Magkayakap silang dalawa na nakahiga sa patag na parte sa taas ng puno at iniinda ang lamig ng gabi. Nararamdaman niya ang tumutubong balbas na dumidikit sa hubad na balikat ni Cyan.
"Ano ba, Red, nakikiliti ako!" reklamo nito.
Tumawa siya dito. "Bakit hindi ka tinutubuan ng buhok sa mukha?" wika niya sabay hawak sa mukha ng kasintahan.
"Nasa genes namin walang facial at pubic hairs." Tanging sagot nito.
Hinigpitan niya ang yakap dito. Bawat gabing magkatabi sila ay nakapulupot ang mga braso ni Red buong magdamag sa kasintahan. Nararamdaman niyang secure ang kaniyang minamahal tuwing ginagawa niya iyun. At sa paggising niya, si Cyan naman ang yumayakap sa kaniya.
"Paano kung umabot tayo dito ng isang taon?" biglaang tanong niya. I
"Eh ano naman kung umabot tayo ng isang taon dito?" balik tanong naman nito.
"Wala lang, naisip ko lang. Kung aabot tayo ng isang taon dito sa isla, edi hahaba na din itong balbas ko." Wika pa niya.
"Ano namang problema 'dun?"
Pinaharap niya si Cyan sa kaniya. Madilim man, pero nakikita niya ang pigura nito sa tulong ng sinag ng buwan. "Okay lang sa'yo kahit mag mukha akong si Santa Claus na may mahabang bigote?"
Cyan chuckled. "Of course!"
"Bakit ka tumatawa?"
"Na-iimagine ko lang. Oo nga noh, ano kaya ang itsura mo 1 year from now?" natatawang wika nito.
"Pogi." Mabilis niyang banat.
"Aba, oo naman!" sagot niya dito. Hinalikan siya ni Red sa noo.
Ikiniskis naman ni Red ng madiin ang kaniyang baba noo nito dahilan para umiwas ito nang todo at tawang tawa sa ginagawa niya. Ang boses ni Cyan sa sobrang pagtawa ay umaalingawngaw sa buong isla.
Kapwa sila hinihingal nang tumigil si Red sa pagkiliti kay Cyan. Natigilan silang dalawa nang biglang gumalaw ang punong hinihigaan nila. Nagkatinginan silang dalawa at nakiramdam.
Narinig nila ang ingay at pagliparan ng mga ibon. Mas lumakas pa ang paggalaw ng puno. Nagtaasan ang balahibo sa braso at batok ni Cyan sa sobrang takot.
"Lumilindol ba?" tanong niya sa kasintahan habang nakayakap sa sobrang takot.
Nagsimulang mahulog ang mga malilit na sanga at dahon ng punong iyon. Hindi nakasagot si Red sa tanong nito, ang tanging nagawa niya ay higpitan ang yakap sa kay Cyan.
Mabilis ang tibok ng puso Red at Cyan ng mga oras na iyon. Alam nilang pareho na kapag lumilindol, lalo na sa isang isla na napapalibutan ng tubig, ay may kasunod na tsunami.
"Anong nangyayari?" pasigaw na tanong ni Cyan nang maramamdaman nilang pareho na gumagalaw pababa ang punong kinatatayuan nila na tila ba nilalamon ito ng lupa pababa. Nakapikit silang pareho at magkayakap. Gumalaw bigla ang puno na tila bumagsak patayo. Naging kalma ang lahat ng ilang sandali.
Tumutulo ang luha sa mga mata ni Cyan. Naalala niya ang nangyari noong sumabog ang cruise ship na sinasakyan nila. Hindi niya alam ang gagawin nang mga panahong iyon. Galing siya sa pagkakatulog nang marinig ang malakas na pagsabog at sigawan ng mga tao sa paligid.
Nang makita ang pasilyo ay umuusok na ito. Magisa siyang tumakbo palabas ng cabin. Mabilis ang mga pangyayari, nakita niya ang mga taong nagpapanic at isa isang nagsitalunan. Wala siyang nagawa kundi tumalon na rin.
