Alyjah
Napapailing ako habang nagmamaneho. Hindi ko maintindihan kung bakit nasabi ko iyon kay Yssa. Natatawa tuloy ako sa sarili dahil hindi ko naman intensiyon talaga na maningil. Bibiruin ko lang sana siya pero nang makita ko ang ekspresiyon ng kanyang mukha, parang mas ginusto ko na lang na seryosohin ang sinabi.
"Ah!" Napangiwi ako dahil kumirot ang sugat ko. Kahit daplis lang iyon ay masakit pa rin naman.
Nagsinungaling din ako na pupunta at bibili sa convenience store na iyon. Nagkataon lang na napadaan at namukhaan ko ang babaeng iyon mula sa club kaya tinulungan ko siya nang mamataan kong nakikipag-agawan siya sa kanyang bag. Kung iba lang sigurong tao iyon ay hindi ko isusugal ang sarili kong buhay.
Ewan ko ba, gusto ko tuloy iuntog ang sarili ko kung bakit sumuong na naman ako para iligtas siya. Para kasing may magnet ang babaeng iyon sa gulo kaya pati ako na-magnet na rin.
Una, muntikan na akong mabangga dahil sa biglaang pagparada sa gilid para agad siyang madaluhan at matulungan. Nasaksak pa ako at ngayon para akong baliw na maniningil ng kung ano. Agad kong ipiniksi ang isipin na nabubuo sa utak ko.
May kakaiba kasi akong pakiramdam kapag nakikita ko ang mga mapupungay niyang mata. Parang ang gaan-gaan ng pakiramdam ko sa tuwing napapatitig ako roon. Siguro dahil nakikita ko ang sarili ko sa kanya. Iyong pilit na nagpapakatatag kahit sobrang hirap na, kahit sobrang sakit na at bigat na ng dinadala sa dibdib. Nakikita ko sa mga mata niya ang katatagan at ang kagustuhang lumaban. Ayaw sumuko kahit ano pa ang ibato sa kanya ng kapalaran.
Ako, sa murang edad pa lang ay lumalaban na. Lumalaban para sa taong minahal ko pero niloko lang at sinaktan.
Nang makarating ako sa condo ni Aiden ay agad akong nahiga sa sofa. Halos wala akong tulog. Ika-tatlo ng madaling araw nang mangyari ang insidente at anong oras na ngayon, alas nuwebe na. Buti na lamang at wala akong ka-meeting ngayon para sa negosyong ipapatayo ko.
Balak kong mag-venture sa car accessories. Kaya lagi akong nasa labas para makipag-meeting sa mga taong maaring makatulong sa akin sa negosyo. Tumitingin rin ako ng mapagtatayuan na lote o kaya gusaling puwedeng bilhin para sa negosyo. Malaking pera at oras ang gugugulin ko pero hindi iyon problema. Importante sa akin na makapagsimula at umunlad na walang kahit anong tulong ng aking ama.
Speaking of him. Hindi ko alam kung bakit nananahimik siya ngayon. Ilang linggo na rin naman ako rito sa Pinas pero ni anino niya ay hindi nagparamdam sa akin. Nakakapanibago pero masaya ako dahil doon. Hindi ako handang harapin siya. Hindi ako handang harapin ang taong dahilan kaya nawalan ako ng ina. Nag-iba ang ugali ni Mama pagkatapos naming tumakbo papuntamg America. Naging mas malulungkutin siya at walang ganang mabuhay. Nasa US pa rin siya ni hindi na niya magawang hanapin ako. Ayaw ko siyang iwanan at patuloy lamang sana siyang intindihin at manatili sa tabi niya pero may misyon ako kaya umuwi ako bigla.
Kinasusuklaman ko si Papa at gagawin ko ang lahat para ipamukha sa kanya na kaya kong mabuhay na wala siya. Kaya kong umangat na hindi niya tinutulungan. Kaya ko siyang pabagsakin kahit may matapakan akong iba.
Isang dahilan pa kaya ako umuwi ay ang hanapin ang babaeng dahilan kaya nawasak ang buo naming pamilya. Ang babaeng kinahumalingan ni papa. I will make her mine and make her suffer. Both of them will suffer at hindi sila magiging masaya katulad ni Mama na hanggang ngayon ay nakatali pa rin sa kalungkutan dahil sa sakit na dulot ng pagtataksil.
Napaupo ako at idinukdok ang mukha sa kamay. Masakit pa rin tanggapin ang nangyari kay mama. Hindi ko napigilan ang kumawalang luha sa mga mata ko. Kung sa buong pagsasama nila hindi naging masaya si Mama. Sisiguraduhin kong hindi kailanman magiging masaya si Papa. Gagawin ko ring impiyerno ang buhay niya, maging ang babaeng naging dahilan ng pagdurusa ni Mama.
