Juliet
"Nais ko sanang maging abay sa kasal niyo kung mamarapatin ninyo, Fernan at Juliet." Sabi ni Rosario na kasabay naming maglakad ngayon.
Actually, sabay-sabay kaming apat maglakad dahil maluwag naman ang kalsada at para sa mga tao lang talaga. Malamang kung sa present namin 'to ginawa eh nasagasaan na kaming apat ng rumaragasang sasakyan dahil sakop namin halos buong kalsada.
"Naku, Señorita! Kung gayon ay hindi mo maaaring maging kapares si Heneral Niño bilang abay dahil baka hindi kayo magkatuluyan." Singit nung tagapagsilbi nitong ni Rosario na kanina pa rin nakikiusyoso.
Kung si Rosario kanina pa bini-bring-up 'yung kasal namin ni Fernan, kanina pa rin nagpaparinig 'tong tagapagsilbi niya tungkol kay Niño at Rosario at itong si Niño naman, pangiti-ngiti lang.
Ano, nag-e-enjoy siya? Nag-e-enjoy siya? Tuwang-tuwa pang pinapartner siya lagi kay Rosario. Pwe!
Kanina pa kami naglalakad-lakad at ewan ko ba kung anong balak nitong Rosario na 'to sa buhay niya dahil puro daldal lang naman ginawa niya mula kanina at ni wala pa kaming nagagawa rito sa plaza kundi maglakad.
"Ano ka ba naman, Rosing! Wala naman kaming kahit anong relasyon ni Niño kundi bilang magkababata lang." Pabebe na sabi ni Rosario habang kinikilig na pinaglalaruan 'yung panyong hawak niya.
"Oo nga pala, hindi ba't si Ginoong Caden ang iyong unang pag-ibig, Rosario?" Biglang tanong ni Fernan pero halata sa mukha niyang nang-aasar siya.
OMG. Caden as in Caden Cordova? Caden Cordova na kuya ko??
"Ano ka ba naman, Fernan! Ngayon mo pa sinabi 'yan sa tapat ni Binibining Juliet." Nahihiyang sabi ni Rosario at nagtakip ng bibig gamit ang pamaypay niya. Ayan, siguro naman titigil na siya sa pagku-kuwento ng kabataan nila.
Kanina pa kasi nga siya daldal nang daldal tungkol sa mga childhood memories nila palibhasa alam niyang hindi ako makakarelate at ma-O-OP ako kasi nga magkakababata sila.
Puro pa siya "baka hindi mo alam Juliet noong araw... blahblahblah...", "ay, naku! Kung alam mo lang Juliet noon... blahblahblah..." at kung anu-ano pa na halatang pinapamukha niya talaga sa akin na hindi ako kasama sa mga memories nilang 'yon.
Or ewan ko... siguro mabait naman talaga si Rosario pero ako lang 'tong malisyosong palakang nag-iisip ng masama kasi naiinggit ako at hindi nga ako makarelate. Magkababata kasi sila, kilalang-kilala nila ang isa't isa at madami silang pinagsamahan samantalang ako, sa panahong 'to... isa lang akong dalagang nagmula sa Inglatera at walang alam na kahit ano sa bayang 'to o sa mga mamamayan nito.
"Ikaw ba Heneral Niño, sino ang iyong unang pag-ibig?" Biglang singit na naman ng tagapagsilbi ni Rosario na si Rosing.
Nang marinig ni Niño 'yung tanong, nagulat ako nang automatic na lumingon ang ulo niya sa akin at ngumiti.
"Isa siyang napakagandang dalaga na hindi magkamayaw ang mga kalalakihan masilayan lang ang kaniyang natatanging ganda."
"Hmm... mukhang kilala ko ang tinutukoy mo ah, Heneral..." Pang-aasar ni Rosing at pasimpleng siniko-siko si Rosario.
"Talaga ba?" Tanong ni Niño at inalis na ang tingin sa akin, ibinaling niya ang paningin kay Rosing at halatang kinilig pa si Rosing nang magtama ang mga tingin nila ni Niño.
Jusko, sino ba naman kasing hindi kikiligin eh grabe rin 'tong kagwapuhan ni Niño.
"Oo naman, Heneral! Kasama natin siya ngayon, hindi ba?" Tanong ni Rosing na may pang-aasar pa rin ang tono.
"Oo, tama ka." Simpleng sagot ni Niño at inayos ang puti niyang sumbrerong pang-heneral na lagi niyang suot at tumalikod na sa amin.
