webnovel

Mahal Kita, Severino

Magkaibang pamumuhay Magkaibang pamilyang pinanggalingan. Langit, lupa kung ihahalintulad Pag-iibigang susubukin at pagtitibayin Pag-iibigang iikot sa dalawang panahon. Sa mapait at mapaglarong mundo, ganito ang mararanasan ni Emilia at Severino, dalawang taong magmamahalan ngunit maituturing na sa maling panahon ipinagtagpo. Mapipigilan ba ng panahon ang kanilang pag-iibigan o mas lalo lang nito pagtitibayin ang sinisigaw ng kanilang mga puso? "Naniniwala akong isinusulat ng tadhana ang ating pag-iibigan tulad ng aking paniniwala na tayo'y magkikita at magsasamang muli sa kabilang buhay." -Emilia "Sa panahon na iyon, pareho na nating makakamtan ang inaasam nating walang hanggan na kaligayahan. Ikaw at ako sa panibagong panahon. Ikaw at ako hanggang sa kabilang mundo." -Severino I love you Series 1~ Date started: June 13, 2020

hazel_partosa · History
Not enough ratings
41 Chs

Kabanata 4 ✓

"Higpitan mo pa, Emilia."

"Mahigpit na ho, Ginoong Severino." Halos liparin na ng hangin ang aking buhok sa bilis ng kanyang pangangabayo.

"Hindi ko pa nararamdaman ang iyong yakap. Niloloko mo lamang siguro ako, e." Kung mabilis na ang kanyang pangangabayo, mas doble naman ngayon kaya't ako'y napakapit sa kanya nang mas mahigpit pa. "Ayan, nararamdaman ko na hahaha."

Ako siguro ang kanyang niloloko, e. Bakit ba niya nais na yumakap ako sa kanya ng sobrang higpit? Batid naman niyang bawal ito. Kung sino pa talaga ang anak ng gobernadorcillo, siya pa ang hindi sumusunod sa batas at sumasalungat sa ipinagbabawal.

Pabalik kami sa bayan ng Las Fuentas upang puntahan daw ang kanyang malapit na kaibigan. Kami ay hihingi ng tulong sa kanila upang makapasok  sa San Diego. Hindi ko batid kung ano ang kanyang plano. Hindi rin naman niya ito sinasabi sa akin. Hahayaan ko na lamang siya basta siguruhin niyang kami ay hindi mapapahamak.

Mayamaya pa'y tumigil siya sa isang maliit na barong-barong at makikita ang dalawang manok na nakatali sa gilid. Nauna siyang bumaba at inilahad ang kanang kamay sa akin na aking ikinataka. "Ikaw ay aking aalalayan. Akin na ang iyong kamay."

Ako'y umiling. "Hindi na po kailangan, Ginoo. Kaya ko naman ang aking sarili." Ako'y dahan-dahang bumaba habang mahigpit na humahawak sa tali ng kabayo. Napakagat ako sa labi ng biglang gumalaw ang kabayo. "Simon, huwag kang malikot." Balak pa siguro akong ipahamak nitong kabayo ng aking amo.

"Tutulungan na kita. Ikaw ay nahihirapan na." Naramdaman kong lumapit siya sa akin at hinawakan ang aking baywang.

"H-Huy b-bakit mo ako h-hinahawakan?" Ako'y nataranta sa pagdampi ng kanyang mainit na palad sa aking katawan kaya nawalan ako ng balanse ngunit nasalo niya rin ako.

Nagtama ang aming mga mata habang nakapulupot sa aking baywang ang kanyang mga braso at nasa leeg naman niya ang aking mga kamay. Ramdam ko ang bilis na pagtibok ng aking puso at lalim ng aking paghinga. Nawa'y hindi niya mapansin ang kabang idinudulot niya sa akin.

"Ginoong Severino?"

Napalaki ang aking mga mata nang marinig ko ang isang malalim na boses na hindi pamilyar sa akin. "G-Ginoo, a-ang iyong b-braso."

Marahil siya ay nataranta rin tulad ko kaya ako'y kanyang nabitawan at bumagsak ang aking salumpuwit sa lupa. "E-Emilia." Mahina ang kanyang boses at hindi malaman kung ako ba ay kanyang aalalayan o hindi.

Tumayo ako at pinagpagan ang aking sarili. Pambihira kung alam ko lamang na ako'y kanyang bibitiwan, sana ay kumapit na lamang ako nang mas mahigpit.

"Ginoo, ano po ang inyong sadya? Bakit po kayo naparito?" rinig kong tanong ng isang lalaki kaya ako'y napalingon sa kanya.

Siya'y nakasuot ng puting manggas at pulang pang-ibaba. Medyo magulo ang kanyang buhok at sakto lamang ang laki ng katawan. Pahaba ang mukha, sakto lamang ang laki ng mga mata, tangos ng ilong, makapal na kaunti ang labi at may kaputian ang balat. Siya'y maliit nang kaunti kay Ginoong Severino na ngayo'y nakaharap na sa kanya. Medyo pahaba ang kanyang mukha at makikita ang peklat sa kaliwang pisngi. Dahil sa kanyang peklat, siya'y nagmumukhang rebelde.

"Pasok po muna kayo," paanyaya niya. Lumingon siya sa akin at ako'y nginitian. "Binibini, pasensyahan mo na lamang po ang aming maliit na barong-barong ngunit maaliwalas naman sa loob."

"Ayos lang," tanging sagot ko at sumunod na lamang sa kanila.

"Ginoo!" masiglang bati ng isang payat at kayumangging babae habang nagpupunas ng kanyang kamay sa laylayan ng kanyang saya. "Bakit ka naparito? Kailan ka pa dumating?"

Siya'y ngumiti nang matamis. "Noong ika-uno lamang nitong buwan. Hihingi sana kami ng tulong sa inyong mag-asawa lalo na sa iyo, Maria."

