webnovel

MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang

Let’s go back to year 1999, when internet is still not the center of our lives. Siguro maiisip ng iba na ang boring ng buhay ng mga bata at teenager sa panahong iyon lalo na kung sa isang malayo at liblib na bayan nakatira. Pero diyan ka nagkakamali. Welcome to the town of Tala, where myths and legends are true. Welcome and see for yourself, that in this town, in your town, magic is everywhere. want to read MOON BRIDE, the main story behind this prequel? go here : https://bit.ly/3kF53DS

MarickoYanagi · Teen
Not enough ratings
75 Chs

Ang Pagbabalik Ni Lukas

"Danny! Kumalma ka, Danny!"

Pakiramdam niya nasa ilalim siya ng tubig at napakalayo ng mga boses na tumatawag sa kaniya. Pero nakilala niya na sina Andres, Ruth at Selna ang mga nagsasalita. Pero hindi niya nakikita ang mga ito. Nakatitig lang kasi siya kay Lukas na nakatayo sa harapan niya. Umangat ang kamay nito, lumapat sa kanyang dibdib at naramdaman na naman niya ang puwersa na para siyang sinipa.

Napadilat si Danny, nahigit ang hininga na para bang bigla siyang nakawala mula sa pagkalunod. At narealize niya na nakahiga siya sa putikan, sa gilid ng bundok na maraming puno ng saging. Napatitig siya sa madilim na kalangitan at hinayaang mabasa ng mahinang ambon na hindi pa rin pala humihinto sa pagpatak.

Napakurap siya nang may pumatak sa pisngi niya, mas mabigat kaysa sa patak ng ambon. Ipinilig niya ang kanyang mukha at nakita si Selna na nakayuko sa kaniya, umiiyak. Tumulo na naman ang luha nito, tumama sa kabilang pisngi niya. "Okay ka na ba? Normal na ba uli ang isip mo, Danny?"

Kumurap siya, nalilito. Pagkatapos pinilit niyang kumilos. Agad na naramdaman niya ang mga braso ni Andres, inalalayan siya makaupo. Kasunod ang magaan na haplos ni Ruth sa ulo niya, parang iniinspeksiyon kung may injury siya. "A-anong nangyari?" paos na tanong niya.

"Muntik ka na mawala sa sarili at mabaliw."

Natigilan siya at napatingala. Nanlaki ang mga mata niya kasi si Lukas ang nagsalita. Nakatayo ito ilang metro ang layo sa kanila. Nakasuot pa rin ng itim na damit mula ulo hanggang paa. Katulad noong nakita nila ito sa Nawawalang Bayan.

"T-totoong nandito ka?!" manghang usal ni Danny. "Pero paano? Hindi ba nasa kabilang Tala ka?"

Tumaas ang mga kilay nito. "Hindi ako katulad ng ibang nilalang na walang kakayahan magpalipat-lipat sa mga mundo. Kaya ko pumunta kahit saan. At nagpunta ako sa inyong Tala dahil mayroon akong misyon. Hindi ko nga lang din inaasahan na makikita ko kayo ngayong gabi."

Pagkatapos umiling-iling si Lukas. "Gusto niyo ba talagang mamatay ng maaga? Bakit palagi ninyo hinahanap ang mga nilalang na hindi niyo dapat kinakalaban? Kung hindi ko naramdaman ang kakaibang presensiya sa bahaging ito ng gubat, baka hindi kita natulungan."

Namangha siya. Ibig sabihin kapangyarihan ni Lukas ang naramdaman niyang puwersa na parang sumipa sa dibdib niya kanina at naging dahilan kaya nawala ang mga imaheng tumatakbo sa isip niya. "S-salamat."

Tumango ito at parang inis na bumuntong hininga. "Pero dahil ikaw ang inuna ko, natakasan ako ng totoong pakay ko. Tsk. Mabilis siya tumakbo para sa isang kapre."

Napasinghap si Danny. "Ang mutya! Nakuha ng kapre." Pinilit niya bumangon pero nanghihina pa rin ang mga tuhod niya. Ngayong wala na rin ang kapangyarihang taglay niya kanina, naging aware na siya sa pananakit ng buong katawan niya.

"Huwag ka nga muna gumalaw!" inis na sabi ni Selna. Napalingon siya rito. Marahas nitong pinahid ang mga luha at matalim siya tiningnan. "Muntik ka na hindi makabalik sa normal, alam mo ba? Sobrang nag-alala kami. Akala ko… mawawala ka na sa amin."

Kumirot ang puso ni Danny kasi nakikita niyang talagang pinag-alala niya si Selna. Hinaplos niya ang buhok nito at sinserong bumulong, "Sorry." Pagkatapos nilingon din niya sina Andres at Ruth. "Sorry."

Bumuntong hininga ang lalaki at tumango. Ngumiti naman si Ruth pero namamasa ang mga mata nang magsalita. "Basta ligtas ka na, okay na sa amin, Danny."

