga bagay na daan tungo sa tagumpay para dito. Ayoko rin mangyari sa'kin ang sinapit ni Vincent Van Gogh na kung kailan lang s'ya namatay o nawala ay saka pa lang s'ya sumikat at nagtagumpay marahil. Para sa anu pa? Sino pa ang makikinabang ng mga paghihirap n'ya? Gayong patay na s'ya. Maaapreciate n'ya pa kaya ang mga libo-libong papuri ng mga tao!!??

Naging bahagi din ako ng isang insurance company, ngunit hindi ito ang nilalaman ng puso ko. Although, marami na ang nagtagumpay sa larangan na 'to ngunit may hinahanap pa rin ako. Parang feeling ko hindi ako nararapat dito at hindi ako masaya sa pagbebenta ng insurance. Marami akong hinahanap at gustong mangyari sa buhay ko at pakiwari ko'y parang ang hirap-hirap nitong abutin.

May punto rin sa buhay ko na ang aking tanging pinagkukunan ko ng kabuhayan ay kinasawaan ko na, sa larangan ng paggugupit at pagsasalon. Matagal na ako sa ganitong trabaho ngunit hindi ko man lamang magawang makapagpatayo ng sarili kong salon at kumita ng maganda-ganda. Alam ng mga hairstylist ang hirap sa ganitong trabaho lalo na't hindi ka swelduhan. May mga pagkakataon na umuuwi akong luhaan at walang ka kita-kita man lamang. Tanging tuwing december lang kami nakakaranas ng maganda at sunod-sunod na malaking kita. Pagkatapos 'non, wala na! Balik na ulit sa umpisa o sa panahon ng tag-hina.

Nabaon din ako sa utang sa pagsasalon! Hanggang ngayon may mga naiwan padin akong mga utang sa dati kong mga inuutangan. (5,6) At hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pangungulit at paniningil nila sa'kin. Alam kong utang ko 'yon! At hindi ko 'yon matatanggi. Darating ang panahon at mababayaran ko din kayong lahat. Pasensya na sa inyo!

Naranasan ko rin noon na kahit pangkain mo na lang ay ihuhulog mo pa sa utang. Sa jueteng nalulong din ako! Malaking pera din ang pinatalo ko sa jueteng sa loob ng sampung taon, kung susumahin. Kaya kahit tumama pa ako ng malaki dito ay talong talo pa din ako. Minsan nga rin kahit pambili mo na lang ng pagkain at pamasahe ay itataya mo pa sa jueteng sa pagbabasakaling maambunan ng kaunting swerte.

Gusto kong tulungan ang mga magulang ko maging ang mga kapatid ko lalo na sa pinansyal na aspeto. Wala akong magawa sa tuwing lumalapit ang mga kapatid ko na magpadala ako ng pera para sa mga magulang namin sa tuwing kailangan nila. Nalulungkot ako para sa kanila kapag hindi man lamang ako nakakatulong sa kanila. Nakakaramdam din ako ng pagkaguilty sa sarili ko! Alam kong hindi rin sapat na minsan ko lang sila mabigyan ng pera o mapadalhan.

Sana lang, dumating 'yung oras na masuklian ko man lamang ang kanilang naging paghihirap para sa aming mga magkakapatid noong kami'y mga maliliit pa. Gusto ko sanang iparanas sa kanila ang kaginhawahan sa buhay na ipinaparanas ng ibang mga anak sa kanilang magulang. Sana, hindi pa huli ang lahat na balang araw maiparanas ko 'yon sa kanila. Sana hindi pa huli ang lahat! 😔

Ang kahirapan ng buhay noon mula sa puder ng mga magulang ko ay muling pauulit-ulit kong nararanasan o nararanasan ng pamilya ko ngayon. May pagkakataong wala akong maibigay na pamasahe sa mga bata at baon. Hindi ko magawang makuha ang card ng anak kong si Vianne dahil marami akong utang sa kanyang pag-aaral mula sa kanyang eskwelahan. May mga panahon din na wala akong maibayad sa kuryente. At kung minsan, kinakailangan ko pang mangutang para lang may maibayad dito. Halos mapuno na din ang listahan ko sa tindahan sa mga inuutang kong mga kailangan sa bahay. At natatagalan pa bago ako makabayad dito. May punto rin na kahit ako na lang ang hindi kumain, makakain lang sila. Nabubuwesit ako sa sarili ko kapag dumadaan kami sa ganitong sitwasyon. Ito ang realidad na masakit tanggapin sa buhay may pamilya! Maging sa tubig ay minsan din kaming naputulan. Nagiguilty din ako kapag hindi ko man lamang maibigay o maibili ang gustong laruan ng anak ko. Masakit 'yon para sa'kin dahil dinanas ko din 'yon ng makailang ulit noong ako'y musmos pa lang.

Sa totoo lang, madalas kong sisihin ang sarili ko kung bakit namin ito nararanasan. Wala akong kwenta at ang hina-hina ko talaga! Huwag mo na sa'kin 'yon ipamuka dahil inaamin ko 'yon ng walang pagtanggi! Huwag mo naman sana akong mas lalo pa akong ibaba dahil babang-baba na ang pagkatao ko. At lalong huwag n'yo naman sana akong sukuan para sa mga pangarap kong maitaguyod kayo balang araw. Bilang tao at bilang lalaki, maraming mali sa akin at inaamin ko 'yon! Mas lalo lang akong nahihirapan kapag pinapamukha pa sa'kin 'yon. Salamat sa mga pagtitiis mo!!! Napakalaki ng naitulong mo sa'kin!!!

Panahon lang ang makakapagsabi kung magtatagumpay ba ako sa ganitong larangan... Matagal ko ng hinihiling sa Diyos na baguhin N'ya naman ang buhay ko. Ayoko ng ganito! Paulit-ulit na lang ang mga paghihirap at kabiguan ko. Sawang-sawa na ako kung alam Mo lang o Diyos ko. Marahil ito na sana ang binigay Mo sa'kin na matagal ko ng hinihintay. At hayaan Mo, pagsusumikapan ko.

Inabot ako ng labing isang taon, maipagtagpi-tagpi ko lang ito. Sapat na ba 'yon o Diyos ko??? Huwag Mo naman sana akong pababayaan at nagsusumamo ako sa tulong Mong mapagtagumpayan ko ang mga bagay na 'to. Nawa'y patawarin N'yo rin ako sa mga kasalanan ko bilang tao.

Patuloy pa rin akong nangangarap at nagsusumikap sa buhay na baka isang araw mabago ang lahat. Patuloy pa rin akong naghihintay sa gitna ng kadiliman na baka dumating na ang liwanag sa aking buhay.

Ang kawalang landas ko sa buhay ay patuloy kong niyayakap. Ang aking kahinaan, kalungkutan, depresyon, kabiguan, paghihirap at pagsusumikap ay parang mga apoy na nagtutulak sa damdamin kong magpatuloy sa buhay. At gagamitin ko ang lahat ng ito para mapagtagumpayan ang buhay. Sa tulong at pagmamahal sa'kin ng Diyos, hindi ko 'yon sasayangin. "Alam kong may panahon ang lahat ng bagay!" At dadarating din ang panahon ko. At balang araw ay magtatagumpay din ako!