Mag-asawa? Oo nga pala, ngayon ko lamang naisip muli. Nagsasama nga lang pala ang isang babae at lalaki kung sila ay magkaisang-dibdib na. Ano ka ba naman, Emilia.

"Kumain na ho ba kayo? Ipaghahain ko lamang ka--." Hindi na natuloy pa ng babae ang nang putulin iyon ni Ginoo.

"Tapos na kami kumain. Huwag na kayong mag-abala pa." Siya'y umupo sa kahoy na upuan at maayos pang nakasandal. Tumingin siya sa akin at inalok ako. "Upo ka rin, Emilia."

Sa kanyang inaasal, nagmumukhang pamamahay niya ito. Hindi na ako umangal pa at sumunod na rin. Napayuko pa ako ng kaunti nang magtama ang mga mata namin ng mag-asawang abala sa kakatingin sa amin.

Dahil sa magaslaw na galaw ni Ginoong Severino, ako'y napalingon sa kanyang muli. Hindi na siya nakasandal sa upuan at ipinakilala ako sa mag-asawa. "Emilia, sila nga pala sina Samuel at Maria Ignacio. Matagal ko ng kaibigan at malapit din sa akin." Lumingon naman siya sa mag-asawa. "Si Emilia nga pala, aking nobya."

"Anong nobya?" kunot-noong tanong ko sa kanya na kanyang ikinatawa. Ako'y lumingon sa mag-asawa at umiling. "Huwag po kayong maniwala sa kanya. Mahilig lamang siyang magbiro. Ako po'y naninilbihan sa kanila."

"Akala namin totoo na. Magpapakain na sana ako ngayon. Kakatayin ko na sana ang aking manok para sa pagdiriwang," natatawang tugon ni Samuel at umakbay pa sa kanyang asawa na ngayo'y nakangiti at magka-krus ang braso sa dibdib.

"Maniniwala na sana ako, Ginoo" sabay halakhak ni Maria. Kita ang kanyang ngipin at ako'y kinindatan pa.

"Batid niyo naman kung sino ang tinitibok ng aking puso ngunit kung nais ni Emilia bakit hindi?" nakangiting wika niya at pagkuwa'y tumingin sa akin at kinindatan din ako.

Hindi na. Doon ka na lamang sa Floriana mo. Hindi naman tumitibok ang puso ko sa iyo.

"Bueno, maaari ba kaming makahiram ng iilang kasuotan at hingin ang iyong serbisyo, Maria? Ako'y handang magbayad kahit magkano."

Nagkatinginan ang mag-asawa na may nakaukit na pagtatanong sa kanilang mga mukha. "Ano iyon?"

****

"Napakaganda mo, Emilia! Hindi na kita makilala!" Halos mapunit na ang labi ni Maria sa kakangiti mula ng ako'y kanyang ayusan. "Tiyak akong magugustuhan ito ni Ginoong Severino! Ang galing ko talaga!"

Pinagmasdan ko ang aking sarili sa bilog na salamin. Tama siya. Maging ako ay hindi ko na rin makilala ang aking sarili sapagkat nakakulubot ang aking balat, maputi ang aking buhok, may malaki pang salamin sa aking mata, kinulayan kaunti ang aking labi at maiksi ngunit pinakulot ang aking buhok. Nakasuot ako ngayon ng isang baro't saya na pinaghalong pula at kahel (orange) ang kulay. Kasingkulay ng langit dahil sa papalubog na buwan.

Ito ang plano na ipinaliwanag ni Ginoong Severino kanina lamang. Kailangan daw naming mag-anyo bilang matanda upang makapasok sa sa bayan ng San Diego.

Kami ay may nakausap na isang binibini na taga-San Diego at kanyang sinabi na mga dayong matatanda lamang muna ang pinapahintulang makapasok upang bisitahin ang kamag-anak o pamilya. Hindi na nagtanong pa si Ginoong Severino kung bakit matatanda lamang ang pinapapasok. Marahil ay may nangyaring hindi maganda at nagdodoble-ingat lamang sila.

"Labas na tayo. Sabik na akong makita ang kanyang reaksyon sa iyong bagong anyo!" Nanumbalik ang aking ulirat nang hilain niya ako patayo at sandaling inayos ang aking buhok bago kami tuluyang lumabas. Ako'y napapaisip kung kaedad ko lamang ba siya o mas matanda siya sa akin. Parang wala siyang asawa sa kanyang kinikilos. Siya'y punong-puno ng enerhiya. Kasalungat sa aking ugali. "Ay sandali. Mali mali." Hinila niya ako pabalik ng silid. "Ako muna ang lalabas at ikaw ay aking ipapakilala sa kanila."

Napabuntong-hininga na lamang ako sa kanyang nais gawin. Hindi ba maaaring lumabas na lamang ng wala ng seremonya? Ako'y nangangati sa koloreteng inilagay niya sa aking mukha. Hindi ako sanay sa ganitong palamuti. Kung si Georgina ay marahil tuwang-tuwa pa iyon. Ipinagtataka ko rin dahil marami-rami ang kanilang magagarang baro't saya at barong tagalog na pagmamay-ari. Saan kaya nila ito naibili?

"Mga nagkikisigang ginoo," panimula niya. "Nais kong ipakita sa inyo ang pagbabagong-anyo ni Emilia na tiyak akong ikagugulat ninyo. Narito na siya, si Emilia!"

Napasimangot na lamang ako sandali at inayos ang aking baro't saya. Dahan-dahan akong humakbang papalabas ng silid habang nakayuko. Ayaw kong makita ang kanilang reaksyon. Tiyak akong tatawanan lamang ako ni Ginoong Severino. Pilyo pa naman iyon.

"Bakit ka nakayuko, Emilia? Paano namin makikita ang iyong mukha?" rinig kong tanong niya nang natatawa.

