webnovel

Chapter 81

Matapos mapatumba ang lahat ng mga berbalang ay ikinulong naman ni Liway ang mga nagwawalang kaluluwa nito sa isang kulay itim na tapayan. Isinara niya ito at sabay silang nag-usal ni Simon ng orasyon upang maselyuhan ang tapayang iyon.

"Sa wakas ay nagawa na rin nating maselyuhan ang kaluluwa ng mga natitirang berbalang sa mundong ito. Hindi ko lubos akalain na hanggang dito sa bayan nila Milo ay napadpad ang mga ito." Wika pa ni Liway bago nagpakawala ng malalim na buntong-hininga.

Ilang sandali pa ay narinig naman nila ang malakas na sigaw ni Milo sa loob ng kubo, kasabay nito ang tila nakakapunit ng dibdib na palahaw ng binata. Dahil sa narinig ay marahas na napalingon si Maya at tila kidlat itong naglaho sa kinaroroonan nito.

Nakaluhod si Milo sa harap ng lupaypay na katawan nina Nardo at Ben. Walang tigil ito sa pag-iyak hanggang sa tuluyan din itong dumausdos at nawalan ng malay. Natatarantang lumapit si Lolo Ador sa kaniyang apo, bakas ang kalungkutan at hinanagpis nito ngunit bago pa man ito makalapit ay mabilis nang nahawakan ni Maya si Milo. Si Simon at liway naman ay dinaluhan ang dalawang binata sa lapag. 

"Ano pong nangyari Lolo Ador?" nag-aalalang tanong ni Maya, kitang-kita kasi niya ang pamumutla ng binata. Wala namanitong malubhang sugat bukod sa mga kalmot sa buo nitong katawan. Doon ay inilahad ng matanda ang lahat ng pangyayari simula noong magsimulang umatake ang mga berbalang at ang biglang pagbabago ng anyo ni Ben hanggang sa wala nang nagawa si MIlo kundi ang saksakin pareho ang mga kaibigan.

"Nasaksak po, wala namang sugat ang dalawang ito. Paano pong nasaksak at isa pa, nawalan lang sila ng malay, wala akong nararamdaman kakaiba sa kanila. Natutulog lang sila." Wika ni Simon at nanlaki ang mga mata ni Lolo Ador. Kitang-kita niya ang pagtarak ng kris sa katawan nina Nardo at Ben kaya imposibleng walang kahit na anong sugat ang mga ito. Dali-dali niyang tinungo ang dalawang binata upang siya mismo ang makakita ng kalagayan ng mga ito.

"Walang sugat, isa itong himala. Kitang-kita ko ang pagtarak ng kris sa katawan nila. Kaya isang malaking himala ang nangyaring ito." Magkahalong gulat at tuwa ang nagibabaw sa dibdib ni Lolo Ador. Sabay-sabay pa silang napalingon nang biglang nagliwanag ang kris ni Milo na noo'y nasa lupa na. Pumaibabaw ang liwanag na ito ay biglang nag-anyong tao. Malaki ang pagkakahawig nito kay Milo at ang tanging kaibahan lamang ang ang asul nitong mata at ang mahaba at kulay abo nitong buhok. 

"Lolo Ador, kumusta po kayo." Nakangiting tanong nito. Tila hinagod ng isang malamig na tinig ang kanilang mga puso nang magsalita na si Miko. Napaluha si Lolo Ador at hindi makapaniwalang lumapit sa kaniyang isa pang apo na matagal nang nawalay sa kanila.

"Miko, ikaw na ba yan? Tama nga ang ina niyo, isang araw ay muli kang magbabalik, hindi man sa anyo ng isang tao, ngunit muli ka naming makakasama." Walang pagdadalawang isip na niyakap ng matanda si Miko

"Opo lolo, napapanahon na kasi at malakas na si Milo, nahatiran na niya ako ng sapat na kapangyarihan upang muling mapalitaw ang sarili ko sa mundong ito. Ngunit ito ay hindi permanente, dahil kailangan ko pa rin bumalik sa kris upang bawiin ang lakas na nawawala sa akin kapag nasa mundo ang aking mga paa. Purong tagubaybay ang nananalaytay sa aking dugo at ang aking tadhana ay maging katuwang ni Milo habang siya ay nabubuhay sa mundong ito. Lo, makakasama ko na rin kayo." Masayang wika ni Miko at tumango-tango naman ang matanda habang masayang nagtatangis sa mga bisig nito.

