"Masakit pa ba?" Masuyo na ang tono nito.
Pinigil ni Paulina ang pagsikdo ng tuwa sa dibdib. Talagang sabik siyang makatikim ng panunuyo mula sa asawa.
Umiling siya. "H-hindi na," pagsisinungaling niya.
Bumuntonghininga ang lalaki. "First time na nasaktan kita. I'm sorry."
Hindi siya makapaniwala sa narinig kaya panakaw uling sumulyap sa kaharap.
"Hindi ko sinasadya," dugtong ni Max. "Nabigla lang ako."
Agad na natunaw ang hinampo ni Paulina. "Uh, k-kalimutan na natin 'yon," aniya. "Ako naman ang may kasalanan." Kinagat niya ang ibabang labi nang marinig ang ikalawang pangungusap. Parang ang baba na ng kumpiyansa niya sa sarili.
"You're so understanding," sambit ni Max. Tila may bahid ng sarkasmo.
"S-salamat," ang tanging naitugon niya dahil nagbalik ang paninikip ng lalamunan.
"Buweno, kumain na tayo. Baka lumamig na nang husto ang pagkain." Nilagyan ni Max ng tig-kaunting kanin ang mga pinggan nila. Gayundin ng dalawang putaheng ulam. Alam niyang masarap ang mga iyon pero hindi nalasahan hanggang sa maubos.
"More?" tanong ng kasalo. Tamilmil at tahimik din ito.
"A-ayoko na. Busog na ako."
"What about dessert? Paborito mo ang chocolate mousse, hindi ba?"
Napilitan siyang tanggapin ang dessert dish. Ayaw niyang magtampo si Aling Caring, ang kusinera ng mansiyon.
Ipinangako rin kasi niya sa sarili kanina na iiwasan na niyang sumalungat nang madalas kay Max. Na magiging sunud-sunuran na lamang siya rito para wala ng gulo.
Tatanggapin na lang niyang isa lang siyang bilanggo ng karangyaan...
Naulinigan niya ang malakas na pagtikhim ng lalaki kaya nag-angat siya ng tingin.
"Malapit na ang third wedding anniversary natin. Ano'ng gusto mong regalo?"
Napamaang si Paulina. Saglit na na-blangko. "M-malayo pa 'yon, a?"
"Malayo pa ba ang apat na buwan?" bawi ng lalaki. "Ano'ng gusto mo? Diamond necklace? O isang second honeymoon? Mamili ka ng lugar. Sa Europe o sa Carribean?"
Mapakla ang ngiti niya sa asawa. Inaalo siya nito sa pamamagitan ng mga mamahaling suhol.
"Uh, pag-iisipan ko pa," tugon niya. Pilit ang magaan na tono. Pati na ang pag-ubos niya sa mousse.
"May isang linggo ka para mag-isip. Pero ipapahanda ko na rin ang mga passports natin kay Josie, just in case."
Isang bahagi ng puso niya ang biglang humapdi pagkabanggit sa pangalan ng sekretarya ng asawa.
"Tatawagin ko na ba si Delay? Ipapaligpit ko na ang mga ito?" Ang talagang gusto niya ay makaalis na sa harapan ni Max. Malapit na naman siyang mapaiyak. "Er, gusto mo pa ba ng coffee?"
Tumindig na rin ang lalaki. "Sure." Nagpunas ito ng linen napkin sa bibig. "Ipadala mo na lang sa study ko. May hihintayin akong overseas call." Walang lingon-likod na lumakad patungo sa sliding door ng silid-tulugan. Nasa kabilang panig ng koridor ang study room nito.
"S-sige," tugon niya. Aywan lang kung narinig pa siya.
Nangingilid ang luha ni Paulina habang sinusundan ng tingin ang papalayong asawa. Alam niyang naitabi na naman siya nito sa isang maliit na bahagi ng utak, dahil nakatutok na ang pansin sa trabaho.
Ayos lang sana sa kanya iyon kung mayroon din siyang munting puwang sa puso ni Max...
Naging mapayapa ang mga sumunod na linggo sa tahanan ng mag-asawang Max at Paulina.
Paano'y hindi na lumalabas ng bahay ang babae. Iwan at datnan ng asawa sa umaga at sa gabi.
