webnovel

Chapter 1: Pasabog na Simula

KANINA pa may humahabol na sasakyan sa likuran nila. Mas binilisan pa ng lalaki ang pagmamaneho. Ang kaliwang kamay nito ay nakahawak sa manibela. Ang kabila naman ay nakahawak nang mahigpit sa kamay ng babae.

"Huwag kang mag-alala. Ako'ng bahala sa `yo. Hindi kita pababayaan," wika ng lalaki kahit ito ay nanginginig na rin sa takot.

Mangiyak-ngiyak na ang babae sa kinauupuan. "Natatakot ako para sa ating dalawa. Pasensiya ka na kung nadamay ka pa. Ayoko ring may mangyaring masama sa iyo..."

"Walang mangyayari," mabilis na sagot sa kanya ng lalaki. "Walang mangyayari basta kumapit ka lang sa akin."

Natigilan sila sa pag-uusap nang makarinig ng mga putok ng baril. Napasigaw muli ang babae. Sabay pa silang yumuko ng katabi niya.

Nang mahinto ang pamamaril ay lumingon sila sa likuran. May mga tama na ng baril ang likod ng sasakyan. Binilisan pa lalo ng lalaki ang pagpapatakbo. Kulang na lang ay umangat na ang sasakyan nila sa lupa.

Hindi na halos makahinga ang babae sa matinding takot na umaalipin sa buong pagkatao niya. Siya lang ang target ng mga ito ngunit pati ang lalaki ay nadamay na rin. Hindi niya kakayanin kung may mangyari ding masama rito.

Heto na nga ba ang kinatatakutan niya. Nagsimula na ang malaking delubyo sa buhay niya. Wala silang laban. Wala silang magawa kundi ang tumakas at tumakbo.

Sa kalagitnaan ng pagmamaneho, natanaw ng lalaki ang isang malaking truck na paparating. Sa sobrang laki nito ay wala na silang ibang madadaanan. Masyado nang masikip ang daan na tinatahak nila.

Dumagundong na ang dibdib ng babae. "H-hinde!"

Napasigaw na lamang sila nang dumire-diretso ang truck hanggang sa mabangga sila. Nakaladkad ang kanilang sasakyan at natilapon palayo.

Sa pagkakataong iyon ay huminto na rin ang sasakyan na sumusunod sa likuran nila. Bumaba ang dalawang lalaki mula roon at nilapitan ang kanilang sasakyan. May mga lalaki ring bumaba sa truck na kasabwat ng mga taong humahabol sa kanila.

Kinuha nila ang walang malay na babae at isinakay sa kabilang sasakyan. Nilapitan naman ng isa ang lalaking nasa loob at itinutok sa ulo nito ang baril.

ISANG sasakyan ang huminto sa harapan ni Felipe Iglesias. Awtomatikong tumabi sa kanya ang dalawang tauhan na kanina'y nasa likuran lamang niya.

Pusikit na ang dilim sa paligid. Ang lugar ay natatakpan ng naglalakihang mga puno at abandonadong mga gusali. Ang sasakyan lang ng panauhin ang tanging lumilikha ng ingay.

Si Felipe na ang lumapit dito hanggang sa magbukas ng bintana ang sasakyan. Bumungad sa kanya ang matabang lalaki na nakapormal na uniporme at ang mga papeles na nasa tabi nito. Ngumiti ito sa kanya at binuksan ang pinto.

"Buenas noches!" bati rito ni Felipe habang hawak ang kanyang baston.

"Buenas noches, senior! Pasensiya na kayo kung medyo natagalan ako. Alam mo naman… Kailangan kong mag-ingat…" Saka nagpakawala ng hinihingal na tawa ang lalaki na nagngangalang Pamelo Delos Santos.

"Buo na ba ang loob mo, Mr. Pamelo? Sigurado ka na bang pagkatapos nito ay magpapakalayo ka na? At hindi ka na babalik ng Pilipinas?" tanong niya rito saka gumanti ng ngiti na abot hanggang tainga.

Masiglang tumangu-tango ang lalaki. "Ang usapan ay usapan, Don Felipe. Wala akong ibang gagawin kundi ang gusto mo lamang mangyari," may pagmamalaking sagot nito.

