Nagsimula na ding magkarga si Milo ng dasal pangkaligtasan, bakod at poder. Maging ang tabak niya ay inihipan na rin niya ng mga usal na kadalasan niyang ginagawa sa tuwing may susuungin silang laban. Muli ay itinali niya sa kaniyang braso ang gintong buhok ni Karim na siyang magbibigay naman sa kaniya ng kakaibang bilis at liksi.
Matapos makapaghanda ay akmang lilisan na sila nang biglang bumukas ang pinto ng bahay ni Pedring. Sumilip naman sa nakaawang na pinto si Pedring na noo'y halatang inaantok na.
"Aalis kayo?" Tanong nito.
"Opo Manong, babalik din po kami agad, mangangaso lang po kami." sagot ni Milo habang nakangiti.
"Gano'n ba, sige mag-iingat kayo. Iiwan ko na lang na hindi nakatarangka itong pintuan." Wika ni Pedring at nagkatinginan naman silang tatlo.
"Bukas na po kami babalik sa umaga, itarangka niyo po ng maayos ang pinto, at huwag kayong magbubukas ng pintuan kahit pa marinig niyo ang aming pagtawag." Saad ni Simon na lubha naman pinagtaka ng lalaki.
"Sige, basta mag-iingat kayo." Wika ni Pedring bago tuluyang isinara ang pintuan at itinarangka iyon. Maging ang mga binta ay maingat niyang isinara at siniguradong, hindi iyon mabubuksan agad. Bahagya pa siyang sumilip sa maliit na siwang na naroroon upang masiguradong nakaalis na ang grupo ni Milo.
"Wala na ba sila?" tanong ng asawa ni Pedring.
"Kakaalis lang, kinakabahan ako sa gagawin ng mga batang iyon. Siguradong sa kabilang parte ng bayan ang tungo nila. Narinig ko ang usapan nila na paniguradong may bibiktimahin na naman ang aswang sa bayan. Ang mabuti pa, maglagay tayo ng mga pangontra sa bawat sulok ng bahay. Nagbilin din sila na huwag magbubukas ng pinto kahit na anong mangyari, kahit sila pa ang marinig nating tumawag, bukas pa ang balik nila kaya panigurado hindi sila uuwi ngayon gabi." Mahabang wika ni Pedring. Bakas naman sa mukha ng asawa niya ang pag-aalala sa kaligtasan nila Milo at maging sa kaligtasan ng mga buhay nila.
Kung nagawa nila itong masabi ay siguradong mangyayari nga iyon. May posibilidad na maging sila ay aatakihin ng mga aswang, kaya naman imbis na matulog ay minatyagan nila ang buong paligid sa loob ng kanilang bahay.
Samantala, tahimik namang tinatahak ng grupo ni Milo ang daan patungo sa loobang parte ng bayan ng Miranda. Napakatahimik ng buong lugar at halos kuliglig na lamang ang naririnig nilang humuhuni. Nang marating naman nila ang bukana ay doon na sila nakarinig ng mga taong nag-kakasiyahan habang nag-iinuman.
Patago silang nagkubli sa madilim na parte ng bayan para magmasid. alam nilang ano mang oras ay paniguradong aatake na naman nag aswang na iyon upang sa kanila maibunton ang lahat ng sisi.
"Anong ginagawa niyo diyan mga kuya?"
Sa kanilang pagmamatyag ay nagulat sila nang may marinig na tinig ng isang bata sa kanilang likuran. Sabay-sabay silang napalingon at doon bumungad sa kanila ang isang batang babae na nasa walong taong gulang. May bitbit itong isang bote ng mantika at supot na naglalaman ng tuyo at kung anu-ano pa.
"Umuwi ka na bata, hindi ka na dapat naglalakad sa gabi." Wika ni Milo bago nginitian ang bata. Napangiti na dina ng bata at iminuwestra nito ang kaniyang mga bitbit.
"May sakit si Mama, si Papa naman wala pa dahil nasa bukid. Kaya ako muna ang bumili para may maiulam kami. Bakit kayo nandito? Wala ba kayong bahay? Sumama kayo sa akin. Doon kami nakatira sa sentro ng bayan." Inosenteng alok ng bata.
