"LOTTIE!!" sigaw ni Ate Carmen. Bigla akong napabangon sa kama tumingin sa alarm clock. Alas nueve nang umaga? Teka holliday ngayon kaya walang pasok ano kayang problema ni Ate?
"Ate? Bakit ano'ng problema mo?" inaantok kong tanong.
"Mag-ayos ka, madali! Siguraduhin mong presentable ang katawang kong 'yan ngayong araw!!" natataranta niyang utos sa akin.
Hindi ko maintindihan kung ano'ng mayroon ngayong araw. Nasa katawan ako ni Ate ngayon, alternate nga kasi kaming nagpapalit ng kaluluwa tuwing gabi.
"Ate, ano ba kasing mayroon ngayong araw? Sabihin mo na!" pagpupumilit ko.
Hindi ako umalis sa kinatatayuan ko hanggat hindi niya sinasabi kung ano'ng mayroon. Mayamaya'y biglang tumunog ang doorbell sa labas. Sumilip si Ate sa bintana, ang tanging suot lang niya ay 'yung pajama at sando ko pantulog.
"Nandiyan na siya! Bilis maligo ka na, kuskusin mong mabuti 'yang katawan ko!! Maligo ka ng pabango at—magbihis ka ng maganda!!" lalo pa siyang nataranta.
"S-Sino siya? May bisita ka ba ngayon, Ate?" nagtataka kong tanong.
Seryosong humarap sa akin si Ate Carmen. Huminga nang malalim saka nagsalita. "Makinig ka, ang lalaking nasa tapat ng pinto natin ngayon ay walang iba kundi si Mr. Alejandro Valdez. Ngayon, wala tayong ibang gagawin kundi ang magpanggap at siguraduhing hindi niya malalaman ang sekreto nating dalawa!"
Si Mr. Valdez, narito ngayong sa bahay namin? Pati tuloy ako nataranta sa narinig ko. Agad akong tumango at nagtungo sa banyo. Si Ate nama'y nagbihis ng damit saka hinarap ang bisita sa labas. Matapos kong maligo, magbihis agad akong nagtungo sa salas upang harapin si Mr. Valdez.
"S-Sir, welcome po!" magalang kong bati sa kanya.
Nangisi siya't bahagyang natawa sa harap ko. "Ms Carmen Montreal? Parang ibang tao ka na naman ngayon. Well, napansin ko naman iyan sa opisina, siguro may dual personality ka," nangingisi niyang sabi.
Bigla tuloy akong kinabahan, nanlalamig ang mga kamay ko't hindi makatingin sa kanya nang tuwid. Napansin ko si ate nagmamatyag sa kusina habang pinagtitimpla ng juice ang bisita. Pasulyap-sulyap siya sa amin, siguradong pinapakinggan din niya ang pinag-uusapan namin ni Mr. Valdez.
"Ah, Sir a-ano po bang maipaglilingkod ko sa inyo? Bakit po kayo narito ngayon?" nahihiya kong tanong sa kanya.
Bigla siyang nagtaka, dumating si Ate bit-bit ang isang pitsel ng juice at dalawang baso.
"Sir, juice po muna kayo." Sinalinan ko siya ng juice sa baso saka inabot ito sa kanya.
"Hindi mo alam? Hindi ba't kahapon lang kita sinabihan na darating ako ngayon upang pag-usapan natin ang isang bagay?"
A-Ano kaya iyon? Walang nasabi sa akin si Ate tungkol sa kahit ano. Napansin ko si Ate, namumula ang buong mukha. Nakakubli sa likod ng sofa kung nasaan si Mr. Valdez nakaupo. Nagkatinginan kaming dalawa ni Ate nagkasenyasan ang aming mga mata. Ano'ng isasagot ko? Hindi ko alam ang pinag-usapan nila. Iniling ni Ate ang ulo niya na parang sinasabi niya na… hindi? Huwag? Ayaw niya?
"Huh? Nasa likod ko pala ang kapatid mo, nakakatuwa naman. Ano'ng grade na pala niya?" Bigla siyang napansin ni Mr. Valdez.
