webnovel

Crumpled Paper

Sa bawat pahina ay mayroong taglay na abentura Mga nakakubling lihim sa katiting na patak ng pluma Walang boses man kung tumuklas sa nasaksihang istorya Idadala, aayusin para sa nagkagulong pamilya Pamilya lamang ba o pati ang mundong wala ng tama? Isang maling gawi, puso't buhay ay handa nang kumawala Sandigan ma'y matigas, rurupok din 'pag wala ng pag-asa Hahayaan bang gugusot ang magandang nakakubling tadhana? Kapag umibig ka sa taliwas ang pananampalataya Halos lahat ay tututol, pati ang nakaraang lumuluha Talunaryo ng alaala'y hindi pa rin nawawala Bawat tamis ay nawawasak na parang isang hibla Maaayos pa ba ang lahat kung sa una ay para nang isinumpa? Karampot ng papel Karampot ng tadhana Katiting ng pawis Papatak lahat ang luha Sa mga matang pagod na Titiisin pa ba ang pagdurusa?

Kristinnn · Realistic
Not enough ratings
34 Chs

Ngitngit ng mata (1.1)

||Las-tres ng hapon||

Napagitla ako nang makita ang kabuuan ng mukha nitong batang dilag. Parang naaaninag ko ang aking sarili sa kaniya. Kagaya ng aking mukha; nagtataglay siya ng mahahabang pilikmata, kulay rosas na labi, bagsak na buhok at matangos na ilong. Hindi rin alintana ang pagkakahawig ng aming kulay. Matangkad din ang kaniyang tindig at nakikita kong para rin siyang isang Mexicana.

Siguro ay isa lamang siyang dayuhan dito.

Nang mapalingon si Uncle Jazzib sa gawing aking tinititigan ay siya ring pagtalikod ng batang dilag. Nang masilayan niya ang nakabitay na mga manok ay agad siya ditong pumunta. Iyon din ang oras na lumipat ng ibang pamilihan ang batang dilag at ang lalaki. Nasa bandang gulayan na sila na hindi kalayuan sa aming pwesto. Sumunod ako kay Uncle Jazzib at halos mahimatay nang makitang kamukha niya ang tindero.

Isa ba itong katotohanan o sadyang nakulangan lamang ako sa tulog? Pinakatitigan ko talagang mabuti ang kaniyang mukha. Nang mapatingin ako sa direksiyon ni Uncle Jazzib ay mayroon nang tumakas na butil ng luha sa kaniyang kanang mata. Natutulala rin ang tindero nang makita ang mukha ng aking tiyuhin.

"K-kuya" Mahinang usal niya habang tinititigan ang lumuluhang presensiya ni Uncle Jazzib.

Napanganga ako nang tinawag niyang ganoon ang aking tiyuhin.

Napalitan ng mapait na ngiti ang kaninang gulat sa kaniyang mukha.

"Sampung taon akong naghirap dala-dala ang amoy nitong malalangsang manok! Sampung taon akong nag-iisa karga-karga itong punyal na tumutusok." Nanginginig ang mga kamay na tinuro-turo niya si Uncle Jazzib habang may hawak na punyal ang isang kamay.

" 'Di alintana itong umaalingasaw na sangsang

Ng mga karneng para ng mabubulok

Halos lahat ng pawis ay naubos,

Kahoy ng punyal ko'y tuluyan nang rumupok

Ngayon kung kailan ako'y maginhawa

Magpapakita ka na parang hindi nawala" Napapailing na napapahagulgol si Uncle Jazzib ngayon habang tinatanaw ang kapatid na kasalukuyan ding umiiyak.

Tumataas-baba ang balikat nito habang inilalabas ang kaniyang mga salita.

"Hinanap kita! Kuya, hinanap kita!

Sa tagal nga ng panahon akala ko ay pumanaw ka na,

Subalit bakit bumalik ka pa?

Kuya, ayaw ko ng umasa pa!

Kung gusto mo pang maging malaya,

Kuya, umalis ka na.

Umalis ka na!"

