webnovel

MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang

Let’s go back to year 1999, when internet is still not the center of our lives. Siguro maiisip ng iba na ang boring ng buhay ng mga bata at teenager sa panahong iyon lalo na kung sa isang malayo at liblib na bayan nakatira. Pero diyan ka nagkakamali. Welcome to the town of Tala, where myths and legends are true. Welcome and see for yourself, that in this town, in your town, magic is everywhere. want to read MOON BRIDE, the main story behind this prequel? go here : https://bit.ly/3kF53DS

MarickoYanagi · Teen
Not enough ratings
75 Chs

Mapanlinlang Na Katahimikan (1)

DUMATING ang pinakahihintay ng fourth year students sa Tala High School—ang araw ng youth camp. Madaling-araw pa lang ay nag-assemble na ang lahat sa school ground. Doon kasi sila sasakay sa mga bus by section.

Pero may napansin si Andres habang iniisa-isa ang section para mag-roll call. May mga estudyanteng hindi na kasing-excited tulad ng dati, mukhang mga takot at worried pa nga. Pagkatapos, meron ding mga hindi sumipot. Masyadong marami para sabihing bigla lang nagkasakit kaya mga absent.

Nakakunot-noo pa rin si Andres at magtatanong sana sa isang klase na may pinakamaraming hindi pumasok pero lumapit na sa kanya si Sir Jonathan, ang kanilang Filipino teacher at isa sa mga tumutulong sa student council para maging matagumpay ang youth camp.

"Kailangan na nating bumiyahe para masunod ang schedule sa araw na `to. Hindi ka pa ba tapos mag-roll call?"

"Tapos na, Sir. May—"

"Good. Let's go. Sumakay ka na sa bus ng section n'yo." Tinapik siya ng teacher sa balikat kaya napilitan siyang sundin ang sinabi nito.

Pagpasok sa bus, nakita agad ni Andres sina Ruth, Selna, at Danny na nakapuwesto sa pinakalikod. Kumaway sa kanya ang lalaking ngiting-ngiti.

"Andres! Nag-save kami ng puwesto para sa `yo."

Napangiti siya at lumakad palapit sa kanyang mga kaibigan. Medyo umangat ang mga kilay niya nang mapansin ang posisyon ng tatlo. Nasa magkabilang side ng bintana ang girls habang nasa gitna si Danny. Pero kapansin-pansin na mas malaki ang espasyo sa pagitan nina Selna at Danny. Naba-bother na talaga si Andres sa biglang distansiya sa pagitan ng dalawa. Hindi niya alam kung ano ang pinagtalunan ng mga ito pero ayaw niyang manatiling ganoon ang sitwasyon. Masyado na silang maraming pinagdaanan na apat para lang magkatampuhan. Isa pa, sa unang pagkakataon sa buhay ni Andres ay ngayon lang siya naging parte ng isang grupo na alam niyang sincere ang pakikitungo sa kanya. Ayaw niyang magkawatak-watak sila.

Paglapit sa mga kaibigan, pumuwesto agad siya sa tabi ni Ruth bago pa makaisod si Danny na halatang nagulat sa ginawa niya. Binulungan niya si Danny. "Bago matapos ang youth camp, dapat bati na kayong dalawa." Pagkatapos ay pasimple niyang itinuro si Selna na nakatitig sa labas ng bintana.

Nagulat si Andres nang mamula ang mukha ng kaibigan at nanginginig ang kamay na inayos ang eyeglasses. Bigla niyang na-realize na hindi away ang dahilan kaya nag-iiwasan sina Selna at Danny. Napatikhim siya para pigilang mapangiti. At para hindi mapansin ni Danny ang kanyang reaksiyon, humarap na lang siya kay Ruth na may nakabukas na libro sa kandungan. Nakayuko ito roon at halos matakpan na naman ang mukha ng nakalugay nitong buhok.