Napatayo si Ate, parang robot na naglakad papunta sa likod ko.
"Ah, eh, g-grade 10 na po siya," pautal kong sagot.
Napansin ko ang kakaibang titig ni Mr. Valdez kay ate. "Alam mo, parang ramdam ko sa 'yo ang awra nitong si Carmen, ewan ko, siguro dahil sa magkapatid kayong dalawa?" may pagtataka sa pananalita ni Mr. Valdez.
Napansin kong kakaiba rin ang kilos ni Mr. Valdez, hindi siya 'yung seryosong lalaking humaharap sa mga tao sa opisina. Mas magaan ang presensya niya ngayon. Malinis at maayos ang porma at ang gwapo talaga niya sa mata.
"Hohoho! Kayo talaga kuya! Ang dami n'yong nalalaman." Kinuha ni Ate 'yong basong may lamang juice saka ininom.
"Okay lang ba sa 'yo hija kung maging girlfriend ko itong Ate Carmen mo?"
Nang marinig ni ate ang sinabi ni Mr. Valdez, biglang siyang naubo't nabilaukan saka naibuga ang iniinom na juice sa buhok ko, may kasama pang laway.
"A-Ate?!" bigla kong sigaw.
"Huh? Ate? Hindi ba't nakababatang kapatid mo siya. Carmen?" nagtatakang tanong ni Mr. Valdez.
Bigla akong napatayo sa kinauupuan ko, pasiglang sumagot si Ate Carmen. "S-sorry, ate!" niyakap ako ni Ate saka bumulong, "Gumawa ka ng palusot…"
"O-Oo, tama! Ate mo ako kaya—p-punasan mo 'tong itinapon mong juice!" palusot ko.
Mas lalong hinigpitan ni ate ang pagkakayakap sa akin, muli siyang bumulong. "Ano man ang mangyari, huwag na huwag kang sasagot ng Oo, natintindihan mo… Ate?"
Tumango ako bilang pagsang-ayon sa binulong niya. Nagtungo siya sa kusina upang kumuha ng basahan. Nakatitig sa akin si Mr. Valdez, siguro'y nawiwirduhan sa aming dalawa.
"Uhm… pasensya na po," paumanhin ko.
"Anyway, tulad ng sinabi ko sa 'yo kahapon gusto kita, Carmen. Ang sabi mo kung mapupuntahan kita dito sa bahay mo, bibigyan mo ako nang sagot kung papayag kang makipag-date sa akin. Nandito na ako! So, ano'ng sagot mo?" deretso at seryoso ang tono ng tanong ni Mr. Valdez.
Napaka-straight niyang lalaki, deretsahan kung magtanong walang preno. Natulala ako't hindi makaimik, nagtapat si Mr. Valdez kay Ate? Parang hindi ako makapaniwala. Pumunta pa talaga siya dito upang malaman ang sagot ni ate. H-hindi ko alam ang isasagot kinakabahan ako. Ang sabi ni ate, huwag daw akong sasagot ng 'Oo' ibig sabihin, ayaw niya kay Mr. Valdez? Pero bakit? Si Mr. Valdez: gwapo, matangkad, mayaman, matalino, makisig at higit sa lahat…
"Manloloko!"
"Charlotte?!" bulalas ko nang biglang sumingit si Ate sa usapan namin.
"Paki ulit nga, hija?" seryosong tanong ni Mr. Valdez.
"Oo, manloloko ka! Sinabi sa akin ng ate ko. My girlfriend ka na! nahuli niya kayong magkasama sa mall, magka-holding hands tapos ang sweet pa niyang ngumiti sa 'yo!" Nakapamewang na saad ni ate sa harap ni Mr. Valdez.
"A-Ano?" nagtatakang nakatingin sa akin si Mr. Valdez.
Sandaling natahimik ang paligid, ramdam ko ang tensyon sa pagitan nilang dalawa. Hindi ko alam may ganito pa lang kaganapan sa pagitan nila ni Ate. Tumayo si Mr. Valdez, inayos ang gusot sa polo niya. Sayang ang porma ni sir, ang gwapo pa naman niya sa: short sleeve polo, maong pants at pangloob na white t-shirt.
