16 Puti O Itim Huwag Kakainin (2)

Napahinto siya sa pagsasayaw. Kasi bigla niyang naalala ang kuwento ng nanay niya noong maliit pa siya. Na dati raw noong dalaga pa ito, nagkaroon ng panahon na taon-taon halos may nawawalang residente sa Tala o kaya mga dayo na namundok na bigla na lang naligaw at hindi na natagpuan kahit katawan lang. Sabi ng nanay niya malamang daw hindi sinasadyang nakapasok ang mga ito sa lagusan papunta sa isang lugar na parang Tala pero hindi talaga. Kapag daw kasi naligaw doon, imposible na makabalik lalo na kapag napasailalim sa mahika ng mga residente.

"Paano napapasailalim sa kapangyarihan ng mga nakatira roon ang mga naliligaw na taga rito?"

"Ruth? Okay ka lang? Nakatingin na naman sila sa atin kasi bigla ka huminto," bulong ni Andres.

Pero hindi siya tuminag kasi bigla naalala niya ang sagot ng nanay niya sa tanong na 'yon noong bata pa siya. Ngayon malinaw na sa kaniya kung bakit mahigpit silang pinaalalahanan ni Lukas kanina bago sila bumalik sa Sitio Nawawala. Kasi kapag nilabag nila ang mga paalala nito siguradong makokontrol na sila ng mga nakatira roon at hindi na sila makakauwi.

"Danny, huwag!"

Kumabog ang puso ni Ruth at mabilis na napalingon nang marinig ang sigaw ni Selna. Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Danny na nakatayo na sa harap ng mahabang lamesa. At mabilis at sunod-sunod itong sumusubo ng pagkain.

Bumalik sa isip niya ang sinabi ng nanay niya noong bata pa siya. "Puti man o itim, basta pagkain na inalok nila, huwag kakainin. Kasi makukulong na ang taong iyon sa mundo nila at magiging alipin nila habambuhay."

Ang mga matatandang nasa paligid, ang mga alipin na walang ekspresyon at parang puppet lang na sumusunod sa mga nakatira sa Sitio Nawawala, lahat ay mga mortal na taong naligaw sa lugar na iyon at kumain ng pagkaing inalok sa mga ito.

Nagtawanan ang mga sumasayaw, halatang tuwang tuwa at nagbulungan sa lengguwahe na matagal nang patay. Pagkatapos biglang huminto sa pagkain si Danny, nalaglag ang mga balikat at dahan-dahang pumihit paharap. Nanlamig si Ruth at parang nilamutak ang sikmura niya nang makita ang mukha ng kababata niya. Puno pa rin ng pagkain ang bibig nito at may dungis pa ang mga pisngi. Pero higit doon, mas natakot siya nang makitang blangko na ang facial expression nito.

Nasa ilalim na ito ng kapangyarihan ng Sitio Nawawala. At ang bulungan ng mga residente ay tungkol sa kung kanino mapupunta si Danny.

"DANNY!" Tumakbo si Ruth palapit sa kababata at hinawakan ang magkabilang pisngi nito. Pero kahit na magkaharap sila parang hindi siya nito nakikita. Uminit ang mga mata niya. Lalo na nang makalapit na rin si Selna, natataranta ring hinawakan naman ang mga kamay ng kababata nila.

"Sabi ko sa kaniya tiisin niya kaso hindi na niya kinaya ang gutom niya. Parang bigla na lang siya nawala sa tamang katinuan, tumayo at sinubo lahat ng mahawakan. Ruth, anong nangyayari sa kaniya?"

"Nasa ilalim siya ng kapangyarihan ng lugar na ito kasi kinain niya ang pagkain dito. Kapag hindi siya nakawala sa mahika matutulad siya sa mga matatandang alipin na nandito," garalgal na sagot niya.

Naramdaman niya ang presensiya ni Andres sa tabi niya. "Ano ang puwede nating gawin?" nagaalalang tanong nito.

