Ysa
"Babe, saan ba talaga tayo pupunta?" Humihikab na tanong ko kay Nathan dahil maaga niya akong sinundo sa bahay nina Bettany kanina.
Mayroong girls night out kasi kami kagabi dahil mamimiss ko silang dalawa ni Patricia. Sa makalawa na kasi ang alis ko kaya sinusulit na namin ang bonding. Nagpuyat kami, nagwalwal hanggang sa hindi na namin namalayan kung ano oras na kami nakauwi at nakatulog.
Habang ito namang fiance ko, ay napakaaga akong sinundo kaya hanggang ngayon ay sabog pa rin ang itsura ko na animo'y sasabog din ang aking ulo sa sakit dahil sa hangover.
Napatawa lamang ito ng mahina bago ako tuluyang sinagot.
"Syempre babe, I want time with you din 'no? Hindi pwede na na-solo ka na ng mga kaibigan mo tapos ako, hindi." Parang nagtatampo na aniya nito bago napanguso.
"Palagi naman tayong magkasama sa bahay babe, hindi ka pa ba nauumay sa itsura ko?" Panunukso ko sa kanya. Ngunit paraan na rin ng paglalambing.
Tinignan lamang ako nito sa aking mukha bago muling ibinaling ang kanyang mga mata sa unahan.
"Ngayon pa ba? Eh hindi ka pa nga nakakaalis sobrang namimiss na kita eh." Sagot nito sa akin. Natahimik ako.
Dahil kagabi lang din ay iyak ako ng iyak sa mga kaibigan ko dahil sa kanya. Dahil sobrang mamimiss ko siya, plus the fact na madalas kaming nagtatalo nitong mga nakaraang araw at linggo. Pero ngayon, mukhang gusto niyang makabawi bago ako tuluyang makaalis. Kaya naman alam ko rin na mas lalo ko lang din siyang mamimiss.
Napahinga ako ng malalim. "Babe, mag 2 hrs na tayong nagbibiyahe, malayo pa ba tayo?" Tanong ko sa kanya, pag-iiba na rin ng usapan.
Kusa namang gumuhit ang matamis na ngiti sa kanyang labi.
"Malapit na tayo, babe. Relax ka lang d'yan." Wika nito.
"Ano na nga 'yung sinabi mong gusto mong puntahan natin noon na tayo lang dalawa at dapat ay walang ibang taong kasama?" Dagdag na tanong pa niya.
Agad naman na lumiwanag ang itsura ko nang maalala ang lugar na gustong-gusto kong puntahan naming dalawa.
"Mag-picnic sa tabi ng ilog, tayong dalawa lang, ipagluluto kita at maliligo tayo na parang mga bata. Kakantahan mo'ko like you used to, 'yung mayroon kang gitara, haharanahin mo'ko habang sinasabayan naman kita sa pagkanta. Tapos magkukwentuhan tayong dalawa, 'yung tungkol sa atin, sa buhay natin, kung paano tayo nagsimula hanggang sa makarating tayo sa ngayon, tapos pag-uusapan natin 'yung mga plano natin na nakalatag na." Magiliw na sabi ko sa kanya bago kinikilig na isinandal ang aking ulo sa kanyang balikat.
"Yun!" Sabi nito. "Yun ang gagawin natin ngayon." Dagdag pa niya.
Himpit na tili naman ang pinakawalan ko bago siya hinalikan sa kanyang pisngi dala ng excitement.
"Talaga babe?!" Halos kulang na lang lumundag 'yung puso ko sa saya na aking nararamdaman sa mga sandaling ito.
"Yup!" Naka ngiting sagot nito bago tuluyang inihinto ang ang sasakyan at napamusyon ito sa unahan. Agad naman na napalingon ako sa direksyon na itinuro niya.
Hindi ko mapigilan ang mapatili ng tuluyan, mabilis na ini-unlocked ang aking seatbelt bago parang excited na bata na lumabas ng sasakyan habang nagtatatalon sa tuwa noong makita na nasa aming destinasyon na kami.
Tatawa-tawa naman na lumapit sa akin si Nathan habang may bitbit na dalawang bag na naglalaman ng aming mga kailangang gamit at mga pagkain.
Sandaling ibinaba niya muna ang mga iyon, bago ako hinapit sa aking balakang palapit sa kanyang katawan.
"I want us to enjoy this moment." Matamis na sabi nito sa akin bago ako marahan na hinalikan sa aking noo.
"Thank you, babe." Napapanguso na pagpapasalamat ko sa kanya. "Mamimiss ko itong mga pang i-spoil mo sa akin." Dagdag ko pa bago napayuko at napanguso na rin.
Ngunit sa halip na sagutin ako ay ipinagdikit lamang nito ang aming mga noo.
"Kapag na-miss mo'ko, bumalik ka lang. Hinihintay lang kita." Bago ako hinalikan sa aking labi. Iyong smack lamang.
