webnovel

Chapter 12

Esther's POV

Pitong buwan na simula nang umalis si Aless. Madalas naman kaming mag-usap sa chat, pero hindi matagal. Nasa kalagitnaan na kasi kami pareho ng school year. Dumadami na ang mga ginagawa tapos magkaiba pa ang strand namin kaya magkaibang subjects. Magagamit sana namin 'yong libreng oras namin para mag-aral ng magkatulong, pero hindi rin p'wede.

Bukod kasi sa mas marami ng ginagawa, may mga contest na sinasalihan si Aless. Madalas s'yang nasa training. Tapos inaayos n'ya na rin ang pagpa-publish ng una n'yang libro. A month ago ay may nag-alok sa kaniyang publishing company para i-publish ang isa sa mga pinaka sikat n'yang story. Tuwang-tuwa s'ya nang ibalita n'ya sa 'kin 'yon.

Natutupad na ang mga pangarap n'ya bilang isang manunulat. Totoo rin ang sinabi n'ya na kahit kailan ay hindi n'ya kakagatin ang offer ni Driz, iyong mayamang babaeng umaway sa kaniya sa event na anak ng may-ari ng isang publishing company. Ayaw na ayaw ni Aless sa babaeng 'yon pati na rin sa pagtrato ng kompanya nila sa mga aspiring writers.

Simula nang umalis si Aless ay mas marami ng nangyayari sa kaniya. Araw-araw yata ay may post s'ya sa social media about sa napanalunan n'ya o kaya tungkol sa mga sinalihan n'ya. Minsan naman may mga post din s'ya kasama ang mga bago n'yang friends.

Naiinggit ako sa kaniya. Mas nagpo-progress na s'ya ngayon kaysa noong palagi kaming magkasama. Ako kasi ay wala pa ring masyadong ka-close sa school. Nakauusap ko naman ang mga kaklase ko ng maayos, pero wala pa kong matatawag na kaibigan. Nakauusap ko lang kasi sila kapag may groupings o kaya kapag may tanong sila 'kin tungkol sa Math.

Masaya ako na natupad ang plano na pag-aaral ko sa school kung saan din nag-aral ng isang taon si Mama noon. Nakapasa ako sa test at sobrang qualified daw ako base sa standards ng school. Lagi nga akong sinasabihan ng mga teachers na sumali sa kung saan-saan, pero ako na mismo ang tumatanggi. Busy kasi ako sa pagte-take ng special writing classes tuwing weekend. Pursigido talaga akong matuto para umayos na ang takbo ng kuwento nila Alessandra at Jordan.

Hindi ko pa rin natatapos ang unang kuwento ko kahit ilang buwan ko ng ginagawa. Akala ko kapag nag-take ako ng writing classes ay dadali na ang paggawa ko ng stories, pero mas lalong humirap. Nagiging conscious na kasi ako sa mga linalagay ko. Hindi na ako 'yong tipo na tambak lang nang tambak ng words na naiisip ko. May mga rules na rin akong sinusunod sa pagsusulat. Mga natutuhan ko rin sa school na nagagamit ko palagi.

Bumuntong-hininga ako matapos ibaba ang lapis ko. Katatapos ko lang mag-drawing para sa assignment ko sa isang subject. Bukod sa mahina ako pagdating sa pagsusulat, na mukhang 'di na masyado ngayon, ang pangit-pangit ko ring mag-drawing. Senior high school student na ko, pero parang pang-kinder pa rin ang mga drawing ko. Ang baba tuloy ng scores ko kapag may drawing na kasama sa assignment.

Tatlong oras kong ginawa 'to, pero ang pangit pa rin. Ginaya ko na nga lang sa mga picture na na-search ko sa internet ang mga nakalagay, pero ang pangit pa rin. Mas magulo pa sa takbo ng kuwento nila Alessandra at Jordan itong gawa ko.

Tinabi ko na iyon dahil nai-stress lang ako. Imbes na mahimbing na ang tulog ko ay heto ako at nagsasayang ng mga bond paper at pinupudpod ang pambura ko. Pagdating ng college, sana wala ng ganito.

Kinuha ko ang libro na bigay sa 'kin ni Mama. Sinulat ko roon ang pangalan ni Perry Sureta. Si Perry ang bagong dagdag na character sa kuwento nila Alessandra. Kaibigan s'ya ni Alessandra at may gusto s'ya kay Jordan, pero tinatago lang n'ya. Mas gusto n'yang i-push si Alessandra kay Jordan dahil takot s'yang masaktan. Halata kasi na hindi s'ya magugustuhan ni Jordan.

Si Perry ay kagaya ng mga character sa TV na napapanood ko. S'ya 'yong kaibigang laging nagpapaubaya. S'ya 'yong laging nasasaktan sa sobrang bait. S'ya 'yong laging hinahamon ng buhay, pero babangon at babangon pa rin.

"Hi, Esther! Last week pa huling tawag mo sa 'kin, ah," sabi ni Perry nang lumitaw na s'ya. Umupo s'ya sa couch na nasa gilid ng kama ko. Bagong lagay lang iyon doon. "Kumusta ang subjects mo? Windang ka na ba kakaaral?"

"Hi, Perry," nginitian ko s'ya. "Okay pa naman ako. Nahihirapan sa pagdo-drawing ng kung ano-ano, pero pumapasa naman ako sa lahat ng tests and quizzes."

"Buti 'yan. Huwag ka sanang magaya sa character ko sa kuwentong gawa mo. Kailangan kong mag-stop sa pag-aaral para magtrabaho na agad, 'di ba?" Sumandal s'ya at prenteng umupo. "Bakit pala ako ang tinawag mo? Nakokonsensiya ka ba sa mga pinaggagagawa mo sa character ko? Bugbog-sarado ang kagandahan ko sa dami ng iyak ko sa last chapter."