Dumagundong ang malakas na kulog. Gulat na napatingala silang tatlo sa langit. Nagkaroon uli ng nakakabinging kulog pero wala namang humiwang kidlat sa langit. Nanlaki ang mga mata niya nang marealize na ang Bakunawa ang gumagawa ng ingay na parang kulog. Pagkatapos parang galit na lumipad ito palayo, na parang nainis na kasi hindi nagtagumpay makakain ng buwan. Isang malakas na kulog uli ang nag echo sa paligid at saka tuluyang nawala ang Bakunawa. Malamang bumalik na sa pinakailalim ng dagat kung saan ito nakatira. Kasi mayamaya pa, natahimik na ang langit at wala na rin ang tila bituing kumikinang galing sa mga kaliskis nito.

Biglang gumalaw si Danny. Napunta uli rito ang tingin nilang magkakaibigan. Nagulat si Ruth nang hawiin sila ng binatilyo at nagsimulang maglakad palapit sa mga residente ng Sitio Nawawala.

Nataranta sila at sinubukan itong hawakan para pigilan pero para bang nagkaroon ito ng kakaibang lakas. Imbes kasi na mapigilan ito silang tatlo pang nakahawak dito ang nakakaladkad sa bawat hakbang nito. Kahit paulit-ulit nilang tawagin ang pangalan nito parang hindi sila naririnig. Hanggang mapabitaw na sila at tuluyan itong makalapit sa mga residente.

Napanganga si Ruth nang ipaikot ng magandang babae ang mga braso nito sa katawan ni Danny. May nakaguhit na ngiting tagumpay sa mga labi ng babae habang nakatingin sa kanila. "Kahit anong gawin niyo, hindi na niya kayo maririnig. Kami na lang ang pakikinggan niya mula ngayon. Pag-aari na namin siya nang sandaling tanggapin niya ang pagkaing nasa lamesa."

"Hindi," pahikbing ungol ni Selna.

"Please, ibalik niyo siya sa amin," sabi ni Andres na humakbang paharap, hinarang ang katawan kina Ruth at Selna. "Kaya niyo siya pakawalan kung gugustuhin niyo, 'di ba?"

"Pero ayaw namin siya pakawalan," ngiting ngiti na sabi ng isa pang babae na mukhang teenager. Nagulat siya kasi ngayon lang niya ito napansin. Na para bang sinadya nitong itago ang presensiya mula pa kanina.

"Ah, ito ang anak ko," sabi ng magandang babae na hinaplos ang buhok ng teenager. "Naiinip siya dahil wala siyang kaedad dito sa amin. Ngayon may makakasama na siya."

"Pakawalan niyo si Danny," sigaw ni Selna.

Ni hindi man lang ito tinapunan ng tingin ng magandang babae pero sumagot naman. "Puwede namin siyang pakawalan pero kailangan may kapalit. Ikaw," biglang turo nito kay Andres. "Kung magpapaiwan ka, aalisin ko ang mahikang nakabalot sa kaniya ngayon. Sa totoo lang, mas tipo ka namin ng anak ko. At kung magsasakripisyo ka, hindi lang namin ibabalik ang lalaking ito, makakauwi na rin silang tatlo ngayon mismo. Ano? Maganda ang alok ko, 'di ba?"

"Hindi kami papayag," mabilis na sagot ni Ruth. "Wala kaming iiwan dito. Makakauwi kaming apat."

Napunta sa kaniya ang tingin ng magandang babae. Nawala ang ngiti nito at naningkit ang mga mata. "At paano kayo makakauwi? Ah… naniniwala kang babalikan kayo ni master Lukas? Huwag mo lokohin ang sarili mo. Hindi na siya babalik. Wala siyang rason para intindihin kayo. Baka nga kung nasaan man siya ngayon ay hindi na niya kayo naaalala. Iba siya sa ating lahat. Bakit siya magaaksaya ng panahon sa inyo?"

Kumuyom ang mga kamao ni Ruth at mariing itinikom ang bibig. "Naniniwala ako sa kaniya. Sinabi niyang babalik siya bago mag bukangliwayway," mariing sagot niya.

