webnovel

Naghahanap ng Gulo

Editor: LiberReverieGroup

"Shang shaoye!"

Ang magalang na pagbati ni Cao Xiong.

"Cao Xiong laoshi, hinahanap mo daw ako?" Nagtatakang tumingin si Shang Bin kay Cao Xiong.

Pareho nga silang guro sa akademya at madalas silang magkasalubong sa daan, ngunit ang relasyon nila ay nananatili sa lebel ng magkakilala lamang.

"Oo. May ipapakiusap sana ako sayo Shang shaoye!" Nagdalawang-isip muna si Cao Xiong bago siya nagsalita.

"Basta't kaya kong gawin ang ipinapakiusap mo, tutulungan kita sa abot ng aking makakaya!" Ang sagot ni Shang Bin.

Bilang apo ni Elder Shang Chen, may mga guro na nagpupunta sa kanya para humingi ng pabor araw-araw at nasanay na rin siya dito.

"Ganun ba? Kasi… Kahapon, pinaghirapan kong mapapayag ang isang estudyante na sumailalim sa pagtuturo ko, pero niloko at naagaw siya ng ibang guro. Hindi ba't si Elder Shang ang namamahala sa Education Bureau? Gusto ko sanang itanong kung… posibleng maibalik sakin ang estudyanteng yun…"

Ang sabi ni Cao Xiong.

Si Liu Yang ang pinaka mahusay na estudyanteng pinaghirapan niyang makuha. Ngunit, nawala siya sa kanya dahil sa naging pustahan nila ni Zhang Xuan. Pagbalik niya, lalo siyang nagagalit sa tuwing naiisip niya ang nangyari. Nang lumaon, hindi na niya ito matiis at hinanap niya si Shang Bin.

Si Elder Shang Chen ang lolo ni Shang Bin, siya ang pinuno ng Education Bureau. Ang paglilipat ng isang estudyante papunta sa ibang guro ay madali lang para sa kanya.

"Ibalik sayo?" Sumimangot si Shang Bin. "Kung kusang loob na lumipat sa ibang guro ang estudyanteng iyon, mahihirapan tayo! Alam mo namang mas mahirap intindihin ang mga estudyante ngayon. Kapag may hindi sila nagustuhan na kahit ano, siguradong ipagbibigay alam nila 'to sa Royal Court at sa Teacher Union, at posible tayong…"

"Hindi siya kusang loob na sumama! Mapapatunayan ko yun sayo!" Ang mabilis na sagot ni Cao Xiong.

"Kahit na hindi siya kusang loob na sumama, kapag ayaw siyang bitawan ng bago niyang guro, hindi rin yun magiging madali. Alam mo ang mga patakaran ng paaralan…" Ihinawi ni Shang Bin ang kamay niya. Pagkatapos, bigla niyang inangat ang ulo niya at nagtanong, "Kanina lang, sabi mo… niloko siya? Pwede ko bang malaman kung sinong guro yung kumuha sa estudyante mo?"

"Yung 'basurang guro' ng akademya natin ang nanloko sa kanya, si Zhang Xuan…" Habang sinasabi niya ang pangalan ni Zhang Xuan, nagngitngit si Cao Xiong at kita ang matinding galit sa pagmumukha niya.

"Si Zhang Xuan? Naagaw niya ang estudyante mo?" Nang marinig niyang muli ang pangalan na yun, muling nag-alab ang galit ni Shang Bin.

Kung hindi dahil kay Zhang Xuan, siguradong makakapag hapunan siya kasama ang kanyang diyosa! Ang lakas ng loob ng taong yun na nasa Fighter 3-dan pa lang at nakakuha ng zero sa Teacher Qualification Examination na balewalain ang kanyang otoridad, naghahanap siya ng ikapapahamak niya!

Kung wala lang sana si Shen Bi Ru sa paligid kahapon, siguradong binugbog na niya si Zhang Xuan hanggang mamatay siya!

"Oo! Dahil nga ganun siyang klase ng guro, walang sinuman ang gugustuhing maging estudyante niya! Kaya naman, magpapatulong sana ako sayo Shang shaoye para ilapit kay Elder Shang ang tungkol dito at para maibalik sakin ang estudyante ko…" Maingat na nagsalita si Cao Xiong, dahil baka tumanggi si Shang Bin sa kanyang pakiusap.

"Hindi na 'to kailangan pang malaman ni Elder Shang, ako na mismo ang aayos nito para sayo!" Maringal na ikinumpas ni Shang Bin ang kanyang kamay.

"Aayusin mo ang bagay na 'to para sakin?"

"Kung ibang guro ang kumuha sa estudyante mo malamang kakailanganin pa natin ang tulong ng lolo ko para maibalik sayo ang estudyante mo, pero tutal yung basurang si Zhang Xuan naman ang pinag-uusapan natin, bakit pa natin aabalahin ang mga sarili natin? Dederetso na tayong pumunta sa kanya at kapag hindi siya pumayag, lulumpuhin natin siya!"