Gayon ang gusto ni Max. Nasisiyahan ito kapag siya ang palaging sumasagot sa mga tawag nito sa telepono para mag-check.
Bagay na ikinababahala naman ng kanyang mga kasambahay. Isang araw, hindi na nakatiis si Aling Caring.
"Namumutla ka na, iha. Hindi ka na nagpapaaraw man lang. Magda-dalawang buwan ka nang nagkukulong lang sa kuwarto. Baka may sakit ka na, a?"
"Lumalabas ho ako sa veranda tuwing umaga," tugon niya. "Hindi lang ho ako tumatagal sa araw."
"Hindi ka na rin maganang kumain."
"Er, m-medyo tumataba na ho kasi ako."
Sinipat tuloy ng kusinera ang katawan niya. "Kuu, e, ang nipis mo na nga." Malaki at bilugan kasi ito kaya parang napakaliit na niya.
Maya-maya'y biglang nanlaki ang mga mata ni Aling Caring. Natutop pa ang bibig ng mga daliring maiikli at matataba. "Teka..." anito habang minamasdan siya uling maigi. "Buntis ka ba, iha?" pananalakab nito.
Nagulat si Paulina. Hindi niya akalaing may makakahalata agad sa kalagayan. "H-halata na ho ba?" tanong niya, pabulong.
Napa-antanda ang kusinera. "Susmaryosep! Hindi alam ni Sir Max?"
Umiling siya.
"Naku, tiyak na gulo ang mangyayari!" bulalas ng may edad na babae. "Malaking gulo, Ma'am Paulina."
"A-ano hong klaseng gulo?"
"Ayaw niyang magkaanak kayo, hindi ba?" paniniguro pa muna ng kausap.
"O-oho."
"Kung gayon, sinuway mo siya?"
"O-oho."
"Tiyak na magagalit si Sir Max!" Alalang-alala na ang kusinera.
"B-bakit ho ba ayaw niyang magkaanak?"
Napatitig sa kanya ang tinanong. "Hindi niya sinasabi sa 'yo kung bakit?"
Umiling siya.
Tinapik ni Aling Caring ang noo. "Baka mawalan ako ng trabaho kapag sinabi ko sa 'yo. Ang mabuti pa'y sa biyenan mo ikaw magtanong." Tumalikod na ito kahit hindi pa tapos sambitin ang suhestiyon.
"Aling Caring, sandali ho." Pinigil niya ito pero hindi na siya nilinga. Nagdumali nang bumalik sa kusina.
Tinawagan niya si Mrs. Celia Valdez, isang kilalang fashion designer bago naging ina ni Max at ng tatlo pang kapatid na pulos lalaki.
"H-hello? Er, M-mama, si Paulina po ito." Kahit mahigit dalawang taon na siyang asawa ni Max, hindi pa rin siya nakakampanteng makipag-usap sa biyenan.
"Kumusta ka, Paulina? Mabuti't napatawag ka. Naalala kong matagal-tagal na pala tayong hindi nagkikita-kita."
"Er, mabuti po, Mama," ang pautal na sagot niya. "Uh, busy ho kasi si Max kaya hindi na kami nakakapunta d'yan," pag-a-adlib niya habang nag-iisip ng introduction sa paksang nais niyang buksan sa biyenan.
"Maybe, we should have a family dinner soon."
"B-babanggitin ko po kay Max," pangako niya. Pumikit siya bago sinimulan ang pagpasok sa maselang usapan. "May gusto ho sana akong itanong sa inyo, kaya ako tumawag. Tungkol ho kay Max." Parang tubig na humugos palabas ang mga salita.
Isang maikling katahimikan muna ang naitugon ng nasa kabilang linya. Nasorpresa marahil. "Ano'ng tungkol kay Max, Paulina?"
Dali-dali niyang nilunok ang bumabarang pag-aalinlangan sa lalamunan. "B-bakit ho ayaw niyang magkaanak? Ano ho ang dahilan?"
Pigil-hininga siyang naghintay sa itutugon ng matanda na pero pusturera pa ding babae.
"Bakit hindi mo tanungin ang asawa mo, Paulina?" tanong nito matapos ang madaliang pag-iisip.
