webnovel

Dear Future Boyfriend

Kayleen's diary entries about her future boyfriend, current crush, and everyday life. *Written in Filipino / Tagalog language*

AlesanaMarie · Urban
Not enough ratings
156 Chs

Kayleen's POV

Habang nanunuod kami ng movie ni Ashleen, hindi ako mapakali. Palagi akong tumitingin sa pintuan, baka kasi pumasok si Ashton. Alam kaya niyang dumating ako? Pero nang makarating kami sa part kung saan puro action na, hindi ko na maalis ang mga mata ko sa malaking screen ng TV. Ang bilis ng kilos ng mga samurai, hindi ko masundan masyado. Nakakamangha talaga ang mga galaw nila. Siguro ang dami nilang natamong pasa bago na-perfect ang mga galaw nila.

Napaatras ako sa kamang inuupuan ko nang makita ko si Shishio. Nakakatakot talaga sya! May nakapa ako bigla sa kama ni Ashleen. Aksidente kong nadaganan ng kamay ang isang tablet na hindi ko napansin kanina dahil sa mga nagkalat na stuff toys.

"Ashleen, sa'yo 'to?"

Saglit syang lumingon bago muling tinitigan ang TV. "Kay Ashton 'yan. Pinagawa ko kasi kina Alex. Binigay kanina."

Nang marinig ko ang pangalan ni Ashton, lumundag ang puso ko. Hawak ko ang tablet niya! Nawala na sa movie ang atensyon ko. Hinawakan ko ang tablet na parang doon nakasalalay ang future ko. Ano kaya ang mga apps sa loob nito? Ano kaya ang games na nilalaro niya rito? May pictures kaya siya rito? Sobra akong na-excite na kalikutin 'yung tablet niya.

"Ano'ng sira nito?"

"Yung screen kasi nabasag."

Pinakatitigan ko ang tablet na hawak ko. Matibay 'tong brand ah, bakit kaya nabasag? Sinubukan kong i-open kaso may lock.

"Pwede ko ba 'tong buksan?"

"Hmm? Sure," sagot niya na hindi man lang ako nilingon.

"Ano'ng password?"

"Letter N."

Bakit kaya letter N? Ano kaya ang meron sa letter N? May crush kaya siya na letter N ang start ng pangalan? Baka naman Nirvana lang. Masyado akong nag-iisip.

Kinapa ko na ang letter N para ma-unlock. Kaso bago ko pa siya tuluyang mabuksan, bigla na lang may humigit ng tablet mula sa mga kamay ko. Nakita ko si Ashton na nakatayo sa harap namin ni Ashleen. Hawak niya ang tablet sa isang kamay at ang strawberry tart na may kagat na sa isa pa niyang kamay.

"Ashton!" nakangiti kong bati sa kanya. Ang cute niya! Naka-blue siya na shirt na may nakakatuwang cartoon character.

May dumaang emosyon sa mukha ni Ashton na hindi ko nasundan. Parang kaba? Kinakabahan siguro siya dahil sakin! Eeeeh!

"Bakit kayo nandito sa kwarto?" tanong niya sa akin.

"Sabi kasi ni Trisha hwag muna raw kayong abalahin sa practice," paliwanag ni Ashleen. Nakatutok pa rin ang mga mata niya sa labanan nina Kenshin at Shishio.

Umupo si Ashton sa tabi ko at nakinuod. Inubos niya ang tart na hawak niya. Makalipas ang ilang minuto, tumingin siya sa akin.

"G-Gusto mong manood sa practice namin?" tanong niya uli sa akin.

Tinanong niya ako! Nakangiti akong tumango sa kanya. Nginitian naman niya ako agad. Nagwala na naman ang puso ko dahil sa nakakanginig niyang ngiti. Hay Ashton, kung alam mo lang ang epekto mo sa akin. Kailan mo ba balak magpakilala bilang Mr Creeper? Sa debut ko ba? Ngayon na lang please!

Tumayo na kaming dalawa mula sa kama.

"Saan kayo pupunta?" Nakatingin na sa amin si Ashleen na halatang nagtataka. Ipinause niya pa 'yung movie bago siya nagsalita.

