webnovel

Finding Ethan: The Dream That You Seek (Tagalog, Filipino) - Falling For the Secret Superstar

“Kahit nakatayo ka lang diyan at nakangiti sa akin, kinikilig na ako.” Ethan Ravales just wanted to escape from his suffocating life as the Philippine’s prime leading man. Pakiramdam niya ay kinakain na ng kanyang sistema ang kanyang kaluluwa. Para hanapin ang sarili ay tumakas siya hanggang mapadpad sa Isla Juventus matapos iligtas mula sa isang magnanakaw ang isang magandang dalaga—si Aurora. Hindi inakala ni Ethan na makakaya niyang mabuhay sa Isla Juventus—na walang kuryente, Internet, o signal man lang ng cell phone, at bilang Alvaro Baltazar na isang ordinaryong lalaki. Hindi rin niya napaghandaan ang espesyal na naramdaman nang makilala at makasama niya sa isla si Aurora. Handa na siyang iwan ang mundong nakagisnan para kay Aurora. Ngunit nang may magpaalala kay Ethan ng mundong iniwan niya ay napaisip siya. Ano ang kaya niyang gawin para kay Aurora? Handa ba siya sa maaaring mangyari kapag nalaman ni Aurora ang tunay niyang pagkatao? The final book of Finding Ethan Series, a collaboration with Leonna, Gezille and @Tyramisu.

Sofia_PHR · General
Not enough ratings
55 Chs

FINDING ETHAN SERIES 3: YOU'RE MY HOME by Gezille Preview

"I don't need a perfect girl. I don't need someone better… Ikaw lang ang gusto kong mahalin."

Kaunting panahon na lang at malapit nang mawala sa limelight si Shaira. Ang pag-asa na lang niya ay si Ethan at ang comeback movie nila. Pero nawawala ang lalaki at tanging note lang ang iniwan na nagsasabing gusto muna nitong mapag-isa.

Naligalig ang buong sistema ni Shaira kaya ginawa niya ang lahat para mahanap si Ethan. Ngunit sa dinami-rami ng taong puwedeng tumulong ay ang tao pang pinakaiiwas-iwasan ang nasa harap niya ngayon: si Tyrone, ang kababatang iniwan niya noon at ipinagpalit sa kanyang pag-aartista.

Tinanggap ni Shaira ang tulong ni Tyrone dahil isa na itong magaling at matinik na private investigator. Pero may kondisyon ito. Kailangan niyang pagsilbihan si Tyrone nang dalawang linggo kapalit ng paghahanap nito kay Ethan. Walang choice si Shaira kundi ang pumayag.

Hindi niya inaasahan ang mga pagbabagong nakikita kay Tyrone sa nakalipas na siyam na taon. Ewan ni Shaira kung bakit, pero pakiramdam niya ay nag-iiba ang tingin niya sa binata kapag bumabanat ito ng mga cheesy at corny lines. Parang gumaguwapo ito sa kanyang paningin. Tila nag-iiba rin ang pintig ng kanyang puso. Para siyang… kinikilig.

Hindi siya ang tipo ng tao na madaling makontento sa buhay, pero kakatwa na nakakaramdam siya ng kakontentuhan kapag napapaloob sa mga bisig ni Tyrone. She felt she could live there forever. Tanggap na ni Shaira kung ano ang mayroon sa kanila nang biglang nagpakita si Trisha, ang kapatid ni Tyrone, at sinira ang akala niya ay magandang relasyon nila ng binata.

Preview:

"MAY UPCOMING teleserye ka, Shaira," masayang balita sa kanya ng Ninang slash manager niya na si Tita Blessy pagpasok nito sa kanyang kuwarto. Sandaling tinigil niya ang pag-aayos sa sarili at walang pagmamadaling hinarap ito. Pinigilan niya ang matuwa agad sa balita nito. Hangga't hindi siya nakakasiguro sa isang bagay ay ayaw muna niyang matuwa.

"Ano naman pong role ko?"