Tumawa ang magandang babae. Histerikal. Nakakakilabot. "Si master Lukas, pinapaniwalaan mo? Mali ka ng pinagkakatiwalaan. Mas nakakatakot at walang awa pa siya kaysa sa amin. Isa pa, kung ako sa inyo hindi ko na hihintayin magbukangliwayway. Kasi oras na lumiwanag at nasa ilalim pa rin ang lalaking ito ng kapangyarihan namin, hindi na siya makakabalik sa dati. Sa oras na iyon wala nang makakapagpalaya sa kaniya. Matutulad siya sa iba naming alipin. Dito siya tatanda at kalaunan dito rin siya mamamatay at magiging pagkain ng mga demonyo at halimaw na nagtatago ngayon sa dilim."

Umiiyak na si Selna. Parang nilalamutak ang puso ni Ruth kaya nahihirapan siya mag-isip ng paraan para mautakan ang mga residente ng Sitio Nawawala. Nakatuon na kasi sa kanila ang buong atensiyon ng lahat. Wala na kasi ang Bakunawa na kinatatakutan ng mga ito.

"O kung ayaw niyo talagang may maiwan… bakit hindi rin kayo kumain ng mga pagkain namin?" nakangiting sabi ng isang lalaki na humakbang palayo sa grupo. Ibinuka pa nito ang mga braso, umaastang friendly at welcoming. "Wala na akong alipin at kanina ko pa kayo gustong dalawa. Hindi ako katulad ni Eugenia." Turo nito sa magandang babae na nakahawak pa rin kay Danny. "Hindi ko pinapagod at pinapahirapan ang mga nagiging alipin ko. Inaalagaan ko sila. Magiging masaya kayo sa piling ko. Ano sa tingin niyo?"

May malisya ang titig ng lalaki na pinaraan pa ang dila sa ibabang labi. Naramdaman ni Ruth na natensiyon si Andres at lalo pang hinarang ang katawan sa kanila ni Selna. Nang sulyapan niya ang mukha nito napansin niyang mariing nakatiim ang bagang nito at halatang galit. Pagkatapos bumuka ang bibig nito at hindi pa man nanlamig na siya kasi alam niya ang sasabihin nito.

"Magpapaiwan ako. Pakawalan niyo si Danny at pauwiin niyo na silang tatlo," determinadong sabi ni Andres.

Ngumisi ang magandang babae na ngayon ay alam na nilang Eugenia ang pangalan. Unti-unti nitong binitiwan si Danny at iginalaw ang mga daliri, sinesenyasan si Andres na lumapit. Tumango ang binatilyo at kumilos para maglakad pero mahigpit nila itong nahawakan ni Selna sa magkabilang braso.

"Huwag. Hindi puwedeng may maiwan sa atin," mariing sabi ni Selna.

Tumango si Ruth. Pagkatapos pinagtama niya ang mga paningin nila ni Andres. "Apat tayo nakarating dito kaya apat din tayong lalabas. Magkakaibigan tayo. Walang iwanan."

Malungkot na ngumiti ang binatilyo at dahan-dahang kumawala sa hawak nila ni Selna. "Pero mas mapapanatag ako kung magkakasama kayong tatlo. Mga bata pa kayo magkakaibigan na kayo. Mula pa noon naiinggit at humahanga na ako sa bond na mayroon kayong tatlo. Ako ang pinakahuling naging bahagi ng grupo kaya ako ang magpapaiwan."

Nainis si Ruth sa dahilan ni Andres. Akala pa naman kasi niya hindi na nito dinidistansiya ang sarili sa kanila pero ginagawa na naman nito. Itinaas niya ang noo. "Ako na lang ang magpapaiwan tutal ako naman ang dahilan kaya tayo napadpad dito."

Nanlaki ang mga mata nito at marahas na umiling. Si Selna suminghot at kahit nanginginig ang boses ay nagsalita na rin, "Hindi. Ako na lang ang magpapaiwan."

"Huwag na kayo magtalo. Sabi ko naman welcome kayong lahat dito," natatawang sabi ng lalaking nakakatakot. Pagkatapos nagsimula na rin sumang-ayon ang ibang residente at nakangising humakbang palapit sa kanila. Nahinto sila sa pagtatalo at naging alerto. Kung titigan na kasi sila ng mga ito ay parang gusto na silang kainin.

avataravatar
Next chapter