webnovel

Spiral Gang, Ang Simula (1)

SUMAMA SI DANNY sa bahay nila Ruth kasi gusto raw nito makita ang baby. Natuwa ang mga magulang ni Selna at halatang nakahinga ng maluwag nang makita silang tatlo. Niyakap pa sila isa-isa bago hinayaang magpunta sa kuwarto niya kung saan nagpapahinga si ate Faye at ang baby.

"Kung hindi lang pinanganak ang apo nila malamang may kurot tayo sa singit at sermon imbes na yakap," bulong ni Selna nang makalayo sila sa mga magulang nito.

Mahinang natawa si Ruth kasi sa tingin niya tama ito. Kumatok sila sa pinto ng kuwarto bago dahan-dahang binuksan iyon. May dalawang silya na ipinasok doon mula sa sala nila at nakaupo sa mga iyon si kuya Rafael at ang nanay niya. Nakahiga naman sa papag niya ang kanyang ate Faye at nakasiksik sa tabi nito ang baby.

Hindi katulad ng mga magulang nina Selna at Danny, mukhang hindi nagulat ang mga tao sa kuwartong iyon na ngayon lang sila umuwi. Tipid na ngumiti ang ate niya at mabagal na sumenyas para palapitin sila. Mabilis na tumalima silang tatlo, sabik na tinitigan ang baby.

"Anong pangalan ang naisip niyo sa kaniya?" pabulong na tanong ni Danny.

Nawala ang ngiti ng ate niya at napasulyap sa direksiyon kung saan nakaupo ang asawa nito at ang nanay nila. Kumunot tuloy ang noo ni Ruth at lumingon. May kakaibang ekspresyon sa mukha ng dalawa. Si kuya Rafael, namumutla at tumitig sa labas ng bintana. Ang nanay naman niya deretsong tumitig sa mga mata niya. "Raye ang pangalan ng anak ng ate mo."

Raye. Nahigit ni Ruth ang hininga at muling tinitigan ang maamong mukha ng baby. Napangiti siya at magaan na hinaplos ng daliri ang pisngi nito. "Raye," malambing na tawag niya rito.

Umungot ang baby, gumalaw at dahan-dahang dumilat. Sumikdo ang puso ni Ruth nang may gumuhit na ngiti sa mga labi nito.

"Ang cute!" gigil na sabi ni Selna.

"Nakakadilat na ba talaga ang baby na bagong labas?" curious na tanong ni Danny.

"Hindi lahat. Pero espesyal si Raye," nakangiting sabi ni ate Faye. Hindi niya alam kung bakit pero may pakiramdam siyang may mas malalim na kahulugan ang sinabi nito.

Matagal pa nilang pinagkaguluhan ang baby. Hanggang mukhang nainis na ito sa kanila kasi umiyak. Napatayo agad si kuya Rafael at kinarga ang baby para patahanin. Mukhang pagod pa at inaantok si ate Faye kaya pinalabas na sila ng kuwarto. Nagtaka lang si Ruth nang sumama sa kanila ang nanay niya.

"Nay? Bakit po?" hindi nakatiis na tanong niya. Iba kasi ang titig nito sa kanilang tatlo.

"Wala naman. Nagpapasalamat lang ako na nakabalik na kayo."

Nagkatinginan silang magkakaibigan. Pagkatapos ibinalik nila ang tingin sa nanay niya.

"A-alam niyo po kung saan talaga kami nanggaling?" lakas loob na tanong ni Selna sa mahinang boses.

Tumango ang nanay niya. Sumulyap sa nakasarang pinto ng kuwarto niya bago nagsalita, "May bisita kami kagabi. Siya ang nagbigay ng pangalan sa apo ko. Siya rin ang nagsabi sa akin kung nasaan kayo at na huwag akong mag-alala dahil makakabalik kayo ng ligtas ngayong araw."

Namangha si Ruth. Kasi narealize niya na si Lukas ang tinutukoy nito. Kung ganoon nang umalis ito kagabi kasama ang agila isa ang bahay nila ang pinuntahan nito. Pero bakit? At bakit ito nag abalang pangalanan ang pamangkin niya?

Bumuntong hininga ang nanay niya at ibinalik ang tingin sa kanilang tatlo. "Nakapasok at nakalabas kayo sa mundo na bihira mapuntahan ng mga taga rito. At kung may mapadpad man, hindi na nakakalabas. Pero hindi lang karanasan at alaala ang nadala niyo nang umalis kayo roon."

"A-ano pong ibig niyong sabihin?" tanong ni Danny.

"Si Ruth, mula nang ipanganak may iba na sa kaniya. Mas sensitibo siya sa mga bagay na hindi nakikita. Pero higit pa roon mayroon din siyang kakaibang… sabihin na nating amoy na dahilan kaya lapitin din siya ng mga kakaibang nilalang. Pero ngayon na nakapasok at nakalabas na rin kayo sa mundo nila, kahit kayo mayroon na ring amoy na kahawig nang kay Ruth."