Banayad na tumango ang matanda saka sinenyasan ang isa sa mga tauhan. Lumapit sa kanya ang tauhang si Jomar Lopez at inilabas ang dalawang money bag.

Kinuha niya ito saka iniabot kay Pamelo. "Puwede mong bilangin bago ka umalis, Mr. Pamelo," sabi pa niya rito at pinanood ang reaksyon ng lalaki.

Tuwang-tuwa ito. Halos maglaway sa dalawang bag na naglalaman ng bayad niya rito. Pagbukas nito sa dalawang money bag, halos lumuwa ang mga mata nito sa labis na tuwa. Humalakhak pa ito ng tawa.

"Muchas gracias, senior! Huwag kayong mag-alala. Hindi n'yo na ako makikitang muli. Safe na safe ang sikreto nating dalawa! Salamat din pala dito sa bigay mong sasakyan. Grabe ka, Don Felipe! May pera na, may sasakyan pa! Kulang na lang house and lot!" Saka ito humagikgik ng tawa.

"Dapat lang, Mr. Pamelo. Dinagdagan ko pa 'yan dahil maayos ang naging trabaho mo. Sa sobrang laki n'yan, hindi lang pamilya mo ang mabubuhay mo, pati na rin ang mga patay sa sementeryo…" Saka sila sabay na nagtawanan.

"Naku! Hindi ka nagkamali ng taong pinagkatiwalaan, Don Felipe! Marunong akong tumupad sa usapan. Hinding-hindi ka magsisisi sa akin!"

"Mabuti naman kung ganoon," matipid na sagot niya rito.

Agad ding natapos ang usapan nila. Hindi na nagtagal doon ang lalaki. Masaya itong nagpaalam sa kanila at isinara na ang pinto ng sasakyan. Kumaway pa siya rito habang isinasara naman nito ang bintana.

Pinagmasdan nina Felipe at ng kanyang mga tauhan ang papalayong sasakyan. Saka niya sinenyasan ang dalawa na umalis na sa lugar na iyon.

Habang naglalakad na sila palayo, isang pagsabog ang naganap sa likuran nila. Awtomatikong gumuhit ang mapanuksong ngiti sa mga labi ni Felipe. Hindi na niya nilingon ang nasusunog na sasakyan ni Pamelo. Kasamang natupok ng apoy ang lalaki sa loob pati ang pera nito.

Nakitawa na rin sa kanya ang dalawang tauhan. Patuloy lang silang naglalakad palayo at hindi alintana ang nasusunog na sasakyan.

"Kung hindi ako nagkamali sa kanya, sayang lang niya dahil siya ang nagkamali ng taong pinagkatiwalaan. Siya ngayon ang nagsisisi sa akin," natatawang sabi niya sa mga kasama. "Ipaligpit n'yo na agad 'yan. Kailangan wala na ang bakas niyan bago sumapit ang umaga," dagdag pa niya.

"Masusunod, Don Felipe!" sagot sa kanya ng isa pang tauhan na si Nemencio Bautista. Walang lingon-likod na nilisan na nila ang tahimik at masukal na lugar na iyon.

Masayang binati ni Felipe ang mga bisitang nagsisidatingan sa kanyang victory party. Ang venue nito ay nasa function hall din mismo ng kanilang mansyon.

Lahat ng makikita sa paligid ay magagarbo. Ang kulay naman na nangingibabaw ay asul. Ito ang political color na ginamit niya sa katatapos lang na eleksyon sa kanilang lugar.

Siya ang idineklarang bagong Governor ng Hermosa, ang probinsiyang kanilang nasasakupan. Hindi naman talaga siya ang nanalo. Pero dahil sa kapangyarihan at impluwensiya, nagawa nilang baguhin ang resulta ng eleksyon sa pamamagitan ng vote rigging.

Kasabwat nila ang ilan sa mga empleyado ng Electromatic, ang kumpanyang bumibilang sa boto ng taumbayan. Kabilang na nga rito si Pamelo Delos Santos, ang isa sa pinakamatagal na nagtrabaho sa kumpanya.

Bagamat pumayag ito na manipulahin ang eleksyon, wala pa rin siyang tiwala rito lalo na't dati itong kapanalig ng mga nakalaban niya noon sa mga nagdaang eleksyon na tumalo sa kanya. Iyon din ang dahilan kaya pinapatay niya ito sa pamamagitan ng pagtatanim ng bomba sa ibinigay niyang sasakyan dito.