"Siyanga pala apo, alam mo ba ang nangyari sa dalawang kaibigan ng kapatid mo?" tanong ni Lolo Ador nang maalala ang kanilang sitwasyon.

"Opo, isa sa kakayahan ng kris ang pumaslan ng mga nilalang na may bahid ng kasamahan. hanggat ang isang nilalang ay walang bahid ng itim ay hindi ito masasaktan ng talim ng kris."

Marahang ikinumpas ni Miko ang kaniyang kamay dahilan upang lumutan sa ere ang kris ni Milo. Ilang sandali pa ay itinuro niya ang kaniyang daliri kay Gustavo at parang kidlat na lumipad ang kris patungo sa kaniya. Tumarak ito sa katawan ni Gustavo na labis na ikinabigla ng lahat, maging si Gustavo ay nagulat. Ramdam niya ang sakit ng pagtarak ng talim ng Kris ngunti nakapagtatakang walang dugo o sugat itong nalikha sa kaniyang katawan. Nanatiling nakatayo si Gustavo habang nanlalaki ang mga matang tinititigan ang Kris na dahan-dahang nahuhugot sa kanyang katawan.

"Napakagandang abilidad, kinikilala ng kris na ito ang mga nilalang na may angking kabutihan sa kabila ng mga dugo nitong nagmula sa kadiliman." dagdag pa ni Miko at muli nang naglaho, ang liwanag ay muling bumalik sa kris na mabilis namang pinulot ni Lolo Ador at isinilid ito sa kaluban.

Mayamaya pa ay nakahinga na rin ng maluwag ang matanda. Mablis na nilang inayos sa mga papag ang dalawang binata, si Milo naman ay dinala na nila sa silid nito upang maayos na magamot. Si Simon ang siyang gumamot kay Milo, habang naghihintay naman si Maya sa loob. Si Lolo Ador naman ang tumingin kay Ben at Nardo at katuwang naman niya si Liway.

Si Gustavo naman ay inalalayan na si Agnes patungo sa silid ng mag-asawa na nakituloy sa kubo ng matanda upang doon pansamantalang magpahinga. Lumipas pa ang dalawang araw bago tuluyang nagising si Milo. Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata at isang malabong pigura ang nakita niyang may ginagawa sa gilid ng kaniyang higaan. Kinurap-kurap niya at bahagyang kinusot ang kaniyang mata, kalaunan ay maayos niyang naaninag ang nakatalikod na pigura ni Maya.

"M--Maya?" Patanong na tawag niya sa dalaga. Mabilis namang lumingon si Maya at nanlalaki ang mga mata nitong lumapit sa kaniya . 

"Gising ka na, ayos na ba ang pakiramdam mo? Nag-aalala na si Lolo Ador sa'yo, dalawang araw kang hindi nagigising. Ano'ng nararamdaman mo, may masakit pa ba sa'yo?" Sunod-sunod na tanong ni Maya sa kaniya. Napatingin lang siya sa dalaga at tahimik na naglandas ang luha sa kaniyang mata na nagpataranta naman sa dalaga.

"Nabigo ako, hindi ko nailigtas si Nardo at Ben--" putol na wika ni Milo at napayakap sa dalaga habang umiiyak. Napakalakas ng iyak nitong dinig pa kahit sa labas ng silid niya. Hindi naman malaman ni Maya ang sasabihin dahil sa gulat nang bigla siyang yakapin ni Milo. Ramdam din niya ang panginginig ng katawan nito dahil sa sobrang paghihinagpis, nawala tuloy sa isip niya na sabihin na buhay pa ang mga kaibigan niya at nagawa niya silang mailigtas.

