webnovel

Ang Pagkagulat ni Wang Ying

Editor: LiberReverieGroup

Pagkatapos niyang malaman na pinili ni Zhao Ya si Zhang Xuan bilang master niya, nagmadaling sumugod dito si Yao Han, wala siyang kaalam-alam na may ilang estudyante na palang naunang tinanggap si Zhang Xuan sa kanyang klase.

Kasasabi lang niya na hindi makakakuha ng pangalawang estudyante si Zhang Xuan maliban sa young mistress ngunit sa mga sumunod na sandali, nakita niya si Wang Ying at ang iba pa. Pakiramdam niya ay parang sinampal siya sa mukha sa harap ng napakaraming tao. Agad na nanamlay ang kanyang mukha.

"Guro!" Uminit ang mukha ni Zhao Ya at halos ibaon niya ang sarili sa lupa dahil sa sobrang pagkahiya.

"Ok ka lang?"

Ilang saglit pa ay, nahimasmasan si Yao Han at nagtatakang tumingin kay Zhang Xuan.

Sobrang brutal ang ginawa sa kanya ng taong yun kahapon, kaya naisip niya na hindi man magkalasog-lasog ang katawan ni Zhang Xuan, sigurado namang malulumpo siya. Kaya bakit… ba parang hindi man lang siya nasaktan, at parang wala man lang kahit kaunting galos sa katawan niya.

Yung totoo, kahit na sinabi niyang gusto niyang makita kung paano magturo si Zhang Xuan, ang tunay niyang pakay ay tignan ang nakakaawang itsura ni Zhang Xuan pagkatapos siyang mabugbog ng misteryosong lalaki na 'yon… Pero sa huli, bilang isang Fighter 6-san Pixue realm expert, sinubukan niyang atakihin si Zhang Xuan ngunit siya ang nabugbog bandang huli habang ang taong pinagbalakan niya ay hindi man lang nasaktan… Pakiramdam niya ay natalo siya at hindi niya ito matanggap.

"Bakit naman ako hindi magiging ok?" Alam ni Zhang Xuan kung ano ang iniisip ni Yao Han, ngunit kalmado pa rin siyang sumagot. Lumingon siya kay Zhao Ya at nagtanong, "Ang may kapansanan na 'to ay…"

"May kapansanan?" Kita ang kakaibang reaksyon ni Zhao Ya sa kanyang mukha. Bago pa man siya makapagsalita, bigla namang nagsalita si Yao Han.

"Ikaw ang may kapansanan!" Pinigilan ni Yao Han na masuka siya ng dugo. Tumaas ang mga kilay niya at ihinawi ang kanyang damit, "Ako ang butler ng Baiyu City Lord Residence, ako si Yao Han!"

"Oh, pero dahil may kapansanan ka, hindi ka dapat nagpapalakad-lakad dito. Kung sakali mang mamatay ka dito, mahihirapan akong ipaliwanag ang nangyari!" Parang hindi niya narinig ang mga sinabi ni Yao Han, at itinuro niya ang pinto, "Paalisin mo na ang bisita natin at isara mo ang pinto!"

"Bwisit ka talaga…"

Nanggagalaiting kinuyumos ni Yao Han ang mga kamao niya at halos sumabog sa galit.

Sino ba siya?

Ang butler ng Baiyu City Lord Residence. Mataas ang kanyang katungkulan. Sa Hongtian Academy, kahit na ang mga executive ng Education Bureau ay susunod sa kanya. Pero, ang lakas ng loob ng isang guro na gaya ni Zhang Xuan na tawagin siyang may kapansanan at sinubukan pa siyang paalisin. Paano naman siya hindi magagalit?

"Gusto kong makita kung paano mo sila tuturuan!" Inilagay ni Yao Han ang mga kamay niya sa likod niya, at tumindig siya ng tuwid.

"Oh, tutal alam mo namang kailangan mo nang umalis, paki bilisan na lang. Kailangan tahimik ang paligid kapag magtuturo ka sa mga estudyante, kaya hindi kami nagpapapasok ng mga aso at pusa sa silid aralan namin!"

Mistulang hindi sila nagkakaintindihan ni Zhang Xuan. Parang walang naririnig si Zhang Xuan, muli niyang itinuro ang daan palabas.

"Ikaw… Sinong tinatawag mo na aso't pusa?" Tumindi ang galit niya at tumulo ang dugo mula sa kanyang mga sugat. Nanginig si Yao Han, "Akala mo ba hindi kita kayang patayin ngayon…"

"Zhao Ya, palabasin mo na siya, para maayos na natin ang problema mo!"

Dahil ayaw na niyang makipagtalo pa kay Yao Han, sumenyas na lang siya kay Zhao Ya.

"Uncle Yao, pakiusap… umalis ka na muna! Magsisimula na ang klase ko!"

Nang marinig niya ang mga salitang iyon, kumislap ang mga mata ni Zhao Ya.