Pagbasak niya sa tubig iginalaw niya ang kaniyang mga biyas at kamay para umahon sa tubig. Umiyak man siya, walang sinuman ang makakatulong sa kaniya kundi ang sarili niya. Kinalma niya ang sarili at doon napansin niyang lumulutang na nga siya. Ipinagpatuloy niya iyun hanggang sa sumakit ang kaniyang mga kamay sa kakalangoy. Naisipan niyang magpalutang muna sa sobrang pagod, hanggang sa nagising siya na nasa isang isla na siya kasama ang lalaking ngayon ay yakap yakap siya.
"Titignan ko muna kung anong nagyayari." Kalmadong wika ni Red. Tumango lang si Cyan at sinubukang pakalmahin ang sarili. Bumitaw si Red sa pagkakayakap at tumayo.
Biglang gumalaw puno. Napasigaw ulit si Cyan sa sobrang gulat at sa pagkakataong ito, bumuhos na ang luha sa kaniyang mga mata. Gumagalaw pababa ang puno—o mas mabuting sabihing lumulubog ang isla.
"Red, 'wag dito ka lang. 'Wag kang humiwalay sa akin!" tangis ni Cyan. Naaninag niya ang pigura ni Red na nakatayo at tila binabalanse ang sarili sa gitna nang paggalaw ng isla.
Agad itong gumalaw papunta sa kaniya at agad siyang niyakap. "Lumulubog ang isla," wika nito.
"Mabuti na lang at nasa taas tayo ng puno." Turan ni Cyan sa gitna ng pag-iyak. Hindi nila alam pareho kung ano ang susunod na gagawin. Nasa gitnang bahagi sila ng puno, sa pagkakataong ito ligtas pa sila, pero paano kung tuluyang lumubog ang buong isla kasama ang punong tinutuluyan nila?
"Cy, 'wag kang bumitaw sa akin." Nanginginig man pero nilakasan niya ang loob para sa kasintahan.
"Red…natatakot ako." Bumagsak ang balikat ni Cyan sa kasulukuyang estado nila. Paanong ang kastilyong itinayo nila ay lalamunin na lang karagatan? Ito na nga ba ang huli sa kanilang dalawa?
Naramadaman nilang dalawa ang malamig na tubig na gumuhit sa kanilang mga talampakan. Napatayo silang dalawa nang makitang umabot na sa parteng iyun ng puno ang tubig. Naaninag din nila na lumubog na sa tubig ang mga katabi nitong punong kahoy.
"Akyat." Malakas na pagkakasabi ni Red. Napatingin si Cyan sa kasintahan.
"Ano?"
"Umakyat ka, aalalayan kita." Biglang humawak si Red sa kaniyang bewang dahilan para hindi na siya makaalma pa. Itinulak siya nito pataas sa isang sanga. Pinilit ni Cyan na yakapin ang sangang iyun para makaakyat siya. Nasa pwetan na niya ang mga kamay ni Red at patuloy siya nitong ginagagabayan paakyat.
"Paano ka?" tanong niya dito. Pinipigal niyang maiyak sa kasulukuyan nilang estado.
"Susunod ako. Bilisan mong umakyat!" utos nito sa kaniya. "Wag na wag kang titingin dito sa baba, nagkakaintindihan ba tayo?"
Hindi na siya sumagot at pinilit ang sarili na makaakyat.
Umabot naman sa bewang ni Red ang tubig. Mahina na ang paglubog ng isla pero patuloy parin sa pagtaas ang tubig. Natatakot siya. Paano kung tuluyan na ngang lulubog ang isla? Ano ang mangyayari sa kanilang dalawa ni Cyan?
Sa pagkakataong iyon pinanghihinaan na nang loob si Red. Una ay sumabog ang kanilang sinasakyang cruise ship. Pangalawa, nawala ang kaniyang alaala. At pangatlo, lumulubog ang isla. Anong klase ba ng kamalasan ang napulot niya?
