webnovel

Enchanted in Hell (Tagalog)

Pipiliin niya bang ikulong ang sarili sa lugar kung saan naniniwala siyang may kaligayang naghihintay sa kaniya? Paano kung ang kaligayahang hinahanap niya ay mula sa taong mas masahol pa sa isang demonyo?

Teacher_Anny · Urban
Not enough ratings
54 Chs

Jealousy

Sinimulan ni Rina ang araw na iyon sa pagdidilig ng mga halaman at bulaklak sa hardin. Katulad din nang palagi niyang nakagawian, abot pa rin hanggang tainga niya ang ngiti sa labi sa tuwing pinagmamasdan ang mga bulaklak sa paligid.

Malawak ang garden ng mga Ledesma, at kahit pa malaki ang lugar na kailangan niyang diligan at alagaan, hindi siya nakakaramdam ng pagod dahil ang pagmasdan pa lang ang ganda ng mga ito ay nakakapawi na nang pagod.

Huminga si Rina nang malalim upang damhin ang sariwang hangin sa labas pagkatapos ay napatingala siya nang maramdaman ang maligamgam na sapo ng sikat ng papalabas pa lang na sikat ng araw.

Napangiti siya habang pinagmamasdan ang araw sa gitna ng dalawang bundok sapagkat kahit hindi niya nakakasama ang pamilya, nararamdaman niya pa rin ang pag-asa sa tuwing titingnan iyon. Kung baga ang lakas makabigay ng positive vibes ng araw na tinitingnan niya.

"Hello, Rina."

Napalingon siya sa nagsalita. Si Dr. Steve.

"Dr. Steve. Ang tagal mo nang hindi nagpupunta rito, a."

Umayos nang tindig si Dr. Steve bago nagsalita. "Oo nga, e.  Masyado lang naging abala sa hospital."

"A, kaya pala...pero teka, kumain ka na ba?"

"Ang totoo niyan, hindi pa." Ngumiti ang doktor sa kanya, "Baka pwedeng makikain," pagbibiro pa nito.

"Pwede naman," aniya na sinundan nang malakas na tawa. "Pero hindi pa ako nakakapagluto."

"Ayos lang, hihintayin kitang makapagluto," pagbibiro muli nito. "Puntahan ko lang si Theo."

"A, sige sige. Pero baka tulog pa 'yon ng ganitong oras."

"Gano'n?" Napaisip nang malalim si Dr. Steve. "E, di, sasamahan na lang kitang magluto."

"Hala, nakakahiya."

"Ayos lang 'yan."

Sa huli ay walang nagawa si Rina kundi ang pumayag kay Dr. Steve. Tinulungan siya sandali nang doktor sa pagdidilig ng halaman at nang natapos sila, dumiretso sila sa kusina upang magluto.

Nag-assist din sa kanya ang doktor. Ito ang tagakuha o tagaabot ng mga ingredients na kailangan niya sa pagluluto. Mabuti na lamang talaga at nakapamalengke na siya noong nakaraang araw kung kaya maraming laman ang refrigerator at marami-rami rin siyang choices na lulutuin. At para sa umagang iyon, balak niyang magluto ng kaldereta.

"Mukhang madami kang alam gawin, a," simula ni Dr. Steve.

Napahinto naman sandali si Rina sa paghihiwa ng sibuyas para sumagot.

"Hindi naman, sakto lang. Kailangan din kasi, e. May mga hindi rin ako kayang gawin pero dahil kailangan ko ng pera, kailangan ko rin 'yong kayanin."

"Bakit hindi mo tapusin ang pag-aaral mo? Diba tapos mo na ang first year ng nursing?"

"Oo. Tapos ko na. Pero hindi muna ako mag-aaral ngayon kasi balak kong pag-aralin muna ang dalawang kapatid ko."

"Ibig-sabihin kapag napagtapos mo sila, doon ka pa lang din makakapag-aral."

"Parang gano'n na nga," sabi niya nang natatawa.

"I adore you."

"E?"

"Oo, maswerte ang pamilya mo sa 'yo. Pati na rin ang boyfriend mo."

Sumilay ang pekeng ngiti sa mga labi ni Rina. "Wala akong boyfriend."

"Totoo?" Halos manlaki naman ang mata ni Dr. Steve sa hindi pagkapaniwala. Totoong nakapagtataka iyon dahil kitang-kita naman kung gaano kaganda si Rina. Morena subalit nangingibabaw pa rin ang sariling ganda.

"Oo nga," pangungumbinsi ni Rina.

"Seryoso, talaga?"

Tumango-tango na lamang si Rina saka inumpisahan na rin ang paghiwa sa bawang.

"E, di, puwede bang li--"

Hindi natapos ni Dr. Steve ang sasabihin nang humampas nang malakas ang pinto sa kusina. Kapwa napalingon sina Rina at Dr. Steve sa pintuan at doon ay nakita nila si Theo na nakatayo at matalim ang titig na pinupukaw sa kanila.

