Aliyah's Point of View
NAPAMAANG at tila nahulog sa malalim na pag-iisip si Onemig ng marinig ang sinabi ko. May ugali kasi siya na kapag may problema o masamang pangyayaring hindi inaasan, nagiging stoic siya at naglalagay ng mataas na pader na kahit sino ay hindi niya pinapapasok. Ilang beses ng nangyari sa amin yun at ang ending, ako ang nasasaktan.
Naiintindihan ko naman ang ganoong ugali niya. Lahat naman tayo ay may flaws at weaknesses, hindi tayo perpekto. At kasama ang mga flaws niya sa niyakap ko nung mahalin ko sya.
" Please baby, don't do this me. Ayusin natin to. Ngayong hindi na sikreto ang relasyon natin saka mo naman gustong ipagpaliban ang pag-aayos natin." aniya pa matapos ang ilang sandaling pagkamaang.
" Beb nasabi ko na ang dahilan ko. Hindi naman sa tinatanggihan kita, ayoko na lang muna kasi na unahing intindihin ang relasyon natin. Masyado pang magulo. Kapag okay na si lola Marta at nailagay mo na si Monique at Travis sa dapat nilang kalagyan, saka tayo mag-aayos na dalawa. Sa ngayon kasi, magulo pa ang lahat at gaya nga ng nasabi ko na kanina kapag may nangyari na naman na hindi inaasahan, siguradong magiging ganito rin ang eksena natin at masasaktan lang ulit ako. "
" Baby, hindi na mauulit yung ganoong treatment ko sayo. I'm sorry. " malungkot nyang turan at hindi ko naman napigilang mangiti ng konti sa sinabi niya dahil kilalang-kilala ko siya.
" Beb, kilala kita. Ilang beses mo akong hinarangan ng pader sa tuwing nasasaktan ka, may problema ka o may pinagdadaanan. Itong nangyari ngayon kay lola Marta, mismong nandoon ka nung mga sandaling yon pero ako yung parang sinisi mo. Halos isang linggo mo akong hindi kinakausap at inilagay mo na naman yung pader mo sa pagitan natin. Masakit sa akin yon. Asawa mo ako pero natiis mo ako ng ganoon. Ngayon,masisisi mo ba ako kung hilingin ko sayo ito? Nasasaktan ako dahil sa sobrang pagmamahal ko sayo. Gusto ko na munang isipin ang sarili ko ngayon. Halos maiwala ko na kasi ang sarili ko habang minamahal kita. Nawala ko yung self worth ko. Natatakot din ako na baka mapagod na ako ng tuluyan. Konting space lang beb, hindi ako nakikipaghiwalay sayo. Asawa mo pa rin ako. Ayusin mo na lang muna yung sarili mo at yung obligasyon mo sa iba bago mo kami harapin ng anak mo. " napatingin siya sa akin. Nakita ko kung paano nagbago ang reaksyon niya. Lumaylay ang kanyang mga balikat
Rumehistro ang lungkot sa mukha niya dahil sa mga sinabi ko. Nalungkot din ako dahil alam kong nasaktan ko siya sa mga salita ko. Ayaw ko sanang magsalita dahil alam ko na masasaktan nga siya pero kung hindi ko sasabihin ito sa kanya ngayon, kailan pa?
Malungkot at hindi na siya nagsalita pa nung umalis siya. Alam ko na nirerespeto pa rin niya ang kahilingan ko sa kabila ng pananahimik niya kahit labag yon sa loob niya.
Masakit din para sa akin ang space na hinihingi ko dahil hindi ko naman talaga kaya yung wala sya sa amin ni Guilly. Pero ang gulo-gulo na ng sitwasyon at kailangang unahin niya munang ayusin yon bago yung sa amin. Kaya kong maghintay sa kanya basta pagbalik niya buo na siyang babalik, yung hindi kalahati at hindi kami yung nang-aamot ng oras niya dahil deserve namin ni Guilly yon bilang legal nyang pamilya.
Dumaan pa ang mga araw, matapos ang pag-uusap namin na yon ni Onemig, hindi na muli kaming nagkita pa. Marahil nirerespeto niya ang space na hinihingi ko kaya hindi na muna siya nagpapakita sa amin. Kinakausap niya si Guilly sa phone at kung may gustong ipabili sa kanya ang anak namin, si tita Bless ang nagdadala sa bahay ng mga binili niya.
Alam ng pamilya naming pareho ang sitwasyon namin. At wala ni isa man sa kanila ang tumutol sa desisyon ko. Alam naman kasi nila kung gaano akong nasasaktan sa nangyayari sa amin ni Onemig at pabor din sila na ayusin muna ni Onemig yung obligasyon niya sa mag-lola para pagbalik namin sa isat-isa wala ng problemang naka-pagitan sa pagsasama namin.