Hindi na lamang ako kumibo at dahan-dahang iniangat ang aking mukha. Saktong nagtama ang aming mga mata. Biglang pumintig ng malakas ang aking puso ng makita ang kabuuan niyang pagbabagong-anyo. Tulad ko, halos hindi ko na rin siya makilala.

Siya'y nakatayo, nakasuot ng barong tagalog. Nakakulubot din ang balat, may hawak na tungkod at may itim na sobrero. Mukha siyang matandang taga-Europa.

"O hindi ba? Halos hindi na kayo makikilala ng ibang tao."

"Grabe ngayon lamang ako nakakita ng dalawang matandang nagkatitigan. Marahil sa gulat o dahil iba na? Ano sa tingin mo, Maria?"

"Sa tingin ko, ibang dahilan na. Hahaha."

Hindi ko kaya ang kanyang mga titig kaya't ako na mismo ang unang bumitiw. Tila ako'y napapaso, nagiging malalim ang aking paghinga. Magpapasama ako kay Delilah sa bahay-pagamutan pagkauwi namin. Marahil ako ay may sakit na sa puso. Hindi naman ito nangyayari sa akin noon.

"Hindi kita nakilala, Emilia. Maganda ka pala kapag ikaw ay tumanda na." Unti-unting sumilay ang matamis niyang ngiti. "Ako'y maswerte na nakita ko ang iyong itsura sa ganitong pagkakataon. Baka dumating ang araw na hindi ko na masaksihan na kumulubot ang iyong balat kasabay ng pagputi ng iyong buhok."

Hindi ko batid kung siya ba'y nagpapaalam o nagbibiro. Aaminin ko nakaramdam ng kaunting pagkirot ang aking puso sa kanyang huling tinuran. Seryoso ba siya? Tila siya ay nagpapaalam na ngunit ang kanyang magandang ngiti ay iba ang sinasabi.

Sa oras na ito, unti-unti ring gumuhit ang ngiti sa aking labi kaya ako'y yumuko upang hindi niya mapansin. Hindi ko batid kung bakit sa simpleng ngiti lamang niya, nagawa niya akong pangitiin.

"Maraming salamat, Maria. Heto tanggapin ninyo ang aking bayad," rinig kong wika niya kaya't ako'y napatingin. Siya'y nakaharap na sa mag-asawa sabay abot ng pera.

"Huwag na po, Ginoong Severino. Libre na lamang ito. Huwag niyo ho sanang makalimutan na kami ay inyo ng tinulungan ng maraming beses. Malaki ho ang utang na loob namin sa inyo. Hindi naman kami magkakaroon ng magagandang kasuotan kung hindi dahil sa inyo." ngiting tugon ni Maria at napahawak ba sa tiyan ng kanyang asawa ng siya'y akbayan nito.

Nang dahil sa kanya? Pakiwari ko'y si Ginoong Severino ang nagbigay ng ganitong kasuotan. Kaya pala ang dami roon sa kanilang malaking aparador.

"Ganoon ba? O sige ngunit sa susunod na ako'y hihingi ng tulong sa inyo. Hindi ko na ito papalagpasin pa." Ngayon ko lamang napagtanto, kahit na siya'y matanda ngayon hindi pa rin nawawala ang kanyang magandang ngiti noong kabataan niya. Marahil ang ngiti ng isang tao ang hinding-hindi magbago lumipas man ang maraming taon.

Napaiwas agad ako ng tingin nang mahuli niyang nakatitig ako sa kanya.

Nakakahiya. Baka isipin niyang ako'y nagagawapuhan sa kanya.

"Tayo na, Emilia. Maraming salamat sa inyo. Kukunin at ihahatid ko na lamang sa susunod na araw ang mga kasuotang naiwan at ipinahiram niyo sa amin."

"Sige ho, Ginoo, mag-iingat po kayo ni Emilia. Umuwi ng buo, ha?" pabirong tugon ni Samuel at tumawa naman ang kanyang maybahay.

"Nawa'y maging matagumpay ang inyong misyon, Ginoong Severino. Balik kayong muli rito kung kayo ay may libreng oras upang makapagkwentuhan tayo," wika naman ng isa. Napunta sa akin ang kanyang mga titig at tinaas-baba ang kanyang kilay nang nakangiti. "Huwag mong kalilimutang sabihin sa akin kung kailan gaganapin ang inyong pag-iisang dibdib, ha?"

Ha? Kumunot na lamang ang aking noo sa kanyang tinuran ngunit hindi na ako nagtanong pa.

Hinatid kami ng mag-asawa sa labas ng kanilang bahay hanggang sa tuluyan na kaming makaalis.

"Dahan-dahan lamang po, Ginoo. Masisira ang ating itsura." Ang bilis niyang magpatakbo. Mabuti sana kung hindi kami naglagay ng palamuti sa mukha. Pakiramdam ko ay nalulusaw ang nilagay sa akin ni Maria. Ako'y pinagpapawisan na dahil sa sikat ng araw na tumatama sa aking mukha.

"Marikit ka pa rin naman, Emilia." Iyan na naman siya sa kanyang mabubulaklak na salita. Marahil, nakuha niya ang loob ni Floriana dahil dito.

Hindi na ako kumibo at pinagmasdan na lamang muli ang paligid. Ngayon ko lamang napagtanto, kahit dalawang taon na ako rito sa bayan ng Las Fuentas marami pa rin pala akong hindi nakikitang lugar na magaganda tulad nitong gubat. Ngayon ko lamang ito nakita at nalamang may iba pa palang daan patungo sa kalapit-bayan.

"Narito na tayo." Ako'y napalingon sa kanya nang siya'y magsalita. "Dito na lamang muna natin iwan si Simon. Hindi siya maaaring makita ng mga guardia sibil."

"Bakit po?"

Siya'y lumingon sa akin. "Hindi mo ba napansin kanina? Ang lahat ng mga pumapasok sa bayan ay walang dalang kabayo. Sila'y magtatanong kung bakit tayo'y may dala maaaring mabisto rin tayo."