Napasinghap si Selna. "Ibig niyo pong sabihin… magiging lapitin na rin po kami ng mga kakaibang nilalang?"

"Ganoon na nga. Kaya hindi ibig sabihin na nakabalik na kayo, tapos na ang lahat. Ito pa lang ang simula."

"Kumare! Aalis na kami!" tawag ng nanay ni Selna mula sa front door ng bahay nila.

Tinapik ng nanay niya ang pisngi nina Selna at Danny bago lumayo para puntahan naman ang mga matatanda.

Natahimik silang tatlo, nagkatinginan lang.

Si Danny ang bumasag ng katahimikan. "Kanina naisip ko na bukas pagkagising natin, maiisip pa kaya natin na totoo ang lahat ng nangyari kagabi? Paano kung habang lumilipas ang mga araw, unti-unti natin marealize na hindi pala totoo ang mga nangyari? Paano kung talagang naligaw lang tayo sa gubat, nakatulog at nanaginip lang?"

"Na iisa lang ang panaginip nating lahat? Imposible," katwiran ni Selna.

"Pero paano nga kung habang tumatagal may makalimot sa atin ng mga nangyari? Nakakatakot ang naranasan natin pero ayoko makalimutan. Iyong nangyari sa ating apat, espesyal 'yon. Parang story plot sa comics. Magical. Hindi lahat ng tao nakakaranas ng ganoon. At sabihin na natin na simula pa lang ito. Na totoo ang sinabi ng nanay ni Ruth na marami pa tayong makakaengkuwentro na kakaibang nilalang. Wala naman tayo masasabihan. Nalulungkot lang ako isipin na balang araw kapag matatanda na tayo, tayong apat lang talaga ang makakaalam ng lahat ng magiging karanasan natin," nanghihinayang na sabi ni Danny.

Bigla may naisip na ideya si Ruth. "May paraan para maibahagi natin ang kwento natin." Napatingin sa kaniya ang mga kababata niya. Ngumiti siya. "Nakalimutan niyo na ba? Literature club tayo. Bago tayo makagraduate, required tayo magpasa ng project 'di ba? Puwede natin isulat lahat ng naranasan natin at i-compile iyon bilang anthology. Oo at iisipin ng teachers at ng mga estudyante na makakabasa na gawa-gawa lang natin ang lahat pero at least mababasa nila. Basta tayo, alam natin sa sarili natin na totoo ang lahat."

Nanlaki ang mga mata nina Selna at Danny. Pagkatapos sabay na ngumiti at nag thumbs up. "Magandang ideya!"

"Gawin na natin agad," excited na sabi ni Selna.

"Dapat may title tayo. Ayoko 'yung katulad sa mga nauna sa atin. Ang boring. Dapat 'yung sa atin may dating. Parang sa mga comics…" Ilang segundo na nag-isip si Danny. At nang may maisip halos tumalon ito sa pagkasabik. "Spiral Gang! Kasi nagkaligaw-ligaw tayo magdamag na para tayong nasa loob ng isang spiral. Tapos may word na 'Gang' para tunog adventure comics. Maganda 'di ba?"

Nagkatinginan sina Ruth at Selna. Pagkatapos nakangising tumingin kay Danny at nag thumbs up.

"Pwede niyo ba tawagan si Andres pagkauwi niyo para sabihin sa kaniya? Wala kasi kaming telepono," sabi pa niya.

"Sige ako na ang tatawag sa kaniya," sagot ni Danny.

Mayamaya pa tumawag na ang mga magulang ni Selna mula sa pinto. Kailangan na raw umuwi ng mga ito. Niyakap si Ruth ng mga kababata niya at nangako na bibisita uli sa bahay nila kasama si Andres. Pagkatapos hinatid niya ang mga ito sa labas ng pinto.

Pinanood nilang mag-ina ang pagsakay ng mga ito sa tricycle. Kumaway sina Selna at Danny na nakaangkas na ngayon sa likod kaya gumanti siya ng kaway. Nanatili silang magkatabing nakatayo ng nanay niya hanggang mawala na sa paningin nila ang tricycle.

"Masuwerte ka na nagkaroon ka ng mga kaibigan na katulad nila," komento ng nanay niya.

Nilingon niya ito at matamis na ngumiti. "Alam ko po."

Napangiti na rin ito at tinapik ang pisngi niya. "Halika at gamutin natin 'yang mga gasgas mo. At sabihin mo sa akin kung ano ang mga nangyari sa inyo kagabi."

Tumango si Ruth, kumapit sa braso ng ina at nagsimulang mag kuwento.

~END OF VOLUME 1~

Next chapter