Pero napatingin siya sa kasintahang pinipilit ang sariling umakyat. Hindi ito ang panahon para isipin niya ang mga kamalasang nararanasan niya ngayon. Nang makita niya itong umaakyat, naisip niyang kahit paano'y nariyan si Cyan para itaboy lahat ng kamalasan sa buhay niya.
Huminga siya nang malalim. Kailangan niyang maging matatag para dito. Kung panghihinaan siya nang loob, ano na lang ang mararamdaman nito?
"Cy! Dito ako sa kabilang sanga aakyat." Sigaw niya. "Kung sasabay ako sayo, baka maputol ang sanga. Kailangan nating makaakyat sa pinakatutok na kaya nating abutin at syempre, siguruhin mong matibay, naririnig mo ba ako?"
"O-oo, Red. Naririnig kita! Mag-iingat ka!"
Lumakas ang loob niya nang marinig iyon mula kay Cyan. Nagsimula na siyang akyatin ang malaking sanga. Nahihirapan siya dahil wala siyang natatapakang tuod. Kung baba pa siya, hanggang leeg na ang tubig at baka mahirapan na siyang makaakyat uli. Nilakasan niya ang loob niya at iniisip si Cyan. Kailangan niyang maging ligtas para dito.
Tumigil na siya pag-akyat nang sa tingin niya ay kakayanin nito ang bigat niya. Inoobserbahan niya ang pagtaas ng tubig at sa pagkakataong iyun ay patuloy parin ito sa pag-angat.
"Cy! Okay lang ba diyan?" puno ng pag-aala ang tangis niya. Hindi niya ito makita sa dilim ng gabi.
"Okay lang ako dito!" gumaan ang kaniyang kalooban nang marinig ang boses nito.
Tahimik silang nakaupo sa tuktok ng sanga at binabantayan ang galaw ng tubig. Kalmado na ito at tumigil na sa pagtaas. Malamang ay tumigil na rin ang paglubog ng isla. Gising silang dalawa hanggang sa unti unti nang lumuliwanag.
Naaninag na rin nila ang kalagayan ng bawat isa na nakaupo sa sanga sa gitna ng karagatan. Nakikita nilang pareho ang malawak na karatan at tanging sila lang dalawa ang naroon.
"Hanggang kailang kaya ganito ang isla?" tanong ni Cyan sa kaniya. Napansin niyang pagod ang mga mata nito.
"Hindi ko alam." Palingu lingo niyang sabi. "Ang mahalaga, sa ngayon ligtas tayong dalawa. Gusto mo bang languyin kita diyan?" suhestiyon niya.
"Huwag na! Paano kung may shark o isdang kakain sa'yo?"
Natawa siya sa sinabi nito. "Wala naman sigurong shark sa Pacific Ocean!"
"Aba, paano mo nalamang walang shark?"
"Hindi ko alam. Feeling ko lang!" wika niya sabay tawa.
"Red?" biglang lumungkot ang mukha nito.
"Bakit?"
"Paano kung hindi na babalik ang isla at patuloy na lamang itong lulubog?" napaisip siya sa tanong nito. Naisip niya rin ang posibilidad na iyon pero gusto niyang maging positibo para dito.
"Hindi mangyayari 'yun." Confident niyang wika dito.
"Paano mo nasabi?"
"Nakalimutan ko na din ang explanation!" natatawang banat niya.
"Red! Seryoso ako! Paano tayo mamaya kung sisikat na araw? Paano kung uulan? Paano kung may bagyo at tumaas ang alon?" Nagsimula nang umiyak si Cyan. Gusto niyang lapitan ito at yakapin. Kagaya lang din sila nang kinakatakutan.
"Huwag ka nang umiyak. Nakaligtas nga tayo sa pagkalunod sa paglubog ng barko, dito pa kaya?" tanging nasagot niya.
"Natatakot ako!" sigaw nito. Masakit sa dibdib na marinig si Cyan sa ganoong kalagayan at wala silang magawa dahil kalikasan na ang kanilang kalaban.
