AFTER lunch nang marating ni Jenny ang Baguio City.
Isang magandang cabin ang nirentahan niya para sa plano niyang dalawang linggo na pananatili roon. Pero katulad narin ng sinabi ng nanay niyang si Rowena, walang problema kung gusto niyang I-extend iyon. Doon ay simpleng ngiti ang pumunit sa mga labi ni Jenny.
"Salamat po," ang dalaga sa may edad ng babae na nag-abot sa kaniya ng susi ng cabin.
"Kung may kailangan ka puntahan mo lang ako doon sa bahay ko," anito sabay itinuro ang isang bahay na hindi malayo sa kinaroroonan ng cabin na nirentahan niya.
Tumango ang ginang habang mataman na nakatitig sa kaniyang mukha kaya lalong lumuwang ang pagkakangiti ni Jenny. "Sige po," iyon ang muli ay tipid niyang sagot.
"Pasensya ka na anak, napakaganda mo kasi kaya hindi ko mapigilan ang sarili ko na titigan ka. Pero alam mo, parang pamilyar ang mukha mo, hindi ko sigurado kung saan pero tiyak ako na nakita na kita." anito sa tono na halatang siguradong-sigurado sa sinasabi.
Nagkibit lang ng balikat niya si Jenny sa sinabing iyon ng ginang na sa tingin niya ay matanda lang ng ilang taon sa kaniyang ina. Dahil sa kaisipan na iyon ay bigla tuloy siyang nangulila kay Rowena.
"Ganoon ho ba? Sige po, magpapahinga na muna ako," minabuti niyang sabihin na iyon sa magalang na paraan dahil ang totoo bigla siyang nakaramdam ng pagkahapo. Kung dahil ba iyon sa mahabang oras na pagda-drive o sa dahilan kung bakit niya minabuting umakyat ng Baguio, hindi niya tiyak.
"Sige, oo nga pala free ang first meal mo dito. Ihahatid nalang sayo ni Malou," ang ginang. "bago ko nga pala makalimutan, tawagin mo nalang akong Mama Loida," pagpapakilala pa nito saka iniabot ang kamay sa kaniya.
"Jenny po," sagot naman ng dalaga.
*****
AGAD na iginala ni Jenny ang paningin niya sa loob ng cabin nang makapasok.
Maaliwalas at maganda pero simple.
Well nakita na niya iyon sa picture nang I-book niya sa isang booking app. Pero iba parin talaga ang pakiramdam kapag nandoon ka na. Mas ramdam niya ang magandang ambiance ng lugar kaya naman may palagay siya na hindi magiging mahirap sa kaniya ang mag-move on kung nasa ganitong lugar siya.
Isa lang iyong maliit na cabin na kung tutuusin ay perfect for couple.
May maliit na sala at kusina. Kumpleto sa kailangang kasangkapan at furnitures.
Pumasok siya at saka itinulak pasara ang pinto. Sa kwarto siya nagtuloy. Agad na bumati sa kaniya ang magandang four poster bed na katamtaman lang ang size. Sa may bintana ay may coffee table set. Habang malapit naman sa banyo ang isang built in closet.
Umidlip lang sandali si Jenny saka na niya sinimulan ang pag-aayos ng mga damit niya sa loob ng closet. Pagkatapos noon ay pumasok na siya ng banyo para maligo.
Saktong kalalabas lang niya ng banyo nang makarinig ng magkakasunod na katok sa pinto. Noon niya sinulyapan ang relo na nakasabit sa dingding ng kwarto. Masyado pang maaga para sa oras ng hapunan dahil pasado alas singko pa lang kaya inisip niya na hindi iyon ang free meal na sinasabi sa kaniya ni Aling Loida.
"Ano po iyon?" ang agad niyang tanong nang mapagbuksan ang kumakatok.
Bumati kay Jenny ang isang babaeng sa tingin niya ay mas bata lang ng ilang taon kay Aling Loida. May dala itong isang tray. Nasa tray ang isang tasa ng mainit na kape.
"Magandang hapon, ako si Malou, pinabibigay ito sa iyo ni Maam Loida," ang babaeng matamis na nakangiti sa kanya.
"Wow thank you po," aniya saka tinanggap ang tray.
Tumango muna si Malou bago muling nagsalita. "Mamaya ihahatid ko ang hapunan mo. Totoo nga ang sinabi ni Maam Loida, napakaganda mo at magalang, kaya siguro nagustuhan ka niya kaagad," anito pa sa humahangang tono.
Mabilis na nag-init ang magkabilang pisngi ni Jenny sa papuring iyon sa kaniya ng kaharap. "Salamat po," ang tanging naisipan niyang isagot.
Ngumiti lang ito saka na siya iniwan.
Muli ay naiwang mag-isa si Jenny. Pumasok siya sa loob at naupo na love seat na yari sa narra saka inilapag sa center table ang tray.
Tahimik niyang sinimsim ang kape na ibinigay sa kaniya ni Aling Malou saka napangiti nang malasahan ang sarap niyon.
Noong kolehiyo siya ay kumuha siya ng kursong Hotel and Restaurant Management. Pero nang maka-graduate at magkaroon ng sapat na pera na pantustos ay nag-aral rin siya ng unit para sa cooking at baking kaya siya nagkaroon ng titulo bilang isang ganap na chef. Para iyon sa bakery na ginamit na pantuguyod sa kaniya ng kaniyang ina na si Rowena.
Sa paglipas ng panahon ay magkatulong nilang napalago ng nanay niya ang noon ay maliit lamang nila na bakery. At pangarap niyang makapagpatayo ng branches niyon pagdating ng panahon.
