webnovel

Ate, Maligayang Pagbabalik

Editor: LiberReverieGroup

Siyempre, hindi hahayaan ni Saohuang na mawala ang magandang pagkakataon na ito.

Ngumiti siya ng nasisiyahan. "Kung ganoon, malugod kong tatanggapin ang iyong mungkahi. Miss Lin, umaasa ako na magkakaroon tayo ng mabuting karanasan sa ating pagtutulungan."

Sumagot si Lin Yun ng may mabining ngiti. "Magkamay tayo para diyan."

Sa kaparehong panahon, kumislap ang mga mata nito sa pagkamuhi. Xi Mubai, ang lahat ng ito ay kasalanan mo dahil sa pagpapalampas mo sa pagkakataon na makipagtulungan sa akin. Huwag mo akong sisihin kapag dinurog ko na ang buo mong pamilya!

Nagpahinga ng matagal si Xinghe. Nagising siya ng madilim na. Naglinis muna siya bago bumaba, para lamang makita na ang bahay ay maraming tao.

Nasa bahay si Xia Zhi at nandoon din sina Xiao Mo at Xiao Lin. Si Chengwu ang tagaluto habang tumutulong ang iba pa sa kusina.

Nang makita ni Xia Zhi si Xinghe, agad nitong ibinaba ang hawak na plato at nagmamadaling lumapit para bigyan siya ng isang malaking bear hug. "Ate, maligayang pagbabalik! Masaya ako na makita ka!"

Nabuhat si Xinghe at iniikot ng ilang beses sa ere, kaya hindi niya maiwasan na hindi matawa.

"Tama na iyan, bilis ibaba mo ako!" Sigaw niya ng nakatawa.

"Opo, madam!" Ibinaba siya ni Xia Zhi ngunit nanatili ang kasiyahan nito. "Ate, sa wakas ay nasa bahay ka na. Maigi na ba ang pakiramdam mo? Ang lahat ba ay ayos na?"

Tumango si Xinghe. "Oo, lahat ay ayos na."

Itinigil ni Xia Zhi ang kanyang pagkasabik para seryoso siyang tingnan. May luha sa mga mata nito. "Ate, nakauwi ka na sa wakas. Pakiramdam ko ay nananahinip ako…" nasamid ito sa sarili niyang mga salita.

"Ano ang problema?" Nag-aalalang tanong ni Xinghe.

Nagpatuloy si Xia Zhi habang lumuluha, "Wala kang ideya kung gaano ako nag-aalala noong wala kang malay. At pagkatapos noon, nang magising ka, para kang ibang tao. Masaya ako na sa wakas ay makita kang ganito. Nakabalik ka na din sa wakas tulad ng ate ko na mahal ko."

Pakiramdam ni Xinghe ay namumuo din ang kanyang mga luha at inalo ito, "Patawarin mo ako kung pinag-alala ko kayong lahat. Nangangako ako na hindi na ito muling mangyayari pa."

"Sigurado, ate, na mabubuhay ka ng mga daang taon at magiging malusog tulad ng isang kabayo!"

"Miss Xia, binabati ka namin sa iyong paggaling. Nakahinga na ako ng maluwag na sa wakas ay makita kang magaling ng personal." Sumali din si Xiao Mo sa kanilang usapan. Hindi lamang si Xia Zhi ang nag-aalala sa kanyang kundisyon, ang totoo ay nag-aalala din si Xiao Mo sa kanya.

At ngayon, nang sinabi ni Xia Zhi ang kanyang pagbabalik, sinundan niyang umuwi si Xia Zhi.

Tumango si Xinghe ng may bahagyang ngiti. "Paumanhin kung masyado ko kayong napahirapan nitong mga nakaraang buwan at salamat sa pagtulong sa kumpanya noong wala ako."

"Hanggang ayos ka lamang, sulit naman ang lahat," sinabi ni Xiao Mo ng may seryosong hitsura.

Naging alalay nito si Xia Zhi. "Ate, mahusay na pinamahalaan ni Brother Xiao ang kumpanya. Sobra na ang ating mga kinita!:

"Sakop ito ng responsibilidad ko. Miss Xia, pakiusap huwag kang mag-alala dahil pagtutuunan ko ng pansin ang pamamahala ng kumpanya." Paniniyak ni Xiao Mo sa kanya ng buong tiwala sa sarili. Habambuhay na may utang na loob siya kay Xinghe kaya sumumpa siya na tutulungan niya ito hanggang sa nabubuhay siya.

Hindi naman talaga siya tinulungan ni Xinghe ng husto, nagmungkahi lamang ito ng kolaborasyon, at bilang kapalit ay ibinibigay nito ang katapatan. Masaya si Xinghe na nagtiwala siya dito noon.

"Miss Xia, salamat." Bigla ay lumapit din si Xiao Lin. Tahimik pa din ito at hindi sanay makisalamuha pero malinaw na makikita ang pasasalamat sa mga mata nito.

Nasorpresa si Xinghe. Hindi ba at may problema sa pag-iisip si Xiao Lin? Mukhang normal na ito ngayon.

Parang nababasa ni Xiao Mo ang iniisip niya at nagpaliwanag ito, "Miss Xia, ang sakit ng kapatid ko ay unti-unti ng gumagaling. Ginagamot pa din siya pero sa ngayon ay nakakaya na nitong makipag-usap ng normal sa ibang tao. Kung hindi dahil sa iyo, marahil ay patuloy na namumuhay pa din kami sa dampa na iyon. Wala kang ideya kung gaano ka kahalaga sa amin."

"Maraming-maraming salamat…" lumapit si Xiao Lin para gagapin ang mga kamay ni Xinghe at ang mga mata nito ay nangingislap dahil sa luha. Maliban sa salamat, hindi na niya alam kung ano pa ang sasabihin niya.