PALINGA-LINGA si Lily sa garden dahil hinahanap niya ang kapares ng batong nasa singsing ni Ara.
"Engagement ring, couz?" naalala niyang tanong sa pinsan isang araw. Nagandahan siya sa batong nakadikit sa suot nitong singsing. Kakulay niyon ang pang umagang kalangitan na natatabunan ng mga puting ulap. Magical and calming.
"Hindi, nakita ko lang itong bato sa garden doon sa kabila. Nagandahan ako kaya sinabihan ko si Gavin na gawing singsing."
Gusto din niyang magkaganoon, unique kasi. Hindi makikita ang batong iyon sa Pilipinas, ewan lang niya sa ibang bansa, kung meron man ay siguradong mahal.
Napunta si Lily sa isang malapad na lawn. May sahig itong semento at nakaharap sa isang veranda. Sa magkabilang gilid niyon ay may parte pa ng lupa na tinutubuan ng damo. Ang railings ng veranda ay ginagapangan ng vines na may maliliit na bunga kagaya ng grapes, may bulaklak din iyon na hawig ng yellow bell. Natatabunan ng ganoong halaman ang buong pader ng bahay sa bahaging iyon.
'Ang ganda naman dito.' tingala ni Lily. Sa pagbaling ng tingin sa kaliwa ay nakita ni Lily ang hinahanap. Mag-isa lamang iyon at napapagitnaan ng semento at damo sa di kalayuan. Namimilog ang mga mata niyang tiningnan ang pagkislap ng maliit na bato.
'Ayeern, nakita din kita.'
Hawak ang bato, sunod na inusisa ng babae ang nakasarang malaking pintuan. Brown iyon na may nakaukit na malaking dragon. Inakyat niya ang anim na baitang na hagdanan, nilapitan ang pintuan at sinubukang ikutin ang bakal na knob. May clicking sound siyang narinig kaya alam niyang hindi iyon nakakandado.
Nadiskobre ni Lily na iyon ang labasan ng left wing dahil pamilyar na sa kanya ang hallway sa loob. Doon niya nakita si Juda noong isang araw, baka makatagpo ulit niya ang lalaki ngayon. Binagtas niya ang daan habang pinalibot ang tingin, nagbabakasakaling makita ang laman ng isip. Natigil si Lily nang marinig ang tila nasaging metal na bagay, hinanap kung saan iyon nagmula. Dinala siya ng mga paa sa nag-iisang kwarto sa kanan, nakabukas ang pintuan niyon ng kalahati. Dahil chismosa, hindi niya napigilang hindi usisain ang narinig. Maingat siyang lumapit sa gilid ng pintuan at sumilip.
'Hala, di kaya ako maboljakan nito?'
Bahagya siyang napaigtad sa nasaksihan,
gumawa ng ingay ang pagsinghap niya.
'Si Frida nakadikit kay Juda!'
Mabilis siyang tumalikod at nagtago sa likod ng pader. Malinaw na nakakapit ang isang kamay ng babaeng Sauro sa balikat ng lalaki habang magkalapit ang mga pisngi nito.
'Anong ginagawa nila?'
Nakakabinging tumambol ang dibdib ni Lily. Diba sabi ni Juda, parang halik na rin ang ganoon? Ibig sabihin si Juda at Frida naghahalikan?
Naalala ni Lily noong una na nakita din niya ang dalawa malapit sa kusina sa ganoong tagpo. Akala niya noon na nag-uusap lang dahil wala pa siyang alam sa custom ng mga Sauro.
Nilukob ng malamig na pakiramdam ang buong katawan ni Lily, gumapang iyon hanggang sa batok. Naitakip niya sa bibig ang ngayon ay nanginginig na na kamay.
'Bakit sila naghahalikan?'
Gusto niyang iprocess sa utak ang mga pangyayari pero hindi gumagana ang isip niya. Sa puntong iyon ay lumabas si Frida sa kwarto at binigyan siya ng walang kaemo-emosyong tingin bago tuluyang umalis. Ibinaba ni Lily ang pawisan nang kamay at ikinulong gamit ang isang palad.
Anong gagawin niya? Hindi niya alam anong gagawin niya.
"Lily." narinig niyang sambit ni Juda, hindi siya makakilos sa kinatatayuan. Parang naduwag ang mga paa niyang lumapit at harapin ang lalaki. Anong sasabihin niya? Anong sasabihin nito sa kanya?