"Ms. Carmen, hindi ko alam kinukwentuhan mo pala ang kapatid mo ng mga kasinungalingan." Nakatitig siya sa akin pakiramdam ko pinagbibintangan niya ako kahit hindi ako ang nagsabi no'n. Nakaramdam ako ng lungkot, mukhang sensero naman si Mr. Valdez kay ate. Hindi ako makaimik, hindi ko alam ang isasagot sa kanya. Nang muling magsalita si Ate, humarang sa gitna namin ni Mr. Valdez.
"Hindi nagsasabi ng kasinungalingan ang kapatid ko! Ang mabuti pa umalis ka na!" mariing pahayag ni ate. Nahiya ako nang makit ko ang sarili kong nagsasalita ng gano'n. Nayuko na lamang ako't hinayaan si Mr. Valdez lumabas ng pinto. Hindi ko siya nagawang tingnan sa mata. Nanatili akong tahimik, gano'n din si Ate.
Nang gabing iyon, kapwa tahimik kami ni ate. Walang may gustong magsalita, nang biglang tumunog ang doorbell sa labas, agad kong sinilip mula sa bintana kung sino ang tao sa gate. Nang makita ko ang lalaking nakatayo sa harap, agad akong lumabas at pinagbuksan siya ng gate.
"Ikaw pala, Ervine."
"Magandang gabi Charlotte," naiilang niyang bati.
Malugod kong pinatuloy sa loob ng bahay si Ervine. Pinaupo sa hapagkainan kasalo namin ni Ate Carmen.
"Anong ginagawa ng bubwit na 'yan dito?" masungit na tanong ni Ate.
Hindi naman nagpatalo si Ervine, kanyang nginisian ang masungit kong kapatid. "Tsk! Kakaiba talaga pag nasa katawan ka ni Charlotte, tapos magsusungit ka nang ganyan, hindi bagay."
"Ikaw bubwit ka!!" inis ni Ate Carmen.
Hindi talaga sila magkasundo, ayaw ni ate kay Ervine, gano'n din si Ervine, hindi niya gusto ang ugali ng Ate ko.
"Kumain na muna tayo, saka mo sabihin ang pakay mo, Ervine." Pinutol ko ang pagtatalo nila't sinimulan namin kumain ng hapunan.
Noong gabing sumugod kami ni Ate sa Baclaran, si Ervine ang lalaking nakatayo sa likod namin ni ate. Hindi ako makapaniwala noong una, siya ang nagbigkas ng orasyon upang bumukas ang mahiwagang pinto. Isa siyang apprentice ni Switch, ulilang lubos si Ervine. Iniwan siya noong sanggol pa lang sa bangketa. Natagpuan siya ni Switch, siya ang tumayong magulang nito mula noon. Tinuruan ni Switch si Ervine ng magic spells, gumawa ng magic potion at marami pang iba. Wala na raw siyang balak makilala ang tunay niyang mga magulang, masaya na siyang kapiling si Switch ang tumatayong magulang niya.
"Salamat sa masarap na hapunan. Masarap ang luto mo, Charlotte," nahihiyang nagpasalamat si Ervine.
"Nakakatuwa nalaman mong ako ang nagluto ng mga pagkain," nahihiya ko ring sagot.
Nagkahiyaan kaming dalawa't pasulyap-sulyap sa isa't isa. Alam ni Ervine ang tungkol sa sumpang ginawa sa amin ni Switch. Noong araw na nagtungo kami sa mahiwagang tahanan nila halos hindi makapaniwala si Ate Carmen.
Gumagalaw kasi ang mga kasangkapan nila sa mahiwagang tahanan na iyon. May malaking cauldron at samot-saring sangkap na wala sa mundong ito. Tapos may alaga silang pusang itim, si Misha. Makaluma ang desenyo ng loob, gawa sa kahoy at puno ng mahika ang paligid, sadyang nakakamangha ang tahanan nila.