Halos lahat ng mga tao dito sa palengke ay nakatingin na sa aming gawi. Subalit patuloy pa rin sa pag-iiyak ang dalawa. Hindi ko naman sila huhusgahan dahil lamang sa pag-iyak. Ang taong mayroong mata ay hindi mahihiyang umiyak kahit na isinilang kang mayroong bayag, iyan ang sabi sa akin ni Uncle Jazzib. Tumingin ako sa direksiyon ng batang dilag at matandang lalaki, tila wala silang pakialam dahil patuloy pa rin itong pumipili ng mga gulay.

Nang tuluyan na akong mainis sa pinagbubulalas ng tinderong tinawag na Kuya si Uncle Jazzib ay mabilis akong lumapit sa kaniya at agad itong kinuwelyuhan.

Labis ang kaniyang pagkagulat nang matanaw ang aking mukha subalit agad ring naglaho nang mapansin niya ang kamay kong nakahawak sa kwelyo ng kaniyang suot.

"Paumanhin lamang sa aking pinag-aasta subalit naparito kami sa harapan ng inyong tindahan upang pumili ng iyong produktong karne ng manok. Bakit tila inaalipusta mo na ang aking tiyuhin?" Tuluyan ng lumabas ang isang kasinungalingan mula sa aking bunganga habang matalim na tinitigan ang tindero.

Nanginginig ang kaniyang brasong iwinaksi ang aking kamay.

"Ipagpaumanhin mo rin sana subalit nakikita ko lamang ang aking nakakatandang kapatid sa kaniya na matagal na akong tinalikuran. Pagpasensiyahan mo na rin ang inilabas kong pighati at kirot sa harapan ng iyong tiyuhin subalit bakit nakikita ko sa kaniyang lumuluhang mga mata ang kagalakan at labis na pagkalumbay kagaya ng sa akin? Siguro nga't siya ang aking-"

"Huwag kang maging ilusyunado, tindero. Kahit na maglitanya ka pa sa kaniyang harapan ay hindi ka niya lubusang maintindihan. Isang himala siguro kung sakaling makakarinig ang isang umid, hindi ba? Kasalukuyang umiiyak ang aking tiyuhin sa iyong harapan sapagkat nakalimutan niyang dalhin ang perang ipambili sana namin ng aming magiging ulam mamaya. Masyadong mababaw lamang ang damdamin niya kung kaya't sa kahit ganitong bagay ay umiiyak na siya" Nais kong paulanan ng sampal ang aking bibig sa mga kasinungaling isinusumbat. Hindi ako tinuruan ni Uncle Jazzib na luminlang ng kapwa tao sapagkat parang nilinlang mo na rin ang iyong sarili at iyong Diyos kapag ginawa mo ito.

Pinakatitigan kong mabuti ang reaksyon ni Uncle Jazzib sa aking mga pinagsasabi at laking gulat ko na wala akong mabasang kahit na anong emosyon galing dito.

Titig na titig pa rin siya sa tindero.

Tinitigan ko rin ang tindero subalit mayroon itong dalang galit.

Mahigit maglilimang-minuto rin kaming nasa ganung gawi at lubusan na akong nagsasawa sa kanilang mukha. Tuluyan ko ng tinapik ang balikat ni Uncle Jazzib at sinenyasan nang umalis sa pwesto. Nang ilibot ko ang paningin sa paligid ay wala na ang mga taong nakatingin sa amin at labis akong nagpapasalamat dun.

Habang naglalakad kami ay hindi ko pa rin matanggal-tanggal sa isip ang pagkakahawig ng mukha ng tinderong iyon at kay Uncle Jazzib.

Hindi ko maintindihan ang trip nitong aking makisig na tiyuhin. Kung nakakapagsalita lamang sana ito ay tiyak na kanina pa ito nagdadaldal nang kahit ano.

Lumingon ako sa aking likuran kung saan nandito ang aking tiyuhin.

Tumingin din siya sa akin at binigyan ako ng ngiti pagkatapos ay bumalik din sa pagkakasimangot. Kung hindi ko lang tiyuhin ang lalaking ito ay mapaghinalaan ko na siyang isang umid na may dahop sa pag-iisip.