Ganoon ba? Bakit hindi ko man lang napansin kanina? Tulad kanina, nauna siyang bumaba at inilahad ang palad sa akin upang alalayan ako. Hindi na ako tumanggi pa. Maaaring mahulog na naman akong muli sa paglilikot ni Simon kung ako'y hindi sumang-ayon.

"Simon, huwag na huwag kang aalis rito, ha?" wika niya habang tinatali ang kabayo sa puno. "Babalikan ka namin dito mamaya. Hintayin mo kami." Hinaplos-haplos pa niya ito sa ulo at hinagkan.

Sandaling nag-ingay ang kabayo habang nakatingin sa kanya. Marahil sila ay nagkakaintindihan.

"Hali na, Emilia." Nauna siyang maglakad at nagmamasid pa sa paligid habang nilalaro sa kanyang kanang kamay ang tungkod.

"Wala bang dumadaan dito na guradia sibil?" mahinang tanong ko ngunit sapat na upang marinig niya

"Sekretong daan nga, hindi ba? Kung may makakaalam man nito, iyon ay hindi mga banyaga." Tumigil siya sa paglalakad at humarap sa akin. "Alam mo na ang iyong gagawin mamaya hindi ba?"

Ako'y tumango. Nais ko sanang tumutol ngunit pinanlakihan niya ako ng mga mata. Ano ba ang aking magagawa?

****

*Ubo*

Hinagod-hagod niya ang aking likod habang tinatakpan ko ang aking bibig gamit ang isang bimpo dahil sa aking pag-ubo.

"Amor, estas bien? (Love, are you okay?)" tanong niya sa akin kaya ako ay napatingin sa kanya.

Siya rin ay lumingon sa mga guardia sibil na nagbabantay ngayon dito sa bungad ng bayan. "Señor, por favor déjenos entrar. Mi esposa está enferma y necesita ver a nuestro hijo de inmediato. (Sir, please let us in. My wife is ill and needs to see our son immediately.)"

Naiintindihan ko ang kanyang sinasabi kahit sa lenggwaheng Espanyol pa dahil ito ay ipinaliwanag na niya sa akin kanina habang kami ay naglalakad papunta rito.

Ako'y umubong muli nang may papikit-pikit pa ng mga mata para ipakita na ako'y nahihirapan. "M-Mahal." Bahagya kong ipinakita ang bimpo na may bahid ng dugo sa aking butihing asawa na may panlalaki ng mga mata. Sinugatan pa niya ang kanyang daliri para lamang dito sa aming pagpapanggap.

"Mahal!" Napalaki rin ang kanyang mga mata at natataranta. Kung hindi lamang ito parte ng plano, aking iisipin na siya'y tunay na nag-aalala para sa akin. Hindi malaman ang unang gagawin kung ako ba'y bubuhatin patungo sa bahay-pagamutan o didiretso sa bayan. "Señor, ¿no puede ver la grave condición de mi esposa? Ella necesita ver a nuestro hijo que es estudiante de medicina. Por supuesto, nuestro hijo puede curarla. Incluso vinimos de Manila para visitar a nuestro hijo. (Sir, can't you see my wife's severe condition? She needs to see our son who is a medical student. Of course, our son can heal her. We even came from Manila to visit our son.)"

"Pero él todavía es un estudiante. No puede curarla. (But he's still a student. He cannot cure her)," saad naman ng guardia sibil na kanina pa sa amin nakatingin ng seryoso. Kung kaya ko lamang pagbuhatan ng kamay itong apat na guardia sibil na naririto ngayon marahil ay kanina ko pa nagawa. Ako'y nakakaramdam na ng inis sa kanila.

Hindi ba nakakadala ng damdamin ang aming pag-arte ni Ginoong Severino? Tila ba'y walang nangyayari ni hindi sila naaawa sa aming kalagayan. Kanina pa ako hirap na hirap dito sa pag-ubo. Kaunti na lamang at maaaring magkatotoo na ang aking pagpapanggap. Kanina pa nangangati ang aking lalamunan dahil pinipilit ko ring umubo nang malakas upang mas kapani-paniwala. Sumulyap pa sa akin saglit si Ginoong Severino at hindi nakaligtas sa kanyang mga mata ang inis sa aking mukha.

"Ginoo," bulong ko nang mag-usap ang mga guardia sibil. "Hindi naman siguro sila naniniwala sa atin. Umalis na lamang tayo. Nagsasayang lamang tayo ng pagod." Ako'y umubo at hinagod-hagod ang aking lalamunan. Mayamaya pa, naipagdikit ko ang aking mga braso sa dibdib at wala ng buhay ang aking mga mata dahil sa matinding inis. "Nangangati na ang aking lalamunan, Ginoo. Tila ako'y  magkakaubo na nang tuluyan. Wala bang tubig na maiinom?"

"Huwag kang maingay, Emilia. Huwag kang magsungit. Iisipin nilang ikaw ay nagpapanggap lamang. Umubo ka na lamang muli."

Ako'y napairap na kanyang nakita. Nais ko sanang kausapin ang mga ito ngunit hindi maaari. Umubo akong muli upang makuha ang atensyon ng mga ito. Ako'y nagsimulang sumenyas ng kung ano-ano para ipakitang ako'y mayroong sinasabi. Ito ang aking kondisyon bukod sa pagkakaroon ng matinding ubo, ako ay isang pipi na aking tinutulan ngunit ipinilit kanyang ipinilit.

Hindi ko na batid ang aking isinesenyas ngunit nais kong tumawa nang malakas ng makita ang pagtataka sa mukha ng apat.

"Señor, mi esposa dice que anhela y quiere ver a nuestro hijo. Por favor señor, déjenos entrar n --- (Sir, my wife says she yearns and wants to see our son. Please sir, let us in n---)" Hindi na natapos pa ni Ginoong Severino ang kanyang gawa-gawang kwento ng biglang nagsalita ang isa pang guardia sibil.