"Hindi niyo dapat tinatangkang angkinin ang mutya ng ganoon na lang," sabi ni Lukas. "Madali saluhin pero mahirap panatilihin sa pangangalaga mo hanggang mag-umaga. Kasi maraming nilalang ang gusto makuha ang mutya. Kung natalo mo man ang kapre kanina, siguradong may darating na bago at mas mabangis na nilalang para agawin iyon sa'yo. Isa pa, may sumpang kasama 'yon. Kapag naiwala mo bago mag-umaga ay masisira ang ulo mo dahil sa mga halusinasyon na makikita mo."

Nanlamig si Danny kasi naalala niya ang mga nakita niya kanina, mga imahe na nagdulot ng matinding takot sa puso niya. Hallucination lang ba talaga ang mga iyon? O posible pa rin mangyari? Tarantang napatitig siya kay Lukas na mukhang nabasa ang tumatakbo sa isip niya kasi bumuntong hininga ito at naglakad palapit sa kaniya.

"Kailangan mabawi ang mutya mula sa kapre na 'yon. Naramdaman mo naman siguro ang kapangyarihan na kaya ibigay ng bato na 'yon. Hindi maganda kung mapupunta 'yon sa maling mga kamay. Masisira ang balanse ng mundo at malaki ang posibilidad na gamitin 'yon para manakit ng mga tao."

"Tutulungan mo ba kami mabawi ang mutya?" tanong ni Ruth kay Lukas.

Napunta sa kababata niya ang atensiyon ng lalaki. Matagal na nagkatitigan lang ang mga ito bago nagkibit balikat si Lukas. "Ayos lang naman. Isa rin naman ang kapre na 'yon sa pakay ko kaya ako nag-iikot sa mga gubat dito sa inyong bayan. Kung gusto niyong maabutan natin siya, dapat kumilos na tayo ngayon mismo. Kapag nag-umaga na, tuluyan nang magiging pag-aari ng kapre na 'yon ang mutya."

Kumuyom ang mga kamao ni Danny at pinilit makatayo. Umayos din ng tayo ang mga kaibigan niya, umalalay agad sa kaniya. Sumikip ang dibdib niya kasi pumalpak na naman siya at nagbigay na naman ng karagdagang problema sa mga kaibigan niya. Pero ayaw niya magpalunod sa disappointment at guilt. Walang oras para doon.

"Paano natin malalaman kung saan nagpunta ang kapre?" tanong niya kay Lukas.

"Sandali lang." Huminga ito ng malalim, tumahimik at halatang nag ko-concentrate. Mayamaya pa may kakaibang puwersa nang nagsimula pumalibot dito. Napaatras silang magkakaibigan lalo na nang magbago ang hitsura ng mga mata ni Lukas. Naging itim na itim ang kanang mata nito habang naging asul naman ang kaliwa.

May takot na kumalat sa katawan ni Danny kasi natatandaan pa niya kung gaano kalakas ang kapangyarihan ng lalaki kapag nagiging ganoon ang mga mata nito. Pigil ang hininga na hinintay niyang lumabas ang malaking ipo-ipo na katulad noong nasa Nawawalang Bayan pa sila. Pero hindi iyon dumating. Sa halip, biglang lumakas ang hangin sa may paanan nila, kumalat palayo hanggang tuluyang mawala. Nang mapatitig siya sa mukha ni Lukas ay normal na uli ang hitsura ng mga mata nito.

"Nandoon ang hinahanap natin."

Sabay-sabay na napalingon silang magkakaibigan sa direksiyon na itinuro nito.

"Sa Abba College? Nasa loob ng campus ang kapre?" manghang tanong ni Andres.

"Abba? Iyan ang tawag niyo sa lugar na 'yan?" puno ng disgustong tanong ni Lukas. Nang lingunin nila ito ay nakasimangot na ito at masama ang tingin sa Abba College. Napansin din ni Danny na parang ayaw nitong magpunta sa loob ng campus.

"Wala nang bawian ha? Sabi mo tutulungan mo kami," sabi niya. Hindi na niya inabalang itanong kung bakit sumama ang hitsura nito nang marinig ang pangalan ng nag-iisang kolehiyo sa Tala kasi sigurado siyang hindi rin naman ito sasagot.

Bumuntong hininga si Lukas. "Mauna kayo. Susunod ako."

"Hindi tayo makakadaan sa mismong gate kasi naka-lock 'yon. Masyado rin mataas ang mga pader sa magkabilang gilid. Ang choice na lang natin ay sirain ang barbed wire sa likod at doon dumaan," sabi ni Andres.

Sumang-ayon silang tatlo. Sandali pa naglalakad na sila palapit sa likod ng Abba College. Mas dikit-dikit at matatalim ang tinik ng barbed wire sa malapitan. Hahanap pa lang sana sila ng magagamit para magkaroon sila ng madadaanan nang lumapit si Lukas. Inilapit lang nito ang kamay sa isang bahagi at walang kahira-hirap na nag bend ang mga wire kaya nagkaroon ng pabilog na daanan sa gitna.