"Lily." Tawag ulit nito, mas pinalakas ang boses para marinig niya. Katunog niyon ang tatay na nauubosan na ng pasensiya. Kailangan niyang harapin si Juda, kailangang maklaro nito kung ano ang ibig sabihin ng nakita niya kung hindi ay mababaliw siya sa kakaisip. Sa mahinang hakbang ay pumasok siya sa kwarto. Nakatayo ito sa gilid ng mesa, ang kalahati ng puwet ay bahagyang nakatukod doon, nakakrus ang mga braso sa dibdib.
"Sorry, nadistorbo ko ang pag-uusap n'yo."
"Anong kailangan mo?" tanong ng lalaki at dinampot ang baso sa mesa, inisang inom ang laman niyon.
"G-gusto ko lang klaruhin k-kung ano ang ginawa ninyo ni Frida."
Ilang Segundo bago sumagot ang lalaki. "Alam mo na naman iyon hindi ba?"
Hindi niya inakalang basta nalang nitong aminin iyon, nakatanga siyang nagugulumihanan. Hindi man lang ba ito magbibigay ng rason o depensahan ang sarili?
"Bakit?" Unti-unting humahapdi ang ilong ni Lily at lumalaki ang bara sa kanyang lalamunan. Umiinit na ang gilid ng mga mata niya sanhi ng pamumuo ng unang luha. Halos wala nang boses ang lumabas kaya pabulong niyang nasambit iyon.
Nagtagpo ang kilay ni Juda, na parang kataka-taka ang binitawan niyang tanong.
"Bakit?"
"Akala ko... Akala ko okay tayo. Akala ko... mahal mo ako." Ayon at nasambit na niya ang salita.
"M-mahal?" bulalas ng lalaki. Itinakip nito ang palad sa bibig sa anyong natatawa, napapailing na yumugyog ang balikat. "Bakit mo naman naisip ang nakakatawang bagay na iyan?"
Hindi makapaniwala si Lily sa nakikita. Ito ba ang Juda na nakasama niya sa Rattus? Ang bumubulong sa kanya ng masasarap na salita? Ang nagparamdam sa kanya ng pagmamahal at nagpakita ng kabaitan? Bakit parang kaharap niya ang Juda na nakilala niya noong una?
"Pero may nangyari sa atin, Juda. Binigay ko ang sarili ko saiyo, pati puso ko. Yung... yung pinaramdam mo sa akin, yung mga hawak mo. Ano palang ibig sabihin nun?" tuluyan nang nabasa ng luha ang pisngi ng babae, walang tigil iyon na hindi na niya makita ang lalaki. Pinahid niya ang mga mata gamit ang likod ng kamay at lumapit.
"Juda... Huwag ka namang ganyan, o. Huwag kang magbiro ng ganyan." pagmamakaawa ni Lily. Alam niyang hindi nagbibiro si Juda dahil narin sa nasaksihan niya kasama si Frida pero nagbabakasakali parin siyang biglang babawiin iyon ng lalaki at ikulong siya sa yakap.
Inabot niya ang braso ng lalaki pero bahagya itong lumayo kaya naiwan sa ere ang kamay ni Lily. Gustung-gusto na niyang hawakan si Juda dahil pakiramdam niya ay nananaginip lang siya. Gusto niyang makasiguro na totoo ang lahat. Hindi parin matanggap ng sarili na binabato siya ng ganoon kalupit na salita ng lalaki.
"Ganoon ba talaga ka-hangal ang mga taga mundo? Dahil lang nasiyahan sa pagtatalik, nabubulagan na kaagad ng pag-ibig? O sadyang nahumaling ka lang nang husto sa katawan ng isang Sauro? Mas malaki, mas masarap." nakakaloko itong humalakhak. Tawang-tawa sa naisip habang dinudurog na ang buong pagkatao ni Lily. "Mukhang wala ka pang nalalaman pero mating season ng mga dragon ngayon, at nagkataong minalas ako at ikaw ang nakasama kaya wala akong magawa kundi gamitin kung ano ang mayroon. Nakaraos naman at wala din palang pinagkaiba sa dagang taga Rattus." pagmamayabang na sabi nito. Naintindihan ni Lily na si Elysia ang ibig sabihin ng lalaki. "Huwag kang mag-alala, may pinahanda akong ginto para sa iyo, kapalit ng...serbisyo mo."
