"Pinapayagan niyo na po ba ako na magtungo doon?" Sa pagkakataong ito ay hindi na niya napigilan ang sarili na magtanong.
"Oo—"
"Maraming salamat po heneral!" Agad niyang pasasalamat dito at napaluhod pa siya sa tuwa.
"Tika lang, hindi pa ako tapos." Sabi naman ng heneral." Hindi ka magtutungo doon upang gawin lamang ang nais mo."
"Ano pong...ibig niyong sabihin?" Pagtataka niya.
"Inaatasan kitang magsundo sa prinsipe at ihatid ito sa Paldreko." Utos ng heneral.
"Magsundo sa prinsipe?" Napatayo si Aya. "Bakit naman po ako?" Di makapaniwalang tanong ni Aya at sa tingin niya pa ay nagbibiro lamang ang heneral.
"Isama mo ang boong pangkat mo." Sa sinabing ito ng heneral ay napagtanto ni Aya na hindi ito nagbibiro.
"Hindi ko po maintindihan. Ang tungkulin ng himpilang ito ay bantayan ang hangganan at hindi ang magbantay sa isang prinsipe. Hindi ba ay mayroon namang nakatakdang mga kawal para sa gawaing yun?"
"Tungkulin lahat ng mga kawal ng kahariang ito na siguruhin ang kaligtasan ng sinumang mamamayan na nasasakupan lalo na ang tagapagmana ng Hari!"
"Ngunit—"
"Ang isang kawal ay susunod muna sa utos ng nakatataas sa kanya saka na magtatanong." Pigil sa kanya ng heneral.
"Ayaw ko!"
"Anong sabi mo?"
"Hindi ko tinatanggap ang layuning ibinigay niyo sa akin." Hindi makapaniwala ang heneral sa sinabi niya.
"At kailan pa nagsimulang tumigas yang ulo mo?" Hindi sumagot si Aya kaya nagpatuloy ang heneral. "Hindi ba at pinakananais mong makapunta ng Paldreko upang makapag-aral ng salamangka? Ito na ang pagkakataon mo." Pangungumbinsi pa sa kanya ng heneral.
"Yun kung makakarating pa kami ng Paldreko ng buhay, pero sa tingin ko ay hindi kaya di bali na lamang dahil nais ko pang mabuhay."
"Ano bang pinagsasabi mo? Magsusundo ka lang naman."
"Heneral, alam ko po ang kalagayan ng pamahalaan. Alam ko din pong malala na ang sakit ng Hari. At ang prinsiping pinapasundo niyo po sa akin ay siyang tagapagmana ng kaharian. Sino sa tingin niyo ang uunahin ng punong ministro sa magkapatid na Hari at prinsipe na ihatid nito sa kabilang buhay?"
Hindi naman agad na nakasagot ang heneral at saglit na namayani muna sa kanilang dalawa ang katahimikan.
Tumayo ang heneral at lumapit sa bintana. "At sa tingin mo ay makaliligtas parin tayo sa punong ministro kung hindi tayo susunod sa kautusan ng hari na sunduin ang prinsipe? Kung pupuntahan mo ang prinsipe ay maypag-asa pa tayo, maaari niyo siyang mailigtas."
"Kung ganoon ay iniipit nga tayo ng punong ministro. Ngunit bakit? Hindi naman tayo nangingialam sa kanila ah."
"Dahil isa akong tinik sa kanyang lalamunan. Alam niyang hindi siya makakatulog ng mahimbing hanggat nabubuhay ako."
"Kapag namatay ang prinsipe ay wala ng magiging tagapagmana ang Hari. Siya, bilang punong ministro ay siyang hihiranging bagong hari kapag namatay na ang kasalukuyang hari na may malubha ng karamdaman. At nais niya ding mawala kayo sa kanyang landas...kapag nangyari iyon ay magtatalaga siya ng bagong heneral dito at paniguradong ang pipiliin niya ay yung susunod sa lahat ng ipag-uutos niya, marahil ay dahil nais niyang sakupin ang kabilang kaharian?"