"Hindi ako aalis. Gusto kong klaruhin niya kung sino ang tinutukoy niya! Ako, si Yao Han, isang Fighter 6-dan Pixue realm expert, ay iginagalang kahit saan ako magpunta. Ang lakas ng loob mong tawagin akong baldado at may kapansanan, bukod pa dun sinubukan mo akong palayasin…"

Peng!

Bago pa man siya matapos sa pagsasalita, tinulak siya ni Zhao Ya palabas. Pagkatapos nito, isinara ni Zhao Ya ang pinto sa harapan niya. Kung hindi siya nakaiwas agad, siguradong sumalpok sa mukha niya ang pinto.

"Young mistress…"

Sumimangot si Yao Han, habang nakatayo siya sa labas ng pinto.

Kung sakaling si Zhang Xuan ang nagpalabas sa kanya, siguradong papalag siya. Ngunit, dahil ang young mistress niya ang nagpalabas sa kanya, hindi siya mangangahas na saktan ito kahit bugbugin pa siya hanggang mamatay siya. Gayon pa man, ibinaling niya ang lahat ng galit na naipon niya kay Zhang Xuan.

Hindi niya maintindihan kung anong kakayahan ang taglay ni Zhang Xuan, para malinlang niya ang young mistress na sumunod sa kanya.

"Uncle Yao, pasensya ka na kung pinaghihintay kita sa labas. Magsisimula na kami sa klase!"

Alam ni Zhao Ya kung ano ang problema niya. Hindi dapat malaman ng kahit sino ang tungkol sa sakit niya, lalong lalo na ni Uncle Yao. Kung matutulungan siya ng guro niya na masolusyonan ang problema niya, natural lang na paalisin niya si Yao Han.

"Sige, young mistress. Maghihintay ako sa labas. Kung sakaling may mangyaring masama, tawagin mo ako at pupuntahan kita agad!"

Nang marinig niya ang mga sinabi ng kanyang young mistress, alam ni Yao Han na hindi siya makakapasok. Halos magwala na siya kaya lang wala siyang mapagpipilian, nagngitngit siya at tiniis na lamang ito.

Pagka-alis ni Yao Han, tanging si Zhang Xuan lang at ang limang estudyante niya ang naiwan sa silid aralan. " Dahil tinanggap niyo 'kong lahat bilang guro niyo, magiging magkakaklase kayo. Siguraduhin niyong iingatan niyo ang isa't isa para hindi madungisan ang reputasyon ko!"

"Reputasyon?"

Nagkatinginan ang limang estudyante nang marinig nila ang sinabi niya…

[Guro, wala ka naman atang magandang reputasyon?

Ehem ehem, kahit na gusto naming sirain yun, wala naman nang masisira…]

"Ang paraan ko ng pagtuturo ay naiiba kaysa sa ibang guro. Importante sakin na mabigyang pansin ang personal at magkakaibang kondisyon ng bawat estudyante. Magkakaiba ang paraan para gabayan ang bawat isa sa inyo! Kaya naman, hindi kayo maaaring ikumpara sa isa't isa!" Tila hindi napapansin ni Zhang Xuan ang reaksyon ng mga estudyante niya at nagsalita ng parang isang tunay na guro, "Ngayon, pupunta ako sa maliit na kwarto na yun sa may gilid. Kapag tinawag ko ang pangalan niyo, pumasok kayo sa kwarto!"

Hindi kalakihan ang silid aralan ni Zhang Xuan, halos nasa one hundred square meter lang ito. Kahit ganun, mayroong parte sa silid aralan kung saan, maaaring personal na turuan ng guro ang isang estudyante.

Magkakaiba ang limang estudyante na ito. Kung sabay-sabay niya sila tuturuan bilang isang klase, siguradong magiging magulo ito at hindi magiging epektibo.

"Wang Ying, ikaw ang una kong estudyante. Pasok na!"

Pagkatapos nito, pinasunod siya ni Zhang Xuan papasok sa silid.

"Opo!" Dahil likas na masunurin si Wang Ying, hindi niya sinubukang tumanggi at naglakad siya kasunod ni Zhang Xuan.

.........…..

Bahagyang nakaramdam ng pagsisisi si Wang Ying.

Kahapon, naligaw siya at lumapit siya kay Zhang Xuan para magtanong ng direksyon. Ngunit, naloko siya nito para tanggapin niya ito bilang guro niya.

Noong una, hindi niya alam kung ano na ang nangyayari pero pagkatapos niyang pag-isipan 'to ng maigi, naisip niyang wala naman ata talagang kakayahan ang guro na' to.

Nalaman agad ng ibang guro ang problema niya sa mga binti niya nang makita nila ang punching routine niya. Subalit, hindi ito agad nalaman ng guro na 'to, bukod pa dito, ipinagmalaki pa niya ba kaya daw niyang gamutin ang pinsala sa mga binti ni Wang Ying…

Hinanap pa ng tatay niya ang pinakamagaling na physician para gamutin ang binti niya, pero wala ring nangyari. Ganun pa man, sinasabi ng taong ito na kaya niyang gamutin ang dalaga. Kung hindi ito panloloko, ano pala 'to?

