webnovel

Dear Future Boyfriend

Kayleen's diary entries about her future boyfriend, current crush, and everyday life. *Written in Filipino / Tagalog language*

AlesanaMarie · Urban
Not enough ratings
156 Chs

Kayleen's POV

Kapag may isang napakagandang bagay na nangyayari sayo, hindi mo mapigilan na mag-isip kung ano ang gagawin mo kapag tapos na ito. Natural lang naman na mag-alala ako. Pero sana nga hindi dumating yung araw na mapapalayo ang loob namin sa isa't-isa. Lalo na kung hindi lang sya ang paalis. Kung susukatin, mas malayo ang France kaysa sa school nya. Kakayanin ko kayang iwan sya?

Natapos ang cotillion dance namin at binigyan kami ng masigabong palakpakan ng mga bisita. Muli akong bumalik sa upuan ko sa gitna.

Tinawag ng emcee ang pangalan ni Kuya Dylan bilang performer. Ang lapad ng ngiti ni kuya habang tinatanggap ang mic kaya kinabahan ako. Tumingin sya sa akin at nakita ko sa mga mata nya na proud sya sa akin. Muntik na akong maiyak kahit wala pa man syang sinasabi.

"Para sa nag-iisa kong kapatid, Kayleen, bunso," umpisa ni kuya. "I'm sorry Ashleen," tumingin si Kuya sa table nina Ashleen. "Pero ako talaga ang bestfriend ni Kayleen. I'm sorry kailangan mong malaman sa ganitong paraan."

"Hey!" angal ni Ashleen na natatawa rin kasama ang iba pang bisita.

"I'm sorry din Kean, second bestfriend lang kita," biro din ni Kuya Dylan kay Kuya Kean na tumawa lang at humawak sa dibdib na kunwaring nasaktan. "Bunso, natatandaan mo pa ba noong umiiyak ka sa tuwing umaalis ako ng bahay para pumasok sa school? Akala mo hindi na kita babalikan." Huminga sya nang malalim at nakita kong nagpipigil sya ng luha. "Pero ngayon dalaga ka na. Nag-debut ka na at nahahalata ko na may isang binata dito na umaaligid sa'yo."

Natawa na naman ako habang namumula ang mukha.

"Kayleen, gusto ko lang na malaman mo na kahit ilang birthdays pa ang dumaan, ikaw parin ang baby sis ko at walang kahit na sinuman ang makakapagpabago non. Kapag may nanakit sayo bunso, alam mo na. You can count on me baby sis."

"Thank you," sabi ko sa kanya. Nanlalabo na ang mga mata ko at may dalawang butil ng luha na umalpas sa mga mata ko.

"This song is for you."

Nakita kong tumayo si Ashton, kinuha nya ang inabot sa kanyang gitara ng isang lalaki at pumunta sa kinatatayuan ni Kuya Dylan.

"Alam mo na ha Ashton?" narinig kong sabi ni Kuya Dylan na hindi nasabi sa mic.

Tumango naman si Ashton sa kanya nang seryoso. Kinabit ni Ashton sa gitara nya ang isang cable. Nag-umpisa syang tumugtog.

"If you ever find yourself stuck in the middle of the sea, I'll sail the world to find you. If you ever find yourself lost in the dark and you can't see, I'll be the light to guide you."

May lumapit sa akin na babae at inabutan ako ng panyo. Ginamit ko yon para punasan ang mga luha ko.

"You can count on me like 1, 2, 3. I'll be there. And I know when I need it. I can count on you like 4, 3, 2. You'll be there. 'Cause that's what friends are supposed to do, oh yeah."

Habang tinitignan ko si Kuya Dylan na kumakanta at si Ashton na tumutugtog ng gitara, naisip ko na, I'm lucky to have them. Maswerte ako na magkaroon ako ng masaya at kumpletong pamilya, masasandalan na kaibigan at isang lalaki na magmamahal sa akin na katulad ni Ashton.

Alam ko na kahit matapos pa ang gabing ito, hindi matatapos ang saya na nararamdaman ko. Hanggat nandyan sila para sa akin, magiging masaya ako. Kung lumipas man ang panahon at magkalayo kami, may babalikan parin ako na masayang alaala. Habang buhay ko silang itatago sa puso ko.