Matagal nang may nagaganap na dayaan sa Electromatic. Kahit siya ay dalawang beses na ring natalo noon dahil din sa pandaraya ng ibang kandidato. Ngayon lang niya nakumbinsi si Pamelo na siya naman ang paburan.

BUHAY na buhay at nag-uumapaw sa enerhiya ang venue ng victory party. Lahat ay nagkakasiyahan. Mayroong malaking handaan, kantahan, sayawan, at munting mga programa bilang pasasalamat ni Felipe.

Kasama rin doon ang buo nitong pamilya na may kanya-kanya ring mundo sa mga oras na iyon. Ang asawa nitong si Imelda Iglesias ay abalang nakikipag-usap sa mga kakilala nitong bisita. Ang bunsong anak nitong si Maria Lucia Iglesias ay nasa banyo na naman at nagpapaganda. Habang ang middle child namang si Maria Elena Iglesias ay abalang ine-entertain ang iba pang mga bisita.

"Binabati ko kayong buong pamilya dahil sa pagkapanalo ng iyong ama," wika sa kanya ng isang business woman na isa rin sa mga sumusuporta sa kandidatura ni Felipe.

"Walang anuman po! Umasa po kayong gagawin ng aking ama ang lahat para mas mapabuti pa ang ating bayan," magalang na sagot naman dito ni Maria Elena. Marami pang lumapit sa kanya para maghatid ng pagbati.

Kay Felipe ang victory party na iyon pero siya ang nagiging center of attraction. Umaapaw kasi ang kagandahan ni Maria Elena sa suot niyang iyon na isang elegant blue dress na pinarisan ng kumikinang na mga jewelry. Ang buhok niya ay naka-victory rolls na isa sa mga usong hairstyle noong 1940s.

Vintage na vintage ang dating niya sa pormang iyon na bumagay naman sa kanya. Ang bata pa rin niyang tingnan kahit pangmatanda na sa panahon ngayon ang ayos niya. Dagdag pa ang busilak niyang puso na lalong nagpadagdag sa natatanging kagandahan niya.

Marami nga ang nagsasabi, parang reincarnation siya ng American actress na si Marilyn Monroe. Halos wala silang pinagkaiba sa porma, pananamit, at ayos ng buhok. Pareho rin silang maganda, mestiza at may taglay na kabutihang hindi mapantayan.

Marami rin sa mga bisita ang umusisa sa kanya tungkol dito. "Sa totoo lang po, hilig ko na talaga noon pa man ang mga vintage style gaya nito. At isa rin si Marilyn Monroe sa mga inspiration ko. So yes, I can say that I was heavily inspired by her!" may pagmamalaking wika niya sa mga ito.

Habang abala si Maria Elena sa pakikipag-usap sa mga bisita, nahagip ng mga mata niya sa di kalayuan ang isa sa mga maid nilang si Susan. Hinahagod-hagod nito ang dibdib at medyo namumutla ito.

Abala rin ito sa pagsi-serve ng mga drinks and beverages gaya ng ibang mga katulong. Ngunit bigla na lang nitong nabitiwan ang hawak na tray at nabasag sa sahig ang lahat ng mga baso. Napalingon ang lahat dito.

Agad naman itong ni-rescue ni Maria Elena. Nagpaalam siya sa mga bisita sa pinakamagalang na paraan saka nilapitan ang matanda.

"Aling Susan, ano po'ng nangyari?"

Mangiyak-ngiyak ang ale habang pinagmamasdan ang kapalpakang nagawa nito. Halos hindi ito makaharap sa mga bisita. Itinago nito ang mukha sa harapan niya.

"Pasensiya na po, Ma'am Elena. Sorry po talaga. Hindi ko po sinasadya. Medyo sumama lang po kasi pakiramdam ko."

Hinagod-hagod niya ang likod ng matanda at sinamahan itong makalabas ng venue. Humingi rin siya ng paumanhin sa mga bisita.

Hinatid niya ang ale sa kanilang balkonahe para makasagap ito ng sariwang hangin. Saktong-sakto at malakas ang ihip ng hangin sa mga sandaling iyon.