"Está bien, puedes irte. (Okay, okay you can go.)" Siya'y sumenyas na kami ay papasukin na.

"Aahh ahhh ahhhh," wika ko habang sumesenyas ng pasasalamat. Ako'y yumuko pa upang magbigay pugay. Ako'y natatawa. Ito ang kauna-unahang beses na ginawa ko ito upang linlangin ang ibang tao. Salamat, Ginoo, ikaw lamang nakakapagpagawa nito sa akin. Takot ko lamang sa iyo.

Tumango na lamang ang guardia sibil at hinayaan na kaming makapasok ng tuluyan. Dahan-dahan naman niya akong inalalayan sa paglalakad hanggang sa makalayo na kami sa apat na nagbabantay.

Kami ay lumiko pakaliwa nang kami ay makakita ng mga halaman at doon na siya nagsisigaw habang wala pang ibang tao. "Hooh! Tagumpay ang plano! Ang galing mo, Emilia!" Agad niya akong niyakap iniangat at pinaikot-ikot pa sa ere. "Muchas gracias, Emilia. (Thank you so much, Emilia.)"

Ako'y nanigas at napatulala habang pinapakiramdam ang init ng yakap niya sa akin. Tulad kanina, biglang pumitik ang aking puso na tila ba'y nag-uunahan sa pagtakbo. Ito ang kauna-unahang beses na may yumakap sa akin na lalaki bukod kay Ama. "A,e, G-Ginoo."

"A, paumanhin" sabay baba niya sa akin. Ngumiti pa siya nang marahan at napahawak pa sa kanyang batok. "P-Paumanhin ako'y nadala lamang sa sobrang saya. Maraming s-salamat muli. Hali na, maghanap na tayo." Siya'y tumalikod at nauna ng maglakad.

****

"Ngayon lamang ako nakakita ng ganito kagandang hardin sa buong buhay ko, Emilia," sambit niya nang nakaawang ang bibig habang nakatanaw sa kapaligiran. "Tiyak akong magugustuhan niya ito. Ako'y nasasabik na siya'y makauwi na rito." Abot hanggang mata ang kanyang galak dahil sa hardin ng rosas na aming nakita rito sa bayan ng San Diego na matatagpuan dito Barrio Masilang.

Mula nang kami ay mapadpad dito, hindi ko maalis ang aking mga paningin sa kanya dahil sa kanyang pagkamangha. Kitang-kita rin ang tunay na saya sa kanyang mga mata.

Sandali kong tiningnan ang buong paligid. Maging ako ay namangha nang makita ito ng aking dalawang mata. Maaari na itong ituring na isang napakagandang paraiso isabay pa ang kulay kahel na langit at malakas na hangin na nagpapasayaw sa mga bulaklak at nagpapalipad sa aming buhok. Ako'y napatingin sa kanya nang mapansin kong siya'y lumapit at tumitig sa akin.

"Maraming salamat, Emilia. Kung hindi dahil sa iyo ay hindi magiging posible ito. Maraming salamat sa pagtitiyaga kahit ikaw ay maraming ginagawa." Isang napakalaking ngiti ang kanyang iginawad sa akin na mas lalong nagpakulubot sa kanyang balat.

Bakit ganito? Bakit ako nakakaramdam ng kaba sa tuwing siya ay tumitingin at ngumingiti sa akin? Tanging kami lamang dalawa ang nandito sa paraisong ito habang napapaligiran ng libo-libong rosas. Hindi ko lubos maisip na kami ay magkasama ngayon habang nakatingin sa isa't isa.

Siya'y pumitas ng isang bulaklak at inilagay sa aking kanang tainga. "Hindi ko lubos maisip na napakaganda ng aking maybahay kahit maputi na ang kanyang buhok at hirap ng maglakad." Siya'y bahagyang natawa kasabay ng malakas na ihip ng hangin at direktang tama ng papalubog na araw sa aming mukha. "Huwag mong aalisin itong bulaklak, ha? Maligaya akong unti-unti na kitang nakikilala, Doña Emilia La Fuerte."

Doña Emilia La Fuerte. Ito ang pangalan na aking gamit bilang kanyang nagpapanggap na asawa. Kung kanina ay hindi na maawat ang pagbilis ng tibok aking puso dahil sa labis na kaba, ngayon nama'y mas dumoble ito na nagpapasikip sa aking dibdib at pagbitiw ng malalalim na hininga.

"Binabati kita sa matagumpay mong plano, Ginoo," wika ko upang maiba ang usapan. Mabuti na lamang ko'y hindi nautal kahit nag-iiba ang aking pakiramdam. Hindi ko kinakaya ang init ng kanyang mga titig. Ako'y nahihirapang huminga. Bakit ganito? Wala naman akong sakit sa puso.

"Mabuti na lamang at umayon lahat. Ngayon lang din ako gumamit ng ibang pangalan." Siya'y tumawa nang malakas.

Don Severino La Fuerte.

"Mabuti na lamang at magaling kang umarte. Napaniwala mo sila."

"Huwag mong kalilimutan ang iyong partisipasyon. Hindi ito magiging matagumpay kung wala ka, Binibining Emilia."

Hindi ko na maintindihan ang nangyayari sa akin. Maging pang pagbanggit niya sa aking pangalan ay naghatid ng kuryente sa aking katawan. Napatingin na lamang ako sa kalangitan. Mas mainam nang ganito upang hindi niya mapansin na may kakaiba ng nangyayari sa akin.

Nabalot kami ng katahimikan. Tanging huni ng ibon at galaw ng hangin ang siyang aming naririnig. Unti-unti na ring lumilitaw ang bilog buwan. Ako'y sandaling napahawak sa rosas na nakaipit sa aking tainga. Kinapa-kapa ko ang kabuuan nito.