Ngumiti siya nang marahan. "Kasama mo naman ako, dadaan lang ito. Pangako ko 'yan!"
Nagsimula nang sumikat ang araw. Maganda itong pagmasdan pero batid nilang ito din ang magiging problema nila sa buong araw.
"Red, maglagay ka nang marka sa sanga kung hanggang saan ang tubig. Para ma-track natin kung umaangat na ba ulit ang isla." Utos ni Cyan sa kaniya.
Agad siyang bumali ng maliit na sanga at kinuskos iyun sa parte kung hanggang saan umabot ang tubig alat. "Tapos na, nalagyan ko na!���
"Okay, mabuti! Bantayan mo 'yan at balitaan mo ako kung mayroong pagbabago." Wika nito habang tinatali ni Cyan ang pinunit na laylayan ng tshirt niya sa sanga kung saan umabot ang tubig.
Ilang oras ang dumaan, nagsimula nang uminit. Walang kahit anumang pwedeng pagsilungan. Hinubad na nila ang kani-kanilang tshirt para itakip sa kanilang mga ulo para protektahan ito mula sa init pero sadyang nanunusok ang sikat ng araw.
"Cy…" tawag niya dito. Nang inangat nito ang kaniyang mukha, bakas dito ang pagod at takot.
"Bakit, Red?" tugon nito.
"Kumusta ka diyan?"
"Okay naman, pero ang init." Reklamo nito.
"Lumublob tayo sa tubig. Hawakan mo lang ang sanga para makabalik ka kaagad." Wika niya dito. "Kahit paano maibsan natin ang init." Nagsimula na kasing mamula ang maputing braso ni Cyan na nai-expose sa araw.
Sinunod naman siya ni Cyan. Ibinabad nito ang katawan sa tubig habang nakahawak sa sanga na dating kinauupuan niya. Maging si Red ay ginawa din iyon. Tahimik nilang ginagawa ang siklong iyon para malabanan ang init ng araw.
"Hanggang kailang tayo ganito?" biglang tanong ni Cyan. Naawa na siya sa kaniyang kasintahan. Lumangoy siya patungo dito.
"Hindi ko alam. Pero ang sigurado ako, hindi ka nag-iisa. Magkasama nating haharapin ito, okay?" kalmadong wika niya. Gusto niyang yakapin ito nang mahigpit pero ang kasalukuyan niyang estado ang lumalabag sa kaniyang magawa iyon.
"Red, tignan mo, may pagbabago sa lebel ng tubig!" turo ni Cyan sa ginawa niyang marka gamit ang laylayan ng kaniyang tshirt. Nagbago nga ito ng ilang dangkal.
"Titignan ko naman yung sa akin. Sandali lang." lumangoy siya pabalik sa kaniyang dating pwesto. Napansin din niya ang ilang dangkal na pagbabago mula sa kaniyang ginawang marka.
"Ano, may pagbabago din ba?" sigaw ni Cyan mula sa kaniyang pwesto.
"Oo, katulad din sa'yo. Kaso kung ganito lang kaliit ang galaw ng isla baka abutin tayo dalawang araw o isang lingo sa ganitong kalagayan." Sabi niya dito. Inalisa niya ang kakaunting paggalaw ng tubig at sa oras mula nang inilagay niya ang marka at aabutin nga sila nang ilang araw bago bumalik sa dati ang isla.
Napansin niyang lumungkot ang mukha ni Cyan sa sinabi niya. "Wag kang magalala, hindi ako sigurado sa sinabi ko. Malay natin, kung gaano kabilis bumagsak ang isla kagabi ay ganoon din ito kabilis babalik," aniya.
Napabuntong hininga nalang si Cyan at hindi na nagsalita. Biglang natakpan ng mga ulap ang araw. Sa pagkakataong iyon, wala na ang sinag ng araw na tumutusok sa kanilang mga balat.
Kahit paano natuwa siya sa kaunting pagbabago ng panahon, pero alam niyang sa likod nang kaginhawaang iyun ay ang nagbabadyang delubyo.