Pinaupo niya ito roon at pinainom ng tubig. "Kumusta po ang pakiramdam n'yo? Gusto n'yo bang dalhin ko kayo sa ospital?" tanong niya rito.

"Hindi na kailangan, Ma'am Elena. Kailangan ko lang po ng pahinga. Kaninang umaga pa po kasi kami nagtatrabaho. Medyo napagod lang po siguro ako kaya sumikip 'yung dibdib ko kanina at nahilo ko. Pasensiya na po talaga."

"Huwag mo nang isipin 'yun, Aling Susan. Walang may gusto sa nangyari. Ako na ang bahala sa `yo. Kakausapin ko na lang ang mga bisita mamaya para makalimutan din nila ang nangyari."

Biglang humawak sa mga kamay niya ang matanda. "Ma'am Elena, sana po huwag n'yo akong tanggalin. Parang awa n'yo na po. Ako lang po ang inaasahan ng dalawang anak ko ngayon na may sakit. Wala na po akong mapapasukang ibang trabaho kundi ito lang po. Huwag n'yo po sana ako sisisantihin…" Saka ito umiyak sa harapan niya.

Muling hinagod-hagod ni Maria Elena ang likod nito saka siya tumabi ng pag-upo rito. "Ano ka ba, Aling Susan. Hindi ka matatanggal! Walang matatanggal dito. Pamilya ka na rin namin. Ako na ang bahalang kakausap kina Mama at Papa mamaya. Hindi ka tatanggalin ng mga 'yon, okay? Huwag ka nang umiyak. Tahan na…"

"Salamat po, Ma'am Elena… Promise po pagbubutihan ko pa po sa susunod ang trabaho ko."

"No need, Aling Susan. Hindi mo na kailangang pagbutihan dahil simula pa man ay mahusay ka na talaga sa trabaho mo. Napagod ka lang talaga kaya nangyari iyon, lalo na't may edad na rin po kayo. Tao lang din tayo na marunong din mapagod. Huwag ka nang mag-isip, ha? Hindi ka namin tatanggalin."

Kahit may luha pang tumutulo sa mga mata ay napilitan nang ngumiti ang matanda. Hindi na ito nahiyang isandal ang ulo sa kanya. Sa lahat ng miyembro sa kanilang pamilya, sa kanya lang talaga ito pinakamalapit. Malaki rin kasi ang puso ni Maria Elena sa mga matatanda.

"Alam n'yo po, Ma'am Elena, kung hindi lang siguro lumaking special child ang dalawang anak ko, malamang kasing ganda rin nila kayo. Nalulungkot nga po ako dahil ganito ang sinapit ng buhay ko. Nabigyan nga ako ng mga anak, hindi naman sila makakilos at makapagsalita nang normal gaya natin. Kaya kahit malaki na sila, ako pa rin ang kumakayod para mabuhay sila. Lalo na't patay na rin ang asawa ko. Kahit matanda na ako, hindi ako puwedeng mawalan ng trabaho dahil kailangan pa nila ako."

Tahimik lang siyang nakikinig sa mga saloobin ng matanda. Patuloy niyang pinapagaan ang loob nito sa pamamagitan ng pag-akbay at paghagod sa likod.

"Nauunawaan ko ang kalagayan n'yo, Aling Susan. Kaya nga hindi ko hahayaan na mawalan kayo ng trabaho rito. Labis akong humahanga sa mga katulad ninyong hindi nagsasawang kumayod para sa kanilang pamilya. Huwag kayong mag-alala. Kakausapin ko si ama para magsagawa ng mga programa para sa karagdagang benefits ng senior citizen. Gusto ko lahat ng matatanda rito sa atin ay mabigyan din ng magandang buhay."

Lalong napaiyak ang matanda sa sinabi niya. Pero ang iyak nito ay nagpapahayag na ng kaligayahan at hindi kalungkutan. "Pagpalain kayo ng Panginoon, Ma'am Elena. Maraming salamat sa inyong pagmamalasakit. Araw-araw ko pong pagbubutihan ang aking trabaho rito."

"O, sige na. Magpahinga na muna kayo, Aling Susan. Malalim na pala ang gabi. Kailangan n'yo na ring matulog. Bukas huwag na muna kayo masyadong kumilos. You need a good rest, Aling Susan."