"Hindi ka ba natatakot sa amin?" Tanong ni Simon at mabilis na umiling ang bata.
"Mukha naman kayong mabait at isa pa, hindi kayo mabaho kaya alam kong tao kayo, 'yon kasi ang sabi sa akin ni Tatay, umiwas daw ako sa mga taong may mabahong amoy." Paliwanag ng bata na ikinagulat naman nilang tatlo lalo na si Maya.
"Ano ang tingin mo sa akin bata?" Tanong ni Maya. Napatitig naman sa kaniya ng bata na animo'y may hinahanap. Mayamaya pa ay nanlaki ang mata ng bata bago siya maiiging inamoy.
"Hindi ka naman mabaho ate, pero bakit kakaiba ka?"
Dahil sa sinabi ng bata, napangiti si Maya at marahang pinisil ang ilong nito.
"Aba, napakagaling mo naman bata, saan ba ang bahay niyo?" Nakangiting tanong ni Maya, masayang itinuro naman ng bata ang ang isang daan at agad na nila itong tinahak. Nang marating nila ang may kalakihan nitong kubo ay pinapasok naman sila ng bata. Agad namang sumalubong sa kanila ang isang babae na bahagya pang namumutla.
"'Nay, bakit naman bumangon na kayo, sabi ko naman sa inyo na huwag kayong tatayo kapag wala kami ni Tatay, paano kung bigla kayong matumba?" nag-aalalang wika ng bata.
"Magandang gabi po sa inyo. Inihatid lang po namin si Nika dahil masayado na pong malalim ang gabi." wika naman ni Milo. Napatingin naman sa kanila ang babae at bahagyang tumango.
"Kayo ang mga dayo sa lugar nina Pedring? Hindi na dapat kayo nagpunta rito, masyado kayong mainit sa mga tao rito, mapapahamak lang kayo." saad ng babae na bakas ang pag-aalala sa mukha. Panay din ang pagsipat nito sa labas bago tuluyang isinara ang binata at pinto ng bahay nila.
"Bakit kayo nagpunta rito, hindi niyo ba alam na binabalak ng mga taong-bayan na hulihin kayo, dahil kayo ang pinagdududahan nilang pumatay sa anak ng isa naming kasama," dagdag pa nito, umupo ang babae sa silyang gawa sa kawayan at binigyan naman ito ng tubig ni Nika.
"Nandito kami para patunayan na wala kaming kinalaman sa mga pat*yan na nangyayari rito." Wika ni Simon at napangiti ang babae na kalaunan ay nagpakilala sa pangalang Diana. Ayon pa sa babae alam naman nila na hindi ang grupo ni Simon ang pumapat*y, dahil matagal nang alam ng kanilang pamilya kung sino ang aswang sa bayan nila.
Ilang taon na din ang nakalilipas simula nang lumipat ang pamilyang iyon dito sa bayan ng Miranda. Kasagsagan ng kaguluhan dahil sa kakaibang tagtuyot na lumukob sa bayan ng Miranda. Isang albularyo ang kaniyang asawang si Marion subalit dahil sa salot ay nahinto ito dahil sa kakulangan ng mga halamang gamot at gamit na maari niyang gamitin. Matiyagang sinasaka ng kanilang pamilya ang isang parte ng bukirin na hindi gaanong naapektuhan ng salot subalit habang tumatagal ay dahan-dahan na rin itong nilalamon ng sumpang dumikit sa kanilang bayan.
"Alam niyo po bang may talento ang anak niyong si Nika?" tanong ni Maya habang nakatingin sa bata na noo'y abala na sa pagluluto sa maliit na kusina. Bahagyang tumango si Diana at mapait na ngumiti.
"Bata pa lamang ay nakitaan na siya ng mga senyales na siya ang magmamana ng aral ng kaniyang ama, subalit sa mga nangyayari ngayon, hindi ko alam kung maipagpapatuloy pa niya iyon. Kahit mga libreta ng aking asawa ay nababalot na rin ng sumpa. Ang katawan ko dahan-dahan na ding nanghihina dahil sa sumpa na nasa aming lupa. Alam kung napapansin niyo rin ito." malungkot na napangiti si Diana. Maiiging napatingin naman si Milo sa babae hanggang sa mapansin niya ang kakaiba rito.
