webnovel

PAANO MAGING TAO? (mga aral, leksyon, biro at sekreto ng buhay)

May isang dakilang nilalang ang sumagip sa'kin sa tiyak na kamatayan!.. Marahil utang ko sa kanya ang lahat-lahat!.. Magmula sa paghihirap hanggang sa kaginhawaan na muli n'ya sa'king pinaranas... "HINDI KO ALAM at KUNG PAPAANO!!??", na ang dati ng patay ay muli pang nabuhay. Isang malaking palaisipan o sabihin man nati'y maging isang "MISYON" man na gumugulo sa magulo kong isipan. O, sadyang "MASAMANG DAMO LANG!". ITO ANG AKING KWENTO, LASAPIN N'YO. At tulungan n'yo akong hanapin iyon... [ANG DAKILANG LUMIGTAS SA AKIN SA TIYAK NA KAMATAYAN]

Axl_Carbonell · Realistic
Not enough ratings
71 Chs

"SA TABING ILOG!"

*NAGING DELIKADO DIN ANG ILOG SA'MIN*

"Saan ka bababa? Tanong ng trycle driver sa N.G.I."

"Sa Anastacia po, sa dulo, sa tabing ilog! Sambit ng pasahero."

[Broom! Broom!]

Sa Tabing ilog, kayrami pa dating mga isda at kung anu-anung mga may buhay ang nananahan dito noon. Namulat ako sa tabing ilog sa bayan ng Marikina. Saksi din ang ilog sa mga kalungkutan ko. Kasama ko rin umiyak ang ilog at muling maging masaya. Magalit at muling maging mahinahon.

Noon pa man, simula pa ng kabataan namin, napakalimit namin sa ilog na 'yon. Sariwa pa sa mga alaala ko ang mga masasayang bagay na ginagawa namin doon. Sa umaga lagi kaming nanghuhuli ng mga isda, gamit ang piraso ng kulambo o kung tawagin sa'min ay "suro". Kasama kong malimit si Mandy, si Raffy at iba pa. Binabaybay namin ang bawat gilid ng ilog noon. Madalas, si Raffy at Mandy ang tagahawak ng suro habang ako naman ang tagabitbit ng mga nahuhuli naming mga isda. Bitbit ko noon ang isang lata na may kalakihan na may lamang tubig. At doon namin nilalagay ang mga nahuhuling isda.

Naaalala ko pa ang mga tilapyang nahuhuli namin, may malalaki at maliliit. May gurami, martiniko, dalag, hito, karpa. At kung minsan, may nahuhuli pa kaming biya. Sa pagdausdos ng bawat pagsuro namin, madalas puro bodtsog at mga goldfish ang nahuhuli namin. (Goldfish-maliliit na uri ng isda na makulay) May pagdaan ding puro butete ang napasama sa aming pagsuro kapag panahon ng tagpalaka. May mga insektong ilog din noon ang napapasama din sa aming pagsusuro. May pawikan pa minsan at pagong na makukuha kami. Minsan nama'y mga palakang bukid, marami din dati sa ilog namin ng mga 'yon. Meron pang palakang ahas kung tawagin sa'min. Kulay green na palaka na may kahabaan ang itsura at napakalas nitong tumalon na may kalayuan. Mga kuhol at tulya na makikita mo rin sa tabing ilog noon. Marami din mga bubuli na nagkalat sa tabing ilog. Pati na rin mga basura ng mga tao.

Sa tabing ilog din noon sa bawat batuhan malapit sa hardin ni aling Auring. Sa tabi na ilog marami pa dating mga tanim silang mga kangkong, maging sa harap ng bahayan ni mang Roger. Kasakasama ko din noon si Andong sa tabing ilog. Ang mga batong malalaki ay aming inaangat. At makikita na lang namin ang mga talangkang nagtatago sa mga batuhan. Nakakakuha din kami noon nila Raffy na may kadamihan na mga hipon. Kinakapa n'ya lang 'yon makalampas sa "Free tail o Pritel". At kinakain namin ng hilaw pagkahuli sa kanila.