"Hindi ho niya sinasagot," pag-amin niya. Nagtanong na siya nung una pa man, pero sagot na paiwas lamang ang natanggap niya.
"Kung gayon, hindi ko masasagot ang tanong mo. I'm sorry, Paulina."
"Mama, please ho!" Humigpit ang pagkakahawak niya sa receiver. Naging desperada ang tono niya. "B-buntis ho ako!" pagtatapat niya, pabulalas.
"My God!" Napabulalas rin ang di-nakikitang kausap. "Magagalit si Max sa 'yo, Paulina!" Nabahiran ng pag-aalala ang modulatong tinig-babae.
"A-alam ko ho." Siguradong masasaktan na naman siya ng lalaki kaya inihahanda na niya ang sarili. "A-ang hindi ko po alam ay kung bakit siya magagalit. Sabihin n'yo naman ho sa akin, Mama." Nagsusumamo na ang tono niya.
Bumuntonghininga muna ng malakas ang biyenan, bago nagsalita. Halatang napipilitan lang. "Buweno, sasabihin ko sa 'yo--pero sa isang kundisyon."
"O-opo." Sumang-ayon agad siya kahit na hindi pa nalalaman.
"Huwag mong sasabihin kay Max na ako ang nagsabi sa 'yo. Nangako ako sa kanya."
"P-pangako po."
Bumuntonghininga uli ang nasa kabilang linya. "Nag-umpisa ang lahat kay Carmen, ang unang asawa ni Max."
Iyon na nga rin ang suspetsa niya, pero hindi siya nagsalita. Naghintay siya sa susunod na maririnig.
"Tipikal na lalaki pa noon si Max. Gusto niyang magkaroon ng mga anak na magpapatuloy sa lahi ng Valdez. Sa kasamaang-palad, ayaw ni Carmen na masira ang magandang pigura ng katawan. Nagbanta itong iiwanan ang aking anak kapag nabuntis."
Hindi nakapagpigil si Paulina. "K-kabaligtaran ho ako ni Carmen, Mama. Gusto ko pong magkaanak."
"Well, that's ironical, isn't it? Si Max naman ang ayaw ngayon," salo ng biyenan. Malungkot ang tono. "Balik tayo kay Carmen. Inabuso nito nang husto ang malaking pag-ibig na tinatamasa. Lahat kasi ng naisin nito ay ibinibigay ng asawa: pera, alahas, damit, at kung anu-ano pa. Hanggang sa abusuhin na rin nito pati ang pagtitiwala. Nagtataksil na. Ang masakit, nag-iwan pa ng lason bago sumama sa ibang lalaki. Binuntis daw kasi ito ni Max."
"M-may anak ho pala si Max?"
"Wala, Paulina. Diumano, ipinalaglag daw ni Carmen."
"K-kawawang sanggol!" Napahikbi si Paulina sa narinig.
"Hindi ako naniniwalang nabuntis nga si Carmen," bawi ni Celia Valdez. "Talaga lang gusto nang iwanan si Max." May bahid na ng galit ang tono.
"Sinabi n'yo na po ba kay Max ang suspetsa n'yong 'yan?" Lakas-loob siyang nagtanong.
"Oo, pero hindi siya naniwala. Alam mo ba kung bakit?"
Nahuhulaan na niya pero nagtanong pa rin. "B-bakit ho?"
"Dahil mahal na mahal niya si Carmen."
"K-kahit na hanggang ngayon ho siguro," dugtong niya.
"I'm sorry, Paulina."
Nagsisikip na ang dibdib niya kaya nagpaalam na agad. "S-sige po, Mama. Maraming salamat na lang ho."
"Paulina?"
"P-po?"
"Gusto kong malaman kung ano ang magiging reaksiyon ni Max sa pagbubuntis mo. Puwede mo ba akong tawagan agad?" Mapagkumbaba at may bahid ng pag-aalala ang tinig ng biyenan.
"O-opo. Bye." Pagkababa ng awditibo, napahagulgol na siya.
Ang iniiyakan niya ay ang mapait na katotohanang hindi nga siya mahal ni Max. Si Carmen pa din ang iniibig nito!