Kung gusto siyang durugin ng lalaki ngayon sa mga salita ay nagtagumpay ito. Piling-pili ang mga ginamit nito laban sa kanya pero napatunayan niya na noon na mabuti ang loob ni Juda, anong nangyari? Bakit nagbago? Hindi na niya makita ang lamlam ng tingin nitong binibigay sa kanya.
"Hindi ko kailangan ang ginto mo."
"Hmmn, akala ko ay mas magugustuhan ng isang tao ang ginto. Maraming klase ng mamahaling bato ang Sauro, hahayaan kitang pumili ng kung anong maibigan mo."
"Bakit mo ginagawa sa akin ito?"
Nagkibit-balikat si Juda, "Malinaw naman siguro sa iyo noon pa na kasuklam-suklam sa akin ang mga tao hindi ba? Kaya huwag mong bigyan ng kakatwang kahulugan ang lahat ng nangyari sa Rattus. Sa totoo lang, kung hindi dahil sa hangal kong kapatid na nauto sa kalahi mo ay matagal ka nang nakalagmak sa ilalim ng mansion na ito kasama ang mga mabangis na hayop."
"No, nagsisinungaling ka. Alam ko, at ramdam ko na may nararamdaman ka para sa akin!" turo ni Lily sa sarili. Namangha siya dahil nagawa niyang sabihin iyon ng mariin sa kabila ng gumuguho nang dignidad.
"Tigilan na natin ang walang k'wentang usapang ito. Umalis kana dahil marami pa akong importanteng gagawin." saad ng lalaki na tumalikod at dinampot ang kumpol ng papel na nasa mesa.
"Juda, please..." lumapit ulit si Lily para yakapin ang lalaki mula sa likod pero bigla siyang tinapik nito. Dumapo sa pisngi niya ang malaking kamay dahilan para umikot ang paningin niya at bumagsak sa sahig. Bumangga pa ang likod ng dalaga sa bakal na upuan kaya namilipit at napaungol siya sa sakit. Maliban doon, pakiramdam din ni Lily na nayugyog ang laman ng ulo niya, bahagya siyang nahilo kaya hindi kaagad nakabawi.
Intense pain and shock. Iyon ang lumukob sa buo niyang pagkatao. Hindi niya alam kung alin sa mga natamo niya ang mas masakit. Ang katawan o ang nagpira-pirasong puso.
Kung hindi lang natabunan ng nagulong buhok ang hilam niyang mga mata ay nasaksihan niya sana ang gimbal sa anyo ni Juda at ang pagkahulog ng papel mula sa nanginginig nitong kamay.
Tinukod ng babae ang kamay sa sahig at sa tulong ng silyang naroon ay dahan-dahang inalalayan ang sarili para makatayo.
"Umalis ka na kung ayaw mong mas malubha pa diyan ang mangyari sa iyo." saad ni Juda
Sapo ng babae ang pisngi sa nanginginig na kamay. Rinig parin ang mahinang hikbi na binibitawan nito habang nalakad palabas, napatiim-bagang si Juda.
"Isang bagay pa," sabi ng lalaki, tumigil ang babae at muling lumingon. Natigilan si Juda nang makita ang pamumula ng pisngi ni Lily, bahagya pang dumugo ang sugat nitong marahil ay nasagi ng kuko niya.
"... sa makalawa ay ihahatid ka ni Gavin pabalik sa mundo ninyo."
Bumahid ang lubos na kalungkutan sa basang mga mata ng babae pero mahinang tumango.
"Iyon lang, makakaalis kana."
"Sa... huling pagkakataon..." napigil ang pagtalikod si Juda sa pagsalita muli ni Lily. " ...pwede bang makita kita sa pag-alis ko? Paniniwalaan ko ang lahat ng sinabi mo ngayon at aalis ako ng matiwasay, kung pupunta ka sa pag-alis ko."
"Iyon lang ba ang gusto mo?"
Mahinang tumango ang babae bilang sagot.
"Asahan mo ang pagdating ko."
*Bago po ako dito sa webnovel. Hehe! Hindi ko pa po na-try makatanggap ng comments. Baka po may gusto magcomment sainyo.. baka may galit kay Julda dito😁😁😁