"Let's go?" Tuluyang pagyaya na nito sa akin sa mismong tabi ng ilog.
Agad na naglatag kami ng blanket at inilabas ang mga gamit na kailangan namin. Nagulat na lamang din ako dahil naluto na pala niya 'yung mga pagkain na kakainin namin, na-slice na niya 'yung mga prutas at ganoon din ang iinumin naming juices, ready na.
Naluluha na tinititigan ko si Nathan habang abala ito sa paghahanda ng aming pananghalian. Maya-maya lamang ay may inilabas siyang take out mula sa paborito kong fast food.
"Alam ko gutom ka na." Wika niya. "Eh kapag may hangover ka chicken ng jollibee ang hanap mo eh pati na rin 'yung soup nila." Paliwanag nito sa akin habang hindi pa rin tapos 'yung ginagawa niya.
"Babe..." Hindi ko mapigilan ang mapanguso. "Why are you so sweet and caring until now?" Tanong ko sa kanya sa mahinang boses.
Ngunit pinagtawanan lamang niya ako.
"What? Am just doing my duty and responsibility as your partner, babe." Simpleng sagot nito, pero para sa akin sobrang lalim na ng kasiyahan na nabibigay nito sa aking puso.
Basta talaga 'yung tao mahal ka at pinahahalagahan ka, hindi mahirap para sa kanya na gawin 'yung mga bagay na gustong-gusto mong ginagawa niya para sa'yo. Hindi mo na kailangang hilingin 'yung mga bagay na iyon dahil kusa na niyang ibibigay at ipapadama sa iyo.
"I love you." Buong puso na sabi ko sa kanya habang nagsusubo ng chicken.
Hindi ko alam pero sa simpleng mga actions ni Nathan, habang tumatagal mas lalo pa akong nahuhulog sa kanya. Mas lalo lamang niyang pinahihirapan ang pag alis ko, mas lalo lamang akong nahihirapan at nalulungkot na magkakalayo na kaming dalawa for two years.
Pero dalawang taon lang naman, 'di ba?
Mahihintay niya ako. 'Di ba?
Alam ko mahihintay niya ako dahil hindi naman siya 'yung tipo ng lalaki na nangbabali ng mga pangako. Never pa niyang hindi tinupad ang pangako niya sa akin. He's a man of his words.
Kaya sa simpleng jollibee na iyon, bigla na lamang akong napahagulhol ng disoras.
Agad naman na napatawa si Nathan sa akin bago ako nilapitan para yakapin.
Ba't ba tawa pa siya ng tawa? Eh sa naiiyak na nga ako rito eh. Kasi ngayon pa lang, sobrang namimiss ko na siya.
"Naiiyak ka ba kasi aalis ka na o naiiyak ka dahil mamimiss mo ang jollibee na ako mismo ang bumibili para sa'yo?" Humahagikhik na tanong nito sa akin habang yakap-yakap ako.
Ngunit hindi ko siya pinansin at parang batang nagpatuloy lamang sa aking pag nguya.
"Both." Sagot ko habang ngumunguya pa rin.
"Kasi mamimiss kita ng sagad at totoo, babe. Pwede bang sumama ka na lang sakin?" Tanong ko sa kanya. Hindi pa man ako nito sinasagot nang muling magsalita ako.
"Pero I don't wanna be selfish. Ang selfish ko na ngang hindi muna natin itutuloy 'yung kasal natin, pati ba naman buhay mo dito iiwanan mo rin dahil sa akin dahil---"
"Babe, enough. We'll be together again. Two years lang yun." Putol nito sa akin.
"I can go there for a vacation, syempre. Lalo kapag miss na miss na natin ang isa't isa." Hinawakan ako nito sa dalawang kamay ko at tinitigan ng maigi sa aking mga mata. "Tandaan mo, hindi mo man ako kasama, milyong milya man ang pagitan natin, palagi naman akong nandito," sabay turo nito sa kaliwang bahagi ng dibdib ko kung nasaan ang puso ko. "At ikaw at ako lang. Hindi ang milyong milya ang at dalawang taon ang makakapaghiwalay sa atin, okay?" Pagpapagaan nito sa loob ko.
Napatango ako bago siya niyakap ng mahigpit at nagsumiksik sa kanyang dibdib.
"Mahal na mahal kita, Ysa. At ikaw lang ang pakakasalan ko." Ramdam ko ang sinsiridad sa boses nito. Hindi lahat ng lalaki kayang maging katulad ni Nathan. Kaya ano pa nga bang mahihiling ko? Tama?
Nasa kanya na ang lahat. At hinding-hindi ko kakayanin na makuha pa siya ng iba sa akin. Kaya hindi talaga ang distansya at dalawang taon ang magtatapos sa mga pinagsamahan namin.
"At mas mahal na mahal kita, Nathan." Buong puso na sabi ko sa kanya bago siya mas niyakap pa ng mahigpit.