"Nakilala ko siya pagitan ng Maynila at San Sebastian... at sa punto ring iyon nagsimulang tumibok ang aking puso para sa kaniya." Saad ni Niño at nagsimula nang maglakad palayo.
"Pagitan ng Maynila at San Sebastian? Saan ang pagitan ng Maynila at San Sebastian? Sa pagitan ba ng Maynila at San Sebastian kayo unang nagkakilala, Señorita?" Lingon ni Rosing kay Rosario at dahan-dahan namang umiling si Rosario bilang tugon.
"T-Teka, Niño! Saan ka pupunta? At... sigurado ka bang doon kayo unang nagkita?" Tanong ni Rosario sa malayo nang likod ni Niño.
"May kailangan akong gawin at oo! Siguradong-sigurado!" Sagot ni Niño nang hindi lumilingon.
Naiwan naman kaming apat na nakatitig lang sa palayong likod ni Niño hanggang sa hindi na namin 'yun makita.
"May nakilala bang ibang dalaga si Niño habang nasa Cabanatuan kayo?" Tanong ni Rosario kay Fernan.
"Wala. Nang magpunta kami sa Cabanatuan ay may laman na ang puso niya at hindi siya tumigil sa pag k-kuwento tungkol sa dalagang 'yon tuwing bago kami matulog." Kuwento ni Fernan at tumingin sa akin. Nginitian niya ako slight at ewan ko ba pero kinilig ako sa kwinento niya. Hindi naman sa pagiging feeler pero siyempre, malay niyo... ako 'yun hihi! Char!
"Pero sinabi niya'y kasama natin ngayon..." Sabi ni Rosing at dahan-dahang napalingon sa akin kaya nanlaki ang mga mata ko.
OMG! Should I plead guilty?
Napatingin din si Rosario sa akin at napapaypay gamit 'yung pamaypay niya, mukhang nastress siya bigla.
"H-Hindi naman ikaw ang tinutukoy niya, hindi ba? Atsaka i--ikakasal ka na kay Fernan." Nauutal na tanong ni Rosario habang nagpapaypay. Ngitian ko lang siya atsaka nagkibit-balikat.
"May gagawin na ako kaya mauna na rin ako." Paalam ko at sumunod naman sa akin si Fernan at sabay kaming naglakad palayo kanila Rosario.
"Mukhang panatag na ang loob mo sa nararamdaman ni Niño para sa'yo." Sabi ni Fernan habang naglalakad kami pauwi.
"Hindi naman sa panatag pero siguro napagod na rin akong masyadong mag-alala kaya hindi ko na rin masyasong iniintindi. Kung magbago man, edi nagbago. Kung hindi, edi... mas maganda." Sagot ko pero siyempre deep inside winiwish ko na sana totoo lahat ng mga salitang lumalabas mula sa bibig ni Niño at sana hindi 'yun magbago.
"Oo nga pala!" Sabi ko at humarap sa kaniya habang naglalakad pa rin.
"Ikaw, sino ang unang pag-ibig mo?" Tanong ko na mukhang sobrang ikinabigla niya na napatigil pa siya sa paglalakad.
"H-Hindi mo na kailangang malaman..." Sagot niya at naglakad na ulit.
"Weh? Dali na!" Kulit ko sa kaniya at natawa siya dahil sa pagsundut-sundot ko sa braso niya.
"Basta iba siya sa mga kababaihang nandito atsaka... nauna akong magkaroon ng unang pag-ibig kaysa kay Niño." Sagot niya kaya napatangu-tango nalang ako.
Kukulitin ko pa sana siyang mag-name drop kaya lang naisip ko wala rin naman ako masyadong kakilala sa bayan na 'to kaya malamang hindi ko rin kilala kaya hinayaan ko na siya.
Pagkarating namin sa hacienda Cordova, parang mga kidnapper ay tinangay kami ng tatay at nanay ko sa karwahe namin.
"Saan po ba tayo pupunta? At bakit kailangan kasama pa natin si Fernan?" Tanong ko at nagtinginan kami ni Fernan dahil pareho kaming nawiwirduhan sa nangyayari.
"Sa hacienda Enriquez. Pag-uusapan na natin kasama si Don Luis ang kasal niyong dalawa kaya kailangan ay nandoon din si Fernan. Sakto pa at naroon daw ngayon si Ernesto na siya ring magiging pari sa kasal niyo." Sagot ni Ama at parang biglang nagunaw ang mundo namin pareho ni Fernan.