"Isa kang..." hindi na naituloy ni Milo ang sasabihin dahil pinutol na iyon ng babae.
"Anak ako ng isang engkantong gubat sa isang tao, kaya apektado ang katawan ko dahil sa nangyayari ngayon sa lupaing ito. Si Nika, may dugong engkanto at dugong albularyo, dahil sa kaniyang ama. Kaya alam kong hindi kayo masama, kahit pa may dugong aswang ang dalawa mong kasama. Alam ko rin na may dugo silang babaylan dahil sa amoy nila." Paliwanag ni Diana na lubhang ikinamangha ni Milo.
Ito ang unang pagkakataong nakasugpong siya ng isang taong may dugong engkanto at normal lang din pala kung titingnan ang mga ito. Ilang sandali pa ay muling bumukas ang pinto ng bahay at pumasok roon ang isang lalaking nakasuot ng sombrero at may dalang bayong na puno ng gulay at mga halamang dahon. Nagulat pa ito nang makitang may ibang tao sa kanilang bahay.
"Sino kayo?" Tanong nito at agad na napatingin sa asawa niyang si Diana."
"Mahal, bakit bumangon ka, at sino ang mga batang ito?" Tanong ni Marion, inilapag nito sa tabi ang dalang bayong at inalis ang suot na sombrero bago ito isinabit sa pako na nakausli sa gilid ng kanilang pinto.
"Mahal, sila ang mga batang dayo na kasalukuyang nanunuluyan sa bahay ni Pedring, nakita nila si Nika at inihatid sa bahay. Maiba ako, kamusta ang lupa sa bukid?" tanong ni Diana. Bigla namang lumungkot ang mukha ni Marion at saka ipinakita sa asawa ang mga gulay na kaniyang naani.
"Napilitan akong anihin ang mga ito kahit hindi pa napapanahon, kapag hindi ko sila inani ngayon, hindi rin natin sila mapapakinabangan, dahil tuluyan nang natuyo ang lupa roon. Ilang araw pa at maging ang buong bayan ay maapektuhan na ng salot," malungkot na salaysay ni Marion at napatingin kina Milo.
"Ang mabuti pa umalis na kayo sa bayan namin, dahil kapag tuluyang namatay ang lupa sa buong bayan ay kayo rin ang mapagbibintangan. Ilang mga dayo na rin ang napaslang ng mga taong-bayan dahil sa bintang, ayoko nang makakita ng mga inosenteng napapaslang dahil sa sumpang ito." maigting na saad ni Marion. Batid ni Milo ang ibig ipahiwatig ng lalaki, subalit may misyon silang dapat tapusin at kasama na roon ang pagbabalik ng dating buhay sa bayan ng Miranda.
"Manong Marion, magagawa naming masolusyonan ang problema niyo sa lupa, subalit kailangan namin ng tulong niyo, at kailangan namin linisin ang aming pangalan upang maging maayos ang gagawin namin sa inyong bayan. Hindi namin ito magagawa kapag may biglang susugod sa amin sa kalagitnaan ng aming ritwal. Kaya nandito po kami para ilagay sa ayos ang lahat bago kami magsimula." mahabang paliwanag ni Simon na siya namang nagpatahimik kay Marion.
"Hindi niyo basta-basta matutuwid ang isip ng mga tao rito, simula nang kumalat ang salot sa bayan, halos lahat ng dayo ay kalaban ang tingin nila, ni hindi na nila magawang paghinalaan ang mga taong matagal na nilang nakakasalamuha. At hindi rin sila basta-basta maniniwala, nasubukan na rin namin, subalit naging bigo lang kami. Tumahimik na lang kami, kaysa naman mapalayas kami sa aming lupa." Wika ni Marion.
Saglit na napatahimik si Simon at nagkatinginan silang tatlo. Sa kanilang pag-uusap ay isang sigaw ang kanilang narinig mula sa labas. Agad na napasilip si Maya sa bintana