Hindi nakatiis na umangat ang kamay ni Andres at marahang hinawi ang buhok ni Ruth hanggang maiipit na niya iyon sa tainga nito. Halatang na-tense ang dalagita at nanlaki ang mga mata. Namula rin ang mga pisngi nito nang magaan na sumayad ang dulo ng mga daliri niya sa balat nito. Nakakaaliw ang pagiging mahiyain nito. Pero mas nakakabilib para kay Andres na sa likod ng pagiging mahiyain at tahimik ni Ruth ay may itinatago itong talino, tapang, at lakas ng loob. Napatunayan na niya iyon sa ilang beses na muntik na silang manganib.

Nilingon siya ni Ruth. "Bakit?" mahinang tanong nito, pulang-pula na ang mukha.

Masuyong ngumiti si Andres at napipilitang binawi ang kamay. Gusto pa niyang hawakan ang kamay ni Ruth. Gusto pa niyang mapalapit dito. Pero alam niyang nagsisimula pa lang maging komportable sa kanya ang dalagita. Ayaw niyang matakot at mailang ito.

"Ano `yang binabasa mo? Maganda?"

"Ah." Iniharap ni Ruth sa kanya ang cover ng libro. Legends of Lower Gods ang title. "Mga bagong dating sa school library ang mga libro ng author na ito. Sa tingin ko, makakatulong ito sa atin. Hindi lang para sa project ng Literature club kundi para sa… alam mo na."

Tumango siya. "Para prepared tayo kapag may nakaengkuwentro uli tayong kakaiba."

"Oo. Pagkatapos nating makita ang nangyari sa…" Humina ang boses ni Ruth kaya kinailangang ilapit ni Andres ang tainga sa bibig nito para marinig niya. "Sa kuya ni Danny, na-realize ko na maraming mapanganib na nilalang sa mundo. Paano kung dumating ang sandali na maharap tayo sa ganoong klase ng nilalang? Paano tayo lalaban? Paano tayo makakaligtas? Nagi-guilty ako kasi pakiramdam ko, ako ang nagdala sa inyong tatlo sa sitwasyon natin ngayon."

Alam ni Andres na may dahilan ang pag-aalala ni Ruth. Kahit siya, may mga sandaling bumabalik sa isip ang nakita nila sa nakaraan. May mga gabing napapanaginipan niya ang babaeng Rosario ang pangalan na humigop sa buhay ng kapatid ni Danny pitong taon ang nakararaan. At kahit gusto niyang umaktong cool, natatakot din siya. Anong magagawa nila laban sa ganoon kalakas na kapangyarihan? Fifteen years old lang sila lahat.

Biglang pumasok sa bus si Sir Jonathan at in-announce na aalis na sila. Nagsimulang umandar ang bus, sumunod sa mga nauna nang bus palabas ng Tala High School. Huminga nang malalim si Andres at hindi nakatiis na hinawakan ang kamay ni Ruth. Pagkatapos, pinagtama niya ang kanilang mga paningin.

Ngumiti siya. "Alam kong marami kang worries. Pero sa weekend na `to, puwede bang mag-enjoy lang muna tayo? Isang beses lang sa buong high school life natin ang youth camp na `to. Huwag muna tayong mag-isip ng kung ano-ano at magpakasaya tayo. Puwede ba, Ruth?"

Sandaling nagbaba ng tingin ang dalagita, pulang-pula pa rin ang mukha. Pero nang mag-angat uli ng tingin ay matamis na itong ngumiti. "Puwedeng-puwede."

Ngumisi si Andres at pinisil ang kamay nito. "Good."

MAALIWALAS ang kalangitan at marahan ang alon ng dagat nang makarating sila sa venue ng youth camp. Thirty minutes lang ang naging biyahe kaya kasisikat pa lang ng araw. Hindi pa mainit ang buhangin at masarap pa sa balat ang hampas ng hangin.

Napansin ni Andres na masigla na ang lahat ng mga estudyante at nagtakbuhan pa nga papunta sa dalampasigan. Nakalma na rin siya. Ibig sabihin, wala naman pala siyang dapat ipag-alala. Baka paranoid lang siya kaninang madaling-araw at wala naman talagang ibang kahulugan ang pag-absent ng maraming estudyante.