"Wow," manghang nausal nilang apat.

"Pasok na. Ilang oras na lang magliliwanag na. Kailangan natin magmadali," sabi ni Lukas.

Tumalima sila agad. Isa-isa silang pumasok sa butas. Pagkatapos dumaan sila sa open hallway ng bagong building hanggang naglalakad na sila sa open area ng campus.

"Wow. So ganito pala sa loob ng isang college. Ibang iba sa Tala High School." Narinig niyang komento ni Selna. Tahimik siyang sumangayon kasi kahit siya namamangha habang iginagala ang tingin sa paligid. Sobrang lawak kasi ng campus at magkakalayo ang mga gusali na di hamak na mas malalaki kaysa sa school building nila.

"So, nasaan sa campus ang hinahanap natin?" tanong ni Ruth kay Lukas.

"Sumunod kayo sa akin." Nanguna sa paglalakad ang lalaki. Kung dati nagdadalawang isip pa silang paniwalaan ito, ngayon hindi na. Pagkatapos ng pagliligtas nito sa buhay nila noong naligaw sila sa Nawawalang Bayan, alam ni Danny na hindi lang siya ang nagbigay ng buong tiwala niya kay Lukas. Kahit pa hindi pa rin nila alam kung ano o sino ba talaga ito. O kung mabuti ba ito o masama.

Mayamaya lang nakarating na sila sa malawak na open space ng campus na pinakamalapit sa gate. Quadrangle, sabi ni Andres nang magtanong si Selna kung nasaan na sila. Lumiko si Lukas papunta sa pahabang pathway na may bubong, palampas pa roon hanggang huminto na ito malapit sa hilera ng mga naglalakihang puno. Humarap ito sa kanila at deretsong tinitigan si Danny. "Kaya kong talunin ang kapre pero hindi ko mahahawakan ang mutya."

Tumango siya, naintindihan ang gusto nito sabihin. "Tutulong ako."

"Ako rin, tutulong," sabi ni Andres.

"Ako rin," sabay ding sabi nina Ruth at Selna.

Nilingon niya ang mga ito at umiling. "Sobrang nagpapasalamat na ako sa inyo na sinamahan niyo akong hanapin ang mutya. Pero alam nating lahat na ako ang may kailangan nito. Saka maraming beses niyo na ako iniligtas at tinulungan kasi palagi ako pumapalpak. Kaya hayaan niyo na akong gawin ito, please?"

Nagkatinginan ang mga kaibigan niya.

"Hayaan niyo siyang gawin ang gusto niya. Maliban na lang kung wala kayong tiwala na magtatagumpay siya sa simpleng misyon na 'to?" biglang singit ni Lukas.

"May tiwala kami kay Danny!" mabilis at mariing sagot ng mga kaibigan niya.

Napangiti siya kasi alam niya na nagsasabi ng totoo ang mga ito. "Salamat."

Bumuntong hininga si Ruth, lumapit sa kaniya at pinisil ang kamay niya. "Mag-iingat ka, okay?"

Naging masuyo ang ngiti niya at tumango. Pagkatapos bago siya umatras para lumapit kay Lukas napatingin siya kay Selna. Nagtama ang kanilang mga paningin. Nagulat siya nang may makita siyang kislap ng sakit sa mga mata nito. Pero nang kumurap siya ay nawala na iyon.

"Tara na," tawag ni Lukas sa kaniya.

Tumalikod na siya at sumunod sa lalaki na naglalakad na uli palampas sa hilera ng malalaking puno. Agad na nakita ni Danny kung ano ang balak lapitan nito. Sa bandang dulo, malapit sa pader, may nakatayong puno ng balete. Napakataas niyon at malapad ang katawan. Isang tingin pa lang, halatang matandang matanda na ang puno. "Diyan siya nagtatago?"

"Oo. Dumistansiya ka sa akin kasi kukunin ko ang buong atensiyon niya. Sa sandaling mawala sa kaniya ang mutya, kailangan mo saluhin bago iyon mahulog sa lupa. Kasi kung hindi magiging likido iyon at tuluyang mawawala."

"Okay."

Humarap si Lukas sa puno ng balete, itinaas ang braso at iniharap ang nakabukang kamay sa katawan niyon. Unti-unting pinaikutan na naman ng invisible force ang lalaki kaya mabilis na humakbang si Danny palayo rito at palapit ng kaunti sa puno. Nang sulyapan niya ang mukha nito nakita niyang magkaiba na naman ang kulay ng mga mata nito. Pagkatapos biglang umugong sa katahimikan ng gabi ang nakakakilabot na angil kasunod nang biglang paglitaw ng tila portal sa katawan ng balete. Lumabas ang kapre na para bang hinihila iyon ng kapangyarihan ni Lukas.

Kumabog ang dibdib niya nang mapansing may lumiliwanag sa loob nang nakakuyom na kamao niyon. Hawak nito ang mutya!