"Ba't nangingiti-ngiti ka diyan, Lottie?" biglang tanong ni ate.
"Pasensya na, may naalala lang ako." Mahinhin kong hinawi ang buhok ko muling napangiti.
"Huwag ka nang magpa-cute sa bubwit na 'to!" naiiritang sita ni Ate Carmen.
Tumayo ako't niligpit ang pinagkainan namin pinaupo ko si Ervine sa salas kasama si ate.
"Sus, baka naman may tinatago kayong dalawa? Binabalaan kitang bubwit ka!" pasungit niyang sabi kay Ervine.
"A-ate naman!!" saway ko kay ate.
Pakatapos kong maghugas ng pinggan, pinahayag ni Ervine ang tunay niyang pakay kaya siya napadaan sa bahay.
"Heto, kunin n'yo!" aniya.
Inabot niya sa amin ang dalawang kwintas. Hugis puso at gawa sa kristal, may maliit na bato sa taas, baba at magkabilang gilid.
"Para saan ang kwintas na 'to?" masungit na tanong ni Ate.
"Mahiwagang kwintas 'yan, liliwanag iyan at magiging kulay pula kapag nakaramdam kayo ng tunay na pag-ibig. Iyan ang magsasabi sa inyo kung ang nadarama ninyo ay tunay o hindi. Nagiging itim naman ang kulay n'yan sa tuwing makakaramdam kayo ng negatibong emosyon, tulad ng pagseselos, galit o sakit. Ang tawag diyan ay 'Crystal of Truth'."
"Ang galing naman. Pero, pa'no kung mali ang ibigay nitong sign?" tanong ko.
Tumayo si Ervine saka seryosong sumagot. "Gaya nga ng tawag dito, katotohanan nang tunay mong nararamadam ang lilitaw sa liwanag nito. Hindi ito pumapalya!"
Kinuha namin ni Ate Carmen ang Crystal of Truth, saka sinuot. Kumikinang ang kristal, balot ng mahika ang kwintas. Tumayo si ate mula sa sofa.
"Ang daming kalokohan ng Switch na 'yan! Hindi na lang kasi kami ibalik sa dati, dami pangka-ekekan!!" inis na nag-walk out si ate.
Hindi niya gusto ang mga ganito, masyadong komplikado. Nakalimutan na naman niyang dahil sa masamang ugali niya kaya kami sinumpa.
"Pasensya ka na sa ate ko, mainit ang ulo niya simula kaninang umaga," paumanhin ko kay Ervine.
"Wala iyon, ganyan naman siya kahit sa school. Tuwing nasa katawan mo siya, ang kilos niya'y magaslaw hindi kaaya-aya para sa isang babae. Hindi ko talaga gusto ang mga babaeng maaarte!" pagdidiin niya.
Naalala ko tuloy si Luke, nagustuhan niya ang ugali ni Ate sa katawan ko. Samantalang si Ervine, hindi. Minsan talaga iba-iba ang gusto ng mga tao. Ako kaya? Ano nga ba ang gusto ko sa isang lalaki? Tulad nga kaya ni Luke? O tulad ni Ervine?
"Hoy! Tulala ka na naman?" Tapik niya sa balikat ko.
"S-sorry, ganito talaga ako… pasensya na," nahihiya kong paumanhin kay Ervine.
Hinatid ko siya sa labas ng gate, malalim na ang gabi dumaan pa talaga siya rito para ibigay sa amin itong kwintas.
"Salamat dito sa binigay mo."
"Wala iyon, sana'y makatulong iyan. Ang totoo ako talaga ang gumawa ng kwintas na iyan. Sinunod ko ang tinuro ni mamita, lahat ng mahiwagang sangkap ginamit ko para likhain 'yan," paliwanag niya.
"Hindi ko alam kung bakit mo ginagawa ang kabutihang ito sa amin pero, maraming salamat talaga!"
Nginitian ko siya habang tahimik lang siyang nakapamulsa, sumenyas siya't tuluyan nang umuwi. Naiwan akong nakatayo at pinagmamasdan ang paglalakad niya palayo.