NAGISING si Lexine na mag-isa lang sa kwarto. Dahan-dahan siyang bumangon habang nahihirapang kumilos dahil humihilab ang tiyan niya sa sakit. Nalukot ang mukha niya nang pinilit niyang tumayo.
"Night!" kumapit ang isang kamay niya sa drawer sa gilid habang ang isa naman ay nakahawak sa kanyang tiyan.
"Ahhhhhhh!!!" napahiyaw siya sa naramdamang sakit na umaabot hanggang sa balakang at likuran.
"Night!"
Ilang ulit siyang sumigaw habang pinipilit niyang makalakad at maghanap ng makakapitan. Hinakbang niya ang mga paa at naramdaman na may umaagos sa kanyang binti. Tumutulo ang tubig hanggang sa sahig.
Pumutok na ang panubigan niya, "Night! Night!"
Humahangos na pumasok si Devorah at agad nagilalas nang makita ang itsura niya, "Oh my God, Lexine!" mabilis siya nitong nilapitan.
Patuloy sa paghiyaw si Lexine, "Manganganak na ako! Ahhhhh! Nasaan ba si Night!"
"Sandali lang, tatawagin ko si Apo Maan, umupo ka muna," inalalayan siya nitong umupo sa kama.
Nagmadaling lumabas si Devorah upang tumawag ng tulong. Naiwan si Lexine na umiiyak sa sobrang sakit.
Ilang sandali pa at bumalik na si Devorah kasama si Eros, Apo Maan at iba pang Babaylan.
"Dalhin niyo siya sa aking silid, bilis!" utos ni Apo Maan.
Agad binuhat ni Eros si Lexine at sabay-sabay silang nagtungo patungo sa kwarto ng Punong Babaylan. Hiniga siya ni Eros sa papag na nasa gitna. Mabilis naman na kumilos ang mga batang Babaylan upang ihanda ang mga pangangailangan para sa panganganak. Tulad ng tubig sa palangana na may mga halamang gamot.
"Ahhhhhh! Aray ko, ahhhhhhh!" paulit-ulit na iyak ni Lexine. Panay ang pag-breath in at breathe out niya.
"Nasaan ba si Night?!" tanong niya sa nahihirapang boses.
Natataranta naman si Eros at Devorah. Nagkatinginan sila at 'di alam kung paano sasagutin ang tanong niya.
Lalong napakunot ang noo ni Lexine, "Ano ba? Bakit hindi niyo ako sinasagot? Nasaan yung letseng asawa ko? Bakit wala siya dito? manganganak na ako! Ahhhhhh!"
"Ah… eh… kasi Lexine," natatameme si Eros.
"Umalis si Night Lexine, kinuha niya ang Devils heart," si Devorah na ang sumagot.
"ANO!?!!! Punyeta ka Night! Bakit iniwan mo akong hayop ka! Ahhhhhhhhh!"
Napakamot na lang si Eros sa ulo. Pumapaikot ang lakas ng hiyaw ni Lexine hanggang sa labas ng temple.
Pumosisyon si Apo Maan sa pagitan ng binti niya at binuka itong mabuti, "Anak, ihanda mo ang iyong sarili, lalabas na ang bata."
Nakahawak ng mahigpit si Lexine sa kamay ni Devorah na nasa kaliwa niya at kay Eros na nasa kanan.
"Anak, umire ka!" utos ni Apo Maan.
Humugot nang malalim na hangin si Lexine bago umire ng buong lakas, "AHHHHHHH!!!"
"Sige pa anak, lakasan mo pa ang pag-ire mo!"
"AHHHHHHHH!!!"
***
NAGTAGUMPAY ang prinsipe ng dilim na makuha ang Devils heart. Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon. Matapos umahon mula sa tubig ay agad siyang tumakbo palabas ng kastilyo habang kasunod niya ang aninong si Ira.
Ngunit pagliko niya sa isang hallway nag-aabang na sa kanya ang sandamakmak na demonyo, "Fucking shit!" He hissed.
"Master, ako na ang bahala sa kanila," lumutang si Ira sa hangin at hinarap ang mga kalaban.
"Kill those fucking dogs! Wala kang ititira."
"Masusunod, Master."
Sunud-sunud na umatake ang mga demons pero agad silang hinarang ng walong galamay ni Ira na lumitaw mula sa balabal nito. Agad namang tumakbo papunta sa kabilang direksyon si Night. Naririnig niya ang hiyawan na nag-e-echo sa kapaligiran.
