IKAKASAL na ang kakambal ni Daisy na si Lily. Inianunsiyo ng kapatid niya at ng fiancé nito na si Michael ang tungkol doon kanina nang maghapunan ang dalawa sa mansiyon ng mga Alcantara. Inaasahan na niya at ng kanilang papa ang tungkol doon. At sa totoo lang, masaya naman siya para sa kakambal. Pagkatapos ng lahat ng masasamang ginawa ni Daisy kina Michael at Lily noon, kahit paano ay nabawasan ang guilt sa kanyang puso na malamang masaya ang dalawa.
And yes, Daisy was a bitch. Kumbaga sa pelikula, sa kuwento ng pag-ibig ng kanyang kakambal, siya ang naging kontrabida. Bukod doon, marami pa siyang ginawang hindi maganda. Marami siyang taong nasaktan. Maraming tinapakan, pinaglaruan, at minaliit. She was selfish and self-centered. Palibhasa, taglay niya ang perpektong katawan at kagandahan. Isa pa, siya ay isa sa mga tagapagmana ng isang malaking television network.
Naniniwala si Daisy noon na nasa kanya na ang lahat. At least, maliban sa pagmamahal ng kanyang mga magulang. Noong naghiwalay ang mga magulang at umalis ang kanyang ina, sa halip na siya ay si Lily ang dinala nito. Kaya mula noong bata pa ay naniniwala si Daisy na hindi siya minahal ng kanyang ina. Ibinuhos niya ang lahat ng pagmamahal sa kanyang ama dahil ito na lang ang nag-iisa niyang magulang.
Subalit noong high school si Daisy, biglang sumulpot sa kanilang bahay ang papa niya kasama ang isang babaeng kamukhang-kamukha niya. Noon lang niya nalaman na may kakambal siya. Kinuha lang ito ng papa nila dahil namatay na ang kanilang ina.
Namatay ang ina ni Daisy na hindi man lang sila nagkita. At bigla, nalipat kay Lily ang lahat ang atensiyon at pagmamahal ng kanilang ama. Nakita niya si Lily bilang isang threat. At kahit sa tingin ng marami, nasa kanya na ang lahat ay nakaramdam siya ng matinding insecurity.
Kaya kahit alam na mali, ibinuhos ni Daisy sa ibang tao ang kanyang frustration at insecurity sa pamilya. Because looking down at people calmed her bruised ego. Kasama ang fiancé ni Lily na si Michael sa mga nagawan niya ng masama. At siyempre, si Lily mismo.
Subalit napakaraming nangyari nitong nakaraang taon. Nagkalabasan sila ni Lily at ng kanilang ama ng tunay nilang nararamdaman. Nalaman ni Daisy ang katotohanan. Na mahal din pala siya ng kanyang mga magulang. Humingi na rin siya ng tawad sa kakambal sa mga nagawang kamalian. And Lily, the kind twin sister, forgave Daisy.
Subalit alam ni Daisy na hindi roon nagtatapos ang lahat. Kanina nang makita niya kung gaano kasaya si Lily, may naramdaman siyang inggit. Hindi na iyon tulad ng dati dahil wala nang bahid ng pagrerebelde at galit. It was simple envy. Inggit sa kaligayahang tinatamasa ng kanyang kapatid na nakuha nito sa sariling pagsisikap. Inggit na nakabuo si Lily ng sariling pangalan nang magtayo ng sariling negosyo. At may nakilalang lalaki na minamahal ito nang buong puso. Naiinggit si Daisy dahil hindi niya kayang ipagkatiwala ang sarili nang ganoon sa isang tao.
Naisip ni Daisy kanina na gusto rin niyang maging ganoon kasaya. Gusto rin niyang may mapatunayan sa buhay. Ayaw na niyang maging maganda at perpektong babae lamang. Ayaw na niyang mahusgahan sa panlabas lang na anyo. Hindi na siya bumabata. It was time for her to grow up.
Pero paano? Saan ako magsisimula?
Iyon ang kanina pa iniisip ni Daisy. At dahil bigla na naman siyang parang nasasakal sa loob ng bahay nila, naisipan niyang lumabas. Pumasok siya sa unang club na nadaanan. Pero dahil wala sa mood na makisalamuha sa iba, um-order lang siya ng maiinom at nagtungo sa pinakadulong mesa na pandalawahan, malayo sa dance floor.
Gusto ni Daisy na mapag-isa. Ni hindi niya inabalang tawagan ang mga kaibigan. Sa katunayan, matagal na siyang hindi nagpapakita sa mga iyon. Matagal na nga rin siyang hindi pumapasok sa mga club. Katulad din niya ang mga kaibigan—selfish, conceited, and arrogant. Kung gusto niyang magbago, hindi ba dapat tumigil na siyang sumama sa mga ganoong tao? Alam naman niya na mababaw lamang ang pagkakaibigan nila.
Malalim pa rin ang iniisip ni Daisy nang mag-angat ng tingin dahil naramdaman niyang may lumapit sa kinaroroonang mesa. May limang babae na nakatayo sa harap niya.