Madalas hindi namin hindi namamalayan noon ang paglipas ng oras. Hanggang sa mapuntahan ka na lang ng nanay mo na may bitbit na patpat para tawagin ka upang sa pananghalian. At doon lang matitigil ang lahat! May pagdaan din na magsisipag-uwian na lang kami kapag marami-rami na ang mga huli naming isda. O, di kaya'y mananawa na lang kami. Paulit-ulit namin 'yon noong ginagawa at talagang nalilibang kami sa pangunguha ng mga isda sa ilog.

Madalas ako noon na mag-alaga din ng mga isda. May malaking garapon pa noon sa bahay namin. Ipinupwesto ko 'yon sa tabi ng aming lamesa at hinuhulihan ng mga isda. Nilalagyan ko ng mga magagandang bato at holen ang ilalim. Binigyan ko din sila ng mga butil ng kanin para pakain sa kanila. At kapag madumi na ang tubig ay aking pinapalitan ng bagong tubig. Madalas ko rin silang pagmasdan at titigan sa kanilang paglangoy sa loob ng munting garapon. Ilan taon din akong nag-alaga noon ng mga isda, mga sari-saring isda ang nagpapalit-palit sa aming garapon sa paglipas ng mga panahon. Minsan, sinasabihan ako ni papa na kapag tumatagal na sa'kin ang mga alagang kong isda ay pakawalan ko na daw at muling ibalik na ang mga ito sa ilog. Makailang beses ko din 'yon ginawa at nakakaramdam ako ng pagkalungkot at pagkasaya kapag sila ay pinapalaya ko na sa ilog kung saan talaga sila nararapat.

Hindi rin noon nawawala ang pangunguha namin ng mga kangkong para sa mga baboy ni mang Roger kapalit ng mga barya. Noon din, nanguha kami ni Mandy ng mga bulto-bultong kangkong at pinagbili namin ang mga 'yon sa palengke ng N.G.I. gamit ang kanyang bisekleta. Ang mga taga sa'min noon, walang problema pagdating sa kangkong. Mamitas ka lang noon sa tabing ilog at gawin mong adobong kangkong, may mauulam na kayo.

Parang fiesta din noon sa ilog kapag may naglalason sa mga isda. Ang mga isda noon ay maglilipana sa bawat bahagi ng ilog na hilong hilo at 'di makagulapay sa paglangoy. And'yan na ang pagpunta namin sa ilog para hulihin sila. Masaya 'yon, dahil madali lang namin silang nahuhuli noon kahit gamit lang ang dalawang kamay mo. Mapabata o matanda man noon ay masigasig na nanghuhuli ng mga isda sa tuwing nalalason ang mga ito. Kapag nakakarami kami ng mga huling isda, madalas piniprito namin ang mga 'yon sa bahay nila Raffy at aming kinakain.

May panahon din noon na ang ilog ay sobrang dumumi. Lagi 'yon tinatapunan ng mga grasa o langis ng mga kalapit sa ilog na mga pabrika. Kapag nagsusuro kami noon at nakapagtapon na naman sila ng mga lason at dumi sa tubig. Aahon kami na puro grasa ang mga katawan namin. Hindi rin kami nakakapaligo sa tuwing magtatapon sila ng mga dumi. Talagang gumuguhit sa ilog 'yon at nanatili lang sa ibabaw at gilid ng ilog ang mga katas ng kanilang mga dumi. Paulit-ulit namin 'yon nararanasan na para bang naging bahagi na rin ng buhay namin. Tuluyan lang nalilinis 'yon o nawawala kapag bumabaha at rumagasa ang malakas na kulay gatas at kapeng daloy ng tubig sa ilog.

Dati rin, nililinisan namin nila Mandy ang ilog sa amin. Madalas kami noong may mga bitbit na mga kahoy at 'yung mga bumabarang basura at mga plastik sa batuhan, maging sa gilid ng ilog ay aming mga tinatanggal gamit ang hawak naming kahoy. Ilang araw namin 'yong ginawa noon at talagang luminis at gumanda ang aming ilog.