Binilisan niya ang pagtakbo habang hawak sa kanang kamay si Gula, at ang devils heart naman sa kaliwa. Nakalabas na siya sa hardin ng Kastilyo ngunit sabay-sabay na tumalon mula sa itaas ang mga Lethium at Ravenium Demons. Napalilibutan na siya ng mga kalaban.
Hinanda niya ang sarili at tinutok ang espada. Maliksing sumugod ang mga ito gamit ang kani-kanilang mga armas. Sipa, suntok, humpas ng espada. Lahat sila buong tapang na hinarap ni Night.
Tinamaan niya sa dibdib ang isa sabay sinipa ito palayo. May sumugod na dalawa mula sa likod pero agad siyang nakapihit at hinumpas si Gula. Lumabas ang asul na apoy mula doon at tinamaan ang dalawa. Natupok sila at nasusunod na natumba sa sahig.
Nagpatuloy sa pakikipaglaban si Night sa hindi maubos na mga demonyo pero masyado silang marami. Kinukuyog na siya ng mga ito habang nasa gitna siya at hingal na hingal sa pagod. Nanlilisik ang mga mata nila na tila isa siyang pagkain na gusto nilang kainin.
"Maligayang pagbabalik, prinsipe ng dilim."
Isang tinig ang nangibabaw. Mabilis na napatuwid ng tayo si Night nang marinig ang pamilyar na boses na kilalang-kilala niya. Agad nagsilayuan ang mga demonyo sa paligid at sabay-sabay na lumuhod.
Lumingon si Night sa likuran at natagpuan si Lucas na prenteng nakatayo habang nakapamulsa ito. Nasa tabi nito si Winter na kasing lamig ng panahon ang mukha.
Nagtigas ang bagang ni Night sabay nagdilim ang kanyang mga mata. Humigpit ang kapit niya sa espada.
"Kamusta ang buhay may-asawa? Mukhang enjoy na enjoy ka at nakalimutan mo na kung ano ang pinag-usapan natin."
Nagkiskis ang ngipin niya sa galit.
Umismid si Lucas nang makita na hawak niya ang Devils heart, "At ngayon ay nagnanakaw ka na. Ano ang gagawin mo sa Devils heart? Ipangreregalo mo ba sa aking apo?"
"Don't you dare call my child, yours. Hindi niya kailangan ng lolo na katulad mo!" nangigigil niyang singhal.
Tumawa ng malakas si Lucas, "Bakit mo naman ipinagkakait sa akin ang apo ko? Hindi ka ba natutuwa? Lumalaki na ang ating pamilya."
"You're not our family."
Umismid si Lucas, "Matigas pa rin talaga ang bungo mo. Binalaan na kita, sinabi kong huwag mo kong ta-traydurin pero ginawa mo pa rin."
Nakaramdam si Night ng panginginig sa huling sinabi nito. Binalot siya ng matinding takot para sa kanyang mag-ina, "Stay them out of this," nangigigil niyang turan.
Pumalatak at umiling si Lucas, "Alexis, Alexis, Alexis," naglakad ito patungo sa kanya. Para siyang napako sa kinatatayuan.
"Sa tingin mo ba'y may magagawa ka pa para pigilan ako? Binigyan kita ng pagkakataon, hindi ko gagalawin ang pinakamamahal mong Nephilim kung ibibigay mo ang espada ko pero ano'ng ginawa mo? Tinraydor mo pa rin ako," tumalim na tila kutsilyo ang tsokolateng mga mata ng hari ng kadiliman na tumagos hanggang sa buto ni Night.
Nakipagtagisan ng tingin si Night sa ama sa kabila ng panginginig ng buo niyang katawan sa magkahalong takot at galit.
"Face the consequence of your stupidity," nagdilim ng husto ang mata ng hari ng kadiliman at sa isang pitik ng daliri nito ay agad napaluhod si Night at bumaluktot sa sakit.
"Arrgggghhhhhhh!" pakiramdam niya kinukuryente ang buo niyang katawan sa labis na kirot na bumabalot sa sistema niya.
Tumayo si Lucas sa harapan niya. Tumaas ang sulok ng bibig nito, "Ayoko sa lahat yung ginago ako," malakas na sinipa siya ni Lucas sa mukha.
"AHHHHHHHHHH!"
"Sige pa anak, kaya mo 'yan, sige pa, lakasan mo pa," sigaw ni Apo Maan habang nakahanda na ang dalawang kamay nito upang saluhin ang malapit nang lumabas na ulo ng sangol.