"Daisy Alcantara. Himala, hindi mo kasama ang mga alipores mo," nakataas ang isang kilay na sabi ng isang babae na kung hindi siya nagkakamali ay si Ellen Aguilar, isang socialite. Hindi sila magkaibigan pero iisa lamang ang circle na kinabibilangan kaya kilala niya ito. Pero hindi niya gusto si Ellen. At alam niya na hindi rin siya nito gusto.
"Ano naman sa `yo kung may kasama ako o wala?" mataray na tanong ni Daisy.
May kumislap na galit sa mga mata ni Ellen at ng apat pang babae na kasama nito. Kilala lang ni Daisy sa mukha ang apat. Ibig sabihin, hindi kabilang sa upper class ang mga babaeng iyon.
"Ibig sabihin, walang magtatanggol sa iyo kahit gawin ko ito," sabi ni Ellen at bigla siyang sinampal.
Nagulat siya at agad na napahawak sa pisnging nasaktan. Nanlalaki ang mga matang tumayo siya at tiningnan nang matalim si Ellen. "Ano'ng problema mo?!" sigaw niya.
"Kulang pa `yan sa gusto naming gawin sa `yo noon pa. Akala mo ba nakakalimutan ko ang ginawa mong pang-aagaw sa boyfriend ko dati? Pagkatapos ay pinaglaruan mo lang siya? Bitch!" asik ni Ellen.
"At ito ay para sa pamamahiya mo sa amin noon," sabi ng isa pang babae at biglang hinablot ang inumin sa katabing mesa at inihagis sa kanya ang laman.
Napaawang ang mga labi ni Daisy at napatili.
"Hindi ibig sabihin na mayaman ka ay hindi ka na mababalikan ng mga ginawan mo ng atraso noon," mayabang na sabi ng isa pang babae.
Hindi nakahuma si Daisy. Alam niya na napunta na sa kanila ang atensiyon ng mga taong malapit sa kanila. Nag-init ang kanyang mukha sa pagkapahiya… at dahil sa galit. Tiningnan niya nang matalim ang limang babae. Alam ni Daisy na hindi niya kayang harapin ang mga ito nang hindi siya masasaktan pero nang mga sandaling iyon ay wala na siyang pakialam.
"How dare you!" sigaw ni Daisy at umigkas ang kamay. Sinampal niya si Ellen at itinulak ang mga kasama nitong naabot niya. "Hindi ko kasalanan kung loser kayong lahat. At ikaw, iniwan ka ng boyfriend mo dahil mas maganda at mayaman ako kaysa sa `yo. Ang kapal ng mukha mong sampalin ako!" Sinabunutan niya si Ellen.
Tumili si Ellen at ilang saglit pa ay gumaganti na rin ito ng sabunot sa kanya. Pati ang apat na babae ay sumabunot at sumuntok sa kanya. Ilang saglit pa ay pinagtutulungan na siya ng limang babae. Natulak si Daisy at malakas siyang tumama sa mesa. Para ding matatanggal ang kanyang anit sa tindi ng sabunot sa kanya ng mga babae. Napaigik siya sa sakit pero hindi na pinansin iyon. Hindi siya magpapatalo sa mga babaeng ito.
May mga natauhan na sa paligid at sinimulang hatakin ang mga babae palayo kay Daisy pero ayaw paawat ng mga ito. Siyempre ay hindi rin siya paaawat. Damang-dama niya na mas nakarami ang mga babae sa kanya. Kaya nang lumuwag ang kapit ng mga bruha sa buhok niya ay muling umigkas ang kanyang kamao. Hindi na niya alam kung sino ang nasuntok.
Bago pa makaganti ng suntok at sipa ang kahit sino sa limang babae, naramdaman na ni Daisy ang malakas na brasong pumaikot sa kanyang baywang; pagkatapos ay hinigit siya palayo sa mga babaeng kaaway. Lumapat ang kanyang likod sa malapad na katawan ng isang lalaki.
"Calm down," bulong ng lalaki sa kanyang tainga.
Napahinto si Daisy sa pagkilos at napasinghap. Mahina ngunit puno ng awtoridad ang pagsasalita ng lalaki. Baritono ang boses nito at humahaplos sa kanyang mukha at leeg ang hininga—amoy-brandy at mint. Biglang tumalas ang kanyang pang-amoy. Nahagip niya pati ang amoy ng aftershave at pabango ng lalaking nakapalibot pa rin ang braso sa kanyang baywang. Amoy-sandalwood. Unti-unti siyang nakalma.
"Good girl," muling bulong ng lalaki.
Tila may kuryenteng gumapang sa buong katawan ni Daisy. Tuluyan nang nawala ang atensiyon niya sa mga babaeng pumapalag pa rin habang pigil ng ibang tao at minumura pa rin siya.
"Let me get you out of here." Lumuwag ang hawak ng lalaki sa kanyang baywang.
Bago pa magawang lumingon ni Daisy upang makita ang mukha ng lalaki ay ginagap na nito ang kanyang kamay at hinatak siya palayo sa bahaging iyon ng club. Ang nakita na lang tuloy niya ay ang malapad na likod ng matangkad na lalaking nagligtas sa kanya.