Nabawasan ang ngiti ni Tita Blessy at hindi agad nakasagot. Napasimangot si Shaira at lihim na nadismaya kahit wala pa itong sinasabi. Hindi na nito kailangang magsalita. More or less ay alam na niya ang isasagot nito.

Muling humarap sa salamin si Shaira at pinagpatuloy ang pag-aayos. Bakit nga ba nagtatanong pa siya? Ilang paulit-ulit na role lang naman ang palagi niyang natatanggap na offer nitong mga nakaraang taon. Best friend o di kaya ay kapatid o kapamilya ng mga bida sa palabas. Mapa-teleserye man o pelikula, mga ganoong role lang ang laging ginaganapan niya. Laging supporting role. Nakakasawa at nakakasama iyon ng loob sa totoo lang. Pero kunsabagay, mas okay na iyon kaysa doon sa mga role na ginaganapan niya noon na napakaliliit lang at halos hindi pa nagtatagal ang character sa mga palabas.

Ilang taon rin na halos magmukhang multo na ang showbiz career ni Shaira. Minsan lang makita at halos puro paramdam lang. Daig pa ng extra sa pelikula ang mga role na natatanggap niya noon. Kundi kaonti ang exposure, ang liit-liit naman ng role. Minsan ay gumanap siyang ex-girlfriend ng isang bidang lalaki sa isang romantic movie. Maganda sana ang role, villain ang drama niya, iyon nga lang, patay ang character niya. Dalawa lang halos ang eksena na kasama siya. Eksena pa iyon sa nakaraan ng bidang lalaki kaya hindi siya gaanong na-expose. Ang pinaka-worst o pinaka-mababang role na ginanapan niya ay noong maging personal secretary siya ng isang bidang babae sa isang teleserye. Kahit mas marami siyang exposure doon dahil palagi siyang kasama ng bidang babae, hindi pa rin niya maiwasang manliit. The fact that she was just the leading role's "slave" would still remain.

At para sa isang tulad niya na minsan nang naranasang maging bida sa ilang palabas noon at makatambal ang isang sikat at batikang aktor ngayon, nakakapanliit iyon at nakakahiya. It was just a proof that her career didn't go well. At iyon ay sa kabila ng mga pagsisikap, paghihirap at sakripisyong ginawa niya noon.

Hindi naging madali kay Shaira ang pag-penetrate sa showbiz industry. Hindi pa man siya nakakapag-audition sa mga go see, talent and artista search, ang dami na niyang sinakripisyo at tinalikurang tao para lamang maging artista.

Ang makatanggap ng mga supporting role na mas mababa pa sa ibig sabihin niyon ang isang bagay na ayaw niyang magtuloy-tuloy na mangyari. She thought that she didn't deserve that.

Ngayon na kahit papaano mas maganda na ang role na natatanggap niya, alam niyang dapat ay magpasalamat na lamang siya. Tulad ng palaging sinasabi sa kanya ni Tita Blessy, mas okay na iyon kesa wala. Kahit maliit ang role, ang mahalaga may trabaho o proyekto siyang natatanggap at hindi pa siya tuluyang nawawala sa limelight. So, she should be thankful. Ngunit hindi niya magawang magpasalamat. Hindi niya magawang matuwa at makuntento roon. Hindi sa nagiging ungrateful siya, hindi lang talaga mga supporting role ang gusto niyang ganapan. Hindi iyon ang pinangarap niya nang magpasya siyang pasukin ang show business at mag-artista!

Natigil siya sa tahimik na paghihimutok nang maramdaman ang marahang pagpisil ni Tita Blessy sa magkabilang-balikat niya. Nang tingnan niya ito sa salamin ay nakita niya ang nang-e-encourage na ngiti nito.

"Come on, Shai, don't be sad. Maganda na ang role mo ngayon. Well, best friend ka pa rin, pero hindi ka na lang ordinaryong best friend. You will be playing the role of the leading man's best friend. Sa kalagitnaan ng kuwento, magiging ka-love triangle ka ng mga bida sa story. Mabait rin ang character mo rito kaya hindi ka na kaiinisan. Sigurado akong maraming makaka-relate sa character mo. Maipapakita mo na ulit ang galing mo sa pag-arte, Anak," nakangiting sabi nito. Halatang masayang-masaya na ito sa bagong role na gaganapan niya.