Higit pa dito, maraming sinabi sa kanya si Liu laoshi tungkol sa guro na 'to.

Noon lang niya nalaman na marami palang nakakakilala sa guro niya. Siya ang kauna-unahang guro na nakakuha ng zero sa Teacher Qualification Examination at siya din ang pinakamahina na guro pagdating sa lakas… Napakamalas naman niya para maloko ng guro na yun at mapaniwala siya sa mga sinabi niya!

"Kaya pala sinabi ni kuya na maraming masamang tao sa labas…"

Noong sinabi sa kanya ng kuya niya na maraming hindi mapagkakatiwalaang tao sa labas, hindi siya naniwala. Habang nakatingin siya kay Zhang Xuan, pakiramdam niya ay ginawan siya ng masama, at pinagsinungalingan siya.

Iniisip na niya kung paano siya makakaalis sa klase ni Zhang Xuan, at malamang, mauuwi ito sa isang sermon at hahanapin na lang niya ang kuya niya para tulungan siyang maghanap ng panibagong guro, narinig niya ang isang pamilyar na boses.

"Ipakita mo uli ang battle technique mo!"

Umupo sa gitna ng silid si Zhang Xuan at kalmadong tumingin sa kanya.

Noong una niyang sinubukang hikayatin si Wang Ying na maging estudyante niya, hindi pa gumagana ang Library of Heaven's Path, kaya wala pa siyang kaalam-alam kung ano ang mga kahinaan at problema ni Wang Ying.

"Opo!" Kahit gusto ni Wang Ying na umalis sa klase ni Zhang Xuan, tumango siya pagkatapos niyang mag-isip-isip. Muling naglabas ng malakas na hangin ang kanyang mga suntok, at natapos na ang kanyang punching routine.

"Un!"

Tumango si Zhang Xuan.

Bagama't may pagka-manhid si Wang Ying, sapat naman ang ipinakita niyang punching routine.

"Guro, yung totoo gusto ko sanang…"

Nag-alinlangan si Wang Ying at nang sasabihin na niya ang balak niyang pag-alis sa klase ni Zhang Xuan, biglang nagsalita ang lalaki sa harap niya.

"Kung hindi ako nagkakamali, tinamaan ng kaduwelo mo ang binti mo dalawang taon na ang nakalilipas!" ang sabi ni Zhang Xuan.

"Paano mo… Paano mo nalaman?" Nagulat si Wang Ying. Hindi siya nakapag salita at nanlaki ang mga mata niya.

Kahapon lamang niya nabanggit ang tungkol sa pinsala sa mga binti niya, at hindi niya nabanggit ang tungkol sa dahilan nito. Hindi niya inasahan na malalaman ng taong ito na ang pinsalang ito ay dahil sa pag-atake ng isang tao at nalaman din niya kung kailan nangyari ito. Hindi niya mapigilang magulat.

"Mayroong tatlong acupoint sa binti ng isang tao at ang mga ito ay, kumokontrol sa lakas, bilis at liksi. Noong nakipaglaban ka, aksidenteng tinamaan ng kalaban mo ang acupoint na kumokontrol sa lakas! Kapag tinamaan ang acupoint na 'to, sumasara ito, dahilan para bumaligtad ang daloy ng iyong dugo, kaya nahihirapan kang maglabas ng pwersa sa mga binti mo gaya ng isang normal na tao!"

Mahinahong nagsalita si Zhang Xuan.

"Paano mo…" Nangatog ang katawan ni Wang Ying. Pulang pula ang buong mukha niya.

Para magamot ang mga binti niya, inimbita ng tatay niya ang lahat ng kilalang manggagamot sa kaharian, kabilang dito ang sikat na si Master Yuanyu. Halos pareho sila ng sinabi, pero kahit si Master Yuanyu ay hindi alam kung nasaan ang acupoint na kumokontrol sa lakas, kaya hindi niya nagawang gamutin si Wang Ying.

Kung gusto niyang gumaling, kailangan niyang maghanap ng isang Fighter 8-dan Zongshi realm master na nagtataglay ng superior zhenqi para gamutin siya. Kung hindi, imposibleng magtagumpay ang panggagamot sa kanya!

Noong una, inisip niya na ang guro na 'to na nagsabing kaya niyang pagalingin ang binti niya ay inuuto lang siya para pumayag siyang maging estudyante ng guro na' to. Subalit, hindi niya inasahan na pareho sila ng sasabihin ni Master Yuanyu, kaya paano namang hindi siya magugulat?

"Guro, kaya mo bang… kaya mo ba 'kong gamutin?" Hindi napigilan ni Wang Ying na magtanong.

"Maliit na bagay lang 'yon!" Ang mahinahong sagot ni Zhang Xuan.

"Maliit na bagay?" Nagulat si Wang Ying at bumilis ang kanyang paghinga.