(Flashback)
ISANG NAKAKATAKOT na tunog ang malakas na dumadagundong na nagmumula sa pinakasentro ng makapal at maitim na higanteng mga ulap. Umiikot ang ulap na katulad ng isang ipo-ipo. Sa loob nito nagaganap ang isang nakagigimbal na walang tigil na pagkidlat at kulog. Tila isang bagyong walang katapusan. Makikita ang paulit-ulit na ilaw na sumasabog sa loob ng kadiliman ng ulap. Walang kahit sino ang magnanais na tumalon dito.
Mula sa kinatatayuang dulo ng pinakamataas na talampas sa mundo ng mga kaluluwa, natatanaw niya ang dagat ng higanteng halimaw sa ibabaw ng kalangitan. Sumasabay ang bawat dagundong ng kulog sa malakas at makatindig balahibong lamig ng hangin na tumatama sa kanyang balat.
Wala na siyang tatakbuhan pa dahil naririnig na niya ang paparating na mabibigat na yabag ng mga kabayo. Kasabay ang sigaw ng mga nilalang na tumutugis sa kanya.
Ano ang kanyang pipiliin? Ang magpahuli sa mga kalaban o ang tumalon sa walang kasiguraduhang pagkakataon? Makakatakas ba siya nang tuluyan o mapapahamak sa oras na talunin niya ang talampas?
Kungsabagay, ano pa nga ba ang katatakutan niya ngayon siya ay patay na? Sa dami ng kapamahakan at pagsubok na kanyang dinanas sa kamay ng kasamaan na hanggang sa kabilang buhay ay nais siyang makuha, ano pa ba ang salitang takot para sa kanya?
"Wala ka nang kawala mortal!"
Kasabay nang sigaw ang paghinto ng mabibigat na yabag sa kanyang likuran. Lumingon siya at nakita ang humigit dalawampung Keepers at mga kawal na nakasakay sa itim na kabayo. Sa gitna nila ang kanilang pinuno na siyang sumigaw.
"Kusa mo nang isuko ang sarili mo sa amin. Hindi ka na makakatakas pa," malamig na turan ni Kreios.
Nagkuyom ang mga palad ni Lexine. Sa kabila ng kadungisan, mga galos at pasa sa lahat ng parte ng kanyang katawan. Hindi pa rin natitinag ang tapang na sumasalamin sa kanyang mga mata.
"Hindi ako papayag na magpagamit sa inyo," matatag na sagot ni Lexine.
Umismid si Kreios at natatawang napailing, "Pinabibilib mo talaga ako natatanging mortal, subalit, walang magagawa ang tapang ng loob mo dahil hindi ka na makakawala sa amin, kaya iminumungkahi ko sa iyo na isuko mo na nang payapa ang iyong sarili nang sa ganoon ay hindi ka mahirapan pa."
Tumalim ang mga mata ni Lexine at masamang tumitig sa taksil na pinuno ng mga Elders, "Nagkakamali ka kung inaakala mong susuko ako," muli siyang lumingon sa kanyang likuran. Napalunok siya habang pinagmamasdan ang nakakatakot na mga ulap.
Tumawa nang malakas si Kreios, nahulaan na agad niya kung ano ang iniiisip nitong gawin, "Sa tingin mo ba ay mapupuntahan ka pang iba? Kahit tumalon ka sa mata ng Samsara, tutugisin at tutugisin ka pa rin ng aming Panginoon. Hindi ka makakawala dahil susundan ka niya kahit saang sulok pa ng mundo."
Ang mata ng Samsara ay matatagpuan sa pinakataas ng bundok ng Samsara. Dito sa mundo ng mga kaluluwa, labis na kinatatakutan ang higanteng ulap sa takot na maari silang dalhin nito sa kawalan, isang lugar na walang nakakaalam kung saan man. Ayon sa mga kwento, ang mga iilang kaluluwa na unang sumubok talunin ang mata ng Samsara ay kailanman hindi na natagpuan. Walang makapagsabi kung saan sila napunta.
Muling lumingon si Lexine sa kanyang likuran, kung saan man siyang parte ng mundo dadalhin ng higanteng mga ulap na ito, mas nanaisin na niyang mawala sa kawalan kaysa maging kasangkapan ng kasamaan.
Buong loob na hinarap niya si Kreios at saka ngumiti.
"Kung ganoon, sige. Sabihin niyo sa inyong Panginoon na maglaro kami ng tagu-taguan," mabilis na pumihit si Lexine at hinakbang ang mga paa patungo sa hangganan ng talampas.
Nanlaki ang mata ni Kreios, hindi niya inaasahan na talagang tatalon ito. Sumigaw siya at pinakilos ang sinasakyang kabayo upang pigilan si Lexine subalit, huli na ang lahat. Mabilis na tumakbo ito at nag-dive sa dulo ng talampas.
Pinikit ni Lexine ang mga mata at hinanda ang sarili sa kung ano man ang kanyang kahihitnatnan. Kung ano man ang plano sa kanya ng Maykapal, buong puso niya itong tatangapin.
Have you imagine what Eye of Samsara looks like? Hehehe
JOIN OUR FAMILY!
FB GROUP: Cupcake Family PH
IG/Twitter: anjgeee_
DISCORD: https://discord.gg/sz7rHfN