Ngunit bago pa man makapagsalita si Maya ay bigla namang bumukas ang pinto mg silid at pumasok mula roon ang nasasabik na mukha nina Nardo at Ben.

Napahinto sa pag-iyak si Milo nang mapatingin sa mukha ng kaniyang mga kaibigan, magkaparegong gulat ang rumehistro sa mukha nilang tatlo. Ang pinagkaiba lang—si Milo nagulat dahil ang buong akala niya ay wala na ang mga ito habang ang dalawa naman ay nagulat dahil naabutan nilang magkayap si Milo at Maya. Naiilang naman na lumayo si Maya at mabilis na nilisan ang silid upang mabigyan ng oras ang tatlo.

"Ano 'yon pre, bakit magkayakap kayo ni Maya?" Natatawang tanong ni Nardo ngunit nanatiling nakatitig lamang si Milo sa kanila.

"Hoy pre, bakit para kang nakakita ng multo diyan, buhay ka pa ba?" Untag naman ni Ben sabay tapik sa balikat ni Milo.

Dahil sa pagtapik na iyon ay doon lamang napagtanto ni Milo na buhay na buhay ang mga ito sa harapan niya. Napatalon siya sa higaan niya ay yumakap sa mga ito na tila isang batang paslit na muling nakita ang mga kaibigan niyang matagal nang nawalay sa kaniya.

Dahil sa pag-iyak ni Milo at napaiyak na rin ang dalawa. Ilang minuto din silang nag-iyakan sa silid na iyon bago sila tuluyang mahimasmasan.

"Ano bang nangyari, akala ko ay napat*y ko kayo?" Tanong ni Milo.

"Hindi rin namin alam pre pero ang sabi sa amin ni Lolo Ador niligtas mo kami. Dahil sa ginawa mo ay nawala ang sumpa sa akin ng mga berbalang." Tugon ni Ben.

"Wala kayong sugat?" Tanong ulit ni Milo dahil sa pagkakatanda niya ay tagos ang pagkakasaks*k niya sa dalawa.

"Hindi rin namin maintindihan, mas maigi kung si Lolo Ador na ang magkwento sayo." Suhestiyon ni Nardo na sinang-ayunan naman ni Ben.

Saglit lang na inihanda ni Milo ang sarili bago bumangon at lumabas ng kaniyang silid. Naabutan niyang nagkakape si Lolo Ador kasama si Gustavo. Hindi na niya nakita sa silid ang mag-asawa kaya iyon agad ang naitanong niya.

"Bumalik na sila sa kanilang bahay. Wala na ang banta ng mga berbalang at nasa maayos na silang kalagayan. Ikaw apo, kumusta na ang pakiramdam mo?" Tanong ni Lolo Ador. Bakas sa mukha nito ang kasiyahan na muli siyang masilayan.

"Maayos na po lo, medyo nagugutom lang." Sagot naman ni Milo at naupo na sa tabi nito.

"Nagluluto na si Maya, hindi ka pa maaaring kumain ng mga pagkaing mabibigat sa sikmura kaya hintayin mo na lang." Wika ng matanda.

"Lo, ano ba talaga ang nangyari? Walang sugat sina Nardo at Ben, napakatalas ng kris na iyon kaya isang malaking palaisipan sa akin ang sitwasyong ito."

"Ang kris, oo tama, hindi mo pa pala alam. Ang kris na iyon ay may kakayahang lumupig ng masasamang nilalang subalit hindi nito masasaktan ang mga nilalang may angking kabutihang kagaya ni Gustavo. Kahit ako ay manghang-mangha nang ipamalas iyon ni Miko sa aming harapan." Manghang pagkukuwento ni Lolo Ador.

Gulat na gulat si Milo sa kaniyang narinig at mariin pang idinetalye ni Lolo Ador ang mga pangyayari noong nawala siya ng malay.

Matapos makipagkuwentuhan sa matanda ay narinig naman nila ang pagtawag ni Maya sa maliit nilang kusina. Tumayo na sila at tinungo ang dalaga upang makakain na rin si Milo. Matapos kumain ay muli na siyang nagpahinga upang mabilis niyang mabawi ang lakas na nawala sa kaniya.