webnovel

Out of Her Mind

Prologue. Out of Her Mind

"HINDI namin alam kung ano ang nangyari sa kanya. Dinala lang siya rito ng dalawang tao na nagpakilalang kapitbahay niya. Ang sabi nila'y mas ligtas siya rito. Natatakot sila na baka lumala siya at magpakatiwakal na lang," anang lalaking nurse sa doktor habang tinitingnan ang babaeng kasalukuyang nahihimbing.

     "Ano raw ang dahilan kung bakit nawalan siya sa katinuan?"

     Binasa ng nurse ang hinahawakang bio na sinagutan ng isa sa mga naghatid sa babae. "Iniwan niya ang kanyang pamilya sa probinsya dahil hindi na kinayanan ang kahihiyang dinudulot ng mga ito sa kanya. Hindi raw nila alam kung ano'ng nangyari dahil hindi naman niya kinuwento ang buong nakaraan sa mga taong naghatid sa kanya. Siguro ay dahil na rin sa masaklap ang naranasan niya sa poder ng kanyang pamilya. Hindi rin daw siya naging palakaibigan at laging nakakulong sa bahay." A pause. "May kasintahan siya pero hindi na raw nila nakikita ang lalaki na pumupunta sa kanya. Do'n na nila napansin ang iba't ibang senyales na nag-iba na ang mga kilos niya."

     "Paanong iba?" the doctor probed in his hoarse voice.

     "Lagi raw nilang nahuhuling tulala sa hardin ng bahay niya. Naniniwala silang maaaring nagkaroon siya ng 'Mental Breakdown', kaya bago pa raw siya lumala ay nagpasya na silang dalhin siya rito," sabi pa nito.

     "May iba ba siyang kasama sa bahay na tinutuluyan niya?"

     Umiling ang nurse. "Ang sabi po ng mga naghatid sa kanya, mag-isa lang siya sa bahay niya. Wala rin silang nakikitang ibang taong dumadalaw sa kanya bukod sa kasintahang hindi na nga nila nakikita ilang linggo na ang nakalipas."

     Tumango-tango siya at tinapos ang pagsusulat sa chart.

     "Alam mo ba ang sinasabi ng mga naghatid sa pasyente kung ano ang nangyari sa kanya, doc?" tanong ng nurse ng akmang lalabas na ang doktor.

     Tinitigan lang ng huli ang babaeng nahihimbing. Hindi niya maatim na may dinaranas ito. Napabuntong hininga siya at hindi inalis ang pagkakatingin sa maamong mukha ng babae. "Ano?"

     "Nabaliw sa pag-iisa."

Next chapter