Alam ko kung ano ang pinaghihimutok n'ya. Ang ginawa ko kasing chapter noong nakaraan ay sa kaniya lang nakatutok. Pinakita ko kung gaano kahirap ang buhay n'ya. Kung paano s'ya nagbe-breakdown sa pagod sa trabaho at sa pagod sa mga nangyayari sa kaniya araw-araw. Pinaiyak ko s'ya nang todo-todo.

"Sorry na. Iyon kasi ang naisip ko na magandang gawin para makapukaw talaga ng damdamin kapag binasa."

Tinaasan n'ya ko ng kilay. "Tama bang paiyakin ako ng gano'n? Kawawang-kawawa ako, but I'm not going to blame you. Magaling naman akong um-acting. Pati nga pag-arte na gusto ko si Jordan ay kinakaya ko. 'Di ko s'ya bet, 'no."

Sabi sa 'kin ni Alessandra, hindi raw porque may na-imagine akong ugali o nararamdaman ng isang character ay gano'n na rin sila kapag nakita ko sila at nakausap. Lagi raw may pagkakaiba. Parang may sarili pa rin silang pag-iisip, pero kailangan nilang sunduin kung ano ang naisip kong mangyayari sa kuwento. Sana hindi sila masuya sa mga linalagay ko.

Noong una ko pa lang tinawag si Perry para makausap sa unang pagkakataon nang ma-settle ko na ang character n'ya ay sinabi n'ya ng walang gatol na ayaw n'ya kay Jordan. Mabait naman si Jordan sa kuwento. Gano'n din kapag nakauusap ko s'ya.

Tumikhim si Perry. "Alam ko ang iniisip mo, Esther. Iniisip mo siguro kung bakit ayaw ko kay Jordan, 'no? Nakikita ko na kasi na masasawi ako sa kuwento. Ako 'yong character na kaaawaan ng readers kasi 'di ako 'yong pipiliin. Alam ko naman sa una pa lang na hindi ako, pero aasa at aasa pa rin ako. Tanga ng character ko, 'di ba?"

Humagikhik ako dahil medyo tama naman ang sinabi n'ya. "May naiisip ka na agad na ending para sa inyo ni Jordan? Ako nga wala pang naiisip, eh. Hintayin mo muna. Baka magbago ang isip ko tapos para pala talaga s'ya sa'yo sa dulo."

Napatayo si Perry at pumameywang sa harap ko. "Huwag mo akong paasahin lalo, Esther. Naisip ko na rin 'yan. Na p'wede namang maging ako ang babae sa buhay n'ya kung gugustuhin mo, pero hindi ako ang bidang babae sa kuwento kaya imposible 'yon. Laging bida ang may happy ending."

Pumaling ang ulo ko at kumunot ang noo. "Hindi naman bida lang. P'wede namang magkatuluyan kayo ni Jordan tapos si Alessandra may happy ending pa rin. The possibilities are always endless. Wala pa akong final decision."

Padabog s'yang umupo sa tabi ko. "Nakakatakot naman kasi itong kalagayan ng character ko. Sa description mo ay maganda ako, masipag, at masigasig na babae, pero laging nasasaktan. Parang nakatadhana pa talaga sa 'kin na ako 'yong sasalo ng sakit para sa ikagaganda ng kuwento."

"Gusto mo tawagin ko rin si Jordan para magkita at makapag-usap kayo ng wala sa kuwento?" sabi ko kahit bigla ko lang naisip ang ideya na 'yon.

"No way, Esther! Don't do that! Lagyan mo na lang ng linya ang pangalan ko para mag-disappear na ko rito!"

I chuckled. "Ayaw mo rin ba s'yang makita rito? Baka magkasundo kayo kahit dito man lang."

Ngumuso s'ya at tumingin sa pader. "Kahit kasi magkasundo kami rito ay wala pa ring kuwenta. Kung ano ang itatakda mong mangyayari sa aming dalawa ay 'yon pa rin ang katotohanan na haharapin namin sa pagtatapos ng araw."

Napatitig ako sa kaniya. Masyado yatang harsh ang pagkakagawa ko sa character n'ya. Kung sino na lang lagi ang mabait ay sila pa ang kawawa. Gano'n na yata kahirap maging mabait.

Bigla na lang s'yang nawala. Tapos na pala ang thirty minutes. Ang bilis lang. Tinawag ko pa naman s'ya para may makausap ako para mapagbuntunan ng pagod sa kakagawa ng assignments. Isang beses ko lang sila p'wedeng tawagin sa isang araw. Bigla na lang naging gano'n. Parang may nagbago sa sistema. Noon kasi ay natatawag ko ng unlimited sila Alessandra.

Humiga na lang ako sa kama ko at nag-set ng pitong alarm na 15 minutes lang naman ang pagitan sa isa't-isa. Maaga akong gigising dahil may pasok pa ko bukas. Araw na naman para ma-stress at subuking makipagkaibigan kahit nahihiya ako.

Pinatong ko sa bedside table ang cellphone ko. Papatayin ko na sana ang ilaw ng lampshade, pero narinig kong tumunog ang pintuan. Tumingin ako agad doon. Wala naman. Hindi bumukas ang pinto. Naghintay ako kung may kakatok o papasok ba. Umuwi kasi sila Mama at Papa ngayong araw.

Nagkibit-balikat na lang ako at nagkumot. Deserve ko 'tong maayos na tulog kahit pa mag-aalas onse na ng gabi. Hindi na 8 hours ang tulog ko, pero okay lang. Baka 'di ko na kasi maranasang makatulog ng mataas pa sa three hours sa mga susunod na buwan.

TinTalim