webnovel

Kabanata I

Marahan ang aking mga yapak patungo sa isang pantalon na nakasabit sa bintana. Malinaw kong naramdaman ang tibok ng aking puso. Siningit ko ang aking kamay sa bulsa ng pantalon, nagbabasakaling meron akong madukot na pera. Napangiti ako nang may limang daan akong nakuha. Ngunit nawala agad ito nang nahuli ako.

"Gago ka!" bulyaw ni Tito Tomas. Lumapit siya sa akin at inagaw ang pera. Tinulak niya ako sa pader. "Ikaw pa itong pinapakain, ikaw pa itong pinapatira, ikaw pa itong may lakas na loob na nakawan ako?"

"Sorry po," nagmakaawa kong sabi habang tinatakpan ang aking mukha sa mga hampas ni Tito Tomas. Nagawa ko lamang ang pagnanakaw sapagkat gusto ko ng umalis sa mala-impyernong bahay na ito.

"Gusto mong lumayas?" galit na tanong ni Tito Tomas. "Edi umalis ka!" Sinipa niya ang aking tuhod. "Bibigyan kita ng apat na minuto para dalhin mo ang mga walang kwentang bagay mo. At huwag ka ng magpapakita sa akin, gago ka!" Sinapak niya ako.

"Opo. Opo." Dali-dali akong tumayo at tumakbo sa aking kwarto. Pataranta kong kinuha ang bag na nakasabit sa bintana at pinasok ang mga iilan kong damit. Sa wakas ay makaka-alis na din ako.

Narinig ko ang pagkabasag ng bote ng alak galing sa sala. Binilisan ko ang pag-impake. Napalunok ako ng laway sa kadahilanang baka biro lang ang lahat ng ito. Nang tumahimik ng ilang segundo, sinara ko ang zipper ng bag at inabot ang cellphone na nakalagay sa lamesa. Dali-dali akong naglakad palabas ng kwarto.

Ngunit napaatras ako sa gulat nang sumulpot si Tito Tomas sa kurtinang pinto. Tiningnan niya ako. Nagsalubong ang kanyang mga kilay. Diniin niya ang bote sa kanyang bibig. Lumulon siya ng alak bago nagsalita. "Umalis ka na! Wala kang utang na loob!"

"Opo," panginginig kong sabi. Pero napahinto ako sapagkat may nakalimutan akong dalhin. Ang litrato ng mama at papa ko. Humakbang ako pabalik upang kunin ito ngunit hinablot ni Tito Tomas ang aking braso.

"Sinabi ko namang umalis ka na, diba?" Tinapon niya ako palabas ng kwarto.

Nauntog ang ulo ko sa upuan. Masakit pero binaliwala ko na lamang. Tumayo ako, takot sa maari niyang gawin sa akin. "Meron lang po akong nakalimutan, Tito Tomas. Kukunin ko lang po ang litrato ng mama at papa ko. At pangako hindi na po ako magpapakita sa inyo."

"Wala akong paki-alam!" sigaw ni Tito Tomas. "Pinagbigyan na kita, diba? Huwag ka kasing tatanga-tanga." Tinuro niya ang pinto palabas ng bahay. "Umalis ka na, gago ka!"

Nanatili ako ng ilang segundo sa aking kinatayuan upang maki-usap. Pero sinipa ni Tito Tomas ang lamesa at tumilapon ito sa pader. Napaatras ako sa gulat at takot. Kinuha niya ang isa pang bote sa lamesa at tinapon sa bandang kaliwa. Tinamaan ang litrato ni Tita Mel na nakasabit sa dingding. Nabiyak ang salamin nito.

Wala na akong nagawa, lumabas ako ng bahay habang ang mga masasamang sumbat niya ay tila hinahabol ako. Huminto ako sa isang puno ng mangga at lumingon sa kany. "Kung nakikita ni Tita Mel ang pananakit mo sa akin, ang pinaggagawa mo sa akin, siguro ay hiyang-hiya siya sa iyo ngayon!"