Sa baba naman ng plaza malapit sa kawayanan sa'min na naging tambayan noon. Sa baba ng ilog 'non ay nilagyan namin dati ng tulay. Naisipan ko noong lagyan 'yon ng tulay para kapag kami ay tumatawid hindi na namin kailangan pang tumawid ng ilog at mabasa. Tulong-tulong kami nila Mandy noon, maging ng marami pang mga kabataan sa'min sa paggawa 'non. Maging ang mga kalarong mga kababata naming mga babae noon ay tumulong din, tulad nila Barang, Titel at iba pa. Ang mga malalaking tumpok ng mga bato ay nilalagay namin sa mga sako at kinakamada namin 'yon sa pagitan ng mga ilog. Ilang araw din namin 'yon ginawa at ng matapos, nagkaroon na kami ng munting tulay o tapakan ng mga paa.

Natatandaan ko pa noon ng sinama ko noon sa kabilang ibayo si Dennis at Robby para mamasyal na mga kaklase ko noong grade four kami. Tumawid kami sa mga sakong iyon mula sa amin hanggang sa kabilang ibayo. Noong tumagal, nawala na din 'yon.

Nagkaroon din doon ng isa pang tulay ng lumipas ang mga taon. Isang malaki at mahabang puno ang nilagay ng mga taga sa'min doon. Marami-rami din ang mga batang nahulog sa kahoy na tawirang iyon dahil sa may kakiputan ang tulay. 🤣 May tulay din noon sa pagitan ng hardin nila aling Auring sa kabilang ibayo.

Ang mga graba at buhangin ay hindi rin problema sa aming lugar. Mayaman ang ilog namin sa mga ganong mineral. Kaya kung magtatayo ka ng bahay na bato tanging semento, bakal at hollow blocks na lang ang bibilhin mo makakabuo ka na ng bahay. (Mapuwera nalang ang mga kahoy, bubong at mga pako 😁) Saring-saring mga bato noon ang makikita sa tabing ilog. May malalaki, katamtaman, maliliit, meron ding batong buhay o puting bato.

May parte rin na may mga pinong buhangin at pinong lupa ang aming ilog sa ilang bahagi ng pangpang. Kapag naliligo kami sa ilog, madalas gumagawa rin kami noon ng bola na gawa sa mga pinong lupa at buhangin. Binibilog namin 'yon gamit ang aming mga kamay hanggang sa lumaki ito. Tapos lalagyan namin ng mga tuyong pinong buhangin o lupa, hanggang sa tumigas ang mga ito. Kapag bilog na bilog na ito at matigas na, pinapaglaban-laban na namin ang aming mga ginawang bola. Pag-uumpugin namin ang mga 'yon, gaya ng halimbawa ang isa ay nakalapag sa lupa at ibabagsak namin ang aming pamatong bolang lupa. Gumagawa rin kami ng gulungan ng mga 'yon at magkasalubong na bibitawan namin para mag-umpugan. Paulit-ulit 'yon at kapag nabasag mo ang kanya ay ikaw ang magiging panalo. Hanggang sa gagawa muli ng panibagong bola ang kalaban mo, at ang sa'yo naman ay irerepair mo, at muling maglalaban kayo. Si Raffy ang magaling sa paggawa 'non at kalimitan s'ya ang laging nanalo dahil may katibayan ang mga ginagawa n'yang bolang gawa sa lupa at buhangin noon.

Gumagawa rin kami ng mga kastilyong buhangin gamit ang mga lupang basa o buhangin sa tabing ilog. Unti-unti namin 'yung binubuo sa pamamagitan ng mga kamay namin. Matiyagang pinapatak namin ang mga pino at basang lupa sa kamay namin pababa sa tabing pangpang ng ilog, hanggang sa ito'y unti-unting tumataas at lumalaki. Magmimistula itong parang isang kastilyong buhangin kapag natapos na.

Kapag naman bagong baha, asahan mo na malakas ang ragasa ng agos. Madalas din nababago ang itsura ng ilog kapag nakakaranas ito na malalakas at malalaking pagbaha. Nababago ang posisyon nito mula sa dating posisyon nito, makailang beses na din 'yon nangyari noong nandon pa ako. Masarap din maligo kapag lumipas na ang baha dahil sa may ibang parte ng ilog ang lumalalim. Malimit namin puntahan ang mga parteng iyon na malalalim lalo na noong marurunong na kaming magsipaglangoy.