Natawa ang heneral sa mga sinabing iyon ni Aya. "Maayos ang kalusugan ng namayapang Haring Demuni ng huli ko itong nakita, kaya naman ay hindi ko inaasahang isang araw ay mababalitaan ko nalang na namatay ito dahil sa malubhang karamdaman. Pagkatapos ay agad akong inilipat dito sa hangganan, marahil ay may ayaw ang punong ministro na matuklasan ko."
"Ang ibig niyo po bang sabihin ay naghihinala kayong may kinalaman ang punong ministro sa pagkamatay ng dating Hari?"
"Kung magawa mong makapunta ng Paldreko ay nais kong alaman mo ang bagay na iyon." Dagdag na kautusan sa kanya ng heneral. "At may nais din akong ibigay sayo."
"Ang kadina ng katutuhanan? Ipinagkaloob ito sa inyo ng dating Hari, bakit niyo naman po ibibigay sa akin?" Pagtataka ni Aya.
"Kayong dalawa na lamang ni Noknok ang pamilya ko. Nais kong ibalik mo ito sa tunay at karapatdapat na magmay-ari nito." Sagot ng Heneral.
Iniisip ni Aya na marahil ay ang prinsipe na tagapagmana ng Hari ang tinutukoy ng heneral kaya inabot na niya ito.
Nagtungo si Aya kagubatan at sinigurado niyang walang nakasunod sa kanya.
"Aso! Aso!" Tawag niya sa alagang aso na kinumusta ng heneral kanina.
Ang totoo ay hindi nakakulong ang aso sa medalyon at hinahayaan niya itong magpagalagala sa masukal na kagubatan iyon.
Ilang sandali pa ang lumipas at nakailang tawag narin siya dito saka lamang may isang napakalaking aso na lumapit sa kanya.
Noon ay kinakarga lamang niya ito pero ngayon ay kasing tangkad na niya ito na nasasakyan narin niya.
Tuwang-tuwa naman na lumapit sa kanya ang alaga habang nagsasayaw pa sa hangin ang buntot nito.
Didilaan na siya sana nito ngunit kaagad naman niyang umiwas dito. "Wag! Mo akong didilaan, kadiri ka talaga. Ipasok mo yang dila mo!"
Agad namang sumunod ang aso ngunit saglit lang pala at inilabas din nito ang dila.
"Yayyy...." Sabi pa ni Aya na kaagad tumakbo habang hinabal naman siya ng alaga. Sa mga sandaling iyon ay rinig sa kagubatan ang tawa ni Aya.
Sa loob ng sampong taong lumipas ay tanging ang alagang aso lamang ang nagpapasaya ng ganoon kay Aya. Dahil ang asong ito ang tanging nag-uugnay sa kanyang pamilya.
Nakapanghihinayang lamang at kailangan ni Aya na itago ang alaga dahil yun ang utos ng heneral na kumupkop sa kanyang ng hindi man lamang nagbibigay ng paliwanag kung bakit niya kailangang ang aso.
Lumipas na ang oras ng pakikipaglaro ni Aya sa aso at kailangan niya ng bumalik sa himpilan.
Bumaba na siya mula sa likuran ng aso ng makabalik na sila sa kanilang tagpuang bahagi ng kagubatan.
"Hindi ko alam kung kailan ako makakabalik kaya mag-iingat ka dito ha? Wag kang magpapakita sa kahit na sino, baka malaman ko nalang na ginawang adobo ka na. Pagbalik ko mula sa Paldreko ay ipapakita ko sayo lahat ng majika na matutunan ko doon, kaya hintayin ko ako ha?" Niyakap pa ni Aya ang alagang Aso saka lumabas na sa kagubatang iyon.
Sampong taon narin ang lumipas, sa wakas ay nagkaroon narin siya ng pagkakataong makapasok ng punong lungsod. Tinitiyak niyang hindi niya sasayangin ang pagkakataong ito. Mag-aaral siya ng majika hanggang sa malampasan niya ang lakas ng sino mang salamangkiro ng kaharian at sisingilin niya lahat ng may utang sa kanya, at lahat ng mga iyon ay magsisimula lamang sa panahong makapasok na siya ng Paldreko.
Paldreko, malapit na....