Hindi pa rin bumabalik si Jam ng Italy. Isang buwan ang hiningi niyang bakasyon dahil hindi siya nakapag-bakasyon nung nakaraan. Siya ngayon ang nag-aalaga kay Guilly kapag nasa trabaho kaming lahat dahil nagbakasyon naman si yaya Melba. Ayos lang naman sa kanya dahil magkasundo sila ni Guilly sa lahat ng bagay. At yung anak ko naman sobrang spoiled sa kanyang papa Jam. Kahit hindi rin niya sabihin sa akin, alam ko na kaya ayaw rin niyang bumalik pa ng Italy ay dahil sa nag-aalala siya sa akin lalo na sa sitwasyon namin ni Onemig ngayon.
Napaka-swerte ko talaga na mayroon akong kaibigan na katulad niya
Araw ng linggo nung magsimba kaming buong mag-anak kasama si Jam. Nakita namin sa simbahan sila tito Migs at tita Bless kasama yung anak ni Monique na si Travis.
" Lolo Migs, lola Bless!" patakbong lumapit sa kanila si Guilly.
" Hi apo! Ang ganda-ganda naman ng baby namin sa dress niya. Kiss mo nga si lola Bless." sabi ni tita Bless kay Guilly na agad namang kinarga ni tito Migs. Hinalikan naman niya pareho ang kanyang lolo at lola.
" Hello Travis!" bati ni Guilly kay Travis.
" Hindi kita bati Guilly. Hindi na tayo friend. Sabi ng mommy ko ni-aagaw mo daw sa amin ang daddy ko. Galit ako sayo!" napamaang kaming lahat sa tinuran ng bata. Wala ni isa man ang agad na nakapagsalita. Si Guilly naman ay halos maiiyak na.
" Travis anong sinasabi mo ha? Wala namang ginagawa si Guilly sayo ah! " pinag-sabihan ni tita Bless ang bata nung makahuma na mula sa pagkabigla kanina.
" Eh totoo naman lola, sabi ng mommy ko ni-aagaw ni Guilly ang daddy ko, ayun naman ang daddy niya di ba?" katwiran pa nito sabay turo kay Jam. Napailing na lang si tita Bless.
" Pasensya na kayo. Hindi ko alam na tinuturuan pala ng ina." hinging paumanhin ni tita Bless sa amin.
" Okay lang po tita, bata po yan. " sabi ko.
" Oo nga. Pero dapat mabubuting bagay ang itinuturo sa bata ng kanyang ina habang bata ito. Ano ang dadalhin niyan sa paglaki, eh di masamang ugali din? " wika pa muli ni tita Bless.
Hindi na lang ako kumibo. Ayaw ko namang may marinig pa si Travis kung magsasalita ang isa man sa amin. Kung ano man ang itinuro ni Monique sa kanya, I'm sure itatama yon nila tita Bless pag-uwi nila sa bahay.
Nagkayayaan kami na kumain muna ng snack sa isang fast food sa kabayanan bago kami umuwi. Kahit natutuwa si Guilly dahil paborito nya dito, napapalitan iyon ng lungkot sa tuwing mapapasulyap siya kay Travis na hindi nga talaga siya pinapansin.
Naaawa ako sa anak ko dahil alam ko na si Travis lang ang itinuturing niyang kaibigan talaga. Alam ko na nalulungkot siya na galit ito sa kanya ngayon. Idinaan ko na lang sa malalim na buntong-hininga ang nararamdaman ko para sa anak ko dahil wala naman akong magagawa sa ngayon para mabago ang lahat.
" Mamayang gabi Liyah, ang tito Migs mo lang ang bantay sa ospital dahil uuwi daw yung dalawa para magpahinga ng konti. Kung gusto mong dumalaw, ito na ang pagkakataon mo." bulong ni tita Bless sa akin nung patapos na kaming kumain.
Napatingin ako kay Jam na nasa tabi rin namin ni tita Bless. Narinig niya ang sinabi ni tita sa akin.
" Yeah, it's your chance to visit her. You want me to go with you? " tanong ni Jam.
" Hindi, ako na lang. Sandali lang naman ako. Nandoon naman si tito Migs." tugon ko.
" Okay." tumatangong sagot niya.
" Sige po tita. Tawagan po ninyo ako kapag nakauwi na sila Onemig para ako naman ang pupunta ng ospital. " turan ko kay tita Bless.
" Sige anak." sang-ayon ni tita Bless.
***
MATAPOS ang dinner ay gumayak na ako para pagtawag ni tita Bless ay mabilis na akong makaalis.
Nagpaalam na ako sa pamilya ko habang nasa hapag kainan kami kanina. Sinabihan lang ako ni lolo Franz na bilisan ko lang ang pagdalaw para hindi ako abutan ni Onemig at Monique doon.