"Theo, kumusta?" bati ni Dr. Steve.

Hindi sinagot ni Theo ang doktor. Sa halip ay tumingin ito kay Rina. "Ano'ng niluto mo? Gutom na ako."

"Hala, sorry. Hindi ko alam na maaga kang magigising ngayon. Hindi pa ako nakakapagluto."

"Tss. Hindi dahil tanghali na akong nagigising ay tanghali ka na rin magluluto."

Halos umatras naman ang dila ni Rina sa pagkapahiya sa sinabi ni Theo lalo pa't kasama nila si Dr. Steve. Eto na naman sa kanya ang lalaki, bumabalik na namang ang pagiging masungit nito sa kanya.

"May tinapay naman diyan, baka gusto mong iyon na lang muna."

"Never mind. Hihintayin ko na 'yan." Tatalikod na sana si Theo para lumabas sa kusina nang tawagin naman siya ni Dr. Steve.

"Theo, pwede ka bang makausap?"

"Tungkol sa'n? Sa kondisyon ko?" Mapaklang ngumiti si Theo. "Sige."

Nagpaalam muna si Dr. Steve kay Rina dahil tumuloy na sila nina Theo sa silid kung saan nakalagay ang koleksyon nitong mga alak.

Nang nakarating sina Theo at Dr. Steve sa silid na palaging pinagtatambayan ni Theo, hindi na nag-abala pa si Theo na bigyan ng maiinom ang doktor. Iyon ang ipinagtataka ni Dr. Steve. Nakakapanibago talaga para sa kanya ang pagtrato o pangbabalewala ng pasyente niyang matagal o pinahirapan niyang kuhain ang loob.

"Ano'ng sasabihin mo?" bungad ni Theo.

"Kumusta ka na? Balita ko lumabas ka raw ng mansion at nagpunta sa hotel ninyo."

"That's true, why?"

"Okay lang naman ang nararamdaman mo? Naalala mo pa rin ba ang mga nangyari sa 'yo noon?"

"Oo, naaalala ko pa rin at iniiwasan ko talagang alalahanin. Pero dahil tinanong mo, naalala ko na naman," seryosong saad ni Theo.

Umayos nang tindig si Dr. Steve. Kahit hindi maganda ang pakikitungo sa kanya ni Theo, pinilit niyang habaan ang pasensya at intindihin ang lalaki lalo pa't para na niya itong nakababatang kapatid. Sa tantya niya kasi ay magkaedad lamang sina Rina at Theo samantalang siya naman ay malaki ang agwat sa mga ito.

"Masaya akong sinusubukan mo'ng makalabas sa mansion. Masaya rin ako sa recovery mo."

Inayos ni Dr. Steve ang suot na necktie at ginalaw-galaw nang bahagya ang balikat. Katulad ng palagi nitong pormahan, formal na formal ang suot nito. Doktor na doktor talaga ang datingan.

Akmang lalabas na si Dr. Steve nang nagsalita muli si Theo.

"Sandali, tungkol sa sinabi ko sa 'yo." Tumingin nang matalim si Theo sa mga mata ni Dr. Steve "Sinabi mo ba 'yon sa kanila."

Umiling-iling si Dr. Steve. "Hindi ko sinabi 'yon sa kanila. Mapagkakatiwalaan mo ako sa lahat ng mga sinabi mo sa 'kin." Huminga si Dr. Steve nang malalim. Ngayon ay may ideya na siya kung bakit ganoon ang trato ni Theo sa kanya. Marahil pinaghihinalaan siya ng lalaki tungkol sa nangyari nitong mga nakaraang linggo. Marahil pinaghihinalaan siya nito na kinuwento niya sa lahat ang tungkol sa pagtingin nito sa ina.

"Mapagkakatiwalaan mo ako, Theo," sabi ni Dr. Steve saka ngumiti rito.

"I hope so. But worry not, you don't have to keep it a secret starting today dahil sa tingin ko naman ay alam na ng lahat."

Tumango-tango si Dr. Steve. "Okay, pero hindi na rin ako magtatagal. Una na ako, Theo."

Nais pa sanang puntahan ni Dr. Steve si Rina sa kusina ngunit pinili niyang huwag na lamang alang-alang na rin kay Theo dahil hindi lingid sa kanyang kaalaman ang kakaibang behavior ni Theo noong natagpuan sila ni Rina sa kusina.

Nagpasya siyang umalis na lamang kahit pa ang totoo ay gusto niya pang makasama si Rina. Gusto niyang makasabay ito sa pagkain at makipag-usap dito nang matagal. Sa sandaling nagkita kasi sila ng babae, sigurado na siyang naa-attract na siya rito. Hindi lang sa taglay nitong ganda, kundi pati na rin sa ugali at kasipagan nito.

Sandali at palihim niya munang sinilip ang babae na abala sa pagluluto sa kusina bago siya tuluyang umalis.