Pinunasan na ng matanda ang luha sa mga mata. "Salamat po talaga, Ma'am Elena!"

Tumayo na sila at hinatid na rin niya ito sa kuwarto ng mga katulong. Bago ito humiga ay pinainom na rin muna niya ito ng gamot. "Good night po, Aling Susan!" sambit niya saka pinatay ang ilaw ng silid. Mas gusto kasi ng matanda na walang ilaw para madali itong makatulog.

Nagbalik naman sa party si Maria Elena. Nakita niyang nagkakasiyahan na muli ang mga tao roon. Tila nakalimutan na nila ang nangyari kanina. Wala na rin ang mga kalat at nabasag na baso. Mukhang nailigpit na ito ng ibang mga katulong.

BUMALIK din sa loob ng venue si Maria Lucia na kagagaling lang sa banyo para mag-retouch ng makeup. Nadaanan nito si Maria Elena pero hindi niya ito pinansin kahit tinawag siya nito. Hindi naman kasi sila magkasundo.

Nilapitan niyang muli ang kasintahang si Nathan sa table nila sa bandang dulo. Medyo may kalayuan iyon sa mesa ng mga bisita. Sinadya nilang doon pumuwesto para magkaroon ng kaunting privacy. May sarili rin silang alak doon at ilang mga pagkain.

"Ba't ang tagal mo naman? Nakakalimang balik ka na sa banyo, ah," puna sa kanya ng lalaking naka-white tuxedo at nakataas ang ayos ng buhok.

Pinagmasdan muli ni Maria Lucia ang kaguwapuhan ng kasintahan. "Gusto ko lang maging maganda sa paningin mo, ano!"

"Para saan pa? Maganda ka na inside and out, Lucia. Hindi mo na kailangang gawin 'yan. Ikaw lang ang pinakamagandang babae sa paningin ko."

Natuwa siya. "Talaga?" Saka niya inilapit ang mukha rito. Pinagpatuloy nilang muli ang pag-inom ng wine. Siya na ang naglagay ng alak sa baso nito.

Nagtagpo muli ang mga mata nila habang magkalapit ang mukha. Isang linggo pa lang ang lumipas mula nang sagutin niya ang lalaki. Halos limang buwan din itong nanligaw sa kanya. Nagkakilala sila sa isang cooking show sa TV kung saan naging guest siya.

Isa si Nathan Gonzales sa mga executive producer ng programang iyon. Nabighani ang lalaki sa kanyang ganda at husay sa pagluluto kaya gumawa ito ng paraan upang magkalapit sila.

Hindi rin naman siya nagsisi sa pagtanggap niya rito para maging kabahagi ng kanyang puso dahil bukod sa gentleman ito ay pareho rin silang nagmula sa mayamang pamilya. They are both financially stable.

"Sa Sabado pala uuwi na si ate rito. Sana makadalaw ka uli. Isasama kita sa pagsundo sa kanya sa airport. Excited na akong ipakilala ka!" panimula niya, tinutukoy ang panganay nilang kapatid na si Maria Isabel Iglesias na nasa ibang bansa.

"Sure 'yan, siyempre! Excited na rin akong ma-meet ang ate mo. Balita ko mataas daw ang standard n'on! Sana magustuhan niya ako para sa `yo," tumatawang sagot ng lalaki.

"At bakit naman hindi? Kung kina mama at papa nga, pasado ka na, sa kanya pa kaya? Saka alam mo may balak ako, eh! Gusto kong magpakitang gilas din tayo sa kanila. Alam mo kasi sina ate at 'yung boyfriend niya ngayon sobrang sweet! Perfect couple! Pareho silang tinitingala ng marami! Kaya dapat lang na hindi tayo magpahuli sa kanila."

"Leave it to me! Hinding-hindi kita ipapahiya sa ate mo. I will be your best boyfriend! Sinisigurado ko sa `yo na maipagmamalaki mo ako kahit kanino." Saka siya nito hinalikan sa noo.

Natuwa naman siya at kinurot ang dimples nito. Patuloy silang gumagawa ng sariling mundo roon habang nagkakasiyahan ang lahat sa victory party.

Di nagtagal, nagsilabasan na rin sa langit ang mga fireworks na sumisimbolo ng pekeng tagumpay ni Felipe Iglesias.

TO BE CONTINUED…