Ngunit siya, ni katiting ay hindi manlang makaramdam ng kasiyahan. Napabuga siya ng hangin.

"Still, that's just a supporting role, Tita. Hindi pa rin ako ang bida."

"Okay lang 'yan, 'nak. Ang importante, may trabaho ka. Isa pa, malapit ka na rin namang mag-bida ulit, 'di ba? Ano ba naman ang tumanggap ka ng isa pang supporting role bago ka sumabak ulit sa lead role? Maganda nga iyon ng makapag-warm up ka muna bago magsimula ang comeback movie niyo ni Ethan. Aba! Hindi na basta-basta si Ethan ngayon. Sikat na sikat na ang dati mong ka-loveteam. Ang galing-galing na niyang umarte. Kaya dapat makasabay ka sa kanya," ani Tita Blessy at marahan siyang tinapik-tapik sa balikat. Kahit nagpapayo ay nahihimigan naman niya ang kasiyahan at excitement sa boses nito nang mabanggit ang tungkol sa upcoming movie niya.

Si Shaira man ay napangiti na rin at biglang na-excite. Biglang nawala ang bigat sa dibdib niya. Parang lahat ng hinanakit niya sa showbiz sa mahabang panahon ay biglang nawala. Tama si Tita Blessy. She will be playing a lead role again. And that would be very-very soon. Sa loob ng mahigit apat na taon ay ngayon na lamang ulit siya magbibida sa isang palabas or in a movie to be particular. Masayang-masaya siya at sobrang excited. Ngunit hindi lamang ang lead role na natanggap ang nakakapagpasaya at nakakapagpa-excite sa kanya ngayon. Aaminin niyang mas excited siya sa makakatambal niya.

Bakit hindi siya mae-excite? She will be pairing up again with her former love team Ethan Ravales. At tulad nga ng sinabi ni Tita Blessy, ibang-iba na si Ethan ngayon. Bigatin na bigatin na ito. Ito na ang pinakasikat, pinakamagaling at pinaka-in demand na aktor sa Philippine showbiz industry ngayon. At the age of twenty nine, kabilang na ito sa mga iconic na maituturing sa showbiz. Napakarami na nitong nagawang pelikula at teleserye. At lahat ng iyon ay tumabo sa takilya. Napakarami na rin nitong natanggap na award na nagpapatunay ng pagiging isa nitong magaling at batikang actor.

Ethan Ravales was really the most sought-after and successful actor today. Maraming mga artistang babae na tulad niya ang nangangarap na makatambal o makasama manlang ito sa isang proyekto. Why not? Aside from being a great actor, napakabait rin nito at napaka-guwapo. Napaka-maalaga rin nito sa mga leading lady nito at maging sa iba pang katrabaho. Higit sa lahat, may kakayahan si Ethan na maipa-angat at mapasikat rin ang sinumang nakakatambal nito nang walang ka-effort-effort. Mahal ng mga manonood si Ethan, kaya ang sinumang napapaugnay rito ay awtomatikong minamahal na rin ng mga supporter nito. Kaya naman mapa-artista man o hindi, pinapangarap ito. Hindi lang para makatambal sa palabas, kundi maging sa totoong buhay rin.

Ethan Ravales was indeed every woman's dream man and fantasy. Hindi itatanggi ni Shaira na isa rin siya sa mga babaeng humahanga rito. She also liked Ethan not just as an actor but also as a man. Ito ang kabuuan ng lalaking pinapangarap niya. Guwapo, mabait, mayaman at higit sa lahat, sikat. Natatandaan niyang minsan sa buhay niya ay inambisyon niyang lumagpas sa pagiging love team ang turingan nila. Pero kahit kailan ay hindi iyon nagkaroon ng katuparan dahil ni minsan ay hindi naman ito nagkaroon ng interes sa kanya. Sa loob ng mahigit dalawang taon na pagiging magkatambal nila, tila hindi siya nito nakita bilang isang babae na maaari nitong mahalin. Masakit iyon para sa kanya, ngunit kahit ganoon, patuloy pa rin niya itong lihim na hinahangaan. Nakuntento siya sa lihim na pagtangi kay Ethan noon. Ngunit ngayon na makakatambal na niya ulit ito, ipinangako na niya sa sariling gagawin niya ang lahat para gustuhin siya nito sa paraang gusto niya. Gagawin niya iyon hindi lamang dahil gusto niya si Ethan kundi dahil na rin kailangan niya ito.