Magmula sa Manggahan sa parteng malapit-lapit na sa Fortune. Noon, may mga bahayan pa sa taas ng Manggahan sa gawing bangin ng Greenland Subdivision. Ang ibang taga 'don ay kakilala din namin. May tindahan din doon sa mga bahayang iyon na aming din binibilhan kapag naliligo kami doon. Kaya naman tinawag na manggahan 'yon ay may nakatirik dating malaking puno ng kinalabaw na mangga sa bangin n'yon. At makikita mo ang malalaking ugat nito na nagkalat sa bangin. Umaakyat din kami 'don sa mga ugat ng puno at tatalon kami pababa sa ilog. May bato pa dati doon na nasa ibabaw ng ilog malapit sa puno ng mangga. Isang malaking tipak ng bato na madalas namin tungtungan. Madalas din kaming maghari-hari 'don. (larong ilog) Wala akong ideya kung hanggang ngayon ay nandon pa ang puno ng manggang iyon o matagal ng wala. Nagtatayatayaan din kami 'don! Kawawa ka kapag ikaw ang naging taya lalo na kung mabagal ka sa tubig, tiyak mangangamote ka sa paghabol sa mga kasama mo. May laro rin kami sa ilog na tumbahan at tulakan! Sasakay kami sa balikat ng isa naming kasama laban sa isa pang katunggali namin. Tapos magtutulakan kami hanggang bumagsak sa ilog. Masaya din 'yon ngunit minsan ay nagkakasakitan din at nagkakapikunan sa larong iyon. Madalas, kay Mandy ako sumasakay noon.

Ang ibang mga kababata rin namin noong mga babae ay kasama rin namin sa paliligo sa parte ng ilog na iyon at ilang pang mga naging parte ng paliguan sa amin.

Nawala na din ang mga kabahayan doon noong bumaha ng malawakan o isang malaking baha ang naganap taong 1999. Inabanduna na nila ang kanilang mga kabahayan doon at hindi ko alam kung saan nagsilipatan ang mga tao doon. At talagang nabago noon ang itsura ng ilog simula ng nangyari 'yon. May naging bata din si Raffy na babaeng taga doon dati sa pagkakatanda ko.

Masarap maligo sa parteng iyon ng ilog dahil sa may kalawakan at may kalaliman, ngunit napakadelikado din niyon. May karanasan ako 'don na hindi ko talaga makakalimutan sa tanang buhay ko.

Sa parteng pababa naman ng Goodrich, makalampas lang din ng manggahan. Nakakapaligo din kami dati doon ngunit hindi 'yon dumadalas dahil maburak ang sahig nito o ang ilalim.

Sa baba ng punong acascia sa tabing bangin, napalimit din ang aming pagligo doon. Sa parteng padulo sa aming lugar. May kalawakan din doon lalo na kapag bagong baha. May kalakasan din ang agos 'don dahil naging kantuhan 'yon ng ilog at free tail. Naghahalo nga lang ang masangsang na tubig ng free tail na umaagos sa ilog at tubig ilog sa parteng iyon. Hindi rin namin alintana noon ang dumi ng tubig doon, basta ang sa'min lang ay makaligo at makapag-enjoy. Doon din kami dati nagsuntukan ni Micheal de Rosie noong kami'y mga bata pa. 🤣

Ang ilan pa ay sa parteng tapatan ng bahay ni mang Roger. Naging liguan din ang parteng iyon ng ilog. Masarap din doon dahil may kalawakan din. May napadpad din doon na mga kawayan o nadala ng baha. Nang tumagal nagmistula 'yon na parang isang isla. Malimit kami dati doon maligo at nagtatayatayaan. Ngunit delikado din sa lugar na 'yon dahil marami-rami din nagkalat na mga bubog 'don. At marami na 'don nabubog! Halos dalawang beses na akong nabubog sa parteng 'yon at ang huli ay naging malala. Ang kapatid kong si Dan halos mabiak noon ang paa ng mabubog 'don noong nangunguha kami ng buhangin 'don sa parteng 'yon. Awang-awa ako sa kanya noon dahil ang dami n'yang naging mga sugat sa paa at may kalaliman pa ang pagkakabubog n'yang iyon. Maigi na lang at kasama namin noon si Mandy. Dali-dali s'yang tinakbo nito ng marinig naming nagsisigaw na at umiiyak si Dandie. Binuhat s'ya noon ni Mandy at tinakbo sa bahay namin. Madami noon ang mga kabataang pumunta sa aming balkunahe ng malaman nilang nabubog si Dandie sa ilog. Maging sa bahay ay walang tigil ang kaiiyak n'ya, maraming dugo rin ang nasayang sa kanya noon.