Ngayon lamang may nagbigay sa akin ng bulaklak at sa hindi inaasahang tao pa--- si Ginoong Severino na siyang dahilan ng madalas kong pagkaba.

"Uwi na tayo, Emilia. Tayo ay magagabihan sa daan," pagbasag niya sa katahimikan.

Ako ay tumalima at hinayaan siyang manguna sa daan. Tulad kanina, nagpanggap kaming muli bilang mag-asawa hanggang sa tuluyan na naming matanaw si Simon. Mabuti na lamang at sobrang liwanag ng buwan. Nakikita pa rin namin ang daan kahit madilim na. Ako'y kanyang inalalayan umakyat nang may biglang sumigaw.

"¡Oye! (Hey!)"

"¡Mierda! (Shit!)," sigaw ni Ginoong Severino na nagpakaba sa akin hindi dahil sa kanyang ngiti ngunit dahil sa kanyang pagkabigla. "Kumapit ka nang mahigpit, Emilia!" Walang pasintabi niyang pinatakbo ng malakas si Simon habang ako naman ay lihim na nananalangin at sumusulyap sa aking likuran.

Sino ba kase ang sumigaw bakit gano'n na lamang ang kanyang reaksyon? Guardia sibil kaya?

"¡Detener! (Stop!)" muling sigaw ng isang lalaki.

Rinig na rinig ko ang tunog ng paa ng tumatakbong kabayo sa aking likuran.

"¡O les dispararé a los dos! (Or I'll shoot you both!)"

Guardia sibil nga. "Paano tayo nahuli ng guardia sibil, Ginoo?" Hindi ko maitatago sa aking boses ang aking takot na baka kami ay mahuli at patayin. Delikado itong aming ginawa lalo na't kami ay nasa ibang bayan.

"Hindi ko batid, Emilia. Marahil sila ay nagpapatrol at tayo'y nakita. Kumapit ka nang mabuti. Mas lalo ko pang bibilisan." Halos sumigaw na siya para lamang marinig ko. "Simon, heeyaahh!" Mas lalo pang binilisan ni Simon.

Hindi ko na alam kung nasaan na kami basta ang tanging nalalaman ko ay patuloy pa rin kaming hinahabol ng guardia sibil. Hindi ko rin batid kung ilan sila pero sa dami ng bilang ng paa ng kabayo sa aking likuran, marahil ay tatlo o apat sila.

"¡Persíganos, idiotas! ¡Jajaja! (Chase us, you idiots! Hahaha!)" huling sigaw niya na sinabayan pa ng malakas na pagtawa. Hindi ko maintindihan ang kanyang sinabi ngunit natitiyak kong siya ay nanunukso base sa kanyang pagtawa.

Dahil sa sobrang bilis ng kanyang pagtatakbo, nagawa naming kumanan at magtago sa isang madilim na parte nitong gubat habang ang apat na guardia sibil ay dire-diretso lamang kaya't kami ay nalagpasan.

"A...yos ba ang a...ting paglalakbay, Emilia?" humahangos na tanong niya.

Hindi ko gaanong makita ang kanyang mukha dahil wala man lang kahit kaunting liwanag dito ngunit nasisiguro kong siya'y nakatingin sa akin. "Anong maayos roon? Unang beses ko ito, Ginoo. Pilyo ka talaga." Sinamaan ko siya ng tingin sandali at pumikit upang makapagpahinga. Hindi ko inaasahan na magiging ganito ang takbo ng aking araw ngayon. Ang daming nangyari. Nang dahil sa kanya kaya lahat ng ito ay aking naranasan.

"Nawa'y nasiyahan ka sa ating paglalakbay." Dumampi sa aking balat ang kanyang mainit na hininga na nagpatayo sa aking balahibo at nagpatigil saglit sa aking paghinga. "Nawa'y naging masaya ka rin na ako'y kasama mo ngayon, Emilia."

Ako'y napalingon sa kanya at sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagtama ang dulo ng aming ilong kasabay ng pagtama ng aming dalawang mata. Hindi ko batid kung ako ba'y nasiyahan dahil isa lamang ang aking nasisiguro. Labis na kaba ang idinulot mo sa akin ngayon, Ginoong Severino.

****

Nabalot ng katahimikan dito sa kusina nang kami ay magtipon-tipon matapos ang aming sari-sariling gawain.

"Hindi ko batid kung bakit si Georgina ang napili ng mga guadia sibil," tugon ni Corazon nang nanunubig ang mga mata.

"Kahit naman na siya ang aking karibal kay Ginoong Severino, hindi pa rin matanggap ng aking puso ang kanyang sinapit," wika naman ni Magdalena at napahawak pa sa kanyang bibig upang pigilan ang paghikbi.

Nang kami ay makauwi ni Ginoong Severino mula sa bayan ng San Diego, ito ang bumungad sa amin. Isang masamang balita na walang kasiguraduhan kung siya ba'y magiging ligtas sa kamay ng heneral na iyon.

"Nawa'y maging maayos ang kanyang buhay roon sa loob ng pamamahay ng heneral," mahinang sambit ni Merlita at nag-alay ng dasal.

"Ate," pagtawag sa akin ni Delilah kaya ako'y napatingin sa kanya. "Kumusta na kaya si Ate Georgina? Nawa'y maging maayos ang kanyang lagay roon. Nawa'y maawa sa kanya ang heneral." Siya'y napayuko at namula ang mga mata. Maging siya ay naaapektuhan sa kanyang pag-alis dahil sa dalawang taon namin dito, sila ay malapit na rin sa isa't isa. Hindi rin naman sila nagkakalayo ng ugali.

Hinaplos ko ang kanyang buhok upang pagaanin ang kanyang loob. "Nakakasiguro akong magiging maayos siya." Bakit kase sa dinami-rami na maaari nilang kunin si Georgina pa? Gawain talaga ng mga Espanyol ang magpahirap ng mga tao.