Gamit ang isang megaphone, ini-announce ni Sir Jonathan sa lahat na pumila by section. Magkakasama dapat ang magkakagrupo. Fortunately, kagrupo ni Andres sina Ruth, Selna, at Danny. May kasama silang apat pang classmates. Inulit lang ni Sir Jonathan ang rules and regulations para sa youth camp na ilang beses naman nang sinabi sa mga nakaraang araw. Pagkatapos, binigyan ang bawat grupo ng dalawang tent. Itinayo muna nila ang mga iyon para may mapag-iwanan ng gamit. Pagkatapos, nag-almusal na ang lahat ng kanya-kanyang mga baon. Pero mamayang tanghali hanggang bukas, tuturuan sila kung paano magluto ng makakain sa makalumang paraan.

Bandang alas-otso ng umaga, binigyan ang bawat grupo ng tig-iisang mapa. Sakop niyon ang kahabaan ng dalampasigan at ang bahagi ng bundok at gubat na nakaharap sa dagat. Naka-illustrate din sa mapa kung saang part ng campsite nakatayo ang hile-hilerang CR na ilang taon pa lang daw mula nang itayo at mine-mantain ng isang katiwala. Hindi lang kasi Tala High School ang nagpupunta roon para magsagawa ng mga ganoong klase ng activity. Dinadayo rin iyon ng tagaibang bayan.

Nag-echo sa paligid ang tunog ng naka-on na megaphone kaya napalingon silang lahat sa malaking bato na kanina pa ginagawang platform ng mga teacher para makita silang lahat. Nakatayo na roon si Sir Jonathan.

"Attention! Ang unang aim ng youth camp na ito ay mapatibay ang camaraderie sa pagitan ninyong mga estudyante. That's why every activity is going to be by group.

"Now, another aim is to let you experience how to live in ancient times. Noong unang panahon, bago nauso ang kuryente, LPG, kalan, at kung ano-ano pa, nabuhay ang mga ninuno natin na ginagamit lang ang mga natural resources sa paligid nila. Ngayong araw, ipaparanas namin sa inyo kung paano sila nabuhay noon. May kasamang listahan ang mapang hawak ninyo. May items na nakasulat at kung paano ninyo makukuha ang mga iyon. Bago magtanghalian, kailangang makuha n'yo lahat ang nasa listahan kung gusto n'yong makakain ng lunch na kayo mismo ang magluluto. Treat this as a treasure hunt. Have fun, everybody!" Iyon lang at bumaba na si Sir Jonathan mula sa malaking bato.

Naging maingay ang paligid dahil sa excitement ng lahat. Napangiti si Andres. Siya kasi ang nag-suggest sa mga teacher last week na gawing parang laro ang mga activity para ganahang mag-participate ang mga estudyante.

"Ano'ng plano natin?" tanong ni Lanie, isa sa mga kagrupo nila. Ito ang may hawak ng mapa.

"Masyadong marami ang items na kailangan nating makuha. Saka masyadong malawak ang sakop ng mapa. Dapat yata hatiin natin ang grupo natin. Kung sama-sama kasi tayo, baka hindi natin matapos `to bago magtanghalian," komento ni Danny na nakatitig sa listahan.

"Okay rin naman `yang strategy pero isa lang ang mapa at listahan. Baka maligaw ang isang grupo na walang mapa," sabi ni Romeo.

"Kabisado ko na ang mapa kaya kayo na lang ang magdala niyan," sabi ni Andres. "Isasama ko sa grupo ko sina Ruth, Selna, at Danny. Para naman sa listahan…" Kinuha niya mula kay Danny ang papel, binilang ang items doon at saka hinati sa dalawa. Iniabot niya kina Lanie ang isa. "Kita-kita na lang tayo dito sa campsite, okay?"

Sumang-ayon ang mga kagrupo nila. Ilang sandali pa, nagsimula na silang maglakad papunta sa magubat na bahagi ng bundok.