webnovel

Prólogo

"Every coin has two sides, just like most people have two faces."

-Tapas Gayen

xxx

MASAKIT man para sa akin, pero kailangan ko itong gawin. Titiisin ko ang lahat ng sakit at pagsisisi sa huli, dahil ginusto ko ito, buo na ang plano ko at hindi na iyon magbabago pa.

Ilang beses kong sinulyapan ang sanggol na mahimbing na natutulog sa mga bisig ko. Ilang beses ding nagbanta ang mga luha ko sa pagtulo.

Sapat naman siguro ang dalawang linggo na nakasama ko siya. Mariin akong napapikit saka hinayaan ang mga luhang umagos sa pisngi ko.

Ilang hakbang na lang at makakarating na kami sa aming destinasyon. Ilang minuto na lang ang natitira sa aming dalawa at kailangan ko ng magpaalam.

"Phoebe?"

Nanginginig ang mga tuhod ko nang bigla kong nakita ang taong sadya ko rito. Tuluyan na siyang lumabas sa kaniyang bahay saka nilapitan ako agad.

"Hope, anong ginagawa mo rito?" tanong niya. Napansin naman niya ang karga kong bata.

"Ate Joy, uuwi na ako sa amin." Napakagat ako sa ibabang bahagi ng aking labi. Hindi ko alam kung paano ko ito sisimulan. Tiningnan naman niya ako na nakakunot ang noo.

"Hope, hindi kita maintindihan," naguguluhan niyang sabi saka napatingin ulit sa bata.

"Ate, hinahanap na ako nina Mamang at Papang. Kailangan ko ng umuwi. Hindi nila alam ang tungkol dito," umiiyak kong sabi.

Halos isang taon na akong hindi nagpapakita sa kanila. Tumatawag naman minsan sina Papang at ang isa kong kapatid, pero ni minsan ay hindi talaga ako nagpakita sa kanila. Wala silang kaalam-alam sa nangyari sa akin.

Hindi ko naman kasi alam na hahanapin pa pala nila ako. Akala ko ay hindi nila ako gusto kasi palamunin lang naman ako sa bahay na iyon. Ang mga tumatayong mga magulang ko ngayon ay hindi ko naman totoong mga magulang. Binigay lang din ako sa kanila ng nanay ko pagkapanganak sa akin. Twenty-two na ako, pero hanggang ngayon ay hindi ko man lang alam ang pangalan niya.

"Iiwan mo sa akin ang bata?" naguguluhan pa ring tanong niya sa akin.

Tumango na lamang ako saka inabot na sa kaniya ang bata. Akmang kukunin na niya ito sa akin, ngunit biglang umiyak ito. Parang alam niya kung anong mangyayari.

"Hope, sigurado ka ba talaga? Hindi naman magagalit ang mga magulang mo rito. Pag-isipan mong mabuti."

"Buo na ang desisyon ko. Hindi na talaga iyon magbabago. Sa iyo na muna siya. Ituring niyo na rin na parang tunay niyong anak."

Napabuntong hininga na lamang siya habang tinititigan ang bata. Matagal na kasi nilang gustong magkaanak ng kaniyang asawa, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nabibigyan.

"Babalik ako kapag buo na ulit ang pagkatao ko. Patawarin mo ako, Just," mahina kong sabi habang nakatingin sa bata.

Tuluyan ko ng binigay ang bata sa kaniya. Kahit naguguluhan man siya ay agad na akong umalis pagkatapos kong maibigay ang bag na may lamang kagamitan ng bata.

Marahas kong pinahid ang mga luha sa aking mga mata. Ilang hakbang na ang nagagawa ko palayo at rinig na rinig ko pa rin ang pag-iyak nito.

Kasalanan ko naman ito, dahil sobrang tanga ko. Naniwala agad ako sa taong sinabihan lang ako na mahal niya ako, pero mas matimbang pa rin pala sa kaniya ang mga pangarap niya.

Punong-puno ng galit ang puso ko para sa mga taong nagbigay ng buhay ko. Galit ako sa kaniya na mas pinili pa ang sariling pangarap kaysa sa akin.

Kung nakaya niyang maging makasarili para sa pangarap niya, makakaya ko ring gawin iyon.