"Mabuti nga at maaaring umuwi rito si Georgina rito tuwing katapusan ng buwan upang bisitahin ang kanyang ina. Ako ay lubos na nagpapasalamat kay Don Faustino dahil nakiusap siya sa mga guardia sibil. Kung hindi niya ginamit ang kanyang kapangyarihan, nakatitiyak akong hindi na makakauwing buhay rito ang ating kaibigan," sagot muli ni Corazon.

Sandaling nabalot muli ng katahimikan ang paligid. Kitang-kita ang lungkot at sakit sa mukha ng bawat isa. Rinig na rinig din ang malalalim na hininga na sumasabay sa patay-sinding lampara dulot ng malakas na hangin na tumatagos sa maliit na bintana. Lumalalim na rin ang gabi.

Ako'y napatingin sa liham na iniabot sa akin kanina lamang ni Magdalena pagkarating ko na bigay ni Georgina. Ayaw ko mang basahin ngunit may nagtutulak sa akin na buksan ito.

Mahal kong Emilia,

Ako sana ay iyong mapatawad kung ako ay magpapaalam sa iyo gamit na lamang ang isang liham. Ayaw kong lumisan dito sa hacienda ng hindi nagpapaalam sa iyo dahil sa inyong lahat, ikaw ang aking itinuturing na matalik na kaibigan kahit hindi kaibigan ang tingin mo sa akin. Masaya na ako sa dalawang taon nating pagsasama kahit kaunti lamang ang ating napagsamahan. Hindi ko batid kung kailan ako tatagal sa mansion ni Heneral Cinco ngunit aking hinihiling na sana'y maging maayos ang aking buhay roon. Hindi ko rin alam kung bakit ako ang kinuhang tagapagsilbi para sa walang pusong heneral na iyon, e, marami namang kababaihan diyan. Marahil sila ay nagandahan sa akin. Haha. Bueno, magkita na lamang tayo tuwing katapusan ng buwan dahil ako ay pinayagan na umuwi rito upang kayo ay aking makasama. Isang araw lamang sa isang buwan akong makakauwi kaya't huwag mo na akong susungitan. Mag-iingat ka riyan. Alagaan mo si Ginoong Severino para sa akin at bantayan mo siyang mabuti. Maraming nahuhumaling sa kanya kaya't bakuran mo para sa akin, Emilia. Huwag mo rin siyang aawayin at susungitan baka mahulog ang loob mo sa kanya at maging karibal pa kita. Haha. Bueno, mag-iingat kayo palagi ni Delilah. Babalitaan kita sa aking sasapitin dito kapag ako'y uuwi na riyan.

Nagmamahal,

Georgina

Ano ba ang sinasabi ni Georgina? Kinuha na nga siya ng mga guardia sibil nagawa pa niyang magloko sa liham. Ibang klaseng babae talaga. Magiging tagapag-alaga siya ng heneral na iyon. Cinco pala ang pangalan. Nawa'y tratuhin niyang mabuti si Georgina ngunit mukhang hindi magiging ganoon ang mangyayari. Siya ay isang heneral. Malupit at mabagsik. Ngayon pa lamang, ako ay kinakabahan na sa maaari niyang sapitin.

"Ano pang ginagawa niyo riyan? Magpahinga na kayo." Dumating si Ginang Josefa na namamaga ang mga mata. "Magsitulog na kayo. Marami pa kayong gagawin bukas."

Agad kong tinago ang sulat at inipit sa aking braso. Tinitigan kong mabuti ang mayordoma na ngayo'y nakabalot ng balabal at nakalugay ang mahaba at maputing buhok. Bukod sa namamaga ang kanyang mga mata, nangingitim din ito. Mula siguro ng kunin nila si Georgina ay wala ng tigil ang kanyang pag-iyak.

"Opo, Ginang Josefa." Nagsitayuan na ang aking mga kasama at nakayukong nagtungo sa kanilang silid.

Hawak-hawak ko ang kamay ni Delilah nang ako'y tawagin ni Ginang Josefa.

"Emilia, mula bukas ikaw na ang magiging personal na tagapag-alaga ni Ginoong Severino bilang kapalit ni Georgina. Magpahinga na kayo ni Delilah."

Ako'y napakapit ng mahigpit sa kamay ng aking kapatid nang maproseso sa aking isipan ang sinabi ng mayordoma. Bakit ako pa ang napili? Hindi man lamang ako kinausap o tinanong patungkol dito. Ngunit ano ang aking magagawa kung ito na ang pasya ng mayordoma?

"Ate, bakit? May problema ba? Mahigpit ang iyong pagkakahawak sa akin," rinig kong tanong ni Delilah kaya ako'y napalingon sa kanya.

"Wala iyon. Hali na." Ayos lamang sa akin ang trabaho ngunit mula nang makaramdam ako ng kaba sa tuwing kasama si Ginoong Severino, iyon ay akin ng pinoproblema. Magpatingin na kaya ako sa doktor? "Marahil ako ay may sakit sa puso, Delilah."

"Ha? Bakit po? Masakit po ba ang dibdib mo, Ate Emilia? Bakit hindi po tayo humingi ng tulong kay Ginoong Severino? Hindi po ba siya ay nag-aaral ng medisina?"

"A-Ano?" Siya nga ang dahilan ng aking kaba tapos sa kanya ako hihingi ng tulong?

----------------------Abril 15, 1895----------------

Anim na araw na ang nakalilipas mula nang ako ay maging tagapag-alaga ni Ginoong Severino at sa anim na araw na iyon ay napatunayan ko lamang na ako nga ay may sakit sa puso. Maging si Don Faustino ay sinasabihan na akong magpatingin sa doktor. Handa raw siyang magbayad masiguro lamang ang aking kalusugan.

"Magpatingin ka na, Ate. Hindi natin malalaman ang katotohanan kung iyan ay hindi mo ipapagamot." Kanina pa ako pinipilit ni Delilah na magtungo sa bahay-pagamutan.