Alam ko na noon na iba ang turingan nila bilang mag-asawa. Pero nagtiis si Mama dahil gusto nito ng buong pamilya. Nakagisnan ko na hindi laging umuuwi si Papa sa bahay. Lagi siyang nasa trabaho o out of town. Kapag umuuwi man, nag-aaway lang sila ni Mama. At sa huli, umaalis si Papa at hindi magpapakita ng ilang linggo at inaabot ng buwan.
Nahuhuli ko lagi na umiiyak si Mama. Kaya nangako akong proprotektahan ko siya. Hindi ko na siya hahayaan pang umiyak at masaktan na mag-isa. Kung kailangan kong alisin sa landas niya ang bagay na nakakapanakit sa kanya ay gagawin ko. Ganoon ko siya kamahal. Ganoon ko siya kagustong sumaya.
Pero ang kaligayahan niya ay si Papa. Mahal na mahal niya ito kaya kahit gustuhin ko mang ilayo si Mama kay Papa noon ay hindi ko nagawa. Hanggang sa huli na ang lahat at nalaman kong may babae si Papa. I was eighteen that time. Nagpasya si Mama na umalis at magpakalayo-layo. Sinamahan ko siya pero ang paglayo niya ang ginawang dahilan ni Papa para sa isang annulment. Na naging dahilan ng pagkawala niya sa sarili. Para akong namatayan ng ina.
Muling naglandas ang luha sa mga mata ko. Bago ako umuwi, ipinahanap ko sa isang imbestigador ang babae ni Papa. Pagbabayarin ko siya ng husto. Gagawin kong impiyerno ang buhay niya hanggang sa gumapang siya para magmakaawa. Pahahalikin ko siya sa paanan ni Mama. Hindi sapat ang iluluha niya sa pagsisisi. Gusto kong magdusa siya, sila ni Papa hanggang sa huli nilang hininga. Hinding-hindi ako magpapatawad.
Pinatigas na ng paghihirap ni Mama ang puso ko. Sinarado na ng pagbabalewala ni Papa ang isip ko.
Napaismid ako. Matagal ko nang gustong bumalik dito sa Pilipinas para isakatuparan ang matagal ko ng balak. Ngayon na ang pagkakataon ko.
Binuksan ko ang aking laptop. Muli kong binuksan ang report ng imbestigador na inupahan ko para sundan si Papa isang taon na. Walang ibang maibigay na impormasyon kundi ang pagiging busy nito sa trabaho at ang paminsan-minsan na pagpunta sa ibat-ibang club. Wala rin maibigay na pagkakakilanlan ng babaeng nakahumalingan nito. Para daw bulang biglang nawala.
Hindi ko ikinatuwa ang balitang iyon. Mas gugustuhin kong magkasama sila para madali na lang sanang isakatuparan ang plano ko. Ngayon, pahirapan pa hanapin ang babaeng iyon. Wala ring ibang lead kung nasaan na ito.
Napasandal ako sa sofa at itinaas ang kamay sa ulunan at pumikit. Papaidlip na ako noong tumunog ang selpon ko. Ayaw kong sagutin noong makita ko kung sino ang tumatawag. Si Heron.
Hinayaan ko hanggang mag-end call. Pero umulit pa siya sa pagtawag. Paulit-ulit hanggang sa mairita ako at sinagot na iyon . Kahit kasi patayin ko ang selpon ko baka ang telepono naman sa bahay ang hindi niya tigilan na tawagan.
"Takte! Wala ka talagang magawa sa buhay ano kundi mambwisit! Ano na naman?" Bungad ko sa kanya at hindi ko talaga naitago ang inis sa tono ng boses ko.
Mas lalo ko pang ikinainis ang paghalakhak niya sa kabilang linya na parang sa demonyo.
"Gago, eh kung hindi nambulabog si Aiden sa pagpapakasasa ko sa babae para mapuntahan ka, sana busy pa akong pinapaligaya ito. Wala na, iniwanan akong bitin!"
Napasapo ako sa noo. Kung bakit kasi sinagot pa ni Yssa ang cellphone ko at nasabing nasaksak ako kay Aiden. Ang loko pati itong si Heron tinawagan. Parang pusang hindi makaanak-anak na natataranta. Mas masahol pa sa babae kung mag-alala.
"Punta tayo sa Heaven Club. Binitin ninyo ako kaya gusto kong mamulot ng babaeng ikakama ko."
Napailing na lamang ako sa trip ng isang ito. Babae talaga ang buhay. Hindi na nagtitino.
"Ano? Tira tayo," saad nito muling humalakhak sa kabilang linya.
Gago talaga, imbes na tara, tira talaga.
"Sige, call!" Pagpayag ko bago ko siya pinatayan ng tawag. Nang makita ko sa screen ng cellphone ko ang araw ngayon. Napangisi ako dahil ngayon ang araw na sasayaw ang nakamaskarang babae.
"Hahanap ako ng paraan para makilala kita," determinado kong saad sa sarili. Hanggang ngayon kasi ay napakailap ng pagkakataon para malapitan ko siya.