Doon din dati naputukan ng ulo si pareng Nestor na mag-alangan s'ya sa pagdive sa ibabaw ng kawayan. Pag-ahon n'ya, umagos na lang ang dugo n'ya mula sa kanyang ulo. Pumunta kami ni Nestor noon sa Benson bakery at doon kami nagpalipas ng maghapon. Si nanay na katiwala sa bakery, ginamot noon ang sugat ni Nestor sa ulo. Nadilaan din 'yon ng aso ang kanyang sugat at sinabi sa'kin ni Nestor na parang nawala daw ang sakit nito ng madilaan ng alagang asong balbon sa bakery.

Madalas din akong sunduin 'don ni mama na may hawak na pamalo. Kapag nangyayari 'yon, dali-dali na ako sa pag-ahon at deretso na agad sa poso ni mang Roger para magbanlaw.

Kadalasan din doon ay nagiging mabaho ang amo'y ng tubig lalo na kapag naglilinis na si mang Roger ng kanyang mga baboy. Ang mga dumi 'non ay dumedertso sa ilog at malapit 'yon sa aming liguan. Minsan, pati ang mga dumi ng kanyang mga alagang baboy ay nakakasama din namin sa paglangoy.

Isa pa sa ginawa naming paliguan noon malapit sa aming lugar ay ang parte sa baba ng church ng Anastacia Village na kung tawagin ay "kay Pablo". Delikado ang parte na 'yon ng ilog na may kalawakan din at kalaliman. Naging panakot noon sa'min 'don na may nanghihila daw doon. Naging sabi-sabi din 'yon ng mga kabataan sa amin, kaya walang nakakaligo 'don ng mag-isa. Maraming may takot maligo doon lalo na 'yung hindi marurunong lumangoy. Nawawala lang ang takot namin kapag barkadahan kami sa pagpunta 'don para maligo. At nu'ng nasanay na din kami, madalas noon maraming ng mga bata 'don ang naliligo. May mga dumadayo din doon na mga taga ibang lugar para maligo.

Si Pablo ay kaklase nila ate, Joey at iba pa. Maliit pa lang ako noon ng mabalitaan ko 'yon. Pinuntahan ko rin s'ya 'don ng mabalita na nalunod s'ya 'don sa parteng iyon ng ilog. Isa rin 'yon sa hindi ko malilimutan noon! Siguro, mga walong taon pa lang ako noon habang sila ate at Joey ay

grade four na noon. (Base na rin ito sa pagkakatanda ko!)

Naging kilala ko din noon si Pablo dahil naging kaklase s'ya nila ate noon sa St. Mary. Si ate yata noon ang nagbalita sa'kin na nanulod nga ang kanyang kaklase sa ilog. Pinuntahan ko 'yon, mula sa aming bahay patungo doon. (Mga maghahapon na rin 'yon o pahapon na) Inabot ko na lang ang tumpukan ng mga tao sa tabing pangpang. Nakita ko doon na nakaupo si kuya Sonny na basang-basa! Habang nakatingin ang karamihan sa nakahiga na noong walang buhay na katawan ni munting Pablo. Maputla na din ang kanyang kulay noon o namuti na. At ang kanyang labi ay nangitim na din. Nakashort pa s'ya 'non ng pamasok sa eskwela na kulay asul. Pinaliwanag noon ni kuya Sonny sa amin na sinagip n'ya daw at hinanap ang katawan ng nalunod na si Pablo. Ayon din ang una kong nakakita ng batang nalunod sa ilog at namatay.

Maya-maya pa'y dumating na ang ate nito sakay ng trycle. Humagolgol ang kanyang ate ng pag-iyak habang yakap-yakap n'ya ang kanyang kapatid na wala ng buhay. Si Pablo rin ay taga Marikina Village sa lugar nila Marvin Samar at ilan ko pang mga naging kaklaseng taga doon. Naging malungkot na araw 'yon sa St. Mary noon.

Kaya sa paglipas ng panahon, kinatakutan ang parteng ilog na iyon na kung tawagin ay "kay Pablo".