Nandito kami sa aming silid, tanaw ang asul na kalangitan at sikat ng araw. Hapon na ngayon at ako ay kasalukuyang nakahiga at nagpapalakas. Dala na rin marahil ng pagod kaninang umaga, ako ay nawalan ng ulirat habang nagtatrabaho. Mahaba pala ang aking naitulog ngunit sumasakit ang aking ulo.

Magsasalita na sana muli si Delilah nang may kumatok. "Emilia."

Napalaki ang aking mga mata nang mapagtantong si Señor Severino iyon.

"Bubuksan ko lamang ang pint---"

"Huwag!" malakas na sigaw ko na nagpagulat sa kanya.

"Ba-Bakit po?"

"Emilia? Buksan mo itong pinto. Susuriin ko ang iyong kalagayan."

Agad na nagtungo si Delilah sa pintuan at siya ay pinagbuksan. "Mabuti na lamang po at gagamutin po ninyo si Ate. Matigas po ang kanyang ulo, Ginoo. Ayaw pong magtungo sa bahay-pagamutan." Tila siya ay nagsusumbong at sinabayan pa ng senyas ng kamay.

Napailing na lamang siya na may hawak na isang inumin at may isang bagay na nakapulupot sa kanyang leeg sabay lapit sa akin. "Maging ang iyong kapatid ay natitigasan sa iyong ulo, Emilia." Kinapa niya ang aking leeg at sinuri kung ako ba'y nilalagnat na siyang nagpapabilis muli ng aking puso na nagpapahirap sa aking paghinga "Maayos na ba ang iyong pakiramdam? Mabuti na lamang at wala kang lagnat."

Tila umurong ang aking dila. Wala ni isang salita ang lumalabas sa aking bibig. Napipi na rin ba ako?

"Sinabi ko naman sa iyo na ikaw rin ay magpahinga. Masiyado mo siguro ibinabad ang iyong sarili sa trabaho. Maaaring iyan ay sanhi ng labis na pagkapagod at kulang sa wastong pahinga. Bilang isang manggagamot sa hinaharap, ikaw ay aking pinapayuhan na magpahinga." Iniabot niya sa akin ang inumin. "Ito ay salabat. Makakatulong ito upang mapabuti ang iyong pakiramdam."

"Paano ang kanyang dinaramdam sa puso, Ginoong Severino? Gagamutin mo rin po ba iyon?"

"De-Delilah, a-ayos na ang aking pakiramdam," sambit ko sa biglaan niyang pagtanong. Bakit ba ako nauutal? Iisipin niya na masama pa rin ang aking pakiramdam.

Kinuha niya ang bagay sa kanyang leeg, ipinasok niya sa kanyang magkabilang tainga ang dulo nito at inilapat sa aking dibdib ang malaking bilog. Hindi ko alam ang tawag sa bagay na iyon ngunit ito ay ginagamit ng mga doktor.

Tiningnan ko ang kanyang galaw. Palipat-lipat niyang inilalagay sa aking dibdib ang bilog na kanyang ginagamit ngayon. Kumukunot ang kanyang noo sabayan pa ng pagkaseryoso ng mukha.

Mayamaya pa'y itinanggal niya sa kanyang tainga ito at nagsalita. "Malakas nga ang tibok ng iyong puso, Emilia. Ikaw ba'y nakakaramdam ng hirap sa paghinga minsan?"

Hindi lamang minsan, Ginoo. Ito ay napapadalas na. "Hindi naman po." Batid kong mali ang magsinungaling subalit ayaw kong ipaalam sa kanya na ako nga'y nahihirapang huminga.

"Ikaw ba ay sigurado? Base sa lakas ng tibok ng iyong puso, maaaring mahirapan kang huminga at mapunta pa sa komplikasyon. Kakausapin ko si Ama at sasabihin ko sa kanya na dalhin ka na sa bahay-pagamutan upang masiguro natin ang iyong kaligtasan. Hindi kita matutulungan sapagkat hindi pa ako isang ganap na doktor."

"Huwag na po. Magpapahinga na lamang po akong muli," tugon ko. Saktong naubos ko na ang salabat kaya'y ako ay humigang muli. "Salamat po."

"Ang tigas talaga ng iyong ulo, Emilia. Ano na lamang kaya ang aking gagawin sa iyo upang ikaw ay pumayag?" Siya ay napamulsa habang nakatitig sa akin. Bakas sa kanyang mga mata ang pag-aalala. Nagawa pa niya akong paghandaan ng salabat gayong siya dapat ang aking inaalagaan dahil siya ang aking pinagsisisihan.

"Pilitin mo po, Ginoong Severino. Tiyak akong papayag din iyan si Ate Emilia kung iyong pipilitin," lintanya naman ng aking kapatid.

Humarap siya sa aking kapatid. "Hindi ko na batid ang aking gagawin sa katigasan ng ulo ng iyong ate, Delilah. Hindi bale, gagawin ko ang lahat upang siya ay ipasuri sa doktor." Ngumiti siya at inilagay ang kanyang kamay sa ibabaw ng ulo nito at muling humarap sa akin sabay ngumiti. "Magpalakas ka, Emilia. Hindi buo ang araw ko kung hindi ko nakikita ang iyong kasungitan." Hinintay kong siya ay tumawa ngunit mas lalo lamang lumapad ang ngiti sa kanyang labi. "Hindi biro iyon. Marahil ay iniisip mong biro iyon ngunit hindi. Magpagaling ka."

Naiwan akong mag-isa rito ng siya'y ihatid ni Delilah sa labas at paghandaan ng makakakain. Paano ba ako gagaling nito kung siya ang dahilan kung bakit nangyayari ito? Ang gulo. Ako'y naguguluhan. Nawa'y bukas wala na ito.

-----------

🤵👩‍💼

<3 ~