Muling humugot ng malalim na hangin si Lexine saka buong lakas na umire.
"AHHHHHHHHH!" pakiramdam niya napupunit na ang pagkababae niya sa labis na hirap at kirot. Naliligo na siya sa pawis at pulang pula ang kanyang mukha.
Nagpagulong-gulong si Night sa damuhan.
"Wala akong sasantuhin, kahit pa anak kita," muli siyang tinadyakan ni Lucas.
Umubo ng dugo si Night habang namimilipit sa paghihirap. Buong pangigigil na tinapakan ni Lucas ang leeg niya dahilan upang hindi siya makahinga.
"Sinayang mo ang pagkakataon na binigay ko sa'yo, ayaw mong sumunod sa akin, sige, ipapakita ko sa'yo kung paano ako magalit."
Mas diniinan ni Lucas ang sapatos nito sa leeg ni Night at tumitirik na ang mata niya sa kawalan ng hangin. Nagkukulay ube ang kanyang mukha habang pawis na pawis.
"AHHHHHHHHHHH!"
"Malapit na anak, malapit na, kaya mo pa 'yan, sige pa!"
"Lexine, harder, harder," paulit-ulit na bulong ni Devorah sa tabi.
Mahihimatay na si Lexine sa hirap pero pinilit niya pa rin na ibuhos ang natitirang lakas at muling umire.
"AHHHHHHHH!" pumainlanglang ang hiyaw niya sa buong temple.
Hanggang sa narinig nila ang tunog ng iyak ng bata.
"Uwaaah! Uwaaaah! Uwaaaah!"
Nagliwanag ang mukha ni Apo Maan, ganoon din si Eros, Devorah at ang iba pang Babaylan.
Sa wakas at nakahinga ng maluwag si Lexine nang tuluyan niyang nailabas. Unti-unting inangat ni Apo Maan ang duguang sangol habang napakalas ng iyak nito na siyang humaplos sa puso ng bawat isa.
"Natatanging Nephilim, babae ang iyong anak," dahan-dahang hiniga ni Apo Maan ang sangol sa kanyang dibdib.
Sa kabila ng labis na panghihina, napawi ang lahat ng paghihirap at pagod ni Lexine nang masilayan ang maliit at magandang mukha ng kanyang anak habang naririnig ang munti nitong iyak. Pakiramdam niya nagliwanag ang buong mundo niya. Tumulo ang luha sa kanyang pisngi nang haplusin ang duguang mukha ng sangol.
"Anak ko," kasabay ng pag-iyak ang pag-guhit ng napakagandang ngiti sa kanyang labi.
Sa mga sandaling ito, ngayon lang tunay na naintindihan ni Lexine ang dahilan kung bakit nangyari ang lahat ng paghihirap na pinagdaanan niya sa buhay. Sapagkat sa kabila ng bawat sakit at pighati. Sa bawat pagkadapa niya at paulit-ulit na problemang binibigay ng tadhana. Lahat ng iyon, nabigyan ng sagot.
Ang pagiging matatag at matibay na pananampalataya sa Maykapal ay may kapalit na walang katulad na biyaya. Kahit madami pa ang madidilim na sandaling dumadaan sa ating buhay. May liwanag nag-aantay sa dulo nito.
Ang anak niya, ang pinakamalaking regalong pinagkaloob ng Maykapal. Ngayon naiintindihan na niya ang lahat. Ito ang malaking sagot sa lahat ng kanyang panalangin at dasal.
"Ano'ng pangalan niya Alexine?" tanong ni Apo Maan.
Hindi bumibitaw ng titig si Lexine sa mukha nito at tinawag ito sa unang pagkakataon, "Aye… Ayesha."
Bugbog at binabalot ng dugo ang buong mukha ni Night nang humilata siya sa damuhan. Tumingala siya sa madilim na langit at mga bituin. Huli niyang naisip ang mukha ng asawa at ang anak nila bago unti-unting binalot ng kadiliman ang kanyang buong mundo.
AND THE BABY WAS BORN!!!
AYESHA!
I think some of you already knew. Since nagtapon na ako ng clue from previous chapters. HAHA! Oh no! Night was captured! :) Wag palalampasin ang susunod na updates!!! Hahahahaha!
Pa-vote po ng powerstones! Enjoy the weekends!
Join our FB group: Cupcake Family PH