Ang payabang na sinabi ni Shang Bin.

Hindi niya alam kung paano niya kukumprontahin ang ibang mga guro, pero kapag ang guro na nakakuha ng zero sa Teacher Qualification Examination ang kukumprontahin niya, napakadali lang para kay Shang Bin na turuan siya ng leksyon!

Bukod sa napakahina niya, ang pinaka rason nito ay walang sinuman sa akademya na poprotekta sa kanya.

Ang pinaka rason niya ay dahil gusto niyang bugbugin si Zhang Xuan para ilabas ang naipon niyang galit, pero lalo siyang nainis dahil wala siyang magandang maidadahilan para sa gusto niyang gawain.

Kung kikilos siya ng walang maayos na dahilan, siguradong sasama ang tingin sa kanya ni Shen Bi Ru kung sakaling malaman niya ang tungkol dito.

Pero ngayon, inagaw ni Zhang Xuan ang estudyante ng ibang guro at humingi ang guro na yun ng tulong sa kanya. Magagamit ni Shang Bin ang rason na ito para bugbugin siya!

"Ano…" Hindi niya inasahang ganito kagalante si Shang Bin, nabigla si Cao Xiong.

"Hindi mo na kailangang magsalita. Tara na! Kung natatakot ka, ako nang gagawa para sayo!" Napangisi si Shang Bin at kita sa kanyang mga mata ang masamang binabalak.

"Kung ganun, ngayon pa lang nagpapasalamat na ako sayo Shang shaoye!" Nagningning ang mga mata ni Cao Xiong sa sobrang tuwa at agad siyang tumango. Nagmadali silang dalawa na pumunta sa silid aralan ni Zhang Xuan.

Hindi nagtagal ay nakarating sila sa tapat ng silid aralan ni Zhang Xuan at nakita nila ang parang mummy na si Yao Han at ang young master ng pamilyang Wang.

"Wang Tao, anong ginagawa mo dito, bakit hindi ka nagsasanay kasama ng lolo ko?" Sumimangot si Shang Bin.

Kahit na siya pa ang apo ni Elder Shang Chen, medyo nalalayo pa rin siya kay Wang Tao kung paghahambingin silang dalawa.

"Shang Bin laoshi!" Yumuko si Wang Tao. "Naloko ni Zhang Xuan ang kapatid ko na pumasok sa klase niya. Balak ko siyang kunin…"

"Shang Bin?"

Iniisip pa rin ni Yao Han kung kanino siya dapat magtanong para makakuha ng impormasyon tungkol kay Shang Bin nang malaman niya na si Shang Bin pala ang kaharap niya. Agad niyang inangat ang kanyang ulo at tiningnan si Shang Bin.

"Si Wang Ying xiaojie ba ang sinasabi mo?" Nagdilim ang mukha ni Shang Bin. Makikita sa mga mata niya ang matinding galit at sinabing, "Ang lakas talaga ng loob ng Zhang Xuan na yun! Para lokohin niya pati si Wang xiaojie, gusto na ba talaga niyang mamatay! Mukhang hindi kayo masisiyahan kapag hindi ko siya tinuruan ng leksyon!

"Totoo yan…" Tumango si Wang Tao.

"Tutal niloko niya si Wang Ying xiaojie para maging estudyante niya, bakit hindi ka pumasok sa loob para pigilan siya, at bakit mo piniling maghintay na lang dito sa labas?" Sa kabila ng pagkayamot ni Shang Bin, napalingon siya kay Wang Tao at nagtaka.

"Ano kasi…" Hindi maamin ni Wang Tao na ibinato siya ni Zhang Xuan palabas. Napakamot siya ng ulo, nang hindi niya malaman kung paano siya sasagot, si Yao Han, na nasa tabi niya, ay biglang nagsalita, "Hindi ba't may patakaran sa akademya na nagsasabing ipinagbabawal na bigla ka na lang pumasok sa isang silid aralan habang may nagkaklase? Kaya naman, ang tanging magagawa lang natin ay maghintay sa labas hanggang matapos ang klase nila!"

"Ikaw ay si…"

Ngayon lang napansin ni Shang ang mala-mummy na si Yao Han.

"Siya ang butler ni City Lord Zhao ng Baiyu City, si Yao Han!" Agad siyang ipinakilala ni Wang Tao.

" Ah, ikaw pala si butler Yao. Matagal ko nang naririnig ang pangalan mo!" Tumango si Shang Bin at nagpatuloy, "Nakasaad nga sa patakaran ng akademya na ipinagbabawal na pumasok ang sinuman sa isang silid aralan habang may nagkaklase. Ngunit, hindi na yun mahalaga sa kasong ito. Sumunod kayong lahat sakin papasok ng silid aralan. Ngayong araw na 'to, ako na mismo ang haharap sa imoral at manloloko na yun!"