Kailangan niya ang magandang imahe at kasikatan ni Ethan para muling magningning ang bituin niya. Hindi siya proud sa balak niyang gawin—ang paggamit sa kasikatan ni Ethan para muli siyang sumikat—ngunit wala siyang magagawa. Si Ethan na lamang at ang come back movie nila ang natatanging pag-asa at nakikita niyang paraan para maibalik ang namanglaw na acting career niya at matupad na ang kanyang mga binabalak. Napakarami niyang isinakripisyo at taong tinalikuran noon. Hindi niya mapapagayang basta na lamang masayang ang lahat ng iyon at pati ang mga pinaghirapan niya sa loob ng maraming taon para makapasok sa showbiz at maging isang sikat na artista upang sa huli ay bumagsak lang at maging talunan.

She was fifteen when she tried to enter in show business. Iyon ay sa kabila ng pagtutol ng kanyang inang si Sheryl. Ayaw pa rin kasi nito na pasukin niya ang magulong buhay ng showbiz. Ayaw daw nitong matulad siya rito at masira lang ang buhay niya. Naiintindihan niya ang pinanggagalingan ng kanyang ina, ngunit hindi pa rin siya nagpapigil. Sinabi niya rito ang ilan sa mga dahilan kung bakit gusto niyang pasukin ang showbiz, ngunit aminado siyang hindi lahat. Siya lang ang nakakaalam na hindi lamang dahil sa pera kaya niya ninais maging artista at kung bakit gusto niyang sumikat at maging tanyag at makilala sa industriya.

Tulad ng mga nangangarap maging artista, nag-audition rin si Shaira sa lahat ng mga go see, artista and talent search na tinatampok ng mga kilalang TV network. Hindi naging madali para sa kanya ang maka-penetrate sa showbiz dahil sa dami ng kakompetisyon pero hindi siya sumuko. Nagtiyaga siya sa pag-o-audition hanggang may isang kilala at sikat na talent manager ang nakapansin sa kanya. The famous talent manager named Tito Herman. Nag-offer ito na isama siya sa mga baguhang artista na hina-handle nito. Ito ang nagpasok sa kanya sa mga acting, singing and dance workshops para ma-enhance ang mga talent niya. Ito rin ang unang manager niya bago si Tita Blessy.

She was sixteen when she had her first appearance on TV. Napasama siya sa isang teleserye na pinamagatang My Wicked Stepsister na ipinapalabas sa number one TV network sa bansa.

Best friend ng bida-kontrabida ang ginanapan niya. Natatandaan niyang napakasaya niya noon. Kahit supporting role lang ang ginampanan ay ginalingan pa rin niya ang pag-arte. Naisip niya na iyon na ang pagkakataon na magpapansin siya at magpakitang-gilas. Hindi naman siya nabigo sa pagpapakitang gilas dahil marami ang nakapansin sa galing niyang umarte. The viewers and the directors of the teleserye praised her acting skill. The next thing she knew, she was receiving a lot of offers from different film productions. At hindi na lang basta supporting role ang nais ng mga iyon na ganapan niya. Puro lead roles na ang ino-offer sa kanya.

She was seventeen years old when she had the privilege to be Ethan's leading lady. Tulad niya ay nagsisimula pa lamang rin itong gumawa ng pangalan noon sa industriya. Isang teen-oriented teleserye na pinapalabas tuwing linggo ng hapon ang unang pinagtambalan nila. Marami ang nagkagusto at kinilig sa tambalan nila ni Ethan. Nang matapos ang teleserye ay nagkaroon agad sila ng panibagong teleserye offer, ngunit sa pagkakataong iyon ay totoong teleserye na at itinatampok sa primetime.