Makalipas ang kinse minutos nung makatanggap ako ng tawag mula kay tita Bless. Nagpunta na raw si tito Migs sa ospital dahil uuwi na si Onemig at Monique. Naghintay pa ako ng ilang minuto at nagmatyag sa labas ng bahay para kapag dumaan na yung kotse ni Onemig saka naman ako aalis.
Nung makita kong dumaan na ang kotse ni Onemig ay saka ako nagmamadaling nagpaalam kay Guilly at Jam na nasa living room at nanonood ng tv.
Habang nagmamaneho ako papuntang ospital, medyo nakakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na kaba. Baka kasi maabutan ako ni Onemig at Monique dun, gulo na naman. Pero pinalis ko ang kabang yon sa kagustuhan kong madalaw si lola Marta kahit sandali lang.
Pagdating ko ng ospital ay agad kong namataan si tito Migs sa may pinto ng ICU. Lumapit ako at nagmano.
" Tito bakit nandito po kayo sa labas?" tanong ko.
" Hinihintay talaga kita para may kasabay ka sa pagpasok sa loob." tugon niya. Tumango ako at niyaya na siyang pumasok.
Nagsuot muna kami ng protective equipment tulad ng gown, gloves at mask. Nag-spray din kami ng anti-bacterial spray na nasa dispenser na nakalagay sa paligid lang ng unit bago kami lumapit sa pasyente.
Pinagmasdan ko si lola Marta. Gusto kong maiyak sa kalagayan niya. May mga tubo na nakalagay sa kanya. Tumingin ako kay tito Migs na parang hinihingi ko ang pahintulot niya na lapitan ko si lola Marta. Nakakaunawa naman siyang tumango. Lumapit nga ako kay lola Marta at hinawakan ang kanyang kamay.
" Lola Marta, si Aliyah po ito. Alam ko po na kahit paano ay naririnig ninyo ako. Sorry po lola kung ako ang nagsabi sa inyo ng katotohanan. Alam nyo po, sinisisi ko rin ang sarili ko kung bakit naririto kayo ngayon. Kung maibabalik ko lang yung araw na yon, hindi na lang po sana ako nagsalita kahit na kung ano-ano pa yung sinabi ng apo nyo sa akin. Lola, nag-aalala po ako ng husto sa inyo, gustuhin ko man pong dumalaw, iniiwasan ko na lang po dahil kay Monique. Ayoko na po kasi ng gulo. Sana po lola gumising na kayo, gusto ko pong personal na humingi ng tawad sa inyo. " sabi ko. Hindi ko na rin napigilan ang luha ko na tuloy-tuloy ng pumatak. Naninikip ang dibdib ko sa itsura ni lola Marta. Ang bilis ng pagpayat ng katawan niya at humumpak ang kanyang pisngi.
Ngunit bigla na lang akong nagulat ng gumalaw ang mga daliri sa kamay niya na hawak ko.
Lumuluha ako na tumatawa na napatingin kay tito Migs.
" Tito kumilos po ang mga daliri ni lola Marta!" halos pasigaw na sambit ko at patakbo naman siyang lumapit sa akin.
" Siyanga?" tanong niya ng biglang kumilos ulit ang daliri ni lola Marta. Tapos unti-unti itong nagmulat ng mata.
" Tito?" umiiyak sa tuwa na sambit ko.
" Inang, gising na nga kayo. " masayang sambit din ni tito. "Sandali, tatawagin ko ang doktor." turan pa niya.
" Huwag muna Migs." mahinang sambit ni lola Marta pero narinig naman namin siya ni tito Migs.
" Bakit po inang? Para malaman natin kung ano ang maaaring gawin." tanong ni tito.
" Mamaya na. Gusto ko munang makausap si Aliyah. " tugon niya.
" Po? " halos sabay naming bulalas ni tito, parehong nagtataka.
" Pero inang—"
" Kaya ko Migs, wag kang mag-alala. " pangungumbinse pa ni lola Marta.
" Sige po, dito lang ako sa may labas. Liyah, tawagin mo agad ako kung kinakailangan, okay? " bilin niya sa akin.
" Sige po tito." sagot ko tapos lumakad na si tito Migs at pumwesto sa may labas lang ng ICU. Nakikita ko naman siya sa may salamin.
Hinarap kong muli si lola Marta. Ngumiti siya sa akin ng napaka-gandang ngiti.
" Dala mo ba ang cellphone mo?" tanong niya na siyang ipinagtaka ko naman. Gayon pa man kinapa ko sa bulsa ko ang cellphone ko, inilabas ko at ipinakita sa kanya.
" Bueno mag-usap na tayo." sabi niya. Nagtataka ko siyang tiningnan. Hindi ko alam kung bakit hinanap niya ang cellphone ko. May kinalaman ba ito sa pag-uusapan namin?