"Sige!" Nang marinig ni Wang Tao na si Shang Bin na mismo ang kikilos, nagningning ang kanyang mga mata at sumunod kay Shang Bin. Nagdalawang-isip muna si Yao Han bago siya sumunod sa kanila Shang Bin.

...…

Sa loob ng silid aralan.

"Ang Hongtian Nine Dan Formula. Maari ngang ito ang pinaka basic na cultivation technique sa Hongtian Academy, pero marami pa ring mali dito. Halimbawa…"

Nakaupo ang limang estudyante sa silid aralan, taimtim silang nakikinig sa mga itinuturo ni Zhang Xuan.

Kahit na unang leksyon pa lamang ito, lahat sila ay nabigla. Daig pa nila ang nakakain ng ginseng fruit at parang nalalasing sila sa mga salita niya.

Ang iilang estudyante sa loob ng silid aralan, maliban kay Yuan Tao, ay magaganda ang pinagmulan. Kahit na hindi pa sila nakapasok sa isang akademya noon, marami na silang natutunan. Sumailalim sila sa pagtuturo ng iba't ibang mga guro at nagkaroon din sila ng pagkakataong mabigyan ng payo ng mga Fighter 5-dan at 6-dan expert… Subalit, kailanman ay hindi pa sila nakapunta sa ganitong klaseng leksyon.

Nakaramdam sila ng kaliwanagan sa leksyon nila. Naintindihan nila ang mga bagay na dati ay naguguluhan sila. Nasasabik silang subukan ang mga paraang itinuturo ng kanilang guro at pakiramdam nila ay ano mang oras ay makakalagpas sila sa kasalukuyang realm nila.

Napakahusay ng pagkakasalaysay niya ng leksyon nila!

Nang marinig nila ang leksyon ni Zhang Xuan, naisip nilang kahit ang mga guro na matataas ang lebel ay manliliit kung ikukumpara kay Zhang Xuan.

Lalong lalo na para kay Zhao Ya. Bilang anak ng isang city lord, ang tatay niya ang umuunawa sa mga cultivation technique para sa kanya. Noong una, iniisip niya na ang tatay niya ang pinakamahusay na guro sa buong Tianxuan Kingdom. Kung sabagay, alam ng lahat kung gaano kalakas ang tatay niya.

Ngunit, kung ikukumpara kay Zhang laoshi, pakiramdam niya ay mahina ang utak niya! Nakakatawa ito. Hinding hindi sila maaaring ikumpara sa isa't isa!

Napakalinaw ng mga paliwanag ni Zhang Xuan. Kahit na gaano pa kahusay ang isang cultivation technique at battle technique, madali lang para sa kanya na makita ang mga kahinaan nito, dahilan para magulat at mapaisip ang isang tao, at mahirapan silang pakalmahin ang mga isipan nila.

Kadalasan, sa isang pangungusap lamang na ipinapaliwanag ni Zhang laoshi ay halos kalahating araw na silang napapaisip. Sa oras na naintindihan na nila yung mga sinabi ng guro nila, napansin nilang halos ilang oras nang nagsasalita ang guro nila at marami na silang nalagpasan sa mga ibinahagi niyang kaalaman.

"Ang pamantayan ni Zhang laoshi ay… napakataas!"

Sa mga oras na 'to, naintindihan na ng limang estudyante kung gaano kalalim ang pundasyon ng mga battle technique at kung gaano kalawak ang kaalaman ng guro nila na halos hindi nalalayo ang edad sa kanila.

"Noong una, nakakatawa na inisip kong swinerte lang si Zhang laoshi nang bigla niyang mapataas yung lakas ko sa isang payo lang. Ngayon ko lang naisip na… sa taglay niyang katalinuhan, maliit na bagay lang para sa kanya yun! Marami pa siyang alam na paraan para mapalakas ng higit pa sa doble yung lakas ko…"

Hindi mapigilan ng dating mayabang na si Liu Yang na manginig sa kinatatayuan niya, "Kung ikukumpara sa kanya, si Cao Xiong laoshi… Haay, hindi ko na sila dapat ipagkumpara pa. Magkaibang magkaiba sila, walang paraan para ipagkumpara sila. Parang nasa magkaibang mundo sila! Mabuti na lang nagpustahan sila, kung hindi, imposibleng makilala ko ang napaka galing na guro na gaya niya…"

Nakikinig ng maigi ang limang estudyante ni Zhang Xuan sa mga leksyon niya, dahil ayaw nilang may malagpasan na mahalagang kaalaman.

Jiyaaaaa!

Biglang bumukas ang pinto ng silid aralan at biglang pumasok ang ilang kalalakihan.