Marami pang dahilan para ituloy niya ang buhay niya sa kabila ng lahat ng hindi magandang nangyari sa kanya dahil sa ginawa ni Ryan. Pero hindi mangyayari iyon kung hindi niya tutulungan ang sarili niya.
*****
"SA susunod na araw na ang birthday ko pero bakit hindi ka parin umuuwi dito? Anong plano mo? Hindi mo ako sasamahan?" mataas ang boses na sermon ng nanay ni Jason sa kaniya na nasa kabilang linya.
Napangiti si Jason sa sinabing iyon ng kaniyang nanay. "Syempre pupuntahan ko kayo nay. May tinatapos lang akong trabaho kaya hindi pa ako nakakauwi," paliwanag niya saka dinampot ang mug ng kaniyang kape.
Agad na umiling ang binata nang mapag-alaman na malamig na ang kape niya na laman niyon. Mula sa pagkakaupo sa harapan ng kaniyang working table ay tumayo ang binata at lumabas ng kaniyang silid para magtimpla ng bago.
"Kung ganoon pala bakit hindi ka tumatawag? Kung hindi pa ako ang kokontak sa iyo hindi ko malalaman ang plano mo," hindi parin nagbabago ang tono ng pananalita ng nanay niyang si Loida kaya naman sa pagkakataong ito ay hindi na napigilan ni Jayson ang tuluyanang matawa ng mahina.
"Nay, sorry, busy lang talaga ako. Alam mo naman hindi madali ang magpatakbo ng negosyo," pag-amin niya sa tono na naglalambing at alam niyang makapagpapawala sa inis na nararamdaman sa kaniya ng kaniyang ina.
Kaklase at isa sa mga naging kaibigan niya noong kolehiyo pa siya si Paul. Hindi naman sila talagang malapit ni Paul noon dahil ang talagang naging best friend niya ay si Daniel.
Pero dahil nga sa naging karibal niya ito kay Ara ay mas pinili niyang lagyan ng space ang pagitan nila ni Daniel, kaya nagkaroon siya ng pagkakataon na makilala si Paul.
Sa simula ay pareho silang naging empleyado ni Paul sa engineering firm na iyon ng tiyuhin nitong si Robert. Pero dahil sa mahusay na pagtatrabaho nilang dalawa ay naisipan ng tiyuhin ng kaibigan niya na ibenta sa kanilang dalawa ang kalahati parte ng firm na pinaghatian naman nila ni Paul.
At dahil nga mayroon naman silang sapat na ipon ay pareho nilang hindi pinalampas ang pagkakataon na iyon. Hanggang nang sa huli ay nagkasakit si Uncle Robert. Noon minabuti ng pamilya nito na dalhin sa ibang bansa ang lalaki upang doon ipagamot. At dahil wala naman sa dalawang anak nitong parehong babae ang kumuha ng engineering bukod pa sa katotohanan na walang interes sa negosyo ang mga ito ay muling ibinenta sa kanila ni Paul ang natitirang parte ng firm.
"Oh eh pareho naman kayo niyang kaibigan mo. Eh ano nga kung yumaman kayo ng husto pero wala naman kayong mga pamilya? Para saan ba ang pinaghihirapan ninyo?" nang marinig ang sinabing iyon ng nanay niya ay mabilis na parang nagising si Jason mula sa malalim niyang pag-iisip.
"Nay, may girlfriend si Paul, ako wala," aniyang tumawa ng mahina saka sinalinan ng bagong brewed na kape ang kaniyang tasa.
"Sus! Ang maganda pa umuwi ka na dito! Para saan pa at naging boss ka kung sa mga simpleng bagay lang na ganito hindi mo ako mapagbigyan!" sa tono ng pananalita ng nanay niya alam niyang hindi na siya makakatanggi pa.
"Sige nay, sasabihan ko si Paul," aniyang nakangiting binalikan ang tinatapos na trabaho.
"Kung gusto mo siyang isama, isama mo na. Malaki naman itong bahay, o kung gusto niya pwede kong ibigay sa kaniya iyong isang bakanteng cabin ng libre," sa sinabing iyon ng kaniyang nanay ay naramdaman ni Jayson na marahil nga labis na pangungulila na ang nararamdaman nito para sa kanya.
Hindi kasi siya madalas makauwi ng Baguio.
Taga rito talaga sila sa Maynila at ang bahay na tinutuluyan niya ngayon ay ang old house na minana pa ng tatay niya sa mga magulang nito na istilong bahay pa ng mga Kastila. Naalagaan lang iyon kaya hindi tuluyanang nasira at hanggang ngayon ay iyon ang ginagawa niya.
"Mukhang maganda ang takbo ng business ninyo ah," aniya sa kaniyang ina.
"Oo, isang cabin nalang ang bakante. Hay naku anak, sana makilala mo iyong dalaga nating guest ngayon dito, napakaganda at talagang bagay na bagay kayo!" nasa tono ng pananalita ng nanay niya ang sinabi nito.
Iyon ang ikalawang beses na narinig niyang nagsalita ng ganoon si Loida kaya naman hindi napigilan ni Jayson ang ma-amuse. Ang unang beses ay noong nasa kolehiyo palang siya, nang ipakita niya rito ang picture ng babaeng idini-date niya, si Jenny.
Mapait na ngumiti si Jason dahil sa alaala habang ang masarap na haplos niyon sa kaniyang damdamin, katulad ng dati ay parang permenente na.
"Sige nay kung talagang excited na kayong makasama ako mamayang hapon aakyat na ako ng Baguio," totoo naman iyon pero bukod pa roon ay may isa pa siyang dahilan kung bakit bigla niyang nagawang magpasya ng ganoon kabilis. At kung ano iyon, hindi rin niya matukoy.