webnovel

Chapter 8

8

"Get in," ani Sir Rod nang makarating ako sa parking space ng kanilang mansiyon. Binuksan niya ang pinto ng upuang katabi ng sa kanya kaya doon ako naupo. Balak ko pa naman sanang sa likod pumwesto para hindi ko masyado makita ang busangot niyang mukha.

"Sir, ano pong gagawin natin?" untag ko nang sumunod siya sa loob.

Pinasadahan niya ako ng tingin kaya sumilab na naman ang ilang sa aking katawan. Dahan-dahan siyang lumapit kaya kuntodo pigil ako sa aking hininga.

"S-sir..." namamaos kong usal. Ang bango niya. Tila nawawala ako sa sarili kong huwisyo dahil sa nakakaadik niyang bango. Panay ang lunok ko habang ang mga mukha namin ay ilang pulgada lamang ang layo sa isa't isa. Hindi niya pa rin tinatantanan ang mga mata ko kaya halos magkandapunit-punit ang shorts na aking suot sa tindi ng paglalamukot ko rito.

"You look nervous."

Taragis 'yan! Paanong hindi, ang lapit-lapit niya! Saka ang bango ng hininga niya. Nakakahiya tuloy magsalita kapag ganito siya kalapit dahil baka mabaho ang hininga ko.

"Relax," banayad na aniya. "I-seatbelt lang kita... para hindi ka na kumawala at makuha pa ng iba." Nangunot ang noo ko sa huling sinabi ni Sir dahil halos pabulong na iyon. Nahihiya naman akong magtanong dahil sa aburido pa rin niyang ekspresyon. Kaya hinayaan ko na lang. Doon naman kasi ako magaling, e. Ito ngang nararamdaman ko sa kanya ay hinayaan ko na lang. Bahala na kumbaga. Lilipas din naman ito 'pag dating ng panahon.

Pinaandar ni Sir Roderick ang kanyang kotse. Sa buong biyahe hanggang sa ihinto niya ang sasakyan ay nanatili akong walang imik. Hindi rin naman kasi siya nagsasalita kaya bakit pa ako magsasalita?

"Let's go," ani Sir pagkaparada niya ng sasakyan sa loob ng isang malaking gusali. Akmang bababa na siya ng kotse nang mapatingin siya sa gawi ko. Hindi pa rin kasi ako gumagalaw. Tumikwas ang makakapal niyang kilay dahil doon.

"Ah Sir... paano po nito?" tukoy ko sa seatbelt na nakakabit sa akin. Bahagya siyang umiling saka mabilis na kinalag ang seatbelt na nakapulupot sa aking katawan.

Sorry naman Sir, ha? Pobre lang, hindi sanay sa kotse.

Umikot si Sir pagkababa saka pinagbuksan ako ng pinto. Pagkababa ko ay iginiya niya naman ako papasok ng malaking gusali.

"Sir, ano pong lugar ito?" tanong ko habang pagala-gala ang mga mata sa paligid. Ang lalaki ng mga hakbang ni Sir Rod kaya halos lakad-takbo ang ginawa ko.

"Mall," tipid na sagot niya.

Nangislap ang mga mata ko nang malaman kung nasaan kami. Ito pala ang mall? Ang laki pala talaga nito saka nakakalula sa sobrang dami ng tao. Pero tama nga si 'Nay Lordes, ang ganda nga rito. Sabi niya pa ay madalas daw na pumunta rito ang magpapamilya at magbabarkda para mamasyal, ang mga magkasintahan naman para mag-date.

Teka! Date? Natataranta kong sinulyapan si Sir Rod na poker lamang ang mukha habang naglalakad.

"S-sir, ano pong gagawin natin dito?" tanong ko nang makumpirma ang iniisip.

"May bibilhin ako."

Ha? At kailangang kasama ako? Gusto ko sanang idugtong kaso 'wag na lang. Bagsak ang mukha kong itinuon muli ang atensyon sa paligid.

Akala ko pa naman magde-date kami katulad ng ginagawa ng mga magjowa sa mga librong nababasa ko at katulad ng sinasabi ni 'Nay Lordes.

Hay naku Kriselda, dakilang assumera ka talaga! Una't sapul, magjowa ba kayo ni Sir Rod?

"Roderick!" Napahinto kami ni Sir Rod sa paglalakad nang may mestisa at magandang babaeng sumalubong sa amin.

"Trina!" bulalas ni Sir. Mahinhing tumawa 'yung Trina saka walang ano-anong niyakap si Sir Rod sa harap ko.

"What brought you here?" tanong ni ate girl pagkakalas nito sa yakap na mukhang hindi ako napapansin sa tabi ni Sir Rod.

"May bibilhin... for my sister." Nabaling sa akin ang medyo singkit na mga mata ni Trina nang dahil sa sinabi ni Sir Roderick.

"Ohh... siya ba si Mira?" Pinasadahan ako nito ng tingin na tila sinusuri. Nailang ako sa paninitig nito sa mukha ko pababa sa aking suot.

Inayos ko ang buhok ko, baka magulo. Inayos ko ang damit ko, baka may gusot. Ngayon lang sa tanang buhay ko na nakaramdam ako ng panliliit sa aking pisikal na kaanyuan. Hindi naman sa nasanay ako pero roon kasi sa amin ay palagi nilang sinasabing napakaganda kong babae. Na ako na raw ang pinakamagandang babaeng nakita nila. Subalit nagkamali yata sila dahil walang binatbat ang sinasabi nilang ganda ko sa ganda nitong babaeng kaharap ko ngayon. Walang-wala.

"No Trina, she's Krisel, anak ng katulong namin." Tila nawala ang interes sa mukha ni Trina sa sinabing iyon ni Sir Rod. Hindi na muli ako nito tinapunan ng tingin na para bagang wala ako roon.

Nagpatuloy kami sa paglalakad. Ngayon, kasama si Trina na walang humpay sa kadadakdak kay Sir.

Noong maliit pa ako, gustong-gusto kong makapunta ng mall dahil sabi ni 'Nay Lordes ay masaya raw dito. Pero ngayong nandirito na ako, bakit parang kabaliktaran ang nararamdaman ko?

Gusto ko nang umuwi na lang.