Napailing-iling na lamang ako matapos ay tumingin na sa harapan. Ano ba ang aming ginagawa sa malangsang palengkeng ito gayong wala naman talaga kaming bibilhin?

Napasinghap ako nang maalala ang lukot na papel na aking nakita sa kusina.

Siguro ay nagkamali sa pagkakasagot ang aking tiyuhin, papaano kung sa kusina talaga ang tamang kasagutan?

Bakit ba namin ito binibigyang pansin gayong isa lamang itong bugtong?

Walang kwenta.

Muli na naman akong lumingon kay Uncle Jazzib subalit bigla akong napapatanong nang mayroon siyang labis na tinititigan sa tindahan ng mga sangkap.

Pilit kong inaagaw ang kaniyang atensyon sa pamamagitan ng pagdadabog subalit para lamang akong tanga kung tingnan.

Sinubukan kong tapikin ang kaniyang balikat ngunit hindi niya pa rin ito pinapansin.

Malakas kong sinusumbat ang kaniyang pangalan ngunit nakalimutan kong isa pala siyang umid.

Napapabuga na lamang ako ng hangin dahil sa matinding pagkakabagot. Naiinis na ako.

Labis na akong naiinis kanina pa.

Napapakamot nalang ako ng ulo. Malakas na pinapadyak ang mga paa sa lupa. At pilit na uupo sa upuan ng tinderang aking katabi.

Mabuti na nga lang at isa akong gwapong lalaki kaya't napapaamo ko itong babaeng tumitinda ng karneng baboy.

Inaanyaya pa nga akong uminom ng soft drinks subalit tinanggihan ko na siya sapagkat tubig lamang ang aking iniinom, hindi ako umiinom ng mga walang kwentang inumin.

Akala siguro ng tinderang ito ay isa akong dayuhan. Napapahagikgik na lamang ako sa kaniyang mga pinag-aasta subalit naroon pa rin ang bahid ng pagkainis.

Hindi ko alam kung bakit ako labis na naiinis ngayon.

Hindi ko na kayang tiisin ang pagkabagot kung kaya't malakas kong sinampal si Uncle Jazzib sa pisngi.

Umiinit na kasi ang ulo ko habang inaaninagan siyang parang duwag na palaging tumitingin sa direksiyong iyon.

Para siyang natatae nang tuluyan niya na akong tiningnan.

Imbis na siya ang magugulat sa aking ginawa ay mas nagulat pa ang tindera ng baboy kanina at wala akong pakialam dun dahil wala namang kwenta ang kaniyang ginawang pagkagulat.

Masama kong tinitigan si Uncle Jazzib na parang lutang kung tumingin din sa akin ngayon. Naiinis na ako sa kaniyang pinapakitang ekspresyon.

Gusto ko siyang sapukin sa mukha ngunit nababahala ako na baka ay gumanti siya sa akin. Masakit pa naman siyang manapak.

Sinenyasan ko siya kung ano ang problema ngunit tinititigan niya na naman ang kanina pa niyang tinititigan. Napapakamot na naman ako sa ulo.

Sa oras na ito ay tinitigan ko na rin ang kanina niya pang tinititigan na direksiyon at laking pagkagulat ko na lamang na ang batang dilag at matandang lalaki pala iyon.

Kinurot ni Uncle Jazzib ang aking pisngi upang agawin ang aking atensyon. Sa pagkakataong ito ay siya na naman ang naghihirap upang kunin ang atensyon ko.

Ang galing.

Hindi niya pa nga nahahanap ang kaniyang magiging asawa ay agad ng dumating ang kaniyang karma.

Natatawa akong nilingon siya. May sinisenyas na siya sa akin subalit hindi ko ito maintindihan dahil masyado siyang natataranta.

Hinawakan ko ang kaniyang magkabilaang balikat upang patahanin siya, pinahinga ng maluwag at pinakalma.

Ngayon ay dahan-dahan na siya kung suminyas. Iyan ang aking isa pang alas na dala-dala, kaya kong paamuhin ang isang tao gamit ang aking kagwapuhan.

Unti-unti ko ng nakukuha ang nais ipadala ng aking tiyuhin.

kapatid

na

babae

...

Senyas niya matapos ay tinuro-turo ako.