Masayang-masaya si Shaira noon. Labis-labis na nagpapasalamat. Napakaraming tao ang humahanga at sumusuporta sa kanya. That was indeed the peak of her showbiz career. And she thought before that it would last longer. Akala niya noon ay magtutuloy-tuloy na iyon. She thought that all the good things and all the blessings that she has receiving would never end. But it did. Dahil lamang sa kasakiman ng isang bitter at bruhang inggiterang babae, nanamlay ang maganda niyang career. Nagawa nitong pabagsakin siya at ibalik ulit sa simula. She played the supporting roles again while Ethan continued to conquer the showbiz industry with his talents. In short, napag-iwanan na siya ni Ethan. At dahil lahat iyon kay Stela.

Lihim na ipinilig niya ang ulo para pagpagin ang isiping iyon. Ayaw niyang isipin ang babae dahil sumasama lang ang pakiramdam niya.

Tunog ng cellphone ang pumukaw kay Shaira.

"I think that's mine," ani Tita Blessy. Nagpaalam ito sandali bago lumabas ng kanyang silid para sagutin ang cellphone nito.

Muli siyang humarap sa salamin at pinagmasdan ang sarili. Marahan niyang sinuklay ng daliri ang alun-alon niyang buhok at itinulak paharap ang ilang hibla sa kanang balikat niya. Napangiti siya ng makuntento sa nakita. She already looked good, too good for a simple dinner date actually. Pero maano ba naman ang mag-ayos siya? Kahit simple lang ang dinner date na pupuntahan niya, hindi naman simpleng tao ang makaka-date niya. She will be dining out with Ethan tonight. Dapat lang talagang maging maganda siya.

Nag-re-retouch siya ng powder nang muling pumasok si Tita Blessy. Napakunot-noo siya nang makita ang hitsura nito mula sa salamin. She looked bothered. Umikot siya at hinarap ito.

"Why, Tita? May problema po ba?"

"Yes," sagot nito.

Lalo siyang napakunot-noo at bahagyang kinabahan. Lately ay iisa lamang ang problema na lagi nilang natatanggap pero laging nakakapag-pa-stressed out sa kanila.

"May nag-cancel na naman po ba na endorsement ko?"

Umiling ito. "Wala. But Ethan called and he cancelled your dinner date with him tonight." Bakas ang pagtataka at pag-aalala sa anyo nito. "Wala siyang binigay na rason. This is the first time he did this. Hindi ko tuloy maiwasang magtaka at mag-worry. Tumawag ba siya sa 'yo?"

Umiling si Shaira. Bahagya na rin siyang nagtataka at nag-aalala. Hindi si Ethan ang tipo na basta na lamang magka-kansela ng isang importanteng lakad nang hindi nagbibigay ng valid reason.

"I'm gonna call him, Tita," aniya para kahit papaano ay payapain ito at maging ang sarili na rin niya.

Tumayo siya at inabot ang kanyang cellphone na ipinatong niya sa bed side table kanina. Tinawagan niya ang number ni Ethan. Napakunot-noo siya nang operator lang ang sumagot sa kanya.

"Bakit? Hindi ba sumasagot?" tanong ni Tita Blessy nang mapansin marahil ang hitsura niya.

"Mukhang nakapatay po ang phone niya, eh."

"Tawagan mo na lang si Jessica. Baka alam niya kung nasaan si Ethan," anito. Jessica was Ethan's manager.

Agad naman siyang sumunod. Wala siyang number ni Jessica kaya kinuha pa niya iyon kay Tita Blessy.

"Nasaan si Ethan?" agad na tanong ni Shaira.

***

Karapat-dapat ba si Shaira kay Ethan para matuloy na ang movie nila at magkatuluyan na sila sa future? #TeamShaira

This is written by Gezille so I can only post the preview here. Again, the first three books are available on book version. Send a PM to www.shopee.ph/sofiaphr if you are interested. Thanks!

Sofia_PHRcreators' thoughts