At nakita ko si Tito Tomas na tinapon ang bote sa akin. Nailagan ko ito. Tumakbo ako nang may kinuha siya sa dingding. Hindi ko man kita pero alam kong ito ay kutsilyo. Dahil ako mismo ang nagluklok doon sa patalim.

Si Tita Mel ay kapatid ng papa ko. Siya ay asawa ni Tito Tomas. Nang namatay ang mga magulang ko sa hit and run, anim na taong gulang palang ako, kinupkop ako ng dalawa. Maganda ang pakitungo ni Tito Tomas sa akin hanggang unti-unti itong nagbago nang namatay si Tita Mel isang taon matapos namatay ang mama at papa ko.

Gabi at umulan iyon at pauwi na kami sa bahay nang may biglang sumulpot na lalaki sa eskineta. May takip siya sa mukha. Hinablot niya ang bag ni Tita Mel ngunit hindi niya ito tuluyang nakuha. Sapagkat nahawakan ni Tita Mel ang strap. Sumigaw si Tita Mel ng tulong. At ako din. Pero walang nakarinig.

Walang balak si Tita Mel na ibigay ang bag dahil may laman itong pera galing sa singsing, kwentas, at hikaw na kanyang sinanla. Gagamitin niya sana ang pera pambayad sa mga utang.

Pinagpapalo ni Tita Mel ng payong ang lalake. Ako naman ay tumulong sa paghila. Itinulak ako ng lalake at natapon ako sa isang poste. Tumayo ako ulit at kinagat ang paa ng lalake. Sumigaw siya at sinipa niya ang aking mukha.

Habang nakahiga ako na parang nawawalan na ng malay, nakita ko na walang pag-alinlangang sinaksak ng lalake si Tita Mel sa tiyan.

Nabitawan ni Tita Mel ang bag. At hinablot ng lalake ang bag bago kumiripas ng tumakbo sa isang kotse na nakaparada na, hindi kalayuan. May isa siyang kasabwat. At ang taong ito ay nakamaskara din. Siya ang nagmaneho. Walang plate number ang sinakyan ng dalawa. Humarurot ito bago lumiko pakanan.

Gumapang ako patungo kay Tita Mel, sabay iyak at sigaw ng tulong. Pero parang ang ulan lang yata ang nakarinig sa aking boses.

Hinawakan ko ang kamay ni Tita Mel. At naramdaman ko ang paghina ng kanyang pulso. Ang dugo galing sa sugat sa kanyang tiyan ay dumaloy kasabay ng tubig-ulan. Bumuhos ang aking luha nang unti-unting nanlamig ang katawan ni tita. Huminto siya sa paghinga.

Mga ilang buwan pagkatapos ng libing ni Tita Mel, naging parang palya ang tungo ni Tito Tomas sa akin. Sinisi niya ako sa pagkamatay ng kanyang asawa. Siya rin ay naging lasinggero lalo. Walang araw na hindi ko nakita ang lamesa sa sala na walang alak. Mas lalong walang araw na hindi ako napalo, nasuntok, o napagsabihan ng masasamang salita. Animal. Gago. Hayop.

Sabi din niya na malas daw ako. Salot daw ako. Sa isip ko, maaaring totoo ang mga sinabi ni Tito Tomas. Dahil kung hindi ko hinabol ang bola na tumilapon sa kalsada, buhay pa sana ang mama at papa ko. Kung hindi ko sinamahan si Tita Mel, maaring nag-iba ang pangyayari.

Labing siyam na gulang na ako. At hindi nawala sa aking isipan na sana ako na lang ang nasagasaan. Sana ako na lang ang nasaksak. Sana ako na lang ang namatay. Dahil kong ito ang nangyari, hindi na sana ako naghirap.

Habang ako ay naglakad palayo sa bahay ni Tito Tomas, may isang mukha ang lumitaw sa aking isipan. "Dean," marahan kong sambit. Huminto ako at tumingin sa kumukulog na ulap. Sana hindi mo rin ako iiwan kagaya ni mama, ni papa, at ni Tita Mel.