"Manonood ng practice," nakangiti kong sagot.

Nagulat si Ashleen sa sagot ko. Tumayo rin siya at in-off muna ang DVD at TV.

"Sama ako," naka-pout niyang sabi.

Bumaba kaming tatlo ng hagdan. Nakita ko sina Warren sa kusina, kumakain din sila ng strawberry tart na gawa ko.

"Uy! Nandito na pala si Strawberry!"

Nakatingin sa akin ang bandmates ni Ashton na sina Warren, Trisha at Gio. Nasalubong ko ang tingin sa akin ni Trisha. Lumipat ang tingin nya sa katabi kong si Ashton. Nakalimutan ko na may gusto nga pala sya kay Ashton! Kinabahan ako bigla. Ang ganda ni Trisha. Sandali ko palang siyang hindi nakikita pero mas gumanda siya ngayon. Iba na ang kulay ng buhok niya, kulay light brown iyon na may pink sa dulo.

"Ako?" turo ko sa sarili ko.

"Oo. Ikaw ang reyna ng strawberries," biro niya at muling kumagat sa tart. Pwede na siyang maging model sa TV, mukha kasing nag-eenjoy siya talaga sa kinakain niya. Namula ako.

"Warren," saway sa kanya ni Ashton.

"Ang dami kasi niyang dinalang strawberries dito sa bahay nyo, Ashton." Nanginig ako nang magsalita si Trisha. Alam niya! Alam niyang gusto ko si Ashton. "May tanim ba silang strawberries sa bahay nila?"

Hindi ko gusto 'yung tono ng salita ni Trisha. 'Yung paraan kasi ng pagkakasabi niya, parang nang-iinsulto. Wala naman siyang masamang sinabi, pero iba rin kasi siyang makatingin.

"Galing kasi akong Baguio kaya nakapag-bake ako ng maraming strawberry tarts at pie."

"Ganon ba? Sayang naman. Akala ko kasi nagbebenta ka. Magpapagawa pa naman sana ako."

"May pie?" tanong ni Warren. "Saan 'yung pie?" nilibot nya ng tingin ang buong kusina.

Si Ashleen ang sumagot sa tanong ni Warren. "Ubos na. Kinain na lahat ni Ashton kagabi."

Bigla naman akong sumaya sa narinig ko. Parang musika sa tenga ko 'yung narinig ko mula kay Ashleen kahit na alam ko naman na katulad ko, hindi siya marunong kumanta. Nagustuhan ni Ashton 'yung ibinigay kong pie. Gusto kong gumulong ulit sa kama. Ang sayang kiligin!

"Bumalik na nga tayo sa pagpapractice!" parang galit na sabi ni Trisha. Nauna siyang pumunta sa basement.

Nakasunod si Warren na may dalawang tarts na hawak. Halos mapuno na ang buong bibig niya sa pagsubo ng isang buong tart. Nag-thumbs up siya sa akin bago niya ako nilagpasan. Si Gio na hindi nagsasalita ay may kinakain din na tart. Tumigil sya sa tapat ko at gamit ang malamig na boses ay sinabi nyang; "Gawa ka ulit next time." Yun na yata ang way niya para sabihin na masarap 'yon. Ngumiti ako sa kanya at naglakad na siya pabalik sa basement.

"Wow, nagsalita si Gio. Iba talaga ang powers mo, Sissy! Napabilib mo siya!" masayang sabi sa akin ni Ashleen. Nakipag-highfive pa siya sa akin.

Kumuha rin si Ashleen ng tart at pumunta sa basement. Nakasunod kami sa kanya ni Ashton. Napaigtad pa ako nang maramdaman ko ang palad ni Ashton sa likod ko. Nakaalalay siya sa akin sa pagbaba ng hagdanan. Ang init talaga ng kamay niya. Sana lang hindi niya maramdaman kung gaano kabilis ang tibok ng puso ko. Sigurado ako, nagwawala na 'yon